Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit ba Lagi Akong Ikinukumpara sa Iba?

Bakit ba Lagi Akong Ikinukumpara sa Iba?

“Inis na inis ako kapag ikinukumpara ako sa iba ng aking mga magulang at mga guro.”​—Mia. *

“Kapag ikinukumpara ako, parang wala akong silbi dahil noon pa man ay gusto ko nang maging katulad ng taong pinagkukumparahan sa akin.”​—April.

SA PAARALAN, pinagagalitan ka ng iyong guro dahil hindi ka magaling sa matematika na gaya ng iyong kaklase. Sa bahay naman, sinesermunan ka ng nanay mo dahil hindi ka maimis na gaya ng iyong kapatid. May nagsasabi pa, “Napakaganda ng nanay mo noong nasa edad mo siya!” Masakit ito dahil iniisip mong napapangitan siguro sa iyo ang taong iyon. “Bakit hindi ako ang nakikita ng mga tao?” ang gusto mong isigaw. “Bakit ba lagi akong ikinukumpara sa iba?”

Bakit kaya napakasakit maikumpara sa iba? May maganda ba itong maidudulot? Paano mo ito haharapin?

Bakit Masakit Maikumpara sa Iba?

Ang isang dahilan kung bakit masakit maikumpara sa iba ay sapagkat apektado nito kung minsan ang iyong damdamin. Ang naririnig mo sa mga tao ay madalas na siya ring sinasabi mo sa iyong sarili. Halimbawa, inamin ni Becky, “Napapatingin ako sa mga popular na kabataan sa aming paaralan at nag-iisip, ‘Kung katulad sana nila ako, mas maraming matutuwa sa akin.’”

Bakit kaya nagkakaroon ng ganitong negatibong damdamin? Tingnan natin ang nangyayari sa iyo sa pisikal, emosyonal, at mental na paraan. Maaaring mabilis na nagbabago ang iyong katawan. Nahihirapan kang makitungo sa iyong mga magulang. Baka lubhang nagbago na ang tingin mo sa mga hindi mo kasekso. Kaya marahil ay itatanong mo, ‘Normal ba ako?’

Marahil ay iniisip mong masasagot lamang ito kung ikukumpara mo ang iyong sarili sa ibang kabataang dumaranas din ng ganitong mga pagbabago. At dito na nagkakaproblema! Kung waring nakalalamang sila sa iyo, nagiging negatibo ang iyong damdamin. Kaya kapag nagtanong ang ilang adulto, ‘Bakit hindi mo tularan si ganito’t ganoon?’ iisipin mong totoo nga ang kinatatakutan mo​—hindi ka nga normal!

May ibang dahilan naman si April kung bakit masakit maikumpara. “Kapag ikinukumpara ka ng mga tao sa iba,” ang sabi niya, “lalo na sa isang malapít sa iyo, maaaring maging dahilan ito ng pagkainggit at pagkainis.” Alam ito ni Mia. Parang palagi kasi siyang ikinukumpara ng kaniyang mga magulang at guro sa kaniyang ate. “Sinasabi nila sa akin ang lahat ng nagawa niya noong nasa edad niya ako,” ang sabi ni Mia. Ang resulta? “Pakiramdam ko’y nagiging karibal ko si ate. Kung minsan, naiinis ako sa kaniya.”

Talagang may masamang epekto ang pagkukumpara. Tingnan natin ang nangyari sa pinakamatatalik na kasama ni Jesus. Nang huling gabi bago patayin si Jesus, bumangon ang “isang mainitang pagtatalo” sa gitna ng mga apostol. Bakit? Ikinukumpara nila ang kanilang sarili sa isa’t isa at nagtatalo “kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.” (Lucas 22:24) Walang-alinlangang nakapipinsala nga ang ilang uri ng pagkukumpara. Pero lahat ba ng pagkukumpara ay masama?

Ang Magandang Epekto ng Pagkukumpara

Tingnan natin ang kabataang si Daniel at ang kaniyang kasamang tatlong Hebreo, na binabanggit sa Bibliya. Ayaw kainin ng mga kabataang ito ang masasarap na pagkain ng hari ng Babilonya na ipinagbabawal ng kautusan ng Diyos. (Levitico 11:4-8) Para makumbinsi ang nangangalaga sa kanila, nagmungkahi si Daniel ng isang pagsubok. Iminungkahi niya na pagkatapos ng sampung araw na pagkain ng mga katanggap-tanggap na pagkain ayon sa Kautusan ng Diyos, ikukumpara ng nangangalaga ang mga kabataang Hebreo sa ibang mga kabataan sa looban ng hari. Ang resulta?

Ipinaliwanag ng Bibliya: “Sa pagwawakas ng sampung araw ang . . . mukha [ng mga Hebreo] ay nakitang mas mabuti at mas mataba ang laman kaysa sa lahat ng mga batang kumakain ng masasarap na pagkain ng hari.” (Daniel 1:6-16) Pansinin na ang magandang resulta ay hindi dahil sa sadyang nakalalamang si Daniel at ang kaniyang mga kasama sa ibang mga kabataan. Sa halip, pangunahin nang ito’y dahil sa pinili ng mga kabataang Hebreo na sundin ang mga kautusang ibinigay ng Diyos sa kaniyang bayan.

Naiisip mo bang kagaya ka ng mga kabataang Hebreong ito? Kung namumuhay ka ayon sa tuntunin ng Bibliya hinggil sa moral, tiyak na mapapaiba ka sa ibang kabataan. Baka ang ilang taong nakapapansin ng pagkakaiba ay nagtataka at “patuloy na nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa [iyo].” (1 Pedro 4:3, 4) Ngunit nakikita naman ng iba ang magagandang resulta ng iyong mainam na paggawi, at posible pa ngang mapakilos silang mag-aral tungkol kay Jehova. (1 Pedro 2:12) Sa puntong ito, may magandang epekto nga ang maikumpara sa iba.

Nakatutulong din ang pagkukumpara sa iba pang paraan. Halimbawa, iniisip mo na mas nagagawa mo ang iyong mga trabaho sa bahay​—kung ihahambing sa iyong mga kapatid. Pero maaaring iba naman ang pananaw ng iyong mga magulang. Para matulungan kang baguhin ang iyong pag-iisip, baka gamitin nila ang isang halimbawa sa Bibliya at hilingan kang ikumpara ang iyong saloobin at kilos sa saloobin at kilos ng karakter na iyon ng Bibliya.

Halimbawa, baka ipaalaala nito sa iyo na bagaman tinawag si Jesus na Panginoon at Guro, hinugasan niya ang mga paa ng kaniyang mga alagad. (Juan 13:12-15) Pagkatapos ay baka himukin ka nilang tularan ang kapakumbabaan at kasipagan ni Jesus. Sa katunayan, hinihimok ng Bibliya ang lahat ng Kristiyano, bata at matanda, na palaging ikumpara ang kanilang sarili kay Kristo at sikaping “maingat [na] sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Ang uring ito ng pagkukumpara ay nagpapanatili sa atin na maging mapagpakumbaba at tumutulong sa atin na magkaroon ng personalidad na mas nakalulugod kay Jehova.

Kung Paano Mapagtatagumpayan ang Negatibong Uri ng Pagkukumpara

Nakaiirita nga at nakasisira ng loob kapag ikinukumpara ka sa iyong kapatid o sa iyong kaedad. Paano mo ito mapagtatagumpayan? “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit,” ang sabi ng marunong na si Haring Solomon. (Kawikaan 19:11) Paano makatutulong ang kaunawaan? Maaaring hindi ito ang palagay mo, pero ang isa na nagkukumpara, gaya ng isang magulang o guro, ay malamang na nagmamalasakit lang naman sa iyo. Sinabi ni Cathy na kapag ikinukumpara siya sa iba, iniisip niya na gusto lamang nilang makatulong. Nakita ni Cathy na kung titingnan pala sa positibong paraan, hindi siya gaanong masasaktan o maiinis.

Paano kung palagi ka na lamang ikinukumpara? Halimbawa, paano kung iniisip mong palagi ka na lamang ikinukumpara ng magulang mo sa iyong kapatid? Puwede mong kausapin ang iyong magulang at magalang na ipaliwanag sa kaniya ang nadarama mo kapag ikinukumpara ka niya sa iba. Baka naman hindi alam ng iyong magulang ang negatibong epekto nito sa iyo.

Gayunman, tandaan na may “panahon ng pagsasalita” at “panahon ng pagtahimik.” (Eclesiastes 3:7) Sa halip na sumigaw sa galit kapag di-makatuwirang ikinumpara ka sa iba ng iyong magulang o ng sinuman, hintayin mo munang lumamig ang iyong ulo bago mo sila kausapin. Kung ganito ang gagawin mo, mas malamang na pakinggan ka nila.​—Kawikaan 16:23.

Kung itutuon mo ang iyong pansin sa iyong magagandang katangian, madalas na hindi ka gaanong masasaktan kapag ikinumpara ka sa iba. Sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo: “Huwag hamakin ng sinumang tao ang iyong kabataan.” (1 Timoteo 4:12) Bata pa si Timoteo nang atasan siyang maglingkod bilang tagapangasiwang Kristiyano. Kaya posibleng di-makatuwirang ikinukumpara siya sa ibang lalaki na mas nakatatanda at mas makaranasan. Subalit ang gayong negatibong pagkukumpara ay walang saligan. Bagaman bata pa, marami na ring natamong karanasan si Timoteo noong kasama niyang naglalakbay si Pablo. Alam ni Timoteo kung paano mabisang gagamitin ang Salita ng Diyos. At talagang may malasakit siya sa kaniyang mga kapatid sa pananampalataya.​—1 Corinto 4:17; Filipos 2:19, 20.

Kaya nga, kapag ikinumpara ka sa iba sa negatibong paraan, tanungin mo ang iyong sarili, ‘May basehan ba ang kanilang sinasabi?’ Kung totoo naman ang sinasabi nila, sikapin mong matuto mula roon. Pero kung waring hindi naman makatuwiran ang pagkukumpara​—gaya ng, “Bakit ba hindi ka tumulad sa kapatid mo?”​—sikapin mong maging balanse ang iyong pangmalas. Sikaping maging positibo.

Hindi sinusukat ng Diyos na Jehova ang iyong halaga sa pamamagitan ng pagkukumpara sa iyo sa ibang di-sakdal na tao. (Galacia 6:4) Hindi siya tumitingin sa panlabas na hitsura at nauunawaan niya ang iyong pagkatao ayon sa laman ng puso mo. (1 Samuel 16:7) Oo, nakikita ni Jehova hindi lamang kung sino ka kundi kung ano rin ang gusto mong gawin sa buhay mo. (Hebreo 4:12, 13) Alam niyang nagkakamali ka ngunit ang mabuting katangian mo ang tinitingnan niya. (Awit 130:3, 4) Kung alam mo ito, matutulungan kang mapagtagumpayan ang pagkukumpara.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.

PAG-ISIPAN

◼ Anong uri ng pagkukumpara ang kinaiinisan mo?

◼ Kapag lagi kang ikinukumpara sa iba ng mga magulang mo, paano mo ito haharapin?

[Blurb sa pahina 12]

“Kapag pinapayuhan ako, ayokong ikinukumpara ako sa isang partikular na tao at sinasabing, ‘Dapat mong tularan si ganito’t ganoon,’ kundi sa halip, banggitin sana muna ang aking magagandang katangian at saka ako tulungang makita ang aking mga kahinaan sa maibiging paraan.”​—Natalie

[Larawan sa pahina 13]

Puwede mong magalang na ipaliwanag ang nadarama mo kapag ikinukumpara ka sa iba