Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Bigo ba ang Kristiyanismo?

Bigo ba ang Kristiyanismo?

MGA sangkatlo ng populasyon ng lupa ang nag-aangking Kristiyano. Subalit waring lalong nababahagi sa pulitika at mas marahas ang daigdig ngayon kaysa noon. Nangangahulugan ba ito na may kulang sa Kristiyanismong itinuro ni Jesus? O baka naman kulang lamang sa pagkakapit ng mga turo ni Kristo ang maraming tao?

Susuriin sa artikulong ito kung ano talaga ang itinuro ni Kristo at ang halimbawang iniwan niya para sa kaniyang mga tagasunod. Tatalakayin din nito ang isang karaniwang pananaw ng mga nag-aangking Kristiyano na talagang salungat sa tunay na kahulugan ng Kristiyanismo.

Pilipit na Anyo ng Kristiyanismo

Daan-daang taon pagkamatay ni Kristo, mas pinaboran ng Imperyo ng Roma ang pilipit na anyo ng Kristiyanismo bilang relihiyon. Palibhasa’y hindi na sila itinuturing na di-katanggap-tanggap na mga tagalabas, ang mga miyembro ng grupong ito ng mga nag-aangking Kristiyano ay agad naging sentro ng pulitika at lipunan ng Roma. Sinamantala ng mga lider ng simbahan, tulad ni Augustine, ang pagbabagong ito at itinuro nilang dumating na ang hinihintay na Kaharian ng Diyos. Itinuro ng mga lider na iyon na ang natamo nilang impluwensiya sa pulitika at relihiyon ang paraan upang mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa. Kaya idiniin ang kahalagahan ng pagsisikap ng tao sa pag-ugit sa mga pangyayari sa lupa.

Dahil dito, marami ang napaniwala na may papel na dapat gampanan ang isang Kristiyano sa pulitikal na kaayusan ng lipunan. Upang magawa ito, naniniwala ang karamihan na kailangang ikompromiso paminsan-minsan ng isang Kristiyano ang ilang aspekto ng kaniyang mga paniniwala alang-alang sa kagustuhan ng lipunang pinamumuhayan niya. Halimbawa, maraming tao ang nagsasabing sumusunod sila sa mga turo ni Kristo hinggil sa pag-ibig at kapayapaan, subalit sumusuporta naman sa malulupit na digmaan. Sa dahilan ding ito, maaaring hinihimok ng mga simbahan ang kanilang mga tagasunod na ipanalangin ang Kaharian ng Diyos subalit kasabay nito ay sumusuporta rin naman sa mapaniil na mga tagapamahala.

Ang huwad na anyong ito ng Kristiyanismo ay hindi siyang relihiyon na itinatag ni Jesus. Sa halip, isa itong gawang-taong bersiyon na itinataguyod ng karamihan sa mga nag-aangking Kristiyano sa ngayon. Talagang bigo ang bersiyong ito ng Kristiyanismo sapagkat laganap sa buong Sangkakristiyanuhan ang pagwawalang-bahala sa mga simulain ng Bibliya.

Ano ba Talaga ang Itinuro ni Jesus?

Baka magulat ang ilan kapag nalaman nilang sinabi mismo ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay ‘hindi bahagi ng sanlibutan, kung paanong siya ay hindi bahagi ng sanlibutan.’ (Juan 17:15, 16) Bakit kaya hinimok ni Kristo ang kaniyang mga alagad na itaguyod ang gayong paninindigan? Nagbigay ng sagot si apostol Juan na minamahal na alagad ni Jesus. Isinulat niya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.”​—1 Juan 5:19.

Kaya inakay ng mga turo ni Kristo ang pansin ng mga tao, hindi sa mga organisasyon ng tao, kundi sa makalangit na Kaharian ng Diyos na siyang ahensiyang magpapairal ng katarungan at katuwiran sa lupa. (Mateo 6:10) Ni bahagya man lamang ay hindi nakita kay Jesus na gusto niyang makialam sa kaayusan ng lipunan noong kaniyang panahon. Tahasan niyang tinanggihan ang puwesto sa pulitika. (Juan 6:15) Hindi rin siya sang-ayon na karahasan ang lunas sa mga alitan. (Mateo 26:50-53; Juan 18:36) Hindi nag-iwan si Jesus ng konstitusyon o kanon ng mga batas sibil. Wala siyang kinampihan sa pulitikal na mga isyu noong kaniyang panahon. Halimbawa, hindi siya naging aktibista para itaguyod ang karapatan ng mga alipin, ni nakisangkot man siya sa pakikipagtunggali ng mga Judio laban sa Roma.

Pero hindi ito nangangahulugang walang malasakit si Jesus sa mga tao at sa kanilang mga problema. Maraming itinuro si Jesus hinggil sa responsibilidad ng isang tao sa kaniyang kapuwa. Itinaguyod niya ang katapatan sa pagbabayad ng buwis at idiniin ang pangangailangang magpasakop sa mga awtoridad na may lehitimong posisyon. (Mateo 22:17-21) Itinuro niya kung paano magpapakita ng aktibong interes sa kapakanan ng mga nangangailangan. Itinuro din niya kung paano igagalang ang dangal ng iba at kung paano magiging madamayin, mapagpatawad, at maawain. (Mateo, kabanata 5-7) Alam ng marami na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang pangunahing turo ni Kristo.​—Marcos 12:30, 31.

Ang Tunay na Kristiyanismo sa Ngayon

Paano dapat gumawi ang isang tunay na tagasunod ni Kristo? Gagawin niya ang ginawa ni Jesus. Bagaman tapat na sumusunod sa mga batas ng bansa, mananatili siyang neutral sa pulitikal na mga usapin. (Juan 12:47, 48) Hindi niya ikokompromiso ang Kristiyanong mga simulain, kahit matindi ang panggigipit sa kaniya. (1 Pedro 2:21-23) Hindi rin naman puwedeng basta maging tagamasid lamang siya na walang pakialam sa iba. Ang isang tunay na Kristiyano ay magpapakita ng aktibong interes sa kapakanan ng mga tao sa palibot niya, gaya ng ginawa ni Jesus. (Marcos 6:34) Magsisikap din siyang tulungan ang iba na maging maligaya sa pamamagitan pagtulong sa kanila na maunawaan ang mga turo ni Kristo at mamuhay ayon dito.​—Juan 13:17.

Alinsunod dito, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova ngayon na tularan si Kristo may kinalaman sa kanilang kaugnayan sa sanlibutan. Bagaman sila ay mga mamamayang mapayapa at masunurin sa batas, hindi sila bahagi ng sanlibutan. Gaya ni Jesus, ayaw nilang makisangkot sa karahasan at kontrobersiya sa pulitika na lubhang palasak sa ngayon. Lubos silang umaasa sa Kaharian ng Diyos bilang lunas sa mga problemang napapaharap sa daigdig. Mas maligayang buhay at pagkakaisa ang idinudulot ng tunay na Kristiyanismo sa mga miyembro nito. (Juan 13:34, 35) Talaga namang hindi ito bigo.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

◼ Dapat bang makisangkot sa pulitika ang mga Kristiyano?​—Juan 6:15.

◼ Iminungkahi ba ni Kristo ang karahasan bilang lunas sa mga alitan?​—Mateo 26:50-53.

◼ Ano ang pagkakakilanlang tanda ng tunay na mga Kristiyano?​—Juan 13:34, 35.

[Picture Credit Line sa pahina 18]

EL COMERCIO, Quito, Ecuador