Sause—Pamilya ng Punungkahoy na Maraming Gamit
Sause—Pamilya ng Punungkahoy na Maraming Gamit
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CZECH REPUBLIC
ANG isa ay payat, deretso, at matikas. Ang isa naman ay hukot at nakalaylay ang pinakatuktok. Subalit sa kabila ng magkakaibang hitsura ng mga ito, malapit silang magkamag-anak. Ano ang mga ito? Mga punungkahoy—ang alamo (poplar) at ang weeping willow. Pareho itong kabilang sa pamilya ng mga sause (willow).
Karaniwan nang nakikita ang mga puno ng sause sa mga pampang ng ilog at mabababaw na batis. Dito sa Czech Republic, tumutubo ito sa mga latian, kung saan agad itong umuusbong mula sa maliliit na sanga. Ang mga sause ay tumataas nang mahigit 30 metro. Ang mga dahon nito ay maaaring makitid at napakagandang tingnan habang nakalaylay sa mahahaba at payat na mga sanga. O, gaya ng sa mga shinning willow at pussy willow, maaari ding malapad ang mga dahon nito.
Bagaman may mahigit 350 uri ng sause at alamo, may isang partikular na uring madalas pag-ukulan ng pansin—ang weeping willow. Ang isa pang uri na tinatawag na goat willow ay nakilala naman dahil sa mabalahibo at nakakumpol na mga bulaklak nito, na umuusbong muna bago magkadahon ang puno. Kapag umuusbong na ang maliliit na kumpol na ito, malapit na raw ang tagsibol.
Kapamilya
Pangkaraniwang tanawin na lamang ang mga punong alamo sa Bohemia, ang rehiyon na kinaroroonan ng Prague, ang kabisera ng Czech. May di-kukulangin sa 35 uri ng alamo, na pawang kabilang sa pamilya ng mga sause. Ang pinakamarami marahil ay ang black poplar, at madalas itong matagpuan sa tabi ng mga batis at sa mamasa-masang kagubatan ng Bohemia. Ang isang uri ng black poplar na kilala bilang Lombardy, o Italian, poplar ay may payat na katawan at mga sangang tumutubong patayo malapit sa mismong katawan ng punungkahoy. Tumataas ang magandang punungkahoy na ito nang 35 metro, katumbas ng 11-palapag na gusali! Makikita rin ang mga Italian poplar sa maraming tabing-daan, anupat pinagaganda nito ang tanawin sa kabukiran, lalo na kung taglagas at nagiging matitingkad na dilaw na ang kulay ng mga dahon.
Ang mga aspen ay isa ring uri ng alamo. Hindi gayon kataas ang mga ito, at medyo maninipis ang pinakatuktok nito. May isa pang pagkakakilanlan ang mga aspen—madampian lamang ng banayad na hangin, sumasayaw na agad ang mga dahon nito.
Mga Sause sa Bibliya?
Baka wala sa isip mo na tumutubo rin pala ang mga punong alamo hanggang sa malayong katimugan gaya ng Gitnang Silangan. Gayunman, sinasabi sa Bibliya na isinasabit ng mga Israelita ang kanilang mga alpa sa mga punong alamo noong mga tapon pa sila sa Babilonya. (Awit 137:2) Bakit kaya nila ito ginagawa noon? Bagaman ang alpa ay isang instrumentong ginagamit sa pagpuri sa Diyos, walang ganang tumugtog ng kanilang mga alpa ang malulungkot na Israelita sa panahong iyon ng pagdurusa. (Isaias 24:8, 9) Binabanggit din sa Salita ng Diyos na ang alamo ay isa sa mga punungkahoy na ang mga pangunahing sanga ay pinayagang gamitin sa pagtatayo ng mga kubol tuwing Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani. (Levitico 23:40) Inilalarawan sa aklat ng Bibliya na Job na ang walang-takot na hipopotamus ay nakatira sa mga sapa at sinasabing “pinalilibutan siya ng mga alamo ng agusang libis.”—Job 40:22.
Sa ngayon, ang mga punong alamo at sause ay ginagamit sa iba’t ibang produktong pangkomersiyo. Ang mga alamo ay karaniwang ginagamit sa paggawa ng pangkalupkop, playwud, kanastro (crate), karton, at iba’t iba pang produktong papel. Pinahahalagahan din ang punong sause dahil sa maraming gamit nito. Ang mga bihasang manggagawa ay nakabubuo ng magagandang basket at mga muwebles mula sa malalambot na siit nito. Talagang isang pamilya ng punungkahoy na maraming gamit ang sause!
[Larawan sa pahina 10]
Mga dahon ng “aspen”
[Larawan sa pahina 10]
“Weeping willow”
[Larawan sa pahina 10]
“Lombardy poplar”
[Larawan sa pahina 10]
“Goat willow”
[Larawan sa pahina 10]
“Black poplar”