Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtulong sa mga Kabataan na Harapin ang Hamon

Pagtulong sa mga Kabataan na Harapin ang Hamon

Pagtulong sa mga Kabataan na Harapin ang Hamon

PALAGING nagbabago ang daigdig, ang paraan ng pamumuhay nito, at ang mga kausuhan. Lalong nakikita ang mga pagbabagong iyan pangunahin na dahil sa modernong teknolohiya. Ang uso noon ay lipas na ngayon, at ang sikat ngayon ay laos na bukas. Malaki ang epekto sa mga kabataan ng mabilis na mga pagbabagong ito.

Malaking Pagbabago sa Pakikipag-ugnayan

Nitong kamakailang mga taon, lubhang naapektuhan ang mga kabataan dahil sa malaking pagbabagong dulot ng teknolohiya. Halimbawa, sa maraming lupain, napakahalaga ng cell phone at computer para sa mga kabataan sa kanilang pakikipag-ugnayan. Dahil sa mga social networking site, posible nang makipagkaibigan sa napakaraming tao. “Ang dating walang kaibigan sa tunay na buhay ay biglang nagkakaroon ng daan-daang kaibigan sa Internet,” ang sabi ng isang 19-na-taóng-gulang na Australiana.

Totoo, maraming pakinabang sa cell phone at Internet. Subalit hindi makontrol ng maraming tao ang paggamit sa mga ito. Sinabi ng isang propesor sa unibersidad na si Donald Roberts na “hindi makatiis [ang ilang estudyante] na hindi gumamit ng kanilang cell phone sa ilang minutong pagitan ng kanilang pang-alas 10 at pang-alas 11 klase.” Sinabi pa niya: “Sa tingin ko, hindi sila mapakali na waring iniisip nilang ‘Hindi ako tatagal nang walang kausap.’”

Inamin pa nga ng ilang kabataan na nalulong sila rito. “Talagang nalulong ako sa instant messaging at sa aking cell phone, dahil ito ang paraan ko para makausap ang aking mga kaibigan,” ang sabi ni Stephanie na 16 na taóng gulang. “Pag-uwi ko, agad akong gumagamit ng Internet . . . minsan hanggang alas tres ng madaling araw.” Inaabot nang $100 hanggang $500 ang buwanang bayarin ni Stephanie sa telepono. “Sa ngayon,” ang sabi niya, “mahigit $2,000 ang utang ko sa mga magulang ko bukod pa sa buwanan kong bayarin. Pero dahil nahirati na ako sa paggamit ng cell phone, hindi na kumpleto ang buhay ko kung wala ito.”

Hindi lamang pinansiyal ang nagiging problema. Sa isang pag-aaral hinggil sa buhay pampamilya, natuklasan ng antropologong si Elinor Ochs na sa tuwing uuwi ang nagtatrabahong magulang, halos hindi na siya mabati ng kaniyang asawa’t mga anak dahil tutok na tutok ang mga ito sa kanilang ginagawa! Tuluy-tuloy lamang sila sa paggamit ng kanilang elektronikong mga gadyet. “Nasumpungan din namin na napakahirap para sa mga magulang na pasukin ang mundo ng kanilang anak,” ang sabi ni Ochs. Idinagdag pa niya na sa kaniyang pag-aaral, ang mga magulang ang sumusuko at umaalis na lamang kapag abalang-abala ang kanilang mga anak sa ginagawa ng mga ito.

Mga Online Social Network​—Wala Nga Bang Panganib?

Nababahala ang maraming magulang at guro sa laki ng panahong inuubos ng mga kabataan sa paggalugad sa tinatawag na mga online social network. Ang mga ito ay mga site sa Internet kung saan maaaring gumawa ang mga miyembro nito ng sarili nilang Web page at lagyan ito ng mga larawan, video, at talaarawan, na tinatawag na mga blog.

Ang isang pang-akit ng gayong mga site ay na maaaring makipag-ugnayan ang mga miyembro nito sa kanilang mga kaibigan. Bukod diyan, kapag may sariling Web page ang isang kabataan, puwede niyang ipakilala ang kaniyang sarili at ipahayag ang kaniyang opinyon. Talagang maaakit dito ang mga kabataan dahil likas sa kanilang edad na kilalanin ang kanilang sarili at ipahayag ang kanilang damdamin para makuha ang loob ng iba.

Subalit may problema. May ilang indibiduwal na gumagawa ng Web site na ang impormasyong inilalagay nila ay kung ano ang gusto nilang maging, hindi kung sino talaga sila. “May kaklase ako na nagpakilalang 21 anyos daw siya at nakatira sa Las Vegas,” ang sabi ng isang 15-anyos na lalaki. Ang dalawang kabataang ito ay nakatira 1,600 kilometro ang layo mula sa lunsod na iyon ng Estados Unidos.

Pangkaraniwan ang gayong panloloko. “Puwede mong gawin ang kahit na ano sa Internet,” ang inamin ng isang 18-taóng-gulang na Australiana. “Kayang-kaya mong ibahin ang lahat ng impormasyon tungkol sa iyo dahil wala naman talagang nakakakilala sa iyo. Kampante ka. Maaari kang mag-imbento ng mga bagay-bagay para lalo mong makuha ang atensiyon ng iba. Puwede kang maglagay ng mga litrato na ang damit mo o ginagawa mo ay hindi mo talaga isusuot o gagawin sa tunay na buhay. Maaari mong sabihin ang mga bagay na hinding-hindi mo sasabihin nang harapan. Iniisip mo na dahil hindi ka nakikita, hindi ka mabibisto sa ginagawa mo. Walang nakaaalam kung sino ka talaga.”

Tulad ng iba pang paraan ng komunikasyon, ang mga online social network ay puwedeng gamitin sa mabuti o sa masama. Bilang magulang, alam mo ba ang ginagawa ng iyong mga anak kapag gumagamit sila ng Internet? Tinitiyak mo ba na ginagamit ng iyong mga anak ang kanilang panahon sa matalinong paraan? * (Efeso 5:15, 16) Bukod diyan, maaaring mahantad ang isang kabataan sa maraming malulubhang panganib kapag inabuso niya ang paggamit ng Internet. Anu-ano ang ilan sa mga ito?

Ang Panganib ng Internet

Dahil sa hindi talaga nakikilala ang tunay na katauhan ng isa sa Internet, ginagamit ito ng mga nambibiktima ng mga kabataan para sa kanilang seksuwal na kaluguran. Maaaring masilo ang walang kamalay-malay na mga kabataan kapag nagbigay sila ng personal na impormasyon sa Internet o pumayag silang makipagkita sa kausap nila sa Internet. Ikinakatuwiran ng ilang tao na “mas nanganganib ang mga bata na mabiktima ng karahasan o pang-aabuso sa kanila mismong tahanan o sa mga palaruan,” ang sabi ng aklat na Parenting 911. “Pero karamihan ng mga magulang ay nangangambang baka makapasok sa kanilang bahay nang di-namamalayan sa pamamagitan ng Internet ang mga nambibiktimang ito at sirain ang pagiging inosente ng kanilang mga anak.”

Inaabuso rin ang paggamit ng Internet sa iba pang paraan. Walang-tigil na tinutukso, ipinupuwera, nililigalig, o tinatakot ng ilang kabataan ang iba sa pamamagitan ng Internet. Ang tawag dito ay cyberbullying. Gumagawa sila ng mga Web site na dinisenyo para lamang hamakin ang isa, at ang e-mail, mga chat room, at iba pang tulad nito ay ginagamit din para siraan ang iba. Naniniwala ang direktor ng isang online safety group na umaabot sa 80 porsiyento ng mga batang edad 10 hanggang 14 ang apektado ng cyberbullying, tuwiran man ito o hindi.

Sabihin pa, noon pa man ay may mga tao nang nanliligalig o nananakot. Pero sa ngayon napakabilis kumalat at di-hamak na mas malawak ang nararating ng tsismis at paninirang-puri. At madalas na mas malupit ito. Sa ilang kaso, ginagamit ang mga cell phone na may kamera para kumuha ng kahiya-hiyang mga litrato at video, marahil sa mga bihisan o paliguan sa paaralan. Saka ilalagay ang mga ito sa Internet at ipadadala sa sinumang gustong makakita nito.

Dumarami ang Nababahala

Dahil dito, nagpadala ng liham sa mga magulang at mga may alagang bata ang Department of Law and Public Safety sa New Jersey, E.U.A., na hinihimok sila na “tumulong sa pagharap sa bumabangong suliranin hinggil sa maling paggamit ng Internet ng mga bata, sa loob at labas ng paaralan.” Ipinahayag sa sulat ang kanilang pagkabahala partikular na sa paglalagay sa Internet ng personal na impormasyon at mga larawan. Ang mga site na nagbibigay ng gayong mga detalye ay kadalasan nang nakatatawag-pansin sa mga kabataan at adultong walang prinsipyo sa buhay. “Bilang magulang,” ang sabi sa liham, “dapat mong malaman na talagang nangyayari ang mga bagay na ito, at malaki ang maitutulong mo para maingatan ang iyong mga anak kung alam mo at sinusubaybayan mo sila kapag gumagamit sila ng Internet.”

Gayunman, nakagugulat na halos walang kaalam-alam ang ilang magulang sa ginagawa ng kanilang mga anak kapag gumagamit ang mga ito ng Internet. Isang ina, na masusing sumusubaybay sa ginagawa ng kaniyang 16-anyos na anak na babae kapag gumagamit ito ng Internet, ang nagsabi: “Tiyak na kikilabutan at mahihiya ang mga magulang kapag nalaman nila kung ano ang inilalagay at ipinakikipag-usap ng kanilang mga anak sa Internet.” Ayon sa isang safety expert sa Internet, ang ilang kabataan ay naglalagay ng mahahalay na litrato.

Negatibong mga Epekto

Guniguni lamang ba ito ng mga adultong masyadong mahigpit anupat waring nakalimutan na nilang naging tin-edyer din sila noon? Iba ang ipinahihiwatig ng mga estadistika. Pag-isipan ito: Sa ilang lugar, halos sangkatlo ng mga lalaki at babaing nasa edad 15 hanggang 17 ang nakaranas nang makipagtalik. Mahigit sa kalahati ng mga tin-edyer na nasa edad 13 hanggang 19 ang nagsabi na may karanasan na sila sa oral sex.

Masisisi rin ba rito ang teknolohiya? Oo, tiyak iyan. “Dahil sa mga cell phone at Internet, na nagbibigay sa mga tin-edyer ng pagkakataon na mailihim ang kanilang ginagawa, nagiging napakadali nang makipag-hook up,” ang sabi ng isang ulat sa New York Times Magazine. * Sa katunayan, sa ilang pindot lamang sa computer, makagagawa ka na ng paraan para lihim na makipagkita sa isang di-kasekso. Ayon sa isang surbey, sa bawat limang kabataang babae, halos lahat ay umamin na hindi sila naging maingat sa paggamit ng Internet.

Ang ilang gumagamit ng Internet para makahanap ng ka-date o makipag-hook up ay nasusuong sa mga problemang hindi nila inaasahan. ‘Dumarami ang nairereport na mga panghahalay,’ ang sabi ni Jennifer Welch ng Novato Police Department sa California. Sinabi niya na maraming nabiktima ang sa umpisa ay nakikipag-usap sa pamamagitan ng Internet sa mga taong may balak palang mambiktima sa kanila at pagkatapos ay pumapayag silang makipagkita sa mga taong ito.

Mag-ingat sa “Karunungan ng Sanlibutan”!

Ang mga kolum sa mga pahayagan at mga magasin na nagpapayo sa mga tin-edyer ay kadalasan nang maluwag pagdating sa mga kabataan at sa sekso. Bagaman sang-ayon sila sa kalinisan sa moral, ang pangunahin nilang tunguhin ay himukin ang mga kabataan na mag-ingat sa pagtatalik sa halip na hindi makipagtalik. ‘Hindi namin sila mapigilan,’ ang waring nagiging katuwiran, ‘kaya tuturuan na lang namin silang maging responsable.’

Ayon sa isang artikulong inilagay sa isang respetadong Web site para sa mga tin-edyer, ang usapin hinggil sa kung maaari bang makipagtalik o hindi ay nakasalalay sa tatlong salik: (1) ang panganib na mabuntis, (2) ang panganib na mahawahan ng sakit na naililipat sa pagtatalik, at (3) kung nadarama ng dalawa na handa na silang makipagtalik. “Sa bandang huli, ikaw pa rin ang magpapasiya,” ang sabi ng site. Pahapyaw lamang ang pagbanggit na ipakipag-usap ito sa magulang. At wala man lamang binanggit kung tama o mali ang gayong pagtatalik.

Kung ikaw ay isang magulang, tiyak na nais mo ng mas mainam na payo kaysa sa pabagu-bago at mangmang na “karunungan ng sanlibutan” para gabayan ang iyong mga anak. (1 Corinto 1:20) Paano mo sila matutulungang harapin ang kanilang pagiging tin-edyer at maiwasan ang mga panganib na tinalakay sa artikulong ito? Hindi sapat ang basta ipagbawal ang paggamit ng computer o bawiin ang kanilang telepono. Ang ganitong mga solusyon ay hindi talaga nakaaabot sa puso. (Kawikaan 4:23) Isaalang-alang din na baka ginagamit ng iyong mga anak ang mga bagay na tulad ng cell phone at Internet upang masapatan ang ilang pangangailangan​—mga pangangailangang higit mong matutugunan bilang magulang. Anu-ano ang ilan sa mga pangangailangang ito?

[Mga talababa]

^ par. 13 Sa halip na ituring na masama ang Internet, makabubuting maging pamilyar ang mga magulang sa mga Web site na madalas puntahan ng kanilang mga anak. Sa ganitong paraan, maaaring matulungan ang mga bata na ‘sanayin ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’ (Hebreo 5:14) Malaking tulong sa paglaki ng mga bata ang gayong patnubay ng magulang.

^ par. 23 Ang terminong “makipag-hook up” ay maaaring mangahulugan ng paggugol ng panahon kasama ng di-kasekso o pakikipagtalik. Sa artikulong ito, tumutukoy ito sa pakikipagtalik para lamang sa kaluguran nang walang anumang nasasangkot na damdamin.

[Blurb sa pahina 4]

“Pag-uwi ko, agad akong gumagamit ng Internet . . . minsan hanggang alas tres ng madaling araw”

[Blurb sa pahina 5]

“Puwede mong gawin ang kahit na ano sa Internet. Kayang-kaya mong ibahin ang lahat ng impormasyon tungkol sa iyo dahil wala naman talagang nakakakilala sa iyo”

[Blurb sa pahina 7]

“Tiyak na kikilabutan at mahihiya ang mga magulang kapag nalaman nila kung ano ang inilalagay at ipinakikipag-usap ng kanilang mga anak sa Internet”

[Kahon/​Larawan sa pahina 6]

Pakikipagkaibigan sa Internet​—Kuwento ng Isang Kabataan

“Ginamit ko ang Web page ng aming paaralan para makipag-ugnayan sa aking mga kaeskuwela at mga guro. Sa umpisa, isang oras lamang ang ginugugol ko bawat linggo sa paggamit ng Internet. Di-nagtagal araw-araw ko na itong ginagawa. Nalulong talaga ako anupat kahit hindi ako gumagamit ng Internet, ito pa rin ang nasa isip ko. Hindi ako makapagtuon ng pansin sa ibang bagay. Napabayaan ko ang pag-aaral ko, hindi na ako nakikinig sa mga Kristiyanong pagpupulong, at wala na rin akong panahon sa mga tunay kong kaibigan. Bandang huli, napansin ng mga magulang ko ang nangyayari sa akin kaya nilimitahan nila ang paggamit ko ng Internet. Hindi ito madali para sa akin. Galit na galit ako noon. Pero ngayon, natutuwa ako na gayon ang ginawa ng mga magulang ko, at naituwid ko ang mga bagay-bagay. Ayoko nang malulong pang muli!”​—Bianca.