Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Homoseksuwalidad—Paano Ko Ito Maiiwasan?
“Noong 12 anyos ako, nagkagusto ako sa isa kong kaeskuwelang babae. Nalito ako at natakot na baka ako ay tomboy.”—Anna. *
“Noong tin-edyer ako, pinaglabanan ko ang pagkakagusto sa kapuwa ko lalaki. Sa totoo lang, alam kong hindi ito normal.”—Olef.
“Minsan o makalawang ulit na naghalikan kami ng kaibigan kong babae. Pero dahil nagkakagusto pa rin ako sa mga lalaki, inisip ko na baka silahis ako.”—Sarah.
DAHIL halos lahat ay puwede na ngayon, maraming kabataan ang nag-eeksperimento at nakikipagrelasyon sa kanilang kasekso. “Maraming babae sa aming paaralan ang nagsasabing sila’y tomboy, silahis, o interesadong makipagtalik, sa kasekso man o hindi,” ang sabi ng 15-anyos na si Becky. Ganito rin ang situwasyon sa kanilang paaralan ayon kay Christa, 18 anyos. “Dalawang kaklase ko ang direktang nagyaya sa akin na makipagtalik,” ang sabi niya. “Sinulatan ako ng isa at tinanong kung gusto kong maranasang makipagtalik sa isang babae.”
Yamang ipinangangalandakan na ngayon ang pakikipagrelasyon sa kasekso, baka itanong mo: ‘Talaga nga kayang masama ang homoseksuwalidad? Paano kung nagkakagusto ako sa aking kasekso? Ibig bang sabihin nito, homoseksuwal ako?’
Ano ang Pangmalas ng Diyos sa Homoseksuwalidad?
Ngayon, hindi na gaanong ginagawang isyu ng maraming tao—maging ng ilang klerigo—ang homoseksuwalidad. Subalit napakaliwanag ng sinasabi ng Bibliya tungkol dito. Sinasabi nito sa atin na ginawa ng Diyos na Jehova ang lalaki at babae at nilayon niya na para lamang sa mag-asawa ang pagsisiping. (Genesis 1:27, 28; 2:24) Kaya nga hindi nakapagtatakang hatulan ng Bibliya ang homoseksuwalidad.—Roma 1:26, 27.
Totoo, marami ang nagsasabing lipas na ang Bibliya. Isaias 48:17, 18) Makatuwiran naman iyan. Tutal, may nakauunawa pa ba sa ating pagkatao nang higit kaysa sa ating Maylalang?
Halimbawa, iginiit ng 14-anyos na si Megan, “Hindi na importante ngayon ang ilan sa mga bagay na sinasabi ng Bibliya.” Pero bakit kaya iyan agad ang sinasabi ng ilan? Kadalasang iyon ay dahil salungat ang pangmalas ng Bibliya sa pangmalas nila. Tinatanggihan nila ang Salita ng Diyos dahil iba ang itinuturo nito sa gusto nilang paniwalaan. Pero pilipit ang pangmalas na iyan at pinasisigla tayo ng Bibliya na buksan ang ating isip! Sa katunayan, hinihimok tayo ng Diyos na Jehova mula sa kaniyang Salita na isiping sa ikabubuti natin ang kaniyang mga utos. (Bilang kabataan, marahil ay nakadarama ka ng iba’t ibang emosyon. Paano kung nagkakagusto ka sa iyong kasekso? Nangangahulugan ba ito na isa kang homoseksuwal? Hindi. Tandaan, ikaw ay nasa “kasibulan ng kabataan,” ang panahon kung kailan nakararanas ka ng di-sinasadyang pagkapukaw sa sekso. (1 Corinto 7:36) May panahong mapapako ang iyong atensiyon sa isang kasekso. Pero hindi naman nangangahulugang homoseksuwal ka na dahil sa gayong pagkaakit. Sa katunayan, ipinakikita ng estadistika na karaniwan nang lumilipas din ang gayong damdamin. Gayunman, baka maisip mo pa rin, ‘Paano ba nagsimula ang ganitong pagnanasa?’
Sinasabi ng ilan na nakaugat na raw sa mga gene ang homoseksuwalidad. Para naman sa iba, ito raw ay natututunan. Hindi nilayon ng artikulong ito na pagdebatihan kung namamana nga ba o natututunan ang homoseksuwalidad. Ang totoo, hindi talaga makatuwirang sabihin na isa lamang ang sanhi ng homoseksuwalidad. Ang homoseksuwalidad ay lumilitaw na lubhang masalimuot na katulad din ng iba pang uri ng paggawi.
Anuman ang sanhi nito, mahalagang mabatid na hinahatulan ng Bibliya ang homoseksuwalidad. Kaya nakaharap sa isang taong nagpupunyagi laban sa pagnanasa sa kasekso ang isang makatuwirang tunguhin—maaari niyang tanggihan ang mga pagnanasang iyon. Bilang paglalarawan: Ang isang tao ay maaaring “madaling magngalit.” (Kawikaan 29:22) Baka madaling magsiklab ang kaniyang galit noon. Subalit pagkatapos mag-aral ng Bibliya, nabatid niya na kailangang magkaroon siya ng pagpipigil sa sarili. Nangangahulugan ba ito na hindi na siya kailanman mag-iinit sa galit? Hindi naman. Ngunit dahil alam niya ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa di-masupil na galit, hindi siya nagpapadaig dito. Katulad din ito ng isang taong nagkakagusto sa kaniyang kasekso pero alam na niya ngayon kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa homoseksuwalidad. Kung minsan, baka tubuan pa rin siya ng maling pagnanasa. Pero sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Bibliya, mapipigilan ng taong iyon ang kaniyang sarili upang hindi matangay ng damdaming iyon.
Totoo, maaaring malalim na ang pagkakaugat ng pagnanasa sa kasekso. Pero makatitiyak ka na mapaglalabanan mo pa rin ang maling pagnanasa kahit malalim na ang pagkakaugat nito. (1 Corinto 9:27; Efeso 4:22-24) Higit sa lahat, ikaw pa rin ang may kontrol sa iyong buhay. (Mateo 7:13, 14; Roma 12:1, 2) At sa kabila ng salungat na opinyon ng iba, maaari mong matutuhang kontrolin ang simbuyo ng iyong damdamin, o huwag magpatangay rito sa paanuman.
Tanggihan ang Maling mga Gawain
Paano mo maiiwasan ang homoseksuwalidad?
◼ Una Ihagis mo ang lahat ng iyong kabalisahan kay Jehova sa panalangin, anupat nagtitiwalang ‘siya ay nagmamalasakit sa iyo.’ (1 Pedro 5:7; Awit 55:22) Mapatitibay ka ni Jehova sa pamamagitan ng kapayapaan na “nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” Maaari nitong ‘bantayan ang iyong puso at ang iyong mga kakayahang pangkaisipan’ at bigyan ka ng “lakas na higit sa karaniwan” upang hindi matangay ng maling mga pagnanasa. (Filipos 4:7; 2 Corinto 4:7) Ganito ang sabi ni Sarah, na pinahihirapan ng pagkadamang baka isa siyang silahis: “Kapag nababalisa ako, nananalangin ako; at inaalalayan naman ako ni Jehova. Napagtatagumpayan ko lamang ang problemang ito dahil sa kaniyang tulong. Panalangin ang nagliligtas sa akin!”—Awit 94:18, 19; Efeso 3:20.
◼ Ikalawa Punuin ang iyong isip ng nakapagpapatibay at espirituwal na mga bagay. (Filipos 4:8) Basahin ang Bibliya araw-araw. Huwag kailanman maliitin ang kapangyarihan nitong hubugin ang iyong isip at puso para sa ikabubuti mo. (Hebreo 4:12) Ganito ang sabi ng kabataang si Jason: “Napakalaki ng epekto sa akin ng Bibliya—pati na ng mga tekstong tulad ng 1 Corinto 6:9, 10 at Efeso 5:3. Binabasa ko ang mga tekstong ito kapag nakakaramdam ako ng maling pagnanasa.”
◼ Ikatlo Iwasan ang pornograpiya at anumang bagay na nagtataguyod ng homoseksuwalidad, na pupukaw lamang ng mga maling kaisipan. * (Awit 119:37; Colosas 3:5, 6) Itinatampok din ng ilang pelikula at programa sa telebisyon ang paniniwalang isa lamang mapagpipiliang istilo ng pamumuhay ang homoseksuwalidad. “Nakaapekto sa akin ang pilipit na kaisipan ng sanlibutan at lalo akong nalito tungkol sa sekso,” ang sabi ni Anna. “Ngayon, iniiwasan ko na ang anuman o sinumang nagtataguyod ng homoseksuwalidad.”—Kawikaan 13:20.
◼ Ikaapat Humanap ng isang magpaghihingahan ng loob, at ipakipag-usap sa kaniya ang mga iniisip mo. (Kawikaan 23:26; 31:26; 2 Timoteo 1:1, 2; 3:10) Natatandaan pa ni Olef na humingi ng tulong sa isang Kristiyanong elder: “Napakabisa ng payo niya. Sana’y noon ko pa siya kinausap.”
Huwag Susuko!
Siyempre pa, baka sabihin ng ilan na hindi na kailangang gawin ang lahat ng ito, sa halip ay sundin mo na lamang ang nararamdaman mo at tanggapin kung ano ka talaga. Pero sinasabi ng Bibliya na may magagawa ka pa! Halimbawa, sinasabi nito na may ilang Kristiyano noong unang panahon na dating mga homoseksuwal pero nagbago naman. (1 Corinto 6:9-11) Mapagtatagumpayan mo rin ito kahit nararamdaman mo pa lamang ito.
Kung nananatili pa rin ang iyong pagnanasa, huwag mong isiping natalo ka na sa iyong pakikipagpunyagi. (Hebreo 12:12, 13) Lahat tayo ay may masasamang hilig na pinaglalabanan kung minsan. (Roma 3:23; 7:21-23) Kung hindi ka magpapatangay sa maling pagnanasa, posible itong lumipas sa kalaunan. (Colosas 3:5-8) Higit sa lahat, umasa ka sa tulong ni Jehova. Mahal ka niya at alam niya kung ano ang makapagpapaligaya sa iyo. (Isaias 41:10) Oo, “magtiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti . . . , at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.”—Awit 37:3, 4.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
^ par. 3 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.
^ par. 19 Dahil sa metrosexuality—istilo ng pamumuhay na ang mga lalaki ay labis na nagtutuon ng atensiyon sa kanilang sarili at lalo na sa kanilang hitsura—naging mahirap makita ngayon ang pagkakaiba ng isang homoseksuwal at ng isang heteroseksuwal. Ayon sa lalaki na sinasabing nakaimbento ng salitang ito, ang taong metrosexual ay “maaaring isang homoseksuwal, heteroseksuwal o kaya’y silahis, ngunit hindi ito ang mahalaga dahil maliwanag na ang sarili niya ang mahal niya at nakikipagtalik siya sa anuman o sa sinumang nakapagdudulot sa kaniya ng kaluguran.” Naging popular ang terminong ito, sabi ng isang ensayklopidiya, “dahil tanggap na sa lipunan ang mga bakla at hindi na gaanong ginagawang isyu ang homoseksuwalidad at ang nagbabagong mga ideya tungkol sa mga katangian ng tunay na lalaki.”
PAG-ISIPAN
◼ Bakit hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang homoseksuwalidad?
◼ Ano ang magagawa mo kung nahihirapan kang paglabanan ang pagkagusto sa iyong kasekso?
◼ Kanino mo maaaring ipagtapat ito kung nakikipagpunyagi ka sa mga pagnanasang homoseksuwal?
[Larawan sa pahina 30]
Hingin ang tulong ng isang may-gulang na Kristiyano