Kumusta Naman ang mga Panatang Abstinensiya?
Kumusta Naman ang mga Panatang Abstinensiya?
NITONG nakaraang mga taon, nagiging popular sa mga kabataan ang mga panatang pagkabirhen o abstinensiya, tulad ng “Walang pagtatalik bago ang kasal.” Kapuri-puring mga tunguhin at kasuwato ng mga utos ng Bibliya ang mga panatang ito. (1 Corinto 6:18; Efeso 5:5) Subalit pinagtatalunan ang pagiging mabisa ng mga panatang ito. Ayon sa isang surbey, mga 60 porsiyento ng mga tin-edyer ang lumabag sa kanilang panata sa loob ng isang taon.
Bukod diyan, ikinababahala kung ano ang kahulugan ng “abstinensiya” at “pagkabirhen” para sa mga kabataan. Ganito ang isinulat nina Charlene C. Giannetti at Margaret Sagarese sa kanilang aklat na Boy Crazy!: “Ang pagdami ng insidente ng oral sex, at maging ng anal sex, ay iniugnay ng mga eksperto sa mga kabataang nagnanais manatiling birhen sa ‘teknikal’ na kahulugan nito. Para sa kanila, anumang di-normal na seksuwal na gawain ay hindi maituturing na pagtatalik.”
Lumilitaw na laganap ang ganiyang pananaw. Matapos kapanayamin ang mahigit isang libong tin-edyer, ganito ang sabi ng isang awtor: “Waring isa o dalawa lamang sa isang daang kabataan ang naniniwalang pagtatalik ang oral sex.” Sinabi pa niya: “Dapat mong malaman na maaaring ganiyan ang pananaw ng iyong tin-edyer, at malamang, maging ng iyong anak na wala pang 13 anyos.”
Batid ng mga sumusunod sa mga pamantayan ng Bibliya na ang oral sex at anal sex ay talagang pagtatalik, gaya ng ipinakikita ng mismong mga pananalitang ito. Kasali sa utos ng Bibliya na “umiwas kayo sa pakikiapid” (“maging . . . lubusang malaya mula sa seksuwal na imoralidad,” Today’s English Version) ang lahat ng anyo ng ipinagbabawal na pakikipagtalik.—1 Tesalonica 4:3.