Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Belize Barrier Reef—World Heritage na Lugar

Ang Belize Barrier Reef—World Heritage na Lugar

Ang Belize Barrier Reef​—World Heritage na Lugar

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

“Ang pagkasira o paglalaho ng anumang bagay na pamana ng kultura o kalikasan ay maituturing na malaking kabawasan sa pamana sa lahat ng bansa sa daigdig. . . . Pananagutan ng internasyonal na komunidad sa kabuuan na tumulong sa pagsasanggalang sa pamana ng kultura at kalikasan na napakahalaga para sa lahat ng tao sa daigdig.”​—Mula sa World Heritage Convention ng UNESCO.

KASUWATO ng mga pananalita sa itaas, ang Barrier-Reef Reserve System sa Belize ay itinala bilang World Heritage na lugar noong 1996. Kaya kinilala rin ito gaya ng Machu Picchu sa Peru, Grand Canyon sa Estados Unidos, at iba pang kamangha-manghang mga gawa sa daigdig. Bakit “napakahalaga para sa lahat ng tao sa daigdig” ang lugar na ito?

Pamanang Sulit Pangalagaan

Ang Belize Barrier Reef ang ikalawa sa pinakamalaking kimpal ng mga buháy na korales sa daigdig, kasunod ng Great Barrier Reef ng Australia, at ito ang pinakamahabang bahura sa Kanlurang Hemisperyo. Umaabot ito hanggang 300 kilometro sa kahabaan ng Yucatán Peninsula, kasali na ang kalakhang bahagi ng baybayin ng bansang Belize sa Sentral Amerika. Bukod sa bahura mismo​—sa katunayan, magkakarugtong na bahura​—kasali rin sa reserbasyon ang mga 450 maliliit na pulo at tatlong isla ng mga korales, hugis-singsing na mga bahurang nakapalibot sa napakagagandang lawa. Pitong katubigan sa reserbasyong ito, na may kabuuang 960 kilometro kuwadrado, ang pinangangalagaan sa pangangasiwa ng World Heritage Convention.

Mahalagang ingatan ang mga bahura ng korales sapagkat tahanan ito ng sangkapat ng mga halaman at hayop sa dagat. Sa katunayan, pumapangalawa sa maulang kagubatan sa tropiko ang ekosistema ng mga bahura ng korales pagdating sa pagkakasari-sari ng buhay. Gayunman, nagbababala ang mga siyentipiko na 70 porsiyento ng lahat ng korales sa planeta ang masisira sa loob ng susunod na 20 hanggang 40 taon malibang itigil ng mga tao ang pagpaparumi sa karagatan, walang-habas na turismo, at nakapipinsalang mga gawain, gaya ng paggamit ng cyanide sa pangingisda.

Pitumpung uri ng matitigas na korales, 36 na uri ng malalambot na korales, at 500 uri ng isda ang natuklasan sa Belize Barrier-Reef Reserve System. Tahanan ito ng nanganganib-malipol na mga hayop sa dagat, gaya ng mga pawikang loggerhead, green, hawksbill, pati na ng manatee at American crocodile. Hinggil sa kamangha-manghang pagkakasari-sari ng mga hayop-dagat sa lugar na ito, ganito ang sinabi ng mananaliksik na si Julianne Robinson na dalubhasa sa mga bahura ng korales: “Maraming iniaalok na pambihirang pagkakataon ang Belize Barrier Reef System para sa mga mananaliksik at mga panauhin. . . . Isa ito sa iilang natitirang lugar kung saan mapagmamasdan mo ang pinakanatural na ganda ng kalikasan, subalit nanganganib na ito.”

Marahil ang pinakamabigat na banta sa sistema ng mga bahura sa Belize ay ang pamumuti ng mga korales, kung saan ang makukulay na korales ay nagiging malinaw na puti. (Tingnan ang kahon sa pahina 26.) Iniuulat ng National Geographic News na kasabay ng Bagyong Mitch, naganap ang malawakang pamumuti ng mga korales noong 1997 at 1998 na naging dahilan ng 48 porsiyentong pag-unti ng buháy na mga korales. Ano ang dahilan ng pagkasirang ito? Bagaman patuloy pa ang pananaliksik, ganito ang sinabi ng siyentipikong si Melanie McField, eksperto sa mga bahura: “Malaki ang kaugnayan ng pag-init ng karagatan sa pamumuti ng mga korales. . . . Nagiging sanhi rin ng pamumuti ang liwanag na ultraviolet, at kapag nagsama ang dalawang ito, mamumuti nang husto ang mga bahura.” Nakatutuwa naman na unti-unti nang nakababawi ang bahura ng Belize. *

Paraiso sa Ilalim ng Tubig

Gustung-gusto ng mga maninisid at snorkeler ang napakalinis na tubig sa sistema ng mga bahura sa Belize, na may katamtamang temperatura na 26 na digri Celsius. Siyamnapung porsiyento ng bahura ang hindi pa nagagalugad. Ilang daang metro lamang ang layo nito sa San Pedro sa Ambergris Cay at madali itong marating mula roon. Anim na kilometro naman sa timog-silangan ng San Pedro ay matatagpuan ang Hol Chan Marine Reserve, walong kilometro kuwadradong parke sa ilalim ng mababaw na katubigan na may lagusan patungo sa mga bahura.

Ang isa sa pinakakahanga-hangang lugar sa lupa para sa pagsisid ay ang Blue Hole, isang protektadong lugar sa reserbasyon na kabilang sa talaan ng World Heritage at matatagpuan sa Lighthouse Reef mga 100 kilometro mula sa pinakakontinente ng Belize. Pinatanyag ito ng oseanograpong Pranses na si Jacques-Yves Cousteau sa panahon ng kaniyang ekspedisyon noong 1970 sakay ng barkong Calypso na ginagamit sa pagsasaliksik. Ang Blue Hole na nasa gitna ng kulay-turkesang dagat ay isang malalim na batong-apog na balon, kulay-matingkad na asul, at napalilibutan ng buháy na mga korales. Mga 300 metro ang diyametro nito at may lalim na mahigit 120 metro. Bago tumaas ang kapantayan ng dagat, ang heolohikal na penomenong ito ay isang tuyong yungib sa ilalim ng lupa, subalit gumuho nang maglaon ang pinakabubong nito. Napakatarik ng pinakadingding nito at may lalim na mga 35 metro, kung saan pagkalalaking stalactite ang nabubuo pababa mula sa nakaungos na mga bato. Nakamamangha ang tanawin sa ilalim ng tubig, anupat naaaninaw ang hanggang 60 metro ng lalim nito. Kaunting kinapal pa lamang sa dagat ang natutuklasan sa balong ito, bukod sa mga pating. Dapat tandaan ng mga scuba diver na kailangan ang maingat na decompression kapag sumisisid dito at hindi dapat subukin ng mga walang karanasan. Gayunman, masarap mag-snorkel sa napakalinaw na katubigan sa palibot ng mga korales.

Malapit dito ang isa pa sa pitong lugar na kasali sa talaan ng World Heritage, ang Half Moon Cay, isang tahimik na isla na kanlungan ng bibihirang red-footed booby. May naitala ring mga 98 iba pang uri ng ibon dito. Kapana-panabik na sumisid sa Half Moon Cay Wall, na nababalutan ng magaganda at malalambot na korales at may lalim na 1,000 metro.

Gaya ng nakita natin sa sandaling pamamasyal sa Belize Barrier Reef, dapat ngang ingatan ang yamang ito upang may mahangaan ang susunod na mga henerasyon. Maituturing ngang “malaking kabawasan sa pamana sa lahat ng bansa sa daigdig” kung maglalaho ito.

[Talababa]

^ par. 9 Maaaring wala nang gaanong magagawa ang mga taga-Belize hinggil sa pag-init ng globo na nagiging sanhi ng pagtaas ng temperatura sa karagatan, subalit napasigla ang mga tagaroon na maging mas aktibo sa pagsasanggalang sa sistema ng mga bahura nang mapabilang ito sa talaan ng World Heritage.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]

Pamumuti ng mga Korales

Ang bahura ay isang buháy na pader na binubuo ng mga coral polyp​—mga hayop na kumakain ng karne at may matigas na panlabas na suson ng calcium carbonate, o batong-apog. Ang mga buháy na korales ay kumakapit sa kalansay ng patay na mga korales. Ang pagkaliliit na alga (zooxanthella) ay nabubuhay sa mga himaymay ng mga korales sa bahura na may simbiyotikong ugnayan, anupat naglalabas ito ng oksiheno at sustansiyang ginagamit ng mga polyp, at sumisipsip naman sa carbon dioxide na inilalabas ng mga polyp. Dahil sensitibo sa mga pagbabago sa temperatura ng tubig ang mga polyp, ibinubuga nito ang mga alga kapag tumataas ang temperatura, anupat nawawala ang pangulay na kloropil na dahilan ng pamumuti. Sa ganitong mahinang kalagayan, ang mga korales ay madaling tablan ng sakit at namamatay. Gayunman, makababawi agad ang mga bahura ng korales kung ipagsasanggalang ang mga ito.

[Credit Line]

Background: Copyright © 2006 Tony Rath Photography - www.trphoto.com

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mexico

BELIZE

Dagat Caribbean

Karagatang Pasipiko

[Larawan sa pahina 23]

Kuha ng satelayt sa Belize kung saan makikita ang 300-kilometrong bahura

[Larawan sa pahina 24]

Rendezvous Cay

[Credit Line]

©kevinschafer.com

[Larawan sa pahina 24]

Pawikang “hawksbill”

[Larawan sa pahina 24, 25]

Ang Blue Hole sa Lighthouse Reef, na nabuo dahil sa pagguho ng yungib na batong-apog

[Credit Line]

©kevinschafer.com

[Larawan sa pahina 25]

Tahanan ng 500 uri ng isda ang Belize Barrier Reef

[Credit Line]

Inset: © Paul Gallaher/Index Stock Imagery

[Picture Credit Lines sa pahina 23]

Satellite view: NASA/The Visible Earth (http://visibleearth.nasa.gov/); divers: © Paul Duda/Photo Researchers, Inc.

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Copyright © Brandon Cole