Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Napakahalaga Niya

Kung Bakit Napakahalaga Niya

Kung Bakit Napakahalaga Niya

SA LOOB ng 2,000 taon na ngayon, napakalaking atensiyon na ang ibinigay tungkol sa kapanganakan ni Jesus. Ayon sa doktor noong unang siglo na si Lucas, isang dalagang nagngangalang Maria ang sinabihan ng isang anghel: “Narito! ikaw ay maglilihi sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang pangalan nito.” Ano ang sinabi ng mensaherong anghel na ito tungkol kay Jesus? “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan,” ang sabi niya. “Siya [si Jesus] ay mamamahala bilang hari,” at “hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.”​—Lucas 1:31-33.

Talagang ito ang kailangan ng sangkatauhan​—isang matuwid na tagapamahala sa daigdig na kokontrol sa mga gawain sa lupa sa maibiging paraan! Oo, matagal pa bago isilang si Jesus, inihula na ng Bibliya: “Isang bata ang ipinanganak sa atin, isang anak na lalaki ang ibinigay sa atin, at ang pamamahala bilang prinsipe ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”​—Isaias 9:6, 7.

Isang matuwid na pamamahala at kapayapaan​—napakagandang pag-asa! Pero pansinin na ang pamamahalang ito ay inihulang iaatang sa balikat ng isang prinsipe​—ang “Prinsipe ng Kapayapaan”​—anupat isinisiwalat na ipinagkatiwala ng Hari sa lahat, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang gayong pamamahala sa Kaniyang Anak. Kaya naman paulit-ulit na tinawag ni Jesus na “kaharian ng Diyos” ang pamahalaang ito na siya mismo ang magiging Tagapamahala.​—Lucas 9:27, 60, 62.

Sa pagsisimula ng kaniyang ministeryo, sinabi ni Jesus: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:43) Tinuruan pa nga ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalanging dumating nawa ang Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:9, 10) Sinasabi sa babasahing Christianity and Crisis na “ang Kaharian ang pangunahing tema ng itinuro [ni Jesus],” at idinagdag pa: “Ito ang paksang laging nasa isip niya o ang pinakamahalaga sa kaniyang mensahe. Mahigit sandaang ulit na binanggit ito sa ulat ng Ebanghelyo.”

Mga Tanong na Tatalakayin

Ano ang iniisip mo tungkol kay Jesus sa ngayon? Sa panahong ito ng taon, karaniwan nang inilalarawan siya bilang isang sanggol sa sabsaban. At totoo naman na sa maikling panahon ay isa siyang walang kalaban-labang sanggol. (Lucas 2:15-20) Subalit sa ganito ba siya dapat pangunahing maalaala? Pag-isipan ito, Bakit isinilang si Jesus bilang tao? Sino ba siya talaga?

“Si Jesus ba ang Anak ng Diyos, ang ipinangakong Mesiyas sa Bibliyang Hebreo?” ang tanong ng Encarta Yearbook ng 1996. “O tao ba lamang siya, marahil isang pambihirang tao, pero tao pa rin?” Ang ganitong mga tanong ay dapat pag-isipang mabuti. Bakit? Dahil ang atin mismong buhay at kaligayahan ay nakadepende sa ating pangmalas kay Jesus at sa pagsunod sa kaniya. “Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan,” ang sabi ng Bibliya, ngunit “siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay.”​—Juan 3:36.

Hindi Ordinaryong Tao

Matapos ipaliwanag ang mga ginawa ni Jesus sa templo sa Jerusalem noong 12 taóng gulang ito, sinabi ng Bibliya na umuwi itong kasama ni Maria at ng asawa niyang si Jose, at ‘patuloy na nagpasakop si Jesus sa kanila.’ (Lucas 2:51, 52) Ngunit nang lumaki na si Jesus, naging maliwanag na hindi siya ordinaryong tao lamang.

Nang patahimikin ni Jesus ang mabagyong dagat, napabulalas ang nahintakutang kaibigan: “Sino nga bang talaga ito?” (Marcos 4:41) Nang maglaon, dinala si Jesus sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato dahil sa maling paratang. Palibhasa’y nakatitiyak na walang kasalanan si Jesus at napahanga sa dignidad ni Jesus sa harap ng malupit at di-makatarungang pagtrato, iniharap ni Pilato si Jesus sa mga tao, na sinasabi: “Narito! Ang tao!” Ngunit sinagot siya ng mga Judio: “May kautusan kami, at ayon sa kautusan ay dapat siyang mamatay, sapagkat ginawa niyang anak ng Diyos ang kaniyang sarili.”​—Juan 19:4-7.

Nang marinig na tinukoy si Jesus bilang “anak ng Diyos,” natakot si Pilato. May nakapagsabi kasi sa kaniya na nanaginip ang kaniyang asawa tungkol kay Jesus, na tinawag nitong ang “taong matuwid na iyan.” (Mateo 27:19) Kaya nag-isip si Pilato kung sino nga bang talaga si Jesus! Bagaman alam na niyang taga-Galilea si Jesus, nagtanong pa rin si Pilato: “Saan ka nagmula?” Nang hindi sumagot si Jesus, madaling natapos ang pag-uusap.​—Juan 19:9, 10.

Maliwanag na tao si Jesus, ngunit hindi siya katulad ng ibang tao dahil dati siyang espiritung persona, na nakilala sa langit bilang ang Salita. Pagkatapos ay makahimalang inilipat ng Diyos ang buhay ni Jesus sa sinapupunan ni Maria. “Ang Salita ay naging laman,” ang patunay ni apostol Juan, “at tumahan sa gitna natin.”​—Juan 1:1, 2, 14, 18; Apocalipsis 3:14.

Kung Bakit Kailangang Magmula sa Diyos

Bago pa man magkaanak ang unang taong si Adan, siya ay nahulog na sa kasalanan. Nagtagumpay ang isang rebelyosong anghel, na tinawag na Diyablo at Satanas, sa paghikayat sa kaniya na sumuway sa Diyos. Dahil dito, naiwala ni Adan ang kaniyang kaugnayan bilang anak ng Diyos, gaya ng sinabi ng Diyos na mangyayari kapag sumuway siya. Kaya pinagdusahan ni Adan ang naging bunga nito. Siya ay naging di-sakdal, tumanda, at namatay nang maglaon.​—Genesis 2:15-17; 3:17-19; Apocalipsis 12:9.

Bilang paglalarawan sa naging epekto sa ating lahat ng pagsuway ni Adan, nagpaliwanag ang Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Nakalulungkot sabihin, tayong lahat ay nagmana ng kasalanan sa ating ninunong si Adan, pati na ng masasaklap na epekto nito, ang pagtanda at kamatayan.​—Job 14:4; Roma 3:23.

Makalalaya lamang tayo sa mga epektong iyon kung magkakaroon tayo ng sakdal na ama, isa na hindi nagmana ng kasalanan at ng nakapangingilabot na mga bunga nito. Tingnan kung paano inilaan ang bagong amang iyan, na katumbas ng sakdal na si Adan.

Inilaan ang Isa na Kailangan

Ang ipinangakong “Prinsipe ng Kapayapaan,” gaya ng matatandaan mo, ay tinawag ding “Walang-hanggang Ama.” Ganito inihula ang pagsisilang sa kaniya bilang tao: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki.” (Isaias 7:14; Mateo 1:20-23, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Si Jesus ay walang amang tao, gaya rin ni Adan, ang unang tao. Sa pagtalunton sa angkan ni Jesus pabalik sa simula ng kasaysayan ng tao, ipinakita ng istoryador sa Bibliya na si Lucas na umiral si Adan bilang “anak ng Diyos.” (Lucas 3:38) Ngunit gaya ng napag-alaman natin, naiwala ni Adan ang kaugnayang iyan bilang anak ng Diyos​—para sa kaniyang sarili at para sa lahat ng kaniyang magiging anak. Kaya kailangan natin ng isang bagong ama, wika nga, na sakdal​—isa na katulad ni Adan nang lalangin siya.

Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak mula sa langit upang maging ang bagong Adan na iyon na papalit sa unang Adan. Sinasabi ng Bibliya: “‘Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.’ Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay. Ang unang tao ay mula sa lupa at gawa sa alabok; ang ikalawang tao ay mula sa langit.” (1 Corinto 15:45, 47) Si Jesus, “ang huling Adan,” ay katulad ng “unang taong si Adan” dahil isa Siyang sakdal na tao, na may kakayahang maging ama ng mga sakdal na anak, na maaaring mabuhay magpakailanman sa kasakdalan sa lupa.​—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.

Si Jesus, na walang sariling anak, ay nanatiling tapat sa Diyos hanggang sa kaniyang kamatayan sa kabila ng mga pagsalakay ni Satanas. Ang sakdal at tapat na buhay bilang tao na inihain, o ibinigay, ni Jesus ay tinatawag na pantubos. “Taglay natin ang paglaya [mula sa kasalanan at kamatayang minana kay Adan] sa pamamagitan ng pantubos dahil sa dugo [ni Jesus],” ang paliwanag ng Bibliya. Sinasabi rin nito: “Kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway [ni Adan] ay marami ang ibinilang na makasalanan, sa gayunding paraan sa pamamagitan ng pagkamasunurin [ni Jesus] ay marami ang ibibilang na matuwid.”​—Efeso 1:7; Roma 5:18, 19; Mateo 20:28.

Kung mananampalataya tayo kay Jesus, magiging “Walang-hanggang Ama” at “Tagapagligtas” natin siya. Mamamahala siya bilang prinsipe sa kahanga-hangang paraan habang naglilingkod siya bilang Tagapamahala sa Kaharian ng kaniyang Ama. Suriin naman natin ngayon kung ano ang magiging kalagayan ng buhay sa ilalim ng pamamahalang iyan at isaalang-alang natin kung kailan matutupad ang mga dakilang pagpapalang ito.​—Lucas 2:8-11.

[Mga larawan sa pahina 5]

Sa palagay mo, ano kaya si Jesus sa ngayon?

[Larawan sa pahina 6]

Bakit tinawag si Jesus na “huling Adan”?