Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mapagagaling ba ng Siyensiya ang Daigdig?

Mapagagaling ba ng Siyensiya ang Daigdig?

Mapagagaling ba ng Siyensiya ang Daigdig?

MAPAGAGALING ba ng modernong siyensiya ang daigdig? May sinasabi ba ang mga hula ng Bibliya sa Isaias at Apocalipsis tungkol sa isang panahon na tao mismo ang magpapairal ng isang daigdig na wala nang sakit? Dahil sa marami nang nagawa kung tungkol sa pangangalaga sa kalusugan, umaasa ang ilan na hindi nga malayong mangyari ito.

Ang mga pamahalaan at mga pribadong organisasyon o indibiduwal na mapagkawanggawa ay nakikipagtulungan ngayon sa Nagkakaisang Bansa sa isang walang-katulad na kampanya laban sa sakit. Isang sama-samang pagsisikap ang isinagawa upang mabakunahan ang mga bata sa papaunlad na mga bansa. Ayon sa United Nations Children’s Fund, kapag naabot na ng mga bansa ang kanilang mga tunguhin, “pagsapit ng 2015, mahigit 70 milyong batang naninirahan sa pinakamahihirap na bansa sa daigdig ang mabibigyan taun-taon ng nagliligtas-buhay na mga bakuna laban sa sumusunod na sakit: tuberkulosis, dipterya, tetano, tuspirina, tigdas, rubella, yellow fever, haemophilus influenzae type B, hepatitis B, polio, rotavirus, pneumococcus, meningococcus, at Japanese encephalitis.” Gumagawa rin ng mga programang maglalaan ng mga pangunahing kailangan sa kalusugan, gaya ng malinis na tubig, mas masustansiyang pagkain, at edukasyong pangkalinisan.

Gayunman, hindi lamang mga programang pangkalusugan ang pangarap na maibigay ng mga siyentipiko. Malaking pagbabago ang nagagawa ng modernong teknolohiya sa larangan ng medisina. Sinasabing tuwing ikawalong taon, dinodoble ng mga siyentipiko ang kanilang kaalaman sa medisina. Ang sumusunod ay halimbawa lamang ng ilan sa pinakahuling mga nagawa at tunguhin ng teknolohiya sa paglaban sa sakit.

X-ray imaging Mahigit 30 taon nang ginagamit ng mga doktor at ospital ang tinatawag na CT scan. Ang akronim na CT ay nangangahulugang computed tomography. Ang mga CT scanner ay gumagawa ng tatluhang-dimensiyon na mga X-ray na larawan ng loob ng katawan natin. Nakatutulong ang mga larawang ito para matukoy ang sakit at masuri ang mga abnormalidad sa loob ng katawan.

Bagaman may kontrobersiya sa panganib na kaugnay ng pagkahantad sa radyasyon, positibo pa rin ang mga eksperto sa medisina sa kabutihang magagawa ng sumusulong na teknolohiyang ito. Si Michael Vannier, propesor sa radyolohiya sa University of Chicago Hospital, ay nagsabi: “Sa nakalipas lamang na ilang taon, nakagugulat ang bilis ng pagsulong.”

Ang mga CT scanner ngayon ay mas mabilis, mas eksakto, at di-gaanong mahal. Ang bilis ng pinakabagong paraan ng scanning ay isang mahalagang bentaha. Totoo ito lalo na sa pag-scan ng puso. Dahil tumitibok ang puso, malabo noon ang mga kuha ng karamihan sa mga X-ray, anupat mahirap itong masuri nang tumpak. Gaya ng paliwanag ng magasing New Scientist, ang bagong scanner ay “nakaiikot sa katawan sa loob lamang ng ikatlong bahagi ng isang segundo, mas mabilis sa isang tibok ng puso,” anupat nakagagawa ng mas malilinaw na larawan.

Sa tulong ng pinakabagong mga scanner, hindi lamang nakikita ng mga doktor ang detalyadong kayarian ng loob ng katawan kundi nasusuri din pati na ang kemikal na prosesong nagaganap sa espesipikong mga bahagi ng loob ng katawan. Sa paggamit nito, posibleng makita kung may kanser na nagsisimula pa lamang.

Pag-opera sa tulong ng mga robot Ang sopistikadong mga robot ay hindi na basta mga likhang-isip lamang ng siyensiya​—kung tungkol sa larangan ng medisina. Sa ngayon, libu-libong pag-opera ang isinasagawa sa tulong ng mga robot. Sa ilang kaso, nag-oopera ang mga siruhano gamit ang isang remote-control na aparato na nagpapagalaw sa mga kamay na robot. Ang mga kamay na ito ay may hawak na scalpel, gunting, kamera, pang-cauterize, at iba pang gamit sa pag-opera. Dahil sa teknolohiyang ito, buong-husay na naisasagawa ng mga siruhano ang mga napakakomplikadong operasyon. “Natuklasan ng mga siruhanong gumagamit ng pamamaraang ito na ang mga pasyente ay di-gaanong dinudugo, di-masyadong nasasaktan, walang gaanong komplikasyon, di-nagtatagal sa ospital at mas mabilis gumaling kaysa sa mga sumailalim sa karaniwang pag-opera,” ang ulat ng magasing Newsweek.

Nanomedicine Ang nanomedicine ay ang paggamit ng nanotechnology sa larangan ng medisina. Ang nanotechnology naman ay ang siyensiya ng pagpoproseso at paglikha ng pagkaliliit na bagay. Ang yunit ng pagsukat na ginagamit sa teknolohiyang ito ay tinatawag na nanometer, na ikaisang bilyong bahagi ng isang metro. *

Para mailarawan ang sukat na ito, ang pahinang binabasa mo ngayon ay mga 100,000 nanometer ang kapal, at ang isang hibla naman ng buhok ng tao ay mga 80,000. Ang pulang selula ng dugo ay mga 2,500 nanometer ang diyametro. Ang isang baktirya ay mga 1,000 nanometer ang haba, at ang virus naman ay mga 100 nanometer. Ang iyong DNA ay mga 2.5 nanometer ang diyametro.

Naniniwala ang mga tagapagtaguyod ng teknolohiyang ito na sa malapit na hinaharap, makagagawa na ang mga siyentipiko ng pagkaliliit na mga aparato na magagamit ng mga doktor sa loob ng katawan ng tao. Ang maliliit na robot na ito, karaniwang tinutukoy na nanomachine, ang magdadala ng pagkaliliit na computer na may eksaktong mga instruksiyon. Ang nakapagtataka, ang napakakomplikadong aparatong ito ay gagamitan ng mga piyesang wala pang 100 nanometer. Iyan ay 25 ulit na mas maliit kaysa sa diyametro ng isang pulang selula ng dugo!

Dahil napakaliliit ng mga ito, inaasahan na balang-araw, ang mga nanodevice na ito ay makalulusot sa pagkaliliit na mga ugat at makapagdadala ng oksiheno sa anemik na mga tisyu, makapag-aalis ng mga bara sa ugat at ng plaque sa mga selula ng utak, at makatutugis at makapapatay sa mga virus, baktirya, at iba pang nakahahawang mikrobyo. Magagamit din ang mga nanomachine sa pagdadala ng gamot sa mismong mga selulang nangangailangan nito.

Sinasabi ng mga siyentipiko na susulong nang husto ang pagtuklas sa kanser sa tulong ng nanomedicine. Si Dr. Samuel Wickline, propesor sa medisina, pisika, at inhinyeriyang biyomedikal, ay nagsabi: “Napakalaki ng posibilidad na makita ang pagkaliliit na kanser nang mas maaga kaysa dati at malunasan ito ng mas mabibisang gamot doon mismo sa tinubuan ng bukol, habang nababawasan din ang anumang nakasasamang epekto.”

Bagaman parang imposible, totoong-totoo ang nanomedicine sa isip ng ilang siyentipiko. Umaasa ang mga nangungunang mananaliksik sa larangang ito na sa loob ng susunod na dekada, gagamitin na ang nanotechnology sa pag-aayos at pagbago sa kayarian ng molekula ng mga buháy na selula. Ganito ang sabi ng isang tagapagtaguyod: “Papawiin ng nanomedicine ang halos lahat ng karaniwang sakit sa ika-20 siglo, ang halos lahat ng kirot at pagdurusa ng pagpapagamot, at palalawigin ang kakayahan ng tao.” Ngayon pa lamang, ang ilang siyentipiko ay nag-uulat na ng tagumpay sa paggamit ng nanomedicine sa mga hayop sa laboratoryo.

Genomics Ang pag-aaral hinggil sa kayarian ng mga gene ay tinatawag na genomics. Bawat selula sa katawan ng tao ay binubuo ng maraming sangkap na mahalaga sa buhay. Ang isa sa mga sangkap na ito ay ang gene. Bawat isa sa atin ay may mga 35,000 gene na tumitiyak sa kulay at hibla ng buhok, kulay ng balat at mata, taas, at iba pang mga bahagi ng ating pisikal na kaanyuan. Malaki rin ang ginagampanang papel ng ating mga gene sa magiging kalidad ng panloob na mga sangkap ng ating katawan.

Kapag napinsala ang mga gene, maaari itong makaapekto sa ating kalusugan. Sa katunayan, naniniwala ang ilang mananaliksik na ang lahat ng sakit ay dahil sa abnormalidad ng mga gene. Ang ilang depektibong gene ay namamana natin sa ating mga magulang. Ang iba naman ay nasisira dahil sa pagkahantad sa nakapipinsalang mga elemento sa ating kapaligiran.

Umaasa ang mga siyentipiko na malapit na nilang matukoy ang espesipikong mga gene na nagiging sanhi ng ating pagkakasakit. Tumutulong ito upang maunawaan ng mga doktor, halimbawa, kung bakit may mga taong mas malamang na magkakanser kaysa sa iba o kung bakit mas mabagsik ang isang uri ng kanser sa ilang tao kaysa sa iba. Maaari ding isiwalat ng genomics kung bakit mabisa ang isang gamot sa ilang pasyente pero hindi sa iba.

Ang gayong espesipikong henetikong impormasyon ay maaaring pagmulan ng tinatawag na personalized medicine. Paano ka kaya makikinabang sa teknolohiyang ito? Ipinahihiwatig ng konsepto ng personalized medicine na puwedeng iangkop sa iyong partikular na henetikong kayarian ang paggamot. Halimbawa, kung isinisiwalat ng ginawang pag-aaral sa iyong mga gene na malamang na magkaroon ka ng isang uri ng sakit, matutukoy agad ng mga doktor ang sakit na ito matagal pa bago lumabas ang mga sintomas. Sinasabi ng mga tagapagtaguyod nito na habang wala pa ang nasabing sakit, ang tamang paggamot, pagkain, at pagbabago ng paggawi ay makatutulong pa nga upang tuluyan nang maiwasan ang gayong sakit.

Maaari ding malaman ng mga doktor mula sa iyong mga gene ang posibilidad na makasamâ sa iyo ang ilang gamot. Sa tulong ng impormasyong ito, mairereseta ng mga doktor ang eksaktong uri ng gamot at ang dosis na kailangan sa iyong partikular na kalagayan. Ganito ang ulat ng The Boston Globe: “Pagsapit ng 2020, ang epekto [ng personalized medicine] ay malamang na maging mas malawak kaysa sa nakikini-kinita ngayon ng sinuman sa atin. Ang mga bagong gamot na dinisenyo ayon sa partikular na mga gene ay magagawa na para lunasan ang diyabetis, sakit sa puso, Alzheimer’s disease, schizophrenia, at marami pang ibang sakit na ikinamamatay ng marami.”

Ang mga nabanggit na teknolohiya ay ilang halimbawa lamang ng pangako ng siyensiya para sa hinaharap. Walang-kapantay ang bilis ng pagsulong ng kaalaman sa medisina. Ngunit hindi inaasahan ng mga siyentipiko na basta na lamang lubusang mapapawi ang sakit. Marami pa ring balakid na waring di-mapagtatagumpayan.

Mga Balakid na Waring Di-mapagtatagumpayan

Maaaring makapagpabagal sa pagpawi ng sakit ang paggawi ng tao. Halimbawa, naniniwala ang mga siyentipiko na ang pagsira ng tao sa ilang ekosistema ay nagbunga ng bago at mapanganib na mga sakit. Sa isang panayam sa magasing Newsweek, si Mary Pearl, presidente ng Wildlife Trust, ay nagpaliwanag: “Mula noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, mahigit 30 bagong sakit ang lumitaw, kabilang na ang AIDS, Ebola, Lyme disease, at SARS. Karamihan sa mga ito ay pinaniniwalaang galing sa mga hayop at lumipat sa mga tao.”

Bukod diyan, ang mga tao ay hindi na mahilig kumain ng sariwang prutas at gulay, sa halip, mas gusto nila ang asukal, asin, at taba. Ito at ang kakulangan ng ehersisyo pati na ang mga gawaing nakapipinsala sa katawan ay naging dahilan ng pagdami ng mga nagkakasakit sa puso. Parami nang parami ang naninigarilyo anupat milyun-milyon sa buong daigdig ang nagkakasakit nang malubha at namamatay. Taun-taon, mga 20 milyon ang malubhang nasusugatan o namamatay dahil sa mga aksidente sa sasakyan. Napakarami rin ang namamatay at napipinsala dahil sa digmaan at iba pang anyo ng karahasan. Milyun-milyon ang nagkakasakit dahil sa sobrang pag-inom ng alak at pag-abuso sa droga.

Ang totoo, anuman ang dahilan, at sa kabila ng lahat ng pagsulong ng teknolohiya sa medisina, patuloy pa rin sa pamiminsala ang ilang sakit. Ayon sa World Health Organization (WHO), ‘mahigit 150 milyon katao ang bigla na lamang dumaranas ng depresyon, mga 25 milyon ang nagkakaroon ng schizophrenia, at 38 milyon ng epilepsi.’ Milyun-milyon ang nagkakasakit ng HIV/AIDS, diarrhea, malarya, tigdas, pulmonya, at tuberkulosis, na pumapatay sa di-mabilang na mga bata at kabataan.

May iba pang waring di-mapagtagumpayang mga balakid kung kaya hindi mapawi ang mga sakit. Ang karalitaan at tiwaling pamahalaan ang dalawang malalaking hadlang. Sa kamakailang report, binanggit ng WHO na milyun-milyong namamatay dahil sa mga nakahahawang sakit ang maililigtas sana kung hindi nagpapabaya ang pamahalaan at kung may sapat na pondo.

Makatutulong kaya ang kaalaman sa siyensiya at ang malaking pagsulong ng teknolohiya sa medisina para mapagtagumpayan ang mga hadlang na ito? Malapit na ba nating makita ang isang daigdig na wala nang sakit? Oo, walang maibigay na maliwanag na sagot ang siyensiya at medisina. Gayunman, sinasagot ito ng Bibliya. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa inaasam na kinabukasan kung kailan mawawala na ang sakit.

[Talababa]

^ par. 10 Ang unlaping “nano,” mula sa salitang Griego para sa unano, ay nangangahulugang “ikaisang bilyong bahagi.”

[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]

X-ray imaging

Sa tulong ng mas malinaw, mas eksaktong larawan ng katawan ng tao, natutukoy agad ang sakit sa panahong nagsisimula pa lamang ito

[Credit Lines]

© Philips

Siemens AG

Pag-opera sa tulong ng mga robot

Ang mga robot na kinabitan ng mga instrumento sa pag-opera ay nakatutulong sa mga doktor na buong-husay na makapagsagawa ng napakakomplikadong operasyon

[Credit Line]

© 2006 Intuitive Surgical, Inc.

Nanomedicine

Sa tulong ng pagkaliliit na aparatong gawa ng tao, maaaring magamot ng mga doktor ang sakit mula mismo sa mga selula. Makikita sa larawang ito ang malamang na hitsura ng mga “nanomachine” na gagaya sa nagagawa ng mga selula ng dugo

[Credit Lines]

Artist: Vik Olliver (vik@diamondage.co.nz)/Designer: Robert Freitas

Genomics

Sa pamamagitan ng pag-aaral sa kayarian ng mga “gene” ng isang indibiduwal, umaasa ang mga siyentipiko na matutukoy at magagamot nila ang sakit bago pa man maramdaman ng pasyente ang mga sintomas nito

[Credit Line]

Chromosomes: © Phanie/Photo Researchers, Inc.

[Kahon sa pahina 8, 9]

Anim na Di-magaping Kaaway

Ang kaalaman sa medisina at kaugnay na mga teknolohiya ay patuloy na sumusulong higit kailanman. Sa kabila nito, sinasalot pa rin ng mga nakahahawang sakit ang daigdig. Hindi pa rin magapi ang mga nakamamatay na sakit na nakatala sa ibaba.

HIV/AIDS

Mga 60 milyon katao na ang nagkaroon ng HIV, at mga 20 milyon na ang namatay sa AIDS. Noong 2005, limang milyon pa ang nahawahan at mahigit tatlong milyon ang namatay dahil sa sakit na kaugnay ng AIDS. Kabilang sa mga biktima ay mahigit 500,000 bata. Karamihan sa mga biktima ng HIV ay hindi nabigyan ng karampatang paggamot.

Diarrhea

Sinasabing diarrhea ang pangunahing pumapatay sa mahihirap, anupat mga apat na bilyon taun-taon ang nagkakaroon ng sakit na ito. Sanhi ito ng iba’t ibang nakahahawang sakit na nakukuha sa kontaminadong tubig o pagkain o pagiging marumi sa katawan. Mahigit dalawang milyon taun-taon ang namamatay sa mga sakit na ito.

Malarya

Taun-taon, mga 300 milyon ang nagkakasakit ng malarya. Mga isang milyon ang namamatay taun-taon, karamihan ay mga bata. Sa Aprika, isang bata ang namamatay sa malarya humigit-kumulang tuwing 30 segundo. Ayon sa World Health Organization (WHO), “wala pa ring maibigay ang siyensiya na mabisang panlaban sa malarya at marami ang nag-aalinlangan kung mabibigyan pa ito ng lunas.”

Tigdas

Noong 2003, mahigit 500,000 katao ang namatay dahil sa tigdas. Napakabilis kumalat nito at siyang pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga bata. Taun-taon, mga 30 milyon ang nagkakasakit ng tigdas. Ang nakapagtataka, 40 taon nang may nakukuhang mabisa at murang bakuna laban sa tigdas.

Pulmonya

Mas maraming bata ang namamatay sa pulmonya kaysa sa ibang nakahahawang sakit, ang sabi ng WHO. Mga dalawang milyong bata na wala pang limang taóng gulang ang namamatay sa pulmonya taun-taon. Karamihan sa mga namamatay ay taga-Aprika at Timog-Silangang Asia. Sa maraming lugar sa daigdig, walang kakayahang magpaospital ang mga pasyente upang malapatan ng lunas na nakapagliligtas-buhay.

Tuberkulosis

Noong 2003, mahigit 1,700,000 katao ang namatay sa tuberkulosis (TB). Ang matinding ikinababahala ng mga doktor ay ang paglitaw ng mikrobyo ng TB na hindi tinatablan ng gamot. May ilang uri ng baktirya na hindi na tinatablan ng lahat ng pangunahing gamot sa TB. Ang mga uri ng baktiryang ito ng TB ay nakuha ng mga pasyenteng walang tamang superbisyon o hindi nakakumpleto sa pag-inom ng gamot.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Nauuso ang Alternatibong Paggamot

Napakaraming iba’t ibang paraan ng pagpapagaling na hindi karaniwang tinatanggap ng mga doktor na gumagamit ng kombensiyonal na paggamot. Kilala ang mga ito sa tawag na tradisyonal na paggamot at alternatibong paggamot. Sa papaunlad na mga bansa, karamihan sa populasyon ay umaasa sa tradisyonal na paggamot para sa kanilang kalusugan. Sa mahihirap na lugar naman, hindi kaya ng bulsa ng marami ang kombensiyonal na paggamot, at mas gusto talaga ng ibang tao ang tradisyonal na paraan.

Nauuso rin ang alternatibong paggamot sa mayayamang bansa. Kabilang sa pinakapopular na uri ng alternatibong paggamot ay acupuncture, chiropractic, homeopathy, naturopathy, at mga halamang-gamot. Pinag-aralan ang ilan sa mga pamamaraang ito ayon sa siyensiya at napatunayan namang nakatutulong ito sa ilang kalagayan. Gayunman, ang pagiging mabisa ng ilang pamamaraan ay hindi pa rin lubos na napatutunayan. Dahil usung-uso ang alternatibong uri ng paggamot, bumangon ang ilang isyu kung ligtas nga ba ang mga pamamaraang ito. Sa maraming bansa, walang regulasyon sa ganitong paraan ng paggamot. Dahil dito, nauuso na ang mapanganib na paggamot sa sarili, mga pekeng produkto, at mga pekeng doktor. Bagaman maganda naman ang intensiyon, ang mga kaibigan at kamag-anak na walang sapat na kasanayan ay madalas na nag-aastang mga doktor. Ang lahat ng ito ay nagbunga tuloy ng masasamang reaksiyon at iba pang panganib sa kalusugan.

Sa ilang bansa kung saan may mga regulasyon hinggil dito, ang alternatibong paggamot ay tinatanggap na ng mga gumagamit ng kombensiyonal na paggamot at inirerekomenda na ng mga doktor. Gayunman, lumilitaw na wala pa ring makapagsasabi na ang paggamot na ito ay makapagdudulot ng isang daigdig na wala nang sakit.