Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Ayon sa isang pag-aaral, “ang mga taong gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho, hawak man nila ito o hindi, ay walang ipinagkaiba sa mga taong nagmamaneho nang lasing.”​—REUTERS NEWS SERVICE, E.U.A.

Noong unang limang buwan ng 2006, nagkaroon ng 30,200 panghoholdap sa pampublikong mga bus sa Guatemala City. Labing-apat na drayber ng bus o kasama nila at sampung pasahero ang napatay.​—PRENSA LIBRE, GUATEMALA.

Sa 124 na bansang tumugon sa isang surbey ng WHO hinggil sa pangongolekta at pagsusuri ng dugo, 56 na bansa ang “hindi nagsusuri ng lahat ng iniabuloy na dugo kung ito ba ay may HIV, hepatitis B at C at sipilis.”​—WORLD HEALTH ORGANIZATION, SWITZERLAND.

Dumami ang mga Australiano na nagsama muna bago ikasal, mula humigit-kumulang 5 porsiyento noong dekada ng 1960 tungo sa mahigit 70 porsiyento noong 2003.​—UNIVERSITY OF MELBOURNE, AUSTRALIA.

Diyabetis​—Isang Pambuong-Daigdig na Epidemya

Ayon sa The New York Times, sinabi ng International Diabetes Federation na sa nakalipas na 20 taon, ang bilang ng mga taong may diyabetis ay tumaas mula 30 milyon tungo sa 230 milyon. Pito sa sampung bansang may pinakamaraming taong may diyabetis ay papaunlad na mga bansa. “Ang diyabetis ay isa sa pinakamatinding problema sa kalusugan sa buong daigdig,” ang sabi ni Dr. Martin Silink, ang presidente ng pederasyon. “Sa ilang pinakamahihirap na bansa sa daigdig, hindi nagtatagal ang mga taong may diyabetis,” ang sabi ng ulat.

Ang Pinakamataas na Riles sa Buong Daigdig

Noong Hulyo 2006, ginanap ang inagurasyon ng pinakamataas na riles sa buong daigdig, na nag-uugnay sa Beijing at sa kabisera ng Tibet, ang Lhasa, mga 4,000 kilometro ang pagitan. Sinabi ng The New York Times na “ang riles ay isang kahanga-hangang tagumpay sa inhinyeriya na bumabagtas sa mabuway na yelo at may taas na mahigit 4,800 metro mula sa kapantayan ng dagat.” Ang isa sa mga problemang napagtagumpayan ng mga inhinyero ay ang panatilihing nagyeyelo ang pinakapundasyon ng riles sa buong taon upang manatili itong matatag hangga’t maaari. Dahil sa taas nito, kinailangang bombahan ng hangin ang loob ng tren, at mayroon ding oksiheno para sa bawat pasahero.

“Estudyante Kuno”

Sampu hanggang 20 porsiyento ng mga nag-enrol sa unang taon sa kolehiyo upang mag-aral ng literatura sa isang unibersidad sa Pransiya ang “hindi kailanman pumapasok,” ang ulat ng pahayagang Le Figaro. Sinasamantala ng ilan ang pagpapatala bilang estudyante upang makakuha ng mga benepisyo mula sa pamahalaan, diskuwento sa pamasahe sa eroplano at sa pampublikong transportasyon, at diskuwento sa mga otel at mga sinehan. Upang makuha ang mga benepisyong ito, ang mga “estudyante kuno” ay nag-eenrol sa mga kursong iilan lamang ang nag-eenrol, gaya ng pag-aaral ng wikang Belarusian, Pinlandes, o Swahili. Pangkaraniwan ang huwad na mga pagpaparehistro dahil hindi naman tinitiyak kung sino talaga ang pumapasok. Ang mga “estudyante” ay nag-eenrol sa pamamagitan ng Internet at nakakakuha ng ID sa loob lamang ng ilang araw, ang paliwanag ng ulat.

“Nakabukod sa Sibilisasyon”

Naniniwala ang mga siyentipikong Israeli na nakatuklas sila sa isang kuweba ng walong bagong uri ng hayop na walang gulugod na “nakabukod sa sibilisasyon” sa loob ng napakahabang panahon, ang sabi ng The Jerusalem Post. Habang nagtitibag ng bato ang mga trabahador, natuklasan nila ang isang maliit na butas patungo sa isang kuweba na umaabot ng dalawa at kalahating kilometro ang haba. May bahagi rin ito na may lawa. Ang ilan sa mga bagong uri ay parang mga alakdan. Apat sa mga ito ay mga krustasyo, dalawang nabubuhay sa dagat at dalawang nabubuhay sa tubig-tabang. Ang huling apat na uri ay mga hayop na nabubuhay sa lupa.