Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulungan ang mga Kabataan na Matugunan ang Kanilang mga Pangangailangan

Tulungan ang mga Kabataan na Matugunan ang Kanilang mga Pangangailangan

Tulungan ang mga Kabataan na Matugunan ang Kanilang mga Pangangailangan

KAILANGAN ng mga kabataan ng kausap tungkol sa kanilang mga tunguhin, pangarap, at mga problema. Kailangan din nila ng mabubuting kaibigan. At habang lumalaki sila, kailangan ng mga kabataan na magkaroon ng sarili nilang pagkatao o makilala kung sino talaga sila. Kapag tinutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matugunan ang mga pangangailangang ito, naipagsasanggalang nila sila mula sa nakasasamang mga pakikipag-ugnayan, kasali na rito ang mga ugnayang mabilis na nabubuo sa Internet.

Kailangan ng mga kabataan ng kausap. Waring naiilang o kimi ang mga tin-edyer na ipahayag ang kanilang damdamin. Subalit makatitiyak ka na gusto ka nilang makausap​—oo, ikaw, na kanilang magulang​—tungkol sa seryoso at simpleng mga bagay. Ang tanong ay, Handa ka ba at gusto mo bang makinig?​—Santiago 1:19.

Huwag mong hayaang lumampas ang mahahalagang pagkakataong makausap mo ang iyong mga anak dahil lamang sa mga problema sa buhay. Kung nahihirapan kang gawin ito, marahil ay panahon na para pag-isipang mabuti ang magandang payo ng Bibliya: ‘Tiyakin mo ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) May mas mahalaga pa ba kaysa sa iyong mga anak?

Huwag kaagad isipin na mas gugustuhin ng mga kabataan na humingi ng payo sa kanilang mga kaedad kaysa sa kanilang mga magulang. Sa isang surbey, tinanong ang mahigit 17,000 estudyante na edad 12 hanggang 18 kung gaano kalaki ang impluwensiya sa kanila ng kanilang mga magulang, kaibigan, sikat na tao, media, at mga guro. Halos kalahati ang nagsabi na ang kanilang mga magulang ang may pinakamalaking impluwensiya sa kanilang buhay.

Maliwanag, bilang magulang, maaari kang magkaroon ng napakahalagang papel sa paghubog sa mga pamantayan at tunguhin ng iyong mga anak. “Posibleng hindi lahat ng sabihin mo ay makaaabot sa puso nila,” ang sabi ng isang ina. “Pero kung hindi mo naman sila kakausapin, lalong hindi mo maaabot ang kanilang puso.”

Kailangan ng mga kabataan ng mga kaibigan. “Karaniwan nang hindi alam ng mga magulang ang pakikipag-ugnayan ng kanilang anak sa Internet o talagang wala silang pakialam,” ang sabi ng isang 15-anyos na babae. Sa panahong ito, hindi puwedeng bale-walain na lamang ng mga magulang kung sino ang nakakasama ng kanilang mga anak. Alam mo ba kung sino ang madalas kasama ng iyong mga anak, aktuwal man nila itong kasama o kaya’y kausap sa Internet? Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Ang masamang kasama’y nakasisira ng magagandang ugali.” (1 Corinto 15:33, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Oo, talagang mahalaga na subaybayang mabuti kung sinu-sino ang mga kasama ng iyong anak.

Sa pangangalaga sa iyong mga anak, hindi sapat ang basta ipagsanggalang sila mula sa masasamang impluwensiya. Kailangan ng iyong mga anak ng tamang uri ng mga kaibigan. “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 13:20) Kaya kailangan mong tulungan ang iyong mga anak na makahanap ng mabubuting kasama​—kasali rito ang mga kabataang nagpapakita ng mainam na halimbawa sa pag-alaala sa kanilang Maylalang.​—Eclesiastes 12:1.

Pinipiling mabuti ng Diyos na Jehova ang mga taong kinakaibigan niya, at dapat natin siyang tularan. (Awit 15:1-5; Efeso 5:1) Sa katunayan, ang isa sa pinakamahalagang bagay sa buhay na maituturo mo sa iyong mga anak​—sa pamamagitan ng salita at gawa​—ay ang pagpili ng mabubuting kasama.​—2 Tesalonica 3:6, 7.

Kailangan ng mga kabataan na magkaroon ng sarili nilang pagkatao. Ang pagbuo ng mga kabataan ng sarili nilang pagkatao​—ang kanilang personalidad bilang indibiduwal​—ay isang napakahalagang yugto sa kanilang paglaki. Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang bata ay makikilala sa kanyang mga gawa.” (Kawikaan 20:11, Magandang Balita Biblia) Bilang magulang, ang isa sa mga obligasyon mo ay ikintal sa puso ng iyong mga anak ang matuwid na mga simulain.​—Deuteronomio 6:6, 7.

Bilang paglalarawan: Karaniwan nang mga magulang ang pumipili ng isusuot ng kanilang maliit na anak sa araw-araw, na umaasang matututuhan nitong manamit nang wasto balang araw. Pero ano ang iisipin mo kung ang isang 30-anyos na normal na adulto ay binibihisan pa rin ng kaniyang mga magulang? Katawa-tawa, hindi ba? Hinihimok tayo ng Bibliya, gamit ang paghahambing hinggil sa pananamit: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad”​—ang tulad-Kristong personalidad. (Colosas 3:10) Matutulungan mo ang iyong mga anak na magbihis ng bagong personalidad sa pamamagitan ng paglalaan ng maibiging disiplina at “pangkaisipang patnubay.” (Efeso 6:4) Pagkatapos habang lumalaki sila at natututo nang mamuhay na mag-isa, malamang na piliin din nilang “ibihis” ang “bagong personalidad,” dahil naniniwala sila na ito ay talagang mabuti at kaakit-akit.​—Deuteronomio 30:19, 20.

Tanungin ang iyong sarili: ‘Ano kaya talaga ang damdamin ng mga anak ko sa mga pamantayang itinuturo ng Salita ng Diyos? Paano ko sila matutulungang “mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip”?’ (Tito 2:12) Hindi mo tunguhin na maging sunud-sunuran lamang ang iyong anak. May mga bata na napakabilis sumunod sa sinasabi sa kanila, nang hindi nagrereklamo, nangangatuwiran, o kumokontra. Pero ang isang bata na sumusunod lamang sa iyo sa kung ano ang gusto mong gawin niya ngayon ay maaaring sumunod sa kung ano ang gusto ng sanlibutan na gawin niya sa hinaharap. Kaya sanayin ang iyong mga anak na linangin ang kanilang “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Tulungan silang makita kung bakit tamang sundin ang mga simulain sa Bibliya at kung paanong tayong lahat ay makikinabang sa pagsunod sa mga ito.​—Isaias 48:17, 18.

Oo, kailangan ng pagsisikap para matulungan ang mga kabataan na matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Pero sulit na sulit ito! Kapag namumuhay ang iyong mga anak ayon sa matuwid na mga simulaing ikinintal mo sa kanila, talagang masasabi mo na ang mga anak ay tunay na “mana mula kay Jehova.”​—Awit 127:3.

[Mga larawan sa pahina 9]

Tulungan ang iyong mga anak na pumili ng mabubuting Kristiyanong kasama