Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Wala Nang Sakit!

Kapag Wala Nang Sakit!

Kapag Wala Nang Sakit!

MARAMING tao ang umaasang wala na silang madaramang kirot at sakit sa kabilang-buhay sa langit. Gayunman, taliwas sa paniniwala ng marami, ang pag-asang iniaalok talaga ng Bibliya para sa sangkatauhan sa pangkalahatan ay ang buhay sa isang paraisong lupa. (Awit 37:11; 115:16) Kabilang sa ipinangakong kinabukasang ito ang sakdal na kalusugan, kaligayahan, at buhay na walang hanggan.

Bakit kaya tayo nagkakasakit at namamatay? At paano iiral ang isang daigdig na wala nang sakit? Sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na ito.

Ang talagang sanhi ng sakit Ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay nilalang na may sakdal at malusog na pangangatawan. (Genesis 1:31; Deuteronomio 32:4) Dinisenyo sila para mabuhay sa lupa magpakailanman. Nagsimula lamang tablan ng sakit ang kanilang katawan nang kusa silang magrebelde sa Diyos. (Genesis 3:17-19) Sa pagtanggi sa awtoridad ng Diyos, pinutol nila ang kanilang kaugnayan sa Maylalang, ang Bukal ng kanilang sakdal na buhay. Nagkaroon sila ng depekto. Dahil dito, nagkasakit sila at namatay, gaya ng ibinabala ng Diyos na mangyayari sa kanila.​—Genesis 2:16, 17; 5:5.

Matapos magrebelde sina Adan at Eva, wala na silang maipamamana sa kanilang mga anak kundi ang di-kasakdalan. (Roma 5:12) Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, inaamin ng mga siyentipiko sa ngayon na may namamana tayong mga depekto na nagiging dahilan ng sakit at kamatayan. Matapos ang malawakang pagsasaliksik, ganito ang konklusyon kamakailan ng isang grupo ng mga siyentipiko: “Isang di-matatakasang katotohanan sa biyolohiya na kapag nagsimula na ang buhay, siguradong unti-unti na ring sisirain ng katawan ang kaniyang sarili.”

Hindi sa pagsisikap ng tao Napakalaki na ng nagagawa ng siyensiya sa paglaban sa sakit. Subalit napakakomplikado ng sanhi ng sakit para lubusan itong malutas ng siyensiya. Hindi na ito kataka-taka para sa mga estudyante ng Bibliya na pamilyar sa kinasihang mga salita ng Diyos: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas.”​—Awit 146:3.

Gayunman, gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.” (Lucas 18:27) Maaalis ng Diyos na Jehova ang sanhi ng pagkakasakit. Pagagalingin niya ang lahat ng ating karamdaman. (Awit 103:3) Nangangako ang kaniyang kinasihang Salita: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Ang kailangan mong gawin Tahasang ipinaliwanag ni Jesu-Kristo kung ano ang dapat nating gawin para mabuhay sa darating na daigdig na wala nang sakit. Ang sabi niya: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

Ang kaalaman tungkol sa Diyos at ang mga turo ng kaniyang Anak na si Jesus, ay nasa Bibliya. Kabilang sa kaalamang iyon ang praktikal na payo na magpapabuti sa iyong buhay sa ngayon. Pero higit sa lahat, nangangako ang Diyos ng isang daigdig na wala nang kirot para sa kaniyang masunuring mga mananamba. Oo, nag-aalok ang Diyos sa iyo ng isang kinabukasan na “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit’”!​—Isaias 33:24.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 11]

Timbang na Pangmalas sa Kalusugan

Itinataguyod ng Bibliya ang paggalang sa buhay. Ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova ang gayong paggalang sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanilang kalusugan. Iniiwasan nila ang nakasasamang gawain, gaya ng pag-abuso sa droga at paninigarilyo. Inaasahan ng Diyos na ang kaniyang mga mananamba ay magiging katamtaman sa kanilang pag-inom ng alak at pagkain. (Kawikaan 23:20; Tito 2:2, 3) Ang praktikal na mga gawaing ito kasabay ng sapat na pamamahinga at ehersisyo ay tutulong upang mapigil o maiwasan ang maraming pisikal na karamdaman. Maaaring kailangan ng mga may sakit ang tulong ng mapagkakatiwalaang mga espesyalista sa kalusugan.

Itinataguyod ng Bibliya ang pagkamakatuwiran at “katinuan ng pag-iisip.” (Tito 2:12; Filipos 4:5) Marami sa ngayon ang hindi na timbang at nagiging sobrang abala sa paghanap ng lunas, anupat napababayaan na pati ang kanilang espirituwalidad. Sinusubukan ng ilan ang kuwestiyunableng mga terapi na maaaring makapinsala. Ang iba naman ay nag-aaksaya ng pera at panahon sa mga paggamot na walang bisa o nakapipinsala pa nga.

Ang totoo, hindi pa puwedeng makamit ngayon ang sakdal na kalusugan. Habang hinihintay mo ang isang kinabukasang wala nang sakit, ang karunungan at pagkamakatuwiran na masusumpungan sa Bibliya ay tutulong sa iyo na manatiling timbang sa iyong pagsisikap na magkaroon ng malusog na pangangatawan.