Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Kapakumbabaan ba ay Kahinaan o Kalakasan?

Ang Kapakumbabaan ba ay Kahinaan o Kalakasan?

ANG mga mapagmalaki at agresibo ay madalas ituring ng sanlibutan bilang mga taong dapat tularan. Ang mga mapagpakumbaba at maaamo naman ay karaniwan nang itinuturing na mahina, matatakutin, o sunud-sunuran. Pero talaga bang kahinaan ang tunay na kapakumbabaan? At talaga bang kalakasan ang pagmamapuri? Ano ba ang sinasabi ng Bibliya?

Unang-una, hindi lahat ng uri ng pagmamapuri ay hinahatulan ng Bibliya. Halimbawa, dapat ipagmalaki ng mga Kristiyano na si Jehova ang kanilang Diyos at na kilala niya sila. (Awit 47:4; Jeremias 9:24; 2 Tesalonica 1:3, 4) Maaaring ipagmalaki ng mga magulang ang kanilang mga anak kapag ang mga ito ay nagpapakita ng mabuting halimbawa sa Kristiyanong paggawi at lakas-loob na naninindigan sa tunay na pagsamba. (Kawikaan 27:11) Gayunman, may uri ng pagmamapuri na masama.

Masusing Paghahambing sa Pagmamapuri at Kapakumbabaan

Ang isang kahulugan ng pagmamapuri ay labis na paghanga sa sarili. Mali ang ganitong uri ng pagmamapuri yamang kapag ang isa ay nakadarama nang gayon, marahil dahil sa kaniyang kagandahan, lahi, katayuan sa lipunan, talino, o kayamanan, iniisip niya na siya ay importante at nakahihigit sa iba. (Santiago 4:13-16) Sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa mga taong “mapagmalaki.” (2 Timoteo 3:4) Ipinahihiwatig nito na napakataas ng tingin ng mga taong ito sa kanilang sarili, na hindi naman nararapat.

Sa kabilang panig, sinisikap ng mga mapagpakumbaba na tingnan ang kanilang sarili sa matapat at timbang na paraan, anupat kinikilala ang kanilang di-kasakdalan at ang kanilang mababang katayuan sa harap ng Diyos. (1 Pedro 5:6) Bukod diyan, kinikilala rin nila​—at ikinatutuwa pa nga​—ang mahuhusay na katangiang nakikita nila sa iba. (Filipos 2:3) Hindi sila labis-labis na naiinggit sa iba. (Galacia 5:26) Kaya hindi kataka-taka kung bakit may mabuting kaugnayan sa iba ang mga tunay na mapagpakumbaba at mayroon silang kapanatagan at katatagan ng damdamin.

Isaalang-alang ang halimbawa ni Jesus. Bago siya pumarito sa lupa, isa siyang makapangyarihang espiritung nilalang sa langit. At noong siya’y nasa lupa, sakdal siya at hindi nagkasala. (Juan 17:5; 1 Pedro 2:21, 22) Nakahihigit ang kaniyang kakayahan, talino, at kaalaman. Pero hindi siya kailanman nagyabang kundi nanatiling mapagpakumbaba. (Filipos 2:6) May pagkakataon pa ngang hinugasan niya ang paa ng kaniyang mga apostol; at taimtim siyang nagmalasakit sa maliliit na bata. (Lucas 18:15, 16; Juan 13:4, 5) Sa katunayan, habang nasa tabi niya ang isang bata, sinabi ni Jesus: “Ang sinumang magpapakababa ng kaniyang sarili na tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.” (Mateo 18:2-4) Oo, para kay Jesus​—at sa kaniyang Ama​—ang tunay na dakila ay ang mga mapagpakumbaba, hindi ang mga mapagmapuri.​—Santiago 4:10.

Kalakasan ang Kapakumbabaan

Bagaman isang huwaran ng kapakumbabaan si Jesus, tiyak na hindi siya mahiyain, matatakutin, o mahina ang loob. Lakas-loob niyang ipinakipag-usap ang katotohanan at hinding-hindi siya natakot sa tao. (Mateo 23:1-33; Juan 8:13, 44-47; 19:10, 11) Kaya natamo niya ang paggalang maging ng ilan sa mga salansang sa kaniya. (Marcos 12:13, 17; 15:5) Pero hindi kailanman naging dominante si Jesus. Sa halip, dahil sa kaniyang kapakumbabaan, kabaitan, at pag-ibig, naging magaan ang loob ng mga tao sa kaniya kung kaya’t napamahal siya sa kanila, na hindi kailanman magagawa ng mga mapagmalaki. (Mateo 11:28-30; Juan 13:1; 2 Corinto 5:14, 15) Maging sa ngayon, milyun-milyon ang matapat na nagpapasakop kay Kristo dahil sa kanilang tunay na pag-ibig at matinding paggalang sa kaniya.​—Apocalipsis 7:9, 10.

Pinasisigla tayo ng Salita ng Diyos na maging mapagpakumbaba dahil madaling tumanggap ng payo ang mga mapagpakumbaba at nakalulugod silang turuan. (Lucas 10:21; Colosas 3:10, 12) Gaya ni Apolos, isang sinaunang Kristiyanong guro na mahusay magsalita, nalulugod silang baguhin ang kanilang pananaw kapag may iniharap sa kanila na tumpak at bagong impormasyon. (Gawa 18:24-26) At hindi sila takot magtanong, samantalang ang mapagmalaki ay madalas na nag-aatubiling magtanong, dahil natatakot silang malaman ng iba na wala silang alam.

Isaalang-alang ang halimbawa ng unang-siglong bating na Etiope, na nalilito sa isang bahagi ng Kasulatan. “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?” ang tanong sa kaniya ng Kristiyanong alagad na si Felipe. Sumagot ang Etiope: “Ang totoo, paano ko nga iyon magagawa, malibang may pumatnubay sa akin?” Tunay ngang kahanga-hanga ang kaniyang kapakumbabaan​—yamang malamang na ang bating na ito ay isang importanteng tao sa kaniyang sariling lupain! Dahil mapagpakumbaba siya, nagkaroon siya ng malalim na kaunawaan sa Kasulatan.​—Gawa 8:26-38.

Ibang-iba ang Etiope sa mga Judiong eskriba at Pariseo. Itinuturing nila ang kanilang sarili na nakahihigit sa lahat pagdating sa relihiyon. (Mateo 23:5-7) Sa halip na mapagpakumbabang makinig kay Jesus at sa kaniyang mga tagasunod, hinamak at sinikap nilang hanapan ng kapintasan ang mga ito. Dahil sa kanilang pagmamapuri, wala silang natutuhan tungkol sa kalooban at mga layunin ng Diyos.​—Juan 7:32, 47-49; Gawa 5:29-33.

Ikaw ba ay Tulad ng Malambot o Matigas na Luwad?

Itinulad ng Bibliya si Jehova sa isang magpapalayok at ang mga tao sa luwad. (Isaias 64:8) Kapag ang isa ay mapagpakumbaba, siya ay nagiging tulad ng malambot na luwad sa kamay ng Diyos, isa na maaari niyang hubugin upang maging isang kaayaayang sisidlan; samantalang ang mga hambog ay tulad ng tuyo at matigas na luwad na nararapat lamang durugin. Ang isang halimbawa ng hambog na tao ay ang mayabang na Paraon ng sinaunang Ehipto na lumaban kay Jehova, at ito ang kaniyang ikinamatay. (Exodo 5:2; 9:17; Awit 136:15) Kapit na kapit ang sinasabi ng kawikaan sa sinapit ni Paraon: “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.”​—Kawikaan 16:18.

Hindi nito ipinahihiwatig na hindi kailanman nagmapuri ang bayan ng Diyos. Halimbawa, madalas magtalo ang mga apostol ni Jesus hinggil sa kung sino ang pinakadakila sa kanila. (Lucas 22:24-27) Gayunpaman, hindi sila nagpadaig sa kanilang pagmamapuri kundi sa halip ay nakinig sila kay Jesus at binago ang kanilang saloobin sa dakong huli.

“Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay,” ang sulat ni Solomon. (Kawikaan 22:4) Napakainam ngang mga dahilan para linangin natin ang kapakumbabaan! Hindi lamang ito isang napakahusay at kaakit-akit na katangian kundi tumutulong din ito sa atin na matamo ang lingap ng Diyos at ang gantimpalang buhay na walang hanggan.​—2 Samuel 22:28; Santiago 4:10.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

◼ Masama ba ang lahat ng uri ng pagmamapuri?​—2 Tesalonica 1:3, 4.

◼ Paano napasisigla ng kapakumbabaan ang isa na mag-aral?​—Gawa 8:26-38.

◼ Kailangan bang linangin ng mga lingkod ng Diyos ang kapakumbabaan?​—Lucas 22:24-27.

◼ Ano ang kinabukasan ng mga mapagpakumbaba?​—Kawikaan 22:4.

[Larawan sa pahina 20, 21]

Naaakit ang mga bata kay Jesus dahil mapagpakumbaba siya