Ano ang Mangyayari sa Kristiyanismo?
Ano ang Mangyayari sa Kristiyanismo?
MAKUKUMBERTE kaya ang daigdig sa Kristiyanismo, o maglalaho na ito? Nanatili bang dalisay ang Kristiyanismo na gaya ng isang tanglaw sa madilim na sanlibutan, o nabantuan na ito? Mga tanong ito na nakababahala sa atin hanggang sa ngayon.
Ipinakita ni Jesus, sa simpleng ilustrasyon, na karaka-raka matapos niyang itanim ang mga binhi ng Kristiyanismo, isang kaaway, si Satanas, ang nakialam. (Mateo 13:24, 25) Kaya hindi lamang basta mga kaganapan sa lipunan ang nagpabago sa Kristiyanismo sa unang ilang siglo pagkatapos ng ministeryo ni Jesus. Gawa ito ng kaaway, si Satanas. Ginagawa pa rin ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang mga pagkakamali nito noong nakaraan, kaya naman inaani ng mga ito ang bunga.—2 Corinto 11:14, 15; Santiago 4:4.
Palihim na Pagsalakay sa Kristiyanismo
Inihula ni Jesus na pasasamain ang kaniyang mga turo. Sinabi niya: “Ang kaharian ng langit ay naging tulad ng isang tao na naghasik ng mainam na binhi sa kaniyang bukid. Habang natutulog ang mga tao, ang kaniyang kaaway ay dumating at naghasik ng mga panirang-damo sa gitna ng trigo, at umalis.” Itinawag-pansin ng mga lingkod sa lalaki ang kasamaang ito at nang humingi sila ng pahintulot na tipunin ang mga panirang-damo, nakapagtatakang sinabi ng lalaki: “Hindi; baka sa paanuman, samantalang tinitipon ninyo ang mga panirang-damo, ay mabunot ninyong kasama nila ang trigo. Hayaan ninyong kapuwa sila lumaking magkasama hanggang sa pag-aani; at sa kapanahunan ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga panirang-damo at bigkisin ang mga iyon sa mga bungkos upang sunugin ang mga iyon, pagkatapos ay tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.”—Mateo 13:24-30.
Gaya ng paliwanag mismo ni Jesus, ang lalaki sa kaniyang ilustrasyon na naghasik ng trigo sa bukid ay kumakatawan kay Jesus, at ang mga binhi na itinanim niya ay kumakatawan naman sa mga tunay na Kristiyano. Ang kaaway na naghasik ng mga panirang-damo sa gitna ng trigo ay kumakatawan sa “Diyablo.” Ang mga panirang-damo ay ang tampalasan at apostatang mga lalaki na may-kasinungalingang Mateo 13:36-42) Nagbigay pa ng karagdagang detalye si apostol Pablo hinggil sa mangyayari. Sinabi niya: “Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang mapaniil na mga lobo at hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, at mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.”—Gawa 20:29, 30.
nag-aangking mga lingkod ng Diyos. (Pinasamâ ang Kristiyanismo
Natupad ba ang ilustrasyon ni Jesus at ang inihula ni Pablo? Oo. Kinontrol ng ambisyosong mga lalaki ang kongregasyon na itinatag ni Jesus at ginamit ito sa sarili nilang kapakanan. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Gayunman, nakipag-alyansa sa mga tagapamahala ang mga lalaking uhaw sa kapangyarihan at bumuo ng mga pambansang relihiyon na nagkaroon ng malaking kapangyarihan at nagkamal ng yaman. Nagturo ang mga relihiyong ito ng “mga bagay na pilipit.” Halimbawa, tinuruan nila ang mga tao na sumamba sa Estado at isakripisyo ang kanilang buhay sa pakikidigma. Kaya nakibahagi sa mga Krusada ang diumano’y mga Kristiyano at pumatay ng mga taong itinuturing nilang di-sumasampalataya. Nakipagdigma rin sila at pumatay ng sarili nilang mga “kapatid” na karelihiyon nila. Talaga ngang hindi nila ikinapit ang Kristiyanong neutralidad at ang pag-ibig sa kapuwa.—Mateo 22:37-39; Juan 15:19; 2 Corinto 10:3-5; 1 Juan 4:8, 11.
Maliwanag, ang mga relihiyong nag-angking Kristiyano sa loob ng maraming siglo ay balatkayong Kristiyanismo lamang. Ito ang dahilan kung kaya, gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, ang mga relihiyon ay patuloy na nagkakawatak-watak at nagiging mga sekta, nakikisangkot sa pulitika, at nagwawalang-bahala sa mga kautusan ng Diyos. Ang masasamang bungang ito ay iniluwal, hindi ng tunay na Kristiyanismo, kundi ng huwad na Kristiyanismong itinanim ng Diyablo. Ano ang kahihinatnan ng huwad na relihiyong ito? Gaya ng ipinakita ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon, hindi lamang ito basta maglalaho dahil sa kawalan ng suporta. Hahatulan ito at pupuksain.
Mga Tunay na Kristiyano na Sumisikat sa Kadiliman
Gayunman, bago tipunin at puksain ang mga “panirang-damo” ng huwad na Kristiyanismo, ipinakikita ng ilustrasyon ni Jesus na may isang bagay na kailangan munang maganap. Sa loob ng maraming siglo, lumago nang husto ang mga huwad na Kristiyanong “panirang-damo” anupat halos matabunan na ang “trigo” ng tunay na Kristiyanismo. Subalit inilarawan ni Jesus na ibubukod ang trigo sa mga panirang-damo sa panahon ng “pag-aani,” na ayon sa kaniya ay kumakatawan sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sinabi rin niya: “Sa panahong iyon ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw.” (Mateo 13:39-43) Ipinakikita ng ebidensiya na nabubuhay na tayo sa katapusan ng sistema ng mga bagay mula noong Digmaang Pandaigdig I, na naganap mahigit 90 taon na ang nakalilipas. (Mateo 24:3, 7-12) Natupad din ba ang bahaging ito ng makahulang ilustrasyon ni Jesus?
Ang mga tunay na Kristiyano ay naibukod na mula sa “panirang-damo” ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga Saksi ni Jehova ay ‘sumisikat nang maliwanag na gaya ng araw,’ habang tinutulungan ang iba na makilala ang tunay na Diyos, si Jehova. Hindi ibinababa ng mga Saksi ang kaniyang mga pamantayan. Sa halip, kailangang gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay ang mga nagiging Saksi upang masunod ang mga Kristiyanong simulain na masusumpungan sa Bibliya.
Hindi libangan ang inilalaan ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga pulong kundi libreng pag-aaral sa Bibliya. Nasisiyahan din sila sa mainit na pag-ibig at pagkakaibigan, mga katangiang natututuhan nila sa pag-aaral ng Kasulatan. Naniniwala silang babaguhin ng Diyos ang lupa at gagawin itong paraiso na paninirahan ng maaamo sa lupa, gaya ng orihinal na nilayon niya. Subalit dapat munang alisin sa daigdig ang nakasasamang impluwensiya ng huwad na relihiyon, na tinatawag sa Bibliya na Babilonyang Dakila. Ayon sa hula ng Bibliya, malapit nang gawin ni Jehova ang gayong malaking pagbabago.—Mateo 5:5; Apocalipsis 18:9, 10, 21.
Kapag napalaya na ang masunuring sangkatauhan mula sa mapanlinlang na mga gawain ng huwad na relihiyon, pagkakaisahin ng tunay na Kristiyanong pagsamba ang lahat ng nabubuhay sa lupa. Isa ngang kamangha-manghang kinabukasan para sa tunay na Kristiyanismong itinanim ni Jesus! Isasauli ang Edenikong Paraiso sa mapayapang lupa, at wala nang mga relihiyon na muling magdudulot ng pagkakabaha-bahagi at di-pagkakasundo!
[Larawan sa pahina 7]
“Ang kaniyang kaaway ay dumating at naghasik ng mga panirang-damo.”—Mateo 13:25
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Malugod kang inaanyayahan sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, kung saan may mga libreng pag-aaral sa Bibliya
[Larawan sa pahina 9]
“Pagkatapos ay tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.”—Mateo 13:30