Ano Na ang Nangyayari sa mga Relihiyon?
Ano Na ang Nangyayari sa mga Relihiyon?
MARAMING pagkakatulad ang kultura ng mga taga-Latin Amerika, mula sa Mexico sa hilaga hanggang sa Chile sa timog. Naaalaala pa ng matatandang taga-Latin Amerika ang panahon noong halos iisa pa lamang ang relihiyon, ang Romanong Katolisismo. Noong ika-16 na siglo, gumamit ng dahas ang mga Kastilang konkistador upang ipasok ang Katolisismo. Ang Brazil ay kolonya noon ng Portugal na isang Romano Katolikong bansa. Sa loob ng 400 taon, sinuportahan ng Simbahang Katoliko ang mga gobyernong nanunungkulan kapalit ng pinansiyal na suporta at pagkilala bilang opisyal na relihiyon.
Gayunman, noong dekada ng 1960, napag-isip-isip ng ilang paring Katoliko na dahil sa pagkampi nila sa maimpluwensiyang mga tagapamahala, iniuurong na ng masa ang kanilang suporta. Kaya nagsimula silang mangampanya para sa kapakanan ng mahihirap, partikular na ang pagtataguyod ng tinatawag na teolohiya ukol sa kalayaan (liberation theology). Nagsimula ang kilusang ito sa Latin Amerika bilang protesta sa kahirapang kinasasadlakan ng napakaraming Katoliko.
Sa kabila ng pagsisikap ng klero na makisangkot sa popular na mga kilusang pampulitika, iniwan pa rin ng milyun-milyon ang pananampalatayang Katoliko upang subukin ang ibang relihiyon. Mabilis na dumami ang mga relihiyong nagdaraos ng mga serbisyong may kasamang palakpakan at marubdob na awitan ng mga himno o tila konsyertong rock. “Nababahagi sa di-mabilang na mga Simbahan ang kilusang Ebanghelikal sa Latin Amerika,” ang sabi ni Duncan Green, sa kaniyang aklat na Faces of Latin America. “Ang mga ito ay kadalasang balwarte ng isang pastor. Kapag lumago ang kongregasyon, karaniwan nang mahahati nang mahahati ito at magiging bagong mga Simbahan.”
Tinalikuran ng Europa ang mga Simbahan
Mahigit 1,600 taon nang pinamamahalaan ng mga gobyernong nag-aangking Kristiyano ang kalakhang bahagi ng Europa. Sumusulong ba ang relihiyon sa Europa ngayong ika-21 siglo? Noong 2002, ganito ang sinabi ng sosyologong si Steve Bruce, sa kaniyang aklat na God is Dead—Secularization in the West, hinggil sa Britanya: “Noong ikalabinsiyam na siglo, halos lahat ng kasalan ay may relihiyosong seremonya.” Gayunman, pagsapit ng 1971, 60 porsiyento na lamang ng mga
kasalan sa Inglatera ang may relihiyosong seremonya. Noong 2000, 31 porsiyento na lamang ito.Hinggil sa kalakarang ito, ganito ang isinulat ng isang kolumnistang panrelihiyon ng Daily Telegraph ng London: “Tuluy-tuloy ang paghina ng lahat ng pangunahing denominasyon, mula sa Church of England at Romano Katoliko hanggang sa Metodista at United Reformed Church.” Sinabi niya hinggil sa isang report: “Halos magsasara na ang mga Simbahan sa Britanya pagsapit ng 2040 anupat dalawang porsiyento na lamang ng mga mamamayan ang magsisimba tuwing Linggo.” Ganiyan din ang sinabi hinggil sa relihiyon sa Netherlands.
“Sa nakalipas na mga dekada, lumilitaw na nawawalan na ng halaga ang relihiyon sa ating bansa,” ang sabi ng isang report ng Dutch Social and Cultural Planning Office. “Inaasahan na pagsapit ng 2020, wala nang kinaaanibang relihiyon ang 72% ng mga mamamayan.” Ganito naman ang sinabi ng isang pahayagan sa Internet sa Alemanya: “Parami nang paraming Aleman ang bumabaling sa pangkukulam at okulto para makadama ng kaaliwan na dating naibibigay ng mga simbahan, trabaho at pamilya. . . . Napipilitang magsara ang mga simbahan sa buong lupain dahil sa kakulangan ng mga kongregasyon.”
May mga nagsisimba pa rin sa Europa subalit hindi para alamin kung ano ang hinihiling sa kanila ng Diyos. Ganito ang sinasabi ng isang ulat mula sa Italya: “Ibinabagay ng mga Italyano ang kanilang relihiyon sa kanilang istilo ng pamumuhay.” Ganito ang sinabi ng isang sosyologo roon: “Tinatanggap lamang namin kung ano ang gusto namin sa sinasabi ng papa.” Ganiyan din ang masasabi hinggil sa mga Katoliko sa Espanya, kung saan ang sigasig sa relihiyon ay napalitan na ng materyalismo at paghahangad na yumaman—ngayon na mismo at hindi bukas.
Ang mga kalakarang ito ay ibang-iba sa Kristiyanismong itinuro at ikinapit ni Kristo at ng kaniyang mga tagasunod. Hindi nagtatag si Jesus ng relihiyon na parang “kapitirya,” kung saan maaari mong piliin kung ano lamang ang gusto mo at tanggihan ang ayaw mo. Sinabi niya: “Kung ang Lucas 9:23.
sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos sa araw-araw at sundan ako nang patuluyan.” Itinuro ni Jesus sa mga tao na kailangan sa Kristiyanong paraan ng pamumuhay ang sakripisyo at pagsisikap.—Pangangalakal ng Relihiyon sa Hilagang Amerika
Di-gaya sa Canada—kung saan, ayon sa mga komentarista, mapagduda ang mga tao sa relihiyon—sineseryoso naman ng mga tao sa Estados Unidos ang relihiyon. Ayon sa ilang pangunahing organisasyong nagsusurbey, di-kukulangin sa 40 porsiyento ng mga taong tinanong ang nagsabing nagsisimba sila linggu-linggo, bagaman mga 20 porsiyento lamang talaga ang aktuwal na bilang ng mga nagsisimba. Mahigit 60 porsiyento ang nagsasabing naniniwala silang Salita ng Diyos ang Bibliya. Gayunman, maaaring panandalian lamang ang sigasig nila sa isang relihiyon. Maraming nagsisimba sa Estados Unidos ang mabilis magpalit ng relihiyon. Kapag nawala na ang popularidad o karisma ng isang mangangaral, di-magtatagal ay maglalaho ang kaniyang kongregasyon—at kadalasang pati na rin ang kaniyang malaking suweldo!
Ang ilang simbahan ay nag-aaral ng mga estratehiya sa negosyo para malaman kung paano mas mahusay na “ikakalakal” ang kanilang mga relihiyosong serbisyo. Nagbabayad ng libu-libong dolyar ang mga kongregasyon para sa mga kompanyang mapagkokonsultahan ng simbahan. “Sulit na sulit ang pamumuhunang ito,” ang sabi ng isang nasisiyahang pastor, ayon sa isang ulat hinggil sa gayong mga kompanya. Malaki ang kinikita ng malalaking simbahan, na may libu-libong miyembro ng kongregasyon, anupat nakuha nito ang pansin ng mga publikasyong pangnegosyo, gaya ng The Wall Street Journal at The Economist. Iniuulat ng mga ito na karaniwan nang nag-aalok ang malalaking simbahan ng mga serbisyong sasapat sa pisikal at espirituwal na pangangailangan ng mga tao. Maaaring kasama sa mga gusali ng simbahan ang mga restawran, kapihan, beauty salon, sauna, at mga pasilidad na pang-isport. Kasama naman sa mga atraksiyon ang teatro, pagdating ng mga kilalang tao, at makabagong musika. Pero ano ang itinuturo ng mga mangangaral?
Mangyari pa, naging popular na tema ang ‘ebanghelyo ng pagyaman.’ Sinasabihan ang mga nananampalataya na yayaman sila at lulusog kung malaki-laki ang iaabuloy nila sa kanilang simbahan. Kung tungkol naman sa moral, kadalasang itinuturo na mapagparaya ang Diyos. Ganito ang sabi ng isang sosyologo: “Ang mga simbahan sa Amerika ay nagpapakalma ng isip, hindi namumuna.” Karaniwan nang nakapako ang pansin ng popular na mga relihiyon sa mga payo kung paano magtatagumpay sa buhay. Unti-unti nang nagugustuhan ng mga tao ang mga relihiyong walang denominasyon, kung saan halos hindi nababanggit ang mga doktrina, na itinuturing na sanhi ng pagkakabaha-bahagi. Pero kadalasan namang malinaw at tahasang ipinapasok ang pulitika. Nagdulot ng kahihiyan sa ilang klero ang pagkakasangkot ng mga simbahang ito sa pulitika kamakailan.
Sumisigla bang muli ang relihiyon sa Hilagang Amerika? Noong 2005, iniulat ng magasing Newsweek ang popularidad ng “mga serbisyong may kasamang hiyawan, pagkahimatay, padyakan,” at iba pang relihiyosong kaugalian, subalit binanggit nito: “Anuman ang nangyayari dito, hindi ito nangangahulugang napakarami nang nagsisimba.”
Ayon sa surbey, dumarami ang bilang ng mga taong nagsasabing wala silang kinaaanibang relihiyon. Lumalaki lamang ang ilang kongregasyon dahil lumiliit ang iba. Sinasabing pulu-pulutong na mga tao ang umiiwan sa tradisyonal na mga relihiyon pati na sa kanilang mga seremonya, musika sa organo, at klerong nakaabito.Sa maikling pagtalakay na ito, nakita nating nagkakawatak-watak ang mga relihiyon sa Latin Amerika, naglalaho ang kanilang mga kongregasyon sa Europa, at nananatili lamang ang suporta ng mga tao dahil sa inilalaang libangan at katuwaan sa Estados Unidos. Mangyari pa, may mga eksepsiyon naman sa karaniwang kalakarang ito, pero nakikita natin sa pangkalahatan ang pagpupunyagi ng mga relihiyon na mapanatili ang kanilang popularidad. Nangangahulugan ba ito na humihina na ang Kristiyanismo?
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
“PARA NANG SUPERMARKET ANG RELIHIYON”
Sinabi ng direktor ng National Vocation Service ng Simbahang Katoliko sa Pransiya: “Nakikita natin na para nang supermarket ang relihiyon. Sinasamantala ng mga tao ang serbisyo ng simbahan, at kapag hindi nila makita ang relihiyong gusto nila, lumilipat sila sa iba.” Sa isang pag-aaral sa mga relihiyon sa Europa, sinabi ni Propesora Grace Davie ng Exeter University sa Britanya: “Basta ‘pinipili at pinaghahalo’ lamang ng mga tao ang iba’t ibang relihiyon. Ang relihiyon, gaya ng maraming iba pang bagay, ay malaya na ngayong mapipili ng mga tao batay sa kanilang istilo ng pamumuhay at kagustuhan.”
[Larawan sa pahina 4, 5]
Mga sulat sa pader ng simbahan, Naples, Italya
[Credit Line]
©Doug Scott/age fotostock
[Larawan sa pahina 4, 5]
Sa Mexico, iniiwan na ng marami ang relihiyong Katoliko