Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Haharapin ang Problema sa Trapiko

Kung Paano Haharapin ang Problema sa Trapiko

Kung Paano Haharapin ang Problema sa Trapiko

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

PAPUNTA ka sa doktor, at inaakala mong mahaba pa ang oras mo nang umalis ka sa bahay. Pero hindi mo naisip na baka matrapik ka. Habang lumilipas ang mga sandali at halos gumagapang na lamang ang iyong kotse, nagsimula ka nang mabalisa. Sa wakas, nakarating ka rin sa klinika ng doktor, pero nahuli ka nang kalahating oras.

Trapiko ang isa sa pinakamalalang problema sa pagtira sa lunsod, lalo na kung usad-pagong na ang daloy ng trapiko na nagpapasikip sa mga kalsada at nagpaparumi sa hangin. Nakalulungkot, hindi nababawasan ang araw-araw na pahirap na ito na dinaranas ng milyun-milyong naninirahan sa lunsod.

Ganito ang iniulat ng Texas Transportation Institute tungkol sa Estados Unidos: “Tumitindi ang pagsisikip ng trapiko sa lahat ng lugar sa mga lunsod, malaki man o maliit.” Sinabi pa ng ulat na hindi talaga makabuo ang mga awtoridad ng sapat na solusyong lulutas sa lumalaking pangangailangan ng mga nagbibiyahe sa lunsod. Ganiyan din ang situwasyon sa buong daigdig. Kamakailan, libu-libong motorista sa Tsina ang naipit sa 100-kilometrong buhul-buhol na trapikong inabot nang ilang araw bago naayos ng mga pulis. Sa Mexico City, ang 20-kilometrong biyahe sa loob ng lunsod ay maaaring abutin nang mahigit apat na oras​—mas matagal pa kaysa kung lalakarin ng isang tao ang distansiya ring iyon.

Hindi mahirap malaman kung bakit nagsisikip ang mga kalsada sa lunsod. Patuloy ang pagdami ng mga tao sa lunsod, anupat halos kalahati ng populasyon ng daigdig ngayon ay nakatira sa mga lunsod. Habang dumarami ang mga tao sa lunsod, dumarami rin ang mga sasakyan. Ganito ang komento ng isang manunulat: “Napakaraming tao ang may napakaraming kotse, at gusto nilang gamitin ito sa iisang masikip na lugar.”

Kung Bakit Mahirap Lutasin ang Problema sa Trapiko

Yamang nakadepende ang mga tao sa mga sasakyan, nangangahulugan ito na kailangang harapin ng mga lunsod ang lumalaking bilang ng mga sasakyan. Sa lunsod ng Los Angeles sa Estados Unidos, may populasyong halos apat na milyon, mas marami na ngayon ang kotse kaysa sa tao! Maaaring hindi pa ganiyan ang situwasyon sa ibang lunsod, pero iilan lamang ang may kakayahang harapin ang patuloy na pagdami ng mga sasakyan. “Hindi dinisenyo ang mga lunsod para sa mga sasakyan,” sabi ni Carlos Guzmán, presidente ng Urban Commission sa Madrid. Pinakagrabe ang kalagayan sa matatanda nang lunsod na may makikipot na daan, pero kahit sa modernong mga metropolis, mabilis na nagsisikip ang malalapad na daan, lalo na sa pinakaabalang oras sa umaga at sa gabi. “Halos maghapong nagsisikip ang trapiko sa mga kalsada ng malalaking lunsod, at patindi ito nang patindi,” ang komento ni Dr. Jean-Paul Rodrigue sa kaniyang ulat na “Mga Problema ng Lunsod sa Transportasyon.”

Dahil mas mabilis ang pagbili ng mga sasakyan kaysa sa paggawa ng mga haywey, nadadaig ng mabilis na pagdami ng sasakyan kahit ang pinakamahusay na sistema ng mga kalsada. “Sa kalaunan,” paliwanag ng aklat na Stuck in Traffic​—Coping With Peak-Hour Traffic Congestion, “ang paggawa ng bagong mga kalsada o pagpapalapad ng mga dati nang daan ay hindi nakakabawas sa tindi ng pagsisikip ng trapiko sa pinakaabalang mga oras.”

Dahilan din ng pagsisikip ng trapiko ang kawalan ng sapat na paradahan. Anumang oras, maraming kotse ang maaaring nagpapaikot-ikot sa mga kalsada sa lunsod para lamang makakita ng mapaparadahan. Tinatayang mga 400,000 katao taun-taon ang namamatay dahil sa polusyon sa hangin na dulot ng trapiko​—pangunahin na sa mga lunsod. Ayon sa isang ulat, gayon na lamang katindi ang polusyon sa hangin sa Milan, Italya, anupat ang maghapong paglanghap ng hangin sa mga kalsada ng lunsod ay katumbas ng paghitit ng 15 sigarilyo.

Ang perwísyong dulot ng pagsisikip ng trapiko ay dapat ding sukatin sa mga oras na nasasayang at sa kaigtingang nararanasan ng mga drayber. Mahirap sukatin ang pinsala sa emosyon, pero tinataya ng isang pagsusuring ginawa sa Estados Unidos na ang pinsala sa ekonomiya na dulot ng pagsisikip ng trapiko sa 75 sa pinakamalalaking lunsod ay umaabot sa mga 70 bilyong dolyar sa isang taon. May magagawa pa kaya para malunasan ang situwasyong ito?

Ilang Solusyong Nagpapagaan sa Problema

Gumawa na ng matitinding hakbang ang iba’t ibang lunsod. Kinokontrol ng Singapore, isa sa may pinakamaraming sasakyan sa buong daigdig, ang bilang ng mga sasakyang maaaring bilhin ng mga tao. Lubusan nang ipinagbabawal sa makasaysayang mga lunsod pati na sa mga lunsod sa Italya ang pagpasok ng mga kotse sa sentro nito sa maghapon.

Ipinanukala sa ibang lunsod ang solusyong “bayad sa pagsisikip ng trapiko,” kung saan dapat munang magbayad ang mga drayber para makapasok sa sentro ng lunsod. Dahil sa planong ito, nabawasan nang 30 porsiyento ang pagbagal ng trapiko sa London, at waring gusto na ring tularan ito ng ibang lunsod. Sa lugar na gaya ng Mexico City, sa Mexico, makapapasok lamang sa sentro ng lunsod ang mga kotse sa mga takdang araw, batay sa numero ng plaka ng sasakyan.

Namuhunan din ng malaking halaga ang mga awtoridad ng lunsod para baguhin ang sistema ng pampublikong transportasyon, ayusin ang mga haywey, at magpagawa ng mga kalsadang paikot sa lunsod. Gumagamit sila ng mga computer upang kontrolin ang mga ilaw-trapiko at abisuhan ang mga pulis para maayos kaagad ang pagkakabuhul-buhol ng trapiko dahil sa mga aksidente. Nakatulong din sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko ang pagtatakda ng pantanging mga linya para sa bus at mga linyang puwedeng baguhin ang direksiyon depende sa daloy ng trapiko. Pero pangunahin pa ring nakasalalay ang tagumpay sa pakikipagtulungan ng mga mamamayan.

Ano ang Magagawa Mo Mismo?

Sinabi ni Jesu-Kristo na “gawin ninyo sa inyong kapwa ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.” (Mateo 7:12, Magandang Balita Biblia) Makatutulong ang matalinong payong ito para malunasan ang ilan sa pinakamatitinding problema sa trapiko. Pero kung ang iisipin lamang ng bawat isa ay ang kaniyang sariling kaalwanan, mabibigo kahit ang pinakamahuhusay na panukala. Narito ang ilang mungkahing makatutulong sa iyo na harapin nang mas mahusay ang pagsisikip ng trapiko sa inyong lunsod.

Kung malapit lamang ang pupuntahan, baka pinakamainam nang maglakad o mamisikleta na lamang. Sa maraming kalagayan, alinman dito ay mapatutunayang mas mabilis, mas madali, at mas nakatutulong sa kalusugan. Kung malayo naman ang pupuntahan, mabuti sigurong mamamasahe na lamang. Sinisikap ng maraming lunsod na paghusayin pa ang serbisyo ng kanilang mga bus, subwey, at tren upang maakit ang mga tao na huwag nang magdala ng sasakyan. Nakatitipid din kung sasamantalahin ang ganitong mga serbisyo. Kahit na kailangan mong magdala ng sasakyan papunta sa istasyon, maaari ka namang sumakay sa pampublikong sasakyan para makarating sa sentro ng lunsod.

Kung kailangan mo talagang magdala ng sasakyan, baka naman maaari kang magsakay ng iba pang magbibiyahe (carpooling). Ito ang isa sa pinakaepektibong paraan upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa pinakaabalang mga oras. Sa Estados Unidos, gumagamit ng awto ang 88 porsiyento ng lahat ng nagbibiyahe, at mga dalawang katlo sa mga ito ang nag-iisa. Kung mahihikayat ang maraming tao na magbiyaheng magkakasama patungo sa trabaho, “maaaring mabawasan nang malaki ang pagbagal at pagsisikip ng daloy ng trapiko sa pinakaabalang mga oras,” ang sabi ng Stuck in Traffic. Isa pa, sa maraming lugar, may itinakdang pantanging mga linya para sa mga kotse na may dalawa o higit pang sakay. Hindi pinapapasok sa mga linyang ito ang mga kotseng iisa lamang ang sakay.

Kung hawak mo naman ang oras mo ng paglalakbay, sikaping iwasan ang pinakaabalang oras. Mapadadali nito ang mga bagay-bagay para sa iyo at sa ibang motorista. At kung maayos kang magparada, hindi makasasagabal ang iyong sasakyan sa magandang daloy ng trapiko. Sabihin pa, kahit ang pinakamahuhusay na plano ay hindi garantiyang hindi ka na maiipit sa buhul-buhol na trapiko. Sa ganiyang mga pagkakataon, makatutulong nang malaki ang pagkakaroon ng tamang saloobin upang mabawasan ang tensiyon.​—Tingnan ang kalakip na kahon.

Maliwanag, kung nakatira ka sa malaking lunsod, kailangan mong harapin ang pagsisikip ng trapiko. Gayunpaman, kung magiging responsable, magalang at matiisin ka sa iba, makakayanan mo ang mga problema sa trapiko.

[Kahon/Larawan sa pahina 23]

Manatiling Kalmado sa Buhul-Buhol na Trapiko

Mahigit 30 taon nang tinitiiis ni Jaime, isang drayber ng taksi sa Madrid, Espanya, ang buhul-buhol na trapiko. Heto ang paraan niya para manatiling kalmado sa nakaiinis na mga situwasyon:

◼ Nagdadala ako ng mababasa. Hindi man umusad ang trapiko, hindi ako gaanong naiinis.

◼ Kapag usad-pagong ang daloy ng trapiko, nakikinig ako ng balita sa radyo o ng isang rekording sa Bibliya. Sa ganitong paraan, hindi ko gaanong napagtutuunan ng pansin ang trapiko.

◼ Karaniwan nang hindi ako bumubusina, dahil nakagagambala lamang ito sa iba at wala namang saysay. Sa pagiging magalang sa ibang drayber, naiiwasan ko ang tensiyon at natutulungan ko ang iba na magawa rin iyon.

◼ Sinisikap kong maging kalmado kapag nakakaengkuwentro ako ng agresibong mga drayber at dumidistansiya ako sa kanila. Mahalaga talaga ang pagkamatiisin.

◼ Bagaman sinusubukan kong humanap ng ibang madaraanan, sinasabi ko sa aking mga pasahero na kung minsan, maaari silang mahuli sa kanilang mga lakad dahil sa mabagal na daloy ng trapiko. Mahirap talagang maging nasa oras kapag nagbibiyahe sa lunsod.