Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Isinilang ng Pinakapurong mga Magulang”

“Isinilang ng Pinakapurong mga Magulang”

“Isinilang ng Pinakapurong mga Magulang”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL

ANG asin ay sinasabing “isinilang ng pinakapurong mga magulang, ang araw at ang dagat.” Totoo naman iyan kung tungkol sa asin na nabubuo sa pamamagitan ng pagsingaw ng tubig-dagat dahil sa init ng araw.

Ang estado ng Brazil na Rio Grande do Norte, sa hilagang-silangang baybayin ng Brazil, ay tanyag dahil sa mga asinan nito. Dahil sa mainit na klima, kaunting ulan, at palaging tuyong hangin, tamang-tama ang lugar na ito para sa paggawa ng asin sa tulong ng init ng araw. Dito nanggagaling ang mga 95 porsiyento ng magaspang at pinong asin ng Brazil. Isa sa mga asinang ito ay nasa munisipalidad ng Areia Branca, isang maliit na baybaying lunsod.

Pamamasyal sa Asinan

Karaniwan nang malawak ang asinan na nakahantad sa init ng araw, gaya niyaong sa Areia Branca. Habang papalapit ang mga bisita sa Areia Branca sa kahabaan ng haywey, kadalasang gulat na gulat sila sa lawak nito. Sa umaga, tumatama ang araw sa tubig ng mga lawang pinasisingaw, na waring abot-tanaw ang lawak. Halos 90 porsiyento ng nababakurang lugar na ito ang ginagamit para sa ebaporasyon; at ang natitirang bahagi naman ay para sa pagbubuo-buo ng asin, na tinatawag na crystallization.

Nakalatag ang asin sa lahat ng dako, anupat maaaninag dito ang sikat ng araw. Kailangang magsuot ng sunglass habang namamasyal dito. Unang nabubuo ang asin kapag pinadadaloy ang tubig-dagat sa sunud-sunod na mabababaw na lawang pinaghihiwalay ng mga dike at mga halang na gawa sa kahoy. May 67 ganitong lawa. Pinasisingaw ng araw sa tropiko at ng hangin ang humigit-kumulang 650 litrong tubig bawat segundo! Pero umaabot ng 90 hanggang 100 araw ang buong proseso ng ebaporasyon.

Bagaman naiiwan ang sodium chloride dahil sa ebaporasyon, may natitira pa ring kaunting calcium carbonate, calcium sulfate, magnesium sulfate, at iba pang asin sa tubig-dagat. Humihiwalay ang mga asin na ito mula sa tubig-dagat sa iba’t ibang panahon, na namumuo at nagiging mga suson sa sahig ng mga lawang pinasisingaw.

Mula sa mga lawang ito, ang maalat na tubig ay pinadadaloy sa 20 lawang anihan kung saan nabubuo ang asin. Sa ilan sa mga lawang ito, sumingaw na ang halos lahat ng tubig-dagat, anupat nabubuo ang matigas na bloke ng asin. Isang pagkalaking-laking makinang pang-ani ng asin ang ginagamit upang tibagin ang asin at ikarga sa mga trak. Hinahakot ng trak ang asin at inilalagay sa isang kamalig, kung saan nililinis ang asin. Kapag wala nang tubig, ang asin ay hinuhugasan naman ng tubig-tabang.

Sa dakong huli, isinasakay ang asin sa lantsa-de-deskarga patungo sa islang daungan ng Areia Branca, na gawa ng tao at itinayo sa laot mga 12 kilometro mula sa baybayin. Parihaba ang isla​—mga 92 metro por 166 metro​—at nakapag-iimbak ng 100,000 tonelada ng asin. Inililipat ng conveyor belt ang asin sa isang terminal sa laot, kung saan ito ikinakarga sa mga barkong pangkaragatan at iniluluwas sa ibang bahagi ng Brazil.

Sangkap na Mahalaga at Maraming Gamit

Bagaman kaunting asin lamang ang kailangan ng ating katawan, mahalaga ito sa buhay at kalusugan ng tao at hayop. Baka iniisip natin na puting sangkap lamang ito na pampalasa sa pagkain. Pero marami pa itong gamit, tulad sa industriya ng kemikal, tela, at metalurhiya. Ginagamit din ang asin sa paggawa ng mga kemikal at sa mga proseso sa paggawa ng sabon, pakintab, at porselanang enamel. Sa ngayon, sinasabing may mahigit 14,000 kilalang paraan ng paggamit sa asin!

Halos hindi nauubos ang suplay ng asin. Sa isang kilometro kubiko pa lamang ng tubig-dagat, may mga 120 milyong tonelada ng sodium chloride​—pangkaraniwang asin! Pero hindi ito madaling makuha noon. Halimbawa, sa sinaunang Tsina, pumapangalawa ito sa halaga ng ginto. Maraming beses na binanggit sa Bibliya ang asin, at ang iba’t ibang gamit nito.

Kinukuskos ng asin kung minsan ang balat ng bagong panganak na sanggol, marahil dahil pinaniniwalaang nakagagamot o antiseptiko ito. (Ezekiel 16:4) Ginagamit din ng Bibliya ang asin sa makasagisag na diwa. Halimbawa, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay “asin ng lupa,” na tumutukoy sa nakapagliligtas na impluwensiya sa iba dahil sa nagbibigay-buhay na mensaheng dala nila. (Mateo 5:13) Naging sagisag din ng katatagan at pagiging permanente ang asin. Kaya ang “tipan ng asin” ay sinasabing isang kasunduang may bisa.​—Bilang 18:19.

Dahil sa pamamasyal sa asinan ng Areia Branca, lalo naming naunawaan kung gaano kahalaga at kapaki-pakinabang ang asin at kung bakit ito mahalaga sa kasaysayan. Oo, makapagpapasalamat tayo dahil sagana ang produktong ito​—na “isinilang ng pinakapurong mga magulang, ang araw at ang dagat.”

[Larawan sa pahina 16]

Ang makinang pang-ani na nasa lawa kung saan nabubuo ang asin

[Larawan sa pahina 16]

Asin bago gawing pino

[Larawan sa pahina 16, 17]

Lugar kung saan nililinis, hinuhugasan, at iniimbak ang asin