“Ipinagdiriwang Mo ba ang Araw ng mga Lola?”
“Ipinagdiriwang Mo ba ang Araw ng mga Lola?”
ISANG umaga ng taglamig iyon. Nag-aabang ng tren si Natalia, 16-anyos na kabataang babaing taga-Poland, nang dalawang peryodista sa lokal na pahayagan ang lumapit sa kaniya at nagtanong, “Ipinagdiriwang mo ba ang Araw ng mga Lola?”
Sa Poland, espesyal na mga araw ang Araw ng mga Lola, Araw ng mga Lolo, Araw ng mga Ina, Araw ng Kababaihan, at Araw ng mga Guro. Karaniwan nang ipinagdiriwang ng mga bata ang Araw ng mga Lola at Araw ng mga Lolo sa pamamagitan ng paggawa ng mga kard, samantalang ang mas malalaki nang bata ay nagbibigay naman ng mga regalo o bulaklak sa kanilang lolo’t lola.
Hindi agad nakasagot si Natalia nang tanungin siya. Pero pagkatapos manalangin nang tahimik, sinabi niya sa mga peryodista, “Isa po akong Saksi ni Jehova, at hindi ako nagdiriwang ng Araw ng mga Lola.” Parang nagulat ang mga peryodista. Ngumiti naman si Natalia at saka sinabi: “Kasama ko po sa bahay ang aking lola, kaya puwede ko siyang dalhan ng bulaklak, kausapin, at pasalamatan sa kaniyang kabaitan araw-araw. Bakit ko siya pararangalan nang minsan lamang sa isang taon?”
Napahanga ang mga peryodista sa sagot niyang ito na pinag-isipang mabuti, at malamang na ganiyan din ang magiging reaksiyon mo. Kinabukasan, inilathala ng pahayagang pang-umaga ang sinabi ni Natalia at ang kaniyang larawan.
Dahil sa halimbawang ito, naitanong mo na rin ba sa iyong sarili kung handa kang ipaliwanag ang iyong mga paniniwala at paggawi, lalo na kapag tinanong ka nang hindi mo inaasahan? Sinisikap ng tunay na mga mananamba ng Diyos na parangalan Siya sa pamamagitan ng pagiging handang ipaliwanag ang kanilang paniniwala at kusang-loob na paggawa nito hangga’t maaari.—1 Pedro 3:15.