Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kilalanin ang Kaibigan ng Hardinero—Ang Ladybird

Kilalanin ang Kaibigan ng Hardinero—Ang Ladybird

Kilalanin ang Kaibigan ng Hardinero​—Ang Ladybird

AYON SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

SA Britanya, ang maliit at makulay na insektong ito ay tinatawag na ladybird. * Sa Hilagang Amerika naman, kilala ito bilang ladybug o lady beetle. May kani-kaniyang tawag din dito ang iba pang mga bansa. Bagaman hindi paborito ng lahat ang uwang, karaniwan nang nagugustuhan ng mga tao ang ladybird. Tuwang-tuwa rito ang mga bata, at gustung-gusto ito ng mga hardinero at mga magsasaka. Bakit kaya napakapopular ng mga ito?

Bakit Popular ang mga Ito?

Gustung-gustong kainin ng karamihan sa uri ng palakaibigan at munting uwang na ito ang mga dapulak (makikita sa kaliwa), na pagkaliliit na insektong may malambot na katawan na sumasalanta sa mga pananim sa hardin at sa bukid. May mga adultong ladybird na nakauubos ng libu-libong dapulak sa buong buhay nila​—at napakalalakas ding kumain kahit uod (larva) pa lamang ang mga ito. Bukod diyan, kinakain din ng uwang ang maraming iba pang pesteng insekto, at gustung-gusto pa nga ng ilan ang mga amag na sumisira ng mga halaman. Hindi nga nakapagtatakang dalawang kamay ang pagtanggap ng mga hardinero at magsasaka sa mga ladybird!

Noong huling mga taon ng ika-19 na siglo, aksidenteng nadala sa California, E.U.A. mula sa Australia ang mga insektong cottony-cushion scale. Napakabilis dumami ng pesteng ito anupat nanganganib na masira nito ang mga taniman ng sitrus at malugi ang negosyo. Dahil napag-alamang hindi naman banta sa mga pananim sa Australia ang mga insektong ito, pumunta roon ang isang entomologo upang hanapin ang likas na kaaway ng mga insektong ito. Natuklasan niya ang vedalia, isang uwang na ladybird. Mga 500 uwang ang dinala sa California, at sa loob ng isang taon, halos maubos ang mga pesteng insekto. Nailigtas ang taniman ng sitrus.

Isang Taon sa Buhay ng Ladybird

Ang katawan ng maganda at maliit na uwang na ito ay pabilog o biluhaba na hugis-simburyo at ang tiyan nito ay palapad. Bagaman napakalakas kumain, karamihan sa mga uring ito ng ladybird ay wala pang 12 milimetro ang haba. Ang matitigas at makikintab na takip ng pakpak nito na tinatawag na mga elytron ang pinakaproteksiyon sa maninipis na pakpak sa ilalim at nagbibigay sa uwang ng makukulay na dibuho nito. Kung lilipad na ang insekto, bubuka ang mga elytron at aangat ito upang hindi makaharang. Bagaman ang mga ladybird ay karaniwang inilalarawan na kulay pula at may batik-batik na itim, ang humigit-kumulang 5,000 uri nito ay aktuwal na may iba’t ibang kombinasyon ng kulay at mga batík. Ang ilan ay kulay-dalandan o dilaw na may batik-batik na itim. Ang iba naman ay itim na may batik-batik na pula. May ilang walang mga batík. At ang iba naman ay may kuwadra-kuwadrado o guhit-guhit na disenyo.

Marami sa mga uring ito ay nabubuhay nang isang taon. Kapag taglamig, ang mga adulto ay nagtútulóg sa tuyo at tagóng lugar. Kapag mainit na ang panahon, gumigising na ang mga ito at lumilipad para maghanap ng mga halaman na maraming dapulak. Matapos magtalik, nangingitlog ang babae ng isang kumpol ng pagkaliliit at madidilaw na itlog (makikita sa kanan) sa ilalim ng dahong malapit sa lugar ng mga dapulak. Ang bawat itlog ay napipisa at nagiging uod na may anim na paa na mukhang mabangis at maliit na buwaya (makikita sa kaliwa) sa halip na magmukhang ladybird. Dahil walang ginagawa ang uod kundi kumain nang kumain ng dapulak, mabilis na nababanat ang balat nito. Matapos ang paulit-ulit na pagpapalit ng balat, kumakapit ito sa halaman at unti-unting nababalot ng kokun. Sa loob ng kokun, patuloy na lumalaki ang uod hanggang sa lumabas ito bilang adulto. Malambot at maputla ito sa umpisa, anupat nananatiling nakakapit sa halaman hanggang sa tumigas ang katawan nito. Sa loob ng isang araw, makikita na ang disenyo nito.

Natuto nang umiwas ang mga kaaway sa makulay na ladybird na ito. Kapag nasa peligro, naglalabas ang uwang mula sa mga kasukasuan nito ng likidong madilaw, mabaho, at napakasama ng lasa. Hinding-hindi malilimot ng mga maninila, gaya ng mga ibon o gagamba, ang una nilang masaklap na karanasan, at palagi nang nagsisilbing babala sa kanila ang matingkad na kulay ng insektong ito.

Problemang Ladybird

May isang uri ng ladybird na ginagamit noon bilang pangontrol ng peste na nagiging mga peste mismo. Ang harlequin ladybird na tinatawag ding makulay na lady beetle ng Asia, ay masayang kasa-kasama ng iba pang uri ng ladybird sa likas na tirahan nito sa hilagang-silangan ng Asia. Dahil napakatakaw ng mga ito sa dapulak at iba pang peste ng mga halaman, ipinasok ito kamakailan sa Hilagang Amerika at Europa. Kaya lamang, nanganib naman ang lokal na mga ladybird dahil nauubos ang lahat ng pagkain ng mga ito. Ang mas masama pa, wala itong likas na mga kaaway na kokontrol dito at kapag naubos na ang gusto nitong pagkain, lokal na mga ladybird at iba pang napakikinabangang insekto ang kinakain ng gutóm na mga uwang. Nabahala ang mga entomologo na posibleng maubos ang ilang uri ng ladybird pagdating ng panahon. Kinainisan din ang mga harlequin dahil kinakain nito ang mga hinog na prutas na aanihin na sana at kinukuyog ang mga bahay kung taglagas para matakasan ang panahon ng taglamig.

May ilang uri ng ladybird na mahahalagang pananim ang kinakain sa halip na mga pesteng insekto. Gayunman, mabuti na lamang at ang karamihan ay paborito ng mga hardinero.

Akitin ang mga Ladybird

Paano mo kaya maaakit na pumunta sa iyong hardin ang mga ladybird? Ang lokal na mga halamang namumulaklak ay may mapang-akit na polen at nektar. Gusto rin nila ang isang maliit na lugar na may mga damong ligaw at hukay na may mababaw na tubig. Hangga’t maaari, huwag gumamit ng mga kemikal na pestisidyo. Para sa mga ladybird, napakasarap gawing tulugan kung taglamig ang ilang lantang dahon na nakakabit pa sa mga halaman o nalaglag na sa lupa. Huwag mo naman sanang pisain ang alinmang insekto o itlog na makikita mo sa hardin. Baka ang susunod na henerasyon ng mga ladybird ang mapatay mo.

Tandaan, kaunti lamang sa magaganda at maliliit na insektong ito ay makatutulong na sa iyo para masugpo ang peste sa iyong hardin nang hindi na gumagamit ng nakapipinsalang pestisidyo. Kung aalagaan mo ang mga ladybird, gagantimpalaan ka nila sa iyong pagmamalasakit. Ang mga ito ay isa pang halimbawa ng karunungan ng ating Maylalang, gaya ng kinilala ng salmista nang sabihin niya: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.”​—Awit 104:24.

[Talababa]

^ par. 3 Ang “ladybird” ay galing sa “Our Lady’s Bird,” na isinunod sa pangalan ni Birheng Maria.

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Top: © Waldhäusl/Schauhuber/Naturfoto-Online; left two: Scott Bauer/Agricultural Research Service, USDA; middle: Clemson University - USDA Cooperative Extension Slide Series, www.insectimages.org; eggs: Bradley Higbee, Paramount Farming, www.insectimages.org

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Left: Jerry A. Payne, USDA Agricultural Research Service, www.insectimages.org; 2nd from left: Whitney Cranshaw, Colorado State University, www.insectimages.org; 3rd from left: Louis Tedders, USDA Agricultural Research Service, www.insectimages.org; 4th from left: Russ Ottens, The University of Georgia, www.insectimages.org; ladybirds on a leaf: Scott Bauer/Agricultural Research Service, USDA