Hindi Ako Nagkamali sa Pinili Kong Karera
Hindi Ako Nagkamali sa Pinili Kong Karera
Ayon sa salaysay ni Sonia Acuña Quevedo
Inalok ako ng promosyon sa bangkong pinagtatrabahuhan ko. Magiging tanyag ako at tataas ang suweldo ko kung tatanggapin ko iyon. Pero katatanggap ko noon ng paanyaya na maglingkod bilang buong-panahong ministrong payunir sa isang malayong kongregasyon. Sa pagbabalik-tanaw, makalipas ang 32 taon, alam kong tama ang pinili ko.
PINALAKI si Inay sa relihiyong Romano Katoliko pero pinagdududahan niya ang mga doktrina ng simbahan. Pinagtatakhan niya kung bakit dapat sambahin ang mga imahen—mga gawa lamang ng tao. Mahalaga sa kaniya ang katotohanan, at marami na siyang pinasok na relihiyon para malaman ang sagot sa kaniyang mga katanungan, pero hindi pa rin niya ito masumpungan.
Isang araw, nagpapahangin siya sa labas ng aming bahay sa Tuxtla, Mexico, nang may dumalaw na isang Saksi ni Jehova. Palibhasa’y humanga sa maka-Kasulatang sagot sa kaniyang mga tanong, pumayag siyang dalawing muli. Nang bumalik ang Saksi, kasama ni Inay na naghihintay ang isang ministro ng Adventist, isang paring Katoliko, at isang mángangaral ng isang relihiyong Protestante. Nagtanong si Inay tungkol sa Sabbath, at tanging ang Saksi lamang ang nakapagbigay ng kasiya-siyang sagot mula sa Kasulatan. Sa katunayan, siya lamang ang may dalang Bibliya! Noong 1956, makalipas ang halos anim na buwan lamang na pag-aaral ng Bibliya, nabautismuhan siya bilang isang Saksi ni Jehova. Walong taóng gulang ako noon.
Nag-alala si Itay
Hindi pinigilan ni Itay si Inay na mag-aral ng Bibliya. Pero nang simulan niyang turuan kaming apat na magkakapatid—dalawang lalaki at dalawang babae—at nang dumadalo na siya sa mga pagpupulong, sinira ni Itay ang kaniyang mga literatura. Palibhasa’y kumbinsido na inililigaw lamang kami, sinubukan ni Itay na gamitin ang Bibliyang Katoliko para patunayan na inilagay lamang ng mga Saksi ang pangalan ng Diyos—Jehova—sa kanilang bersiyon ng Bibliya para makapanlinlang. Nang ipakita ni Inay ang pangalang Jehova sa mismong Bibliya ni Itay, gulat na gulat siya, at doon nagsimulang magbago ang tingin niya sa mga Saksi.—Awit 83:18.
Sa Mexico, espesyal na okasyon ang ika-15 kaarawan ng isang dalagita. Yamang hindi maka-Kasulatan ang pagdiriwang ng kaarawan, hindi ko na ipinagdiriwang ang aking kaarawan. * Pero ipinipilit ni Itay na gawing espesyal ang araw na iyon para sa akin. Pinag-isipan kong mabuti ang bagay na iyon at sinabi ko, “Puwede po bang samahan n’yo ako sa susunod na asamblea ng mga Saksi ni Jehova? Iyon na lang po ang regalo n’yo sa akin.” Pumayag siya, at mula noon, sumidhi ang interes niya sa Bibliya.
Isang gabi, matapos ang malakas na bagyo, nakuryente si Itay sa bumagsak na kable ng kuryente. Samantalang nagpapagaling sa ospital, 24-oras siyang inalagaan ng mga Saksing tagaroon—ang ipinakitang Kristiyanong pag-ibig na iyon ay hinding-hindi niya malilimutan. Nang maglaon, nakibahagi na siya sa pangmadlang ministeryo at inialay ang kaniyang buhay kay Jehova. Pero nakalulungkot, namatay siya noong Setyembre 30, 1975, isang buwan na lamang sana at mababautismuhan na siya. Inaasam-asam namin na mayakap siya sa panahon ng pagkabuhay-muli!—Gawa 24:15.
Magandang Impluwensiya ng Pamilya
Para kay Ate Carmen, napakahalaga ng buong-panahong ministeryo. Di-nagtagal matapos siyang
mabautismuhan noong 1967, pumasok siya bilang regular pioneer, na gumugugol ng mga 100 oras sa ministeryo bawat buwan. Nang maglaon, lumipat siya sa lunsod ng Toluca, sa sentro ng Mexico. Ako naman ay nakapagtrabaho sa isang bangko at nabautismuhan noong Hulyo 18, 1970.Masayang-masaya si Ate Carmen sa buong-panahong ministeryo, at hinihimok niya akong samahan siya sa Toluca. Pinag-iisipan ko ang bagay na ito habang nakikinig ako sa isang pahayag na nagsasabing kailangang gamitin ng mga tagasunod ni Jesus ang kanilang mahalagang espirituwal na kayamanan para luwalhatiin ang Diyos. (Mateo 25:14-30) Inisip ko, ‘Ginagamit ko ba nang lubusan ang espirituwal na mga kaloob na ipinagkatiwala sa akin?’ Dahil sa pagbubulay-bulay na ito, hinangad kong maglingkod nang higit kay Jehova.
Napaharap sa Dalawang Pagpipilian
Noong 1974, nag-aplay akong maglingkod bilang ministrong payunir sa ibang lugar. Di-nagtagal, habang nasa trabaho, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa isang Kristiyanong elder sa Toluca. “Matagal ka na naming hinihintay. Bakit wala ka pa rito?” ang tanong niya. Laking gulat ko dahil naatasan na pala akong maglingkod sa Toluca bilang special pioneer, pero mukhang naligaw ang sulat para sa akin! (Handang maglingkod nang buong panahon ang mga special pioneer saanman sila atasan ng organisasyon ni Jehova.)
Agad kong ipinaalam sa bangkong pinagtatrabahuhan ko ang desisyon kong magbitiw. “Sandali lang, Sonia,” ang sabi ng aking amo habang ikinakaway ang kapirasong papel. “Kasasabi lang sa sulat na ito na isa ka sa pitong kababaihan na napili para maging assistant manager ng bangko. Ngayon pa lang ibinigay sa mga babae ang posisyong iyan sa ating kompanya. Hindi mo ba ito tatanggapin?” Gaya ng binanggit sa pasimula, magiging tanyag ako at tataas ang suweldo ko kung tatanggapin ko ang promosyon. Gayunpaman, pinasalamatan ko ang aking amo at sinabi sa kaniya na desidido akong higit na paglingkuran ang Diyos. “O, sige,” ang sabi niya. “Pero huwag mong kalilimutan, kung kailangan mo ng trabaho, nandito lang kami.” Makalipas ang dalawang araw, nasa Toluca na ako.
Paglilingkod Bilang Special Pioneer sa Mexico
Dalawang taon nang naglilingkod si Ate Carmen bilang special pioneer sa Toluca nang dumating ako roon. Masayang-masaya kami na muling magkasama! Pero hindi iyon nagtagal. Makalipas ang tatlong buwan, naaksidente si Inay kaya kailangang may mag-alaga sa kaniya. Matapos konsultahin ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, napagkasunduan namin ni Ate Carmen na umuwi siya para alagaan si Inay. Labimpitong taon niyang inalagaan si Inay. Sa loob ng panahong iyon, nag-regular pioneer si Ate Carmen. Inaanyayahan niya ang kaniyang mga inaaralan sa Bibliya na doon na mag-aral sa bahay para maasikaso pa rin niya si Inay.
Noong 1976, pinalipat ako sa Tecamachalco, isang lunsod kung saan magkahiwalay ang lugar ng mayayaman at mahihirap. Nagdaos ako ng pag-aaral sa Bibliya sa isang matandang dalaga na nakikitira sa kaniyang mayamang kapatid na lalaki. Nang sabihin niyang nais niyang maging isang Saksi, pinagbantaan siya nito na palalayasin siya. Sa kabila nito, hindi natakot ang maamong babaing ito, at nang siya’y mabautismuhan, pinalayas nga siya ng kaniyang kapatid. Bagaman 86 na taóng gulang na siya noon, lubusan siyang nagtiwala kay Jehova. Inaruga siya ng kongregasyon, at nanatili siyang tapat hanggang sa kaniyang kamatayan.
Paaralang Gilead, Pagkatapos sa Bolivia
Napakasayang maglingkod sa Tecamachalco. Makalipas ang limang taon, nakatanggap ako ng paanyaya na dumalo sa unang Gilead Extension School na idaraos sa Mexico. Katulad ito ng Paaralang Gilead na nasa New York. Iginiit ni Inay at ni Ate Carmen na tanggapin ko ang paanyaya, kaya nagbiyahe ako papuntang tanggapang pansangay sa Mexico City para sa sampung-linggong kurso, isa sa hindi ko malilimutang pangyayari sa buhay ko. Nagtapos ang aming klase noong Pebrero 1, 1981, at inatasan ako sa La Paz, Bolivia, kasama ni Enriqueta Ayala (ngayo’y Fernández).
Pagdating namin sa La Paz, wala pa ang mga kapatid na susundo sa amin. “Bakit natin sasayangin ang oras?” ang sabi namin. Kaya nagsimula kaming magpatotoo sa mga tao sa paliparan. Makalipas ang tatlong oras ng masayang pagpapatotoo, dumating ang mga kapatid mula sa sangay. Humingi sila ng paumanhin, at sinabing nagkabuhul-buhol ang trapik dahil may parada.
Pagpapatotoo sa Lugar na Mas Mataas sa mga Ulap
Ang La Paz ay umaabot nang halos 3,625 metro mula sa kapantayan ng dagat, kaya madalas na mas mataas kami sa mga ulap. Dahil kaunti lamang
ang oksiheno sa hangin, mahirap huminga, at madali akong hingalin kahit kasisimula ko pa lamang sa ministeryo. Bagaman umabot nang isang taon bago ako maging hiyang sa lugar, mas marami pa ring pagpapala mula kay Jehova kung ihahambing sa hirap. Halimbawa, isang umaga noong 1984, inakyat ko ang isang mabatong gilid ng bundok para puntahan ang isang bahay na nasa taluktok. Humihingal akong kumatok sa pinto, at may lumabas na isang babae. Maganda ang pag-uusap namin, at sinabi kong babalik ako makalipas ang ilang araw.“Ewan ko lang kung babalik ka pa,” ang sabi niya. Pero talagang bumalik ako, at hiniling ng babae na turuan ko ng Bibliya ang kaniyang anak na babae. “Responsibilidad po iyan ng mga magulang,” ang sabi ko. “Pero handa po akong tumulong kung gusto ninyo.” Sumang-ayon siya at pati siya ay pumayag na mag-aral ng Bibliya. Hindi siya marunong bumasa’t sumulat, kaya sinimulan naming pag-aralan ang buklet na Learn to Read and Write, na inihanda ng mga Saksi ni Jehova para sa gayong kalagayan.
Nang maglaon, naging walo ang anak nila. Tuwing dumadalaw ako, maghahawak-hawak ang ilan sa magkakapatid para tulungan akong makaakyat. Nang bandang huli, naglilingkod na kay Jehova ang buong pamilya—tatay, nanay, at ang walo nilang anak. Payunir ang tatlo sa mga babae, at isa sa mga lalaki ay elder sa kongregasyon. Noong 2000, namatay ang tatay ng pamilyang ito. Isa siyang ministeryal na lingkod sa kongregasyon. Kapag naaalaala ko ang mahusay na pamilyang ito at ang kanilang katapatan, talagang galak na galak ako! Pinasasalamatan ko si Jehova sa pagpapahintulot sa akin na tulungan sila.
Muling Nakasama si Ate Carmen
Pagkamatay ni Inay noong 1997, muling inanyayahan si Ate Carmen na maglingkod bilang special pioneer. Noong 1998, inatasan siya bilang misyonera sa Cochabamba, Bolivia, kung saan ako naglilingkod. Oo, magkasama na kaming muli makalipas ang 18 taon. Masaya kami sa Cochabamba, kung saan napakaganda ng klima kaya naman sinasabing hindi na umaalis doon ang magagandang ibon! Sa kasalukuyan, nasa Sucre, Bolivia kami, isang magandang lunsod na may populasyon na 220,000, at nasa mataas na libis. Dati itong tinatawag na Munting Vatican dahil napakarami ritong simbahang Katoliko. Sa ngayon, may lima nang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod.
Kung pagsasamahin, mahigit nang 60 taon kaming naglilingkod ni Ate Carmen bilang mga payunir, at nagkaroon kami ng di-matutumbasang pribilehiyo na matulungan ang mahigit sandaan katao at maakay sila na magpabautismo. Oo, ang buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova ang talagang pinakakasiya-siyang buhay!—Marcos 12:30.
[Talababa]
^ par. 8 Dalawang selebrasyon lamang ng kaarawan ang binabanggit sa Kasulatan. Kaarawan iyon ng mga pagano at hindi maganda ang nangyari sa dalawang okasyong iyon. (Genesis 40:20-22; Marcos 6:21-28) Gayunman, hinihimok ng Salita ng Diyos ang kusang pagbibigay ng mga regalo, hindi lamang udyok ng panggigipit ng mga kasamahan.—Kawikaan 11:25; Lucas 6:38; Gawa 20:35; 2 Corinto 9:7.
[Larawan sa pahina 15]
Umaakyat ako sa mabatong gilid ng bundok para magdaos ng pag-aaral sa pamilyang ito
[Larawan sa pahina 15]
Sa ministeryo, kasama si Ate Carmen (kanan)