Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Sa loob ng 15 buwan, 82 kasisilang na sanggol ang iniwan sa mga lansangan ng Mexico City, 27 sa mga ito ang patay na.​—EL UNIVERSAL, MEXICO.

Dalawampu’t pitong bagong uri ng hayop ang natuklasan nang pag-aralan ang mga kuweba sa dalawang pambansang parke sa California, E.U.A. “Pinatutunayan lamang nito kung gaano kaliit ang nalalaman natin tungkol sa ating daigdig,” ang sabi ni Joel Despain, espesyalista sa mga kuweba para sa National Park Service.​—SMITHSONIAN, E.U.A.

Dalawampung porsiyento ng populasyon sa daigdig ang walang mainom na malinis na tubig. Apatnapung porsiyento naman ang walang pangunahing sistema sa sanitasyon.​—MILENIO, MEXICO.

Nasa pagitan ng 20,000 at 30,000 hayop ang napapatay ng mga mangangaso taun-taon sa Serengeti National Park lamang.​—THE DAILY NEWS, TANZANIA.

Isiniwalat ng mga pag-aaral na isinagawa sa Barcelona, Espanya, na 1 sa bawat 3 estudyante na 16 anyos ang regular na humihitit ng marihuwana.​—LA VANGUARDIA, ESPANYA.

Mga Mikrobyo sa Opisina

Sinukat ng mga mikrobiyologo sa University of Arizona ang dami ng baktirya sa mga opisina sa ilang lunsod ng Estados Unidos. Natuklasan nila na “ang limang lugar na may pinakamaraming mikrobyo (ayon sa pagkakasunud-sunod) ay telepono, ibabaw ng mesa, hawakan ng mga iniinumang fountain, hawakan ng pinto ng microwave at mga keyboard,” ang sabi ng pahayagang Globe and Mail. Ayon sa report, “ang karaniwang ibabaw ng mesa ay may mga baktirya na 100 ulit ang dami kaysa sa nasa ibabaw ng mesa sa kusina at 400 ulit naman kaysa sa karaniwang upuan ng inodoro.”

“Mga Kristiyano Lamang sa Salita”

Ang Pilipinas ay tinagurian na nag-iisang bansang “Kristiyano” sa Asia. Gayunman, sinabi ni Bishop Efraim Tendero ng Philippine Council of Evangelical Churches: “Karamihan sa atin ay mga Kristiyano lamang sa salita pero hindi sa gawa.” Gaya ng binanggit sa Manila Bulletin, may pananagutan ang mga lider ng simbahan, na walang naitulong “upang magkaroon ng kabatiran at pagpapahalaga sa Bibliya” ang mga tao. Ang ilan sa mga sermon sa simbahan ay sinasabing nagtatampok sa pulitika sa halip na sa Kasulatan.

Nag-aagawan sa Panustos ang mga Tao at Hayop

“Nagiging palasak na ang pagsugod ng mga baboon at hyena sa mga komunidad sa Somalia na dumaranas ng tagtuyot,” ang sabi ng isang pahayagan sa Nairobi na The East African. Maraming baboon ang namatay at ilang tagapag-alaga ng hayop ang nasugatan dahil sa pag-aagawan sa tubig. Pangkat-pangkat na mga unggoy ang pumupuwesto sa “mga estratehikong interseksiyon o sa mga tulay” upang sugurin ang mga trak na nagbibiyahe ng mga paninda sa mga palengke roon. “Palasak nang makakita ng nagtatakbuhang mga hayop na may bitbit na pilíng-pilíng na saging o [malalaking] pakwan,” dagdag pa ng pahayagan.

Apektado ng mga Barko ang Lagay ng Panahon sa Dagat

Apektado ng masikip na trapiko ng naglalayag na mga barko ang lagay ng panahon sa dagat, ang report ng pahayagang Kölner Stadt-Anzeiger sa Alemanya. Pinag-aralan ng mga mananaliksik sa Max Planck Institute for Meteorology, Hamburg, ang namumuong ulap sa kalawakan ng English Channel. Natuklasan nilang manipis na ang ulap sa mga lupaing malapit sa baybayin, samantalang makapal naman sa dagat. Ang pangyayaring ito ay isinisisi sa mga usok na ibinubuga ng mga barko. Pinaniniwalaang nagiging sanhi ng kondensasyon ang mga usok na nanggagaling sa mga barko, anupat bumibilis ang pamumuo ng mga patak ng ulan. “Sa nakalipas na 50 taon,” ang sabi ng pahayagan, “dumami nang mahigit apat na ulit ang gasolinang kinokonsumo ng mga barko.”