Isinapuso Niya ang Kaniyang Natutuhan
Isinapuso Niya ang Kaniyang Natutuhan
KAMAKAILAN lamang, natagpuan ang isang liham na isinulat ng isang babae bago siya mamatay sa kanser noong Mayo 2004. Hindi niya natapos ang liham, maliwanag na dahil biglang lumubha ang kaniyang kalagayan. Pero napaluha ang mga nakabasa ng liham na iyon na hindi na naihulog sa koreo, at napatibay ang kanilang pananampalataya sa Diyos.
Sa liham, sinabi ng sumulat nito, si Susan, na tin-edyer pa siya noon nang una niyang tawagan sa telepono ang isang Kristiyanong elder ng mga Saksi ni Jehova sa Connecticut, E.U.A. Ipinaliwanag niya ang kaniyang kalagayan sa mga panahong iyon na siya ay tin-edyer. Nitong mga huling buwan ng nakaraang taon nakarating sa ina ni Susan ang nakaaantig na liham na iyon at nagpadala siya ng isang kopya nito sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York.
Isinulat ni Susan na nakita niya sa direktoryo ang numero ng telepono ng elder sa Connecticut noong 1973. “Iyon ang taon, sa edad na 14,” ang paliwanag niya, “nang matanto kong ito na nga ang katotohanan matapos kong mabasa ang mga kopya ng Ang Bantayan at Gumising! Yamang wala pa akong nakikilalang Saksi ni Jehova, hinanap ko sila sa direktoryo at pinili ko ang numero na kapareho ng unang mga numero namin. Nang sumagot si Brother Genrich, nagulat siya nang malaman niyang wala pa akong nakikilalang Saksi.” *
Nakababagabag na Suliranin
Ipinaliwanag ni Susan sa kaniyang liham na noong sampung taóng gulang siya, pinatira siya sa kaniyang tiyahin sa Connecticut. Pansamantala lamang sana siya roon, pero pagkalipas ng ilang panahon ay sinabi ni Susan sa kaniyang ina na mag-isang nakatira sa Florida, na nais niyang manatili sa kaniyang tiyahin. Sa kaniyang liham, sinabi ni Susan na ang kaniyang kalagayan ay tulad ng “tinatawag na Stockholm syndrome, kung saan napapalapit ang isang tao sa mga umaapi sa kaniya.” * Minamaltrato siya nang husto.
“Sobra ang pang-aabuso sa akin ng aking tiyahin at ng kinakasama niya,” ang isinulat ni Susan. “Bukod dito, halos walang ibang taong nakapapasok sa bahay. Kapag pinapayagan akong pumasok sa paaralan, wala akong tanghalian o disenteng damit, bagaman nagpapadala ng malaki-laking sustento si Inay. Iisang pares lamang ang panloob kong damit, samantalang kumpleto ang pangangailangan ng aking dalawang pinsang babae, na mas bata sa akin nang ilang taon.” Ikinuwento niya ito para liwanagin kung bakit alam niyang mapapahamak siya kapag nalaman ng kaniyang tiyahin na interesado siyang matuto nang higit pa tungkol sa Bibliya.
Kung Paano Lumago ang Kaalaman ni Susan sa Bibliya
“Ipinakilala ako ni Brother Genrich kay Laura, isang may-gulang na Kristiyanong sister,” ang
isinulat ni Susan, “at gumugol siya ng napakaraming oras para sagutin ang maraming tanong ko tungkol sa Bibliya, at madalas kaming nagkikita sa komersiyal na labahan ng damit.” Ipinaliwanag ni Susan na hindi pa siya kailanman nakagagawa ng sarili niyang pasiya tungkol sa kahit anong bagay hanggang sa panahong iyon. Ngunit pagkatapos ng mga pag-uusap na iyon at pagbabasa ng literaturang salig sa Bibliya tulad ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, nakapagpasiya na siya.“Biyernes ng gabi noon,” ang patuloy ni Susan, “nang sabihin ko sa aking tiyahin na nakikipag-usap ako sa mga Saksi. Pinatayo niya ako nang buong magdamag sa gitna ng kusina. Pagkaraan nito, lalo akong naging determinadong maging Saksi.”
Mula noon, patuloy na binigyan ni Brother Genrich si Susan ng literatura para tulungan siyang maunawaan ang Bibliya. “Tandang-tanda ko ang 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses,” ang sulat ni Susan, “dahil ikinukuwento nito kung paano nagbata ng pag-uusig ang mga Saksi sa Alemanya sa ilalim ng Nazi, noong Digmaang Pandaigdig II at bago pa nito. . . . Noon ako nakiusap sa elder na irekord sa tape ang mga awiting pang-Kaharian upang matutuhan ko ang mga iyon. Sa loob lamang ng isang taon, kaya ko nang awitin nang sunud-sunod ang lahat ng 119 na awitin sa 1966 aklat-awitan, ‘Nag-aawitan at Sinasaliwan ang Inyong Sarili ng Musika sa Inyong mga Puso.’”
“Samantala, binibigyan din ako ni Brother Genrich ng tape ng mga pahayag at drama tungkol sa Bibliya, at mga programa sa asamblea. Iniiwan niya iyon sa Route 10 malapit sa isang poste ng telepono at doon ko iyon kinukuha. . . . Pinanghihinaan na ako ng loob dahil sa aking situwasyon yamang nagawa ko na ang pagsulong na magagawa ko nang hindi man lamang nakadadalo sa pulong kahit minsan. Kaya parang nauubos na ang lakas ko.”
Sinabi ni Susan na napakahirap ang sumunod na dalawang taon. Hindi na siya nakipag-ugnayan sa dadalawang Saksi na kilala niya. Pero sinabi niya na “nagmistulang ‘sumpa’ ang pagkatuto ko ng lahat ng awit.” Bakit? “Sapagkat naaalaala ko ang mga titik ng awitin, tulad ng ‘Kawal ni Jah ay laging nagsisikap.’ Alam kong isinulat ang mga salitang iyon ng isang Saksi habang nasa kampong piitan ng Alemanya noong Digmaang Pandaigdig II, at lalo lamang akong nalungkot. Naduwag ako at inisip kong sumuko na si Jehova sa akin.” *
Kalayaan sa Wakas
“Nagbago ang lahat noong ika-18 kaarawan ko. Maraming taon nang walang Saksing nagpupunta sa aming bahay dahil nasa talaan ito ng mga ‘huwag dalawin.’ Pero nang araw na iyon, may tagaibang kongregasyon na dumalaw sa bahay, at nakausap ko siya dahil ako lamang ang nasa bahay noon. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong natatandaan ko na naiwan akong mag-isa sa bahay nang Sabado. Itinuring kong katibayan ito na hindi pa sumusuko si Jehova sa akin. Kaya tinawagan ko si Brother Genrich, na dati kong tinatawagan, at sinabi ko sa kaniyang handa na akong umalis, at tinanong ko kung may mungkahi siya. Nang bandang huli, natulungan akong makaalis.”
Lumipat si Susan sa ibang lugar noong Abril 1977. Isinulat pa niya: “Nang sumunod na taon, nakadadalo na ako sa wakas sa lahat ng mga pulong at asamblea, at nagsimula akong makibahagi sa ministeryo. Nakipag-ugnayan akong muli sa aking ina. Noon lamang niya nalaman na labis akong minaltrato sa loob ng maraming taon at galit na galit siya. Tumulong siya kaagad at tiniyak niyang nasasapatan ang lahat ng aking pangangailangan. Ilang taon pa lamang ang nakalilipas mula nang lumipat si Inay sa Alaska. Yamang nagpakita siya ng masidhing interes sa mga katotohanan sa Bibliya, lumipat ako sa Alaska noong 1978 para makasama siya. Naging Saksi rin siya nang dakong huli at nananatiling tapat hanggang sa araw na ito.
“Nang magsimula na akong dumalo sa mga pulong, isinaayos ni Brother Genrich ang pagpunta ng isang grupo sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New
York, at inanyayahan niya akong sumama sa grupo. Iyon ang isa sa di-kumukupas na regalong natanggap ko, sapagkat mula noon ay napamahal na sa akin ang organisasyon ni Jehova. Iyan ang aking buong kuwento. Pinaikli ko ito dahil gusto kong matapos ito sa oras.”Ang binanggit sa itaas ay sinipi lamang mula sa isang liham na anim at kalahating pahina ang haba at walang espasyo sa pagitan ng mga linya. Sa dulo ng liham ni Susan, sinabi niya: “Sinumpong na naman ako ng sakit ko habang nasa ospital noong nakaraang buwan at inisip kong mamamatay na nga ako . . . Nanalangin ako kay Jehova na sana ay bumuti pa ang kalusugan ko nang kahit dalawang linggo lamang dahil may gusto pa akong ayusin. . . . Hindi ko inaasahang tatagal pa ang buhay ko, pero gusto kong sabihin na napakaligaya ng mga taóng ito na ako ay nasa katotohanan, ang pinakamainam na buhay na maaasahan ninuman.”
Walang pamitagang pangwakas ni lagda man ang liham, at hindi rin ito naihulog sa koreo. Hindi alam ng mga nakakita ng liham kung kanino ito ipadadala. Pero gaya ng nabanggit na, sa kalaunan ay ipinadala ang liham sa ina ni Susan.
Tungkol Pa kay Susan
Nang mabautismuhan si Susan noong Abril 14, 1979, bumalik ang kaniyang ina sa Florida. Nanatili si Susan sa Alaska, yamang napalapit na siya sa mga nasa Kongregasyon ng North Pole. Di-nagtagal ay nagsimula siya sa buong-panahong ministeryo bilang payunir. Lumipat siya sa Florida nang dakong huli at, noong 1991, nagpakasal siya sa isang Kristiyanong elder at kapuwa ministrong payunir, na namatay rin di-nagtagal pagkamatay ni Susan.
Si Susan at ang kaniyang asawa ay lubhang minahal at nakibahagi sa buong-panahong ministeryo hanggang sa hindi na ito ipahintulot ng kaniyang sakit. Sa kabuuan, mahigit 20 taon siyang nasa buong-panahong ministeryo. Ang pahayag sa kaniyang libing sa Florida ay sabay na napakinggan ng Kongregasyon ng North Pole.
Matutulungan tayo ng liham ni Susan na lalong pahalagahan ang espirituwal na mga pagpapalang tinatamasa ng mga naglilingkod kay Jehova at may napakagandang pag-asa na pagkabuhay-muli. (Gawa 24:15) Ipinakikita rin ng karanasang ito na ang Diyos ay malapit sa lahat ng lumalapit sa kaniya!—Santiago 4:7, 8.
[Mga talababa]
^ par. 4 Si Brother Genrich at ang kaniyang asawa ay namatay sa isang kalunus-lunos na aksidente noong 1993.
^ par. 6 Tingnan ang Gumising! ng Disyembre 22, 1999, pahina 7.
^ par. 13 Umawit ng mga Papuri kay Jehova, Awit 29, “Sulong, Kayong mga Saksi!”
[Blurb sa pahina 23]
“Napakaligaya ng mga taóng ito na ako ay nasa katotohanan, ang pinakamainam na buhay na maaasahan ninuman”
[Larawan sa pahina 21]
Noong sampung taóng gulang si Susan
[Larawan sa pahina 23]
Si Susan at ang kaniyang asawang si James Seymour