Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Karunungan Mula sa Kalikasan”

“Karunungan Mula sa Kalikasan”

“Karunungan Mula sa Kalikasan”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAPON

IYAN ang tema ng Expo 2005 na ginanap sa Aichi, Hapon. Sandaan at dalawampu’t isang bansa ang nakibahagi rito. Pinasigla ang mga panauhin na matuto sa kalikasan at paunlarin ang ekonomiya sa likas na pamamaraan nang hindi sinisira ang ekolohiya ng isang lugar. Malapit ito sa Nagoya sa sentro ng Hapon. Makikita rito ang mga kagubatan, maliliit na lawa, at mga bulaklak. Isang kakaibang atraksiyon ang tinatawag na Global Loop. Ito ay isang mataas na daanan ng tao na may habang 2.6 kilometro. Mga 21 metro ang lapad nito at matatanaw mo mula rito ang napakagandang tanawin ng kalikasan sa buong paligid.

Kaisa ng Kalikasan

Ang pavilion ng Hapon ay parang isang malaking bahay-uod na ang pinakabubong ay gawa sa 23,000 kawayan na nagsisilbing proteksiyon sa init ng araw. Ang bawat kawayan ay may katamtamang haba na 7 metro, at ang taas ng gusali ay 19 na metro, 90 metro ang lapad, at 70 metro ang lalim, kaya naman, ito ang isa sa pinakamalaking istrakturang gawa sa kawayan sa buong mundo. Isang tampok na bahagi ng pavilion ang silid na may 360-degree spherical video-imaging system. Kapag pumasok ka sa biluhabang silid na ito na may diyametrong 12.8 metro, makikita mo sa iyong buong paligid ang gumagalaw at buháy na buháy na mga larawan ng kalikasan na para bang nasa gitna ka ng mga ito.

Sa pavilion ng Malaysia, makikita sa tulong ng elektronikong mga aparato ang maulang kagubatan at mga bahura ng korales sa bansang iyon. Sa pavilion naman ng Thailand, makikita ang napakalungkot na mga eksena ng naganap na tsunami noong Disyembre 26, 2004, na nagpapaalaala sa mga panauhin na “hindi tao ang panginoon ng kalikasan.” Upang itampok ang panganib na malipol ang mga hayop, idinispley sa eksibit ng Timog Aprika ang replika ng isang quagga foal, isang hayop na mukhang sebra na pagala-gala noon sa kapatagan ng timugang Aprika hanggang sa malipol ito noong ika-19 na siglo.

Sa isang pinalamig na lugar na katabi ng pinakasentrong pavilion ng Expo, masusumpungan ang labí ng isang mammoth na nahukay sa mayelong lupain ng Siberia, Russia, noong 2002. Tinawag itong Yukagir Mammoth, na hango sa pangalan ng lugar kung saan ito natagpuan. Ang displey na ito ng nalipol na uri ng elepante ay may dalawang malalaki at nakakurbang pangil, at ang mga mata nito ay halos nakapikit. Ang ulo nito ay may balat pa at pailan-ilang buhok. Isang kahanga-hangang ispesimen ito at nagsisilbing paalaala sa nakalulungkot na pagkalipol ng isang uri ng hayop.

Mas Magandang Kinabukasan?

Paano malulunasan ng tao ang mga problemang nagsasapanganib sa kinabukasan ng ating planeta, gaya ng polusyon at pag-init ng globo? Isang napakalaking “luntiang” pader​—na tinatawag na Bio-Lung​—ang nagsilbing “simbolo ng Expo 2005.” Ito ay may habang 150 metro at may taas na 15 metro. Ang pader ay nababalutan ng 200,000 halaman at bulaklak mula sa 200 uri. Ipinapalagay na ang iba’t ibang halaman at bulaklak, na puwedeng palitan sa pana-panahon, ay maaaring magsilbing “palahingahan” at panlinis sa hangin ng isang lunsod, anupat kukunin nito ang carbon dioxide at maglalabas naman ito ng oksiheno.

Itinampok din sa Expo ang mga sasakyang gaya ng bus na pinaaandar ng kuryente. Kapag tumatakbo ang mga sasakyang ito, ang tanging lumalabas sa mga tambutso nito ay singaw ng tubig. Ang isa pang magugustuhan ng mga mahilig sa makabagong teknolohiya ay ang kauna-unahang pampasaherong tren ng Hapon na maglev linear, na tinawag na Linimo. Dahil sa malalakas na magnet, umaangat nang mga walong milimetro mula sa riles ang Linimo, kaya tahimik at suwabe ang takbo nito. May makikita ring mga trambiya na pinatatakbo ng batirya, mga taksing de-pedal, at mga sasakyang parang bus na maaaring tumakbo kahit walang drayber. Makikitang tumatakbo nang magkakasunod ang dalawa o tatlo sa mga sasakyang ito. Ang mga sasakyang ito na pinaplanong gamitin sa hinaharap ay gumagamit ng natural na gas, na mas malinis kaysa sa pangkaraniwang gasolina.

Maiisip mo bang ang organikong basura, gaya ng bulok na pagkain, ay mapagkukunan ng kuryente at puwedeng gawing pataba sa lupa? Isang planta ng kuryente sa Expo ang gumagamit ng prosesong tinatawag na methane fermentation para magawa iyan. Sa halip na sunugin ang basura, pinoproseso ito ng planta para makalikha ng gas na methane, na pinagkukunan naman ng hidroheno. Pinaghahalo ng mga fuel cell, mga aparatong nakalilikha ng kuryente sa pamamagitan ng mga kemikal na reaksiyon, ang oksiheno at hidroheno para makalikha ng elektrisidad. Ang mga pangalawahing produkto ay tubig at pataba sa lupa. Sa katunayan, pinoproseso ng planta ang lahat ng organikong basura sa Expo, at ginagamit sa ilang pavilion ang kuryenteng nalikha nito.

Maraming pagsasaliksik ang ginagawa sa larangan ng robotics, na ang tunguhin ay makagawa ng magaang mga robot na magsisilbing personal na mga alalay ng mga tao. Upang ipakita ang ilang pagsulong sa paggawa ng mga robot, pitong robot ang naglakad sa plataporma sa isang pavilion at nakuha nila ang pansin ng mga tao nang tumugtog sila ng mga instrumento. Makikitang ginagamit ng ilang robot ang kanilang mga “daliri” nang may kahusayan habang pinatutugtog nila ang mga instrumentong hinihipan. Ang iba naman ay gumagamit ng mga tambol. “Napakahusay ng kanilang mga pagkilos anupat maaari silang mapagkamalang mga taong nagkukunwaring mga robot,” ang sabi ng isang manonood.

Ang iba pang makabagong imbensiyon ay mga plastik na biodegradable na gawa sa gawgaw at mga produktong katulad nito. Makikita rin ang mga nanobubble​—maliliit na bula ng gas na wala pang 200 nanometer ang diyametro. Ang diyametro ng isang hibla ng buhok ng tao ay mga 50,000 nanometer. Karaniwan na, napakabilis mawala ang gayong maliliit na bula. Subalit nakadiskubre ng paraan ang mga mananaliksik sa Hapon upang makagawa ng nagtatagal na mga nanobubble ng oksiheno, na makatutulong sa “kakayahan ng mga isda at mga kabibi na makabagay sa pagbabagu-bago ng kapaligiran.” Sa katunayan, nabuhay sa isang akwaryum na punung-puno ng mga nanobubble ng oksiheno ang ilang uri ng mga isdang nabubuhay sa tubig-tabang at mga isdang nabubuhay sa dagat! Umaasa ang mga mananaliksik na magagamit ang bagong teknolohiyang ito sa mga palaisdaan, agrikultura, at ibang pang larangan.

Nagbibigay-Pansin ba ang Daigdig?

Bagaman idiniin ng Expo ang pangangailangang magbigay-pansin sa “karunungan mula sa kalikasan,” hindi ito ginagawa ng daigdig sa pangkalahatan. Mas nangingibabaw ang kawalang-alam, kasakiman, at katiwalian kaysa sa mga tunguhin ng mga nagtataguyod ng kalikasan. Bilang resulta, ang lupa ay naging “Bugbog na Planeta,” gaya ng sinabi sa isang eksibit. Subalit maging ang mga may mabubuting intensiyon ay walang maibibigay na maaasahang solusyon sa mga problema ng sangkatauhan at ng ekolohiya ng lupa. Ayon sa Bibliya, hindi kayang lunasan ng kaalaman at karunungan ng tao ang mga problemang ito. (Jeremias 10:23) Pero may pag-asa. Bakit natin nasabi ito?

Sinasabi ng Bibliya na ang mismong Pinagmumulan ng pinakamataas na uri ng karunungan​—ang ating Maylalang​—ay kikilos upang pigilan ang mga tao na tuluyang sirain ang kaniyang nilikha. (Apocalipsis 4:11; 11:18) “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan,” ang sabi ng Awit 37:10, 11. Totoo, matalino tayo kung magbibigay-pansin tayo sa kalikasan, pero mas matalino tayo kung magbibigay-pansin tayo sa Maylalang sa pamamagitan ng pagbabasa at pagkakapit ng kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Masasaksihan ng lahat ng gagawa nito ang lubusang pagbabago ng ating planeta hanggang sa ito ay maging isang paraiso.​—Lucas 23:43.

[Larawan sa pahina 24]

Akwaryum na puno ng mga “nanobubble”

[Larawan sa pahina 24]

Mga bus na walang drayber

[Larawan sa pahina 24, 25]

Ang “360-degree spherical video-imaging system”

[Larawan sa pahina 25]

Ang Bio-Lung ay nababalutan ng 200,000 halaman mula sa 200 uri

[Larawan sa pahina 25]

Inaliw ng mga robot ang mga panauhin sa kanilang pagtugtog