Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mas Nagtatagal Kaysa sa Sining

Mas Nagtatagal Kaysa sa Sining

Mas Nagtatagal Kaysa sa Sining

Ayon sa Salaysay ni Rakel Koivisto

Noong 1950, nanalo sa isang pambansang paligsahan ang aking mungkahi para sa isang monumentong nagpaparangal sa mga namatay noong Digmaang Pandaigdig II. Pagkalipas ng isang taon, sa isang pormal na seremonya sa Tuusula, Finland, iniharap sa madla ang napakalaking granitong monumento na ginawa ko, pero wala ako roon. Hayaan mong ipaliwanag ko kung bakit.

ISINILANG ako noong 1917, at ako ang bunso sa walong magkakapatid. Nakatira kami sa isang nayon sa timugang Finland. Bagaman mahirap lamang kami, maligaya naman ako at panatag. Maaasahan at may takot sa Diyos ang mga magulang ko, at tinuruan nila kaming magpahalaga sa espirituwal na mga bagay. May malaking paggalang ang aming pamilya sa Bibliya na binili ni Itay.

Noong bata pa ako, umuukit na ako ng maliliit na estatuwa mula sa kahoy. Gandang-ganda ang mga kamag-anak ko sa aking mga ginawa, kaya hinimok nila akong mag-aral ng sining. Nang dakong huli, tinanggap ang aking aplikasyon sa University of Industrial Arts sa Helsinki. Para sa isang batang probinsiyana, kahanga-hanga ang kapaligiran sa napakahusay na paaralang ito, na siyang sentro ng sining sa Finland, kaya wiling-wili ako rito. Noong magtapos ako noong 1947, inakala kong makapag-iiwan ako sa daigdig na ito ng isang bagay na magtatagal.

Malaking Pagbabago

Pagkatapos ay lubhang nagbago ang aking mga tunguhin. Isang araw, nilapitan ako ni ate Aune at tuwang-tuwang sinabi, “Nakita ko na ang katotohanan!” Tinanggap niya ang aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat,” na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Hindi ko ito pinansin. Di-nagtagal pagkatapos nito, nakita ko ang kapuwa ko estudyante sa unibersidad na hawak ang aklat ding iyon. Nang pagtawanan ko iyon, pagalit na sinabi niya: “Huwag mong pagtawanan ang aklat na ito! Matutulungan ka nito na maunawaan ang Bibliya.” Kinuha ko ang aklat at binasa ito nang isang upuan lamang. Mula noon, hindi ko na ito pinagtawanan; sa katunayan, kumbinsido ako na nasa mga Saksi ang katotohanan. Naisip ko rin na inaalukan ako ng Diyos na Jehova ng isang bagay na hindi maibibigay ng sining​—walang-hanggang buhay.

Noong una kong makausap ang mga Saksi, hindi nila ako inanyayahan sa kanilang mga pulong. Dahil dito, inakala kong para lamang sa mga Saksi ang mga pulong. Kaya ako na ang kusang nagtanong sa kanila kung puwede akong dumalo. Tuwang-tuwa ako na malamang bukás pala sa publiko ang mga Kristiyanong pagpupulong. Dahil sa pagdalo ko sa mga pulong, tumibay ang aking pananampalataya, at nagpasiya akong ialay ang aking buhay kay Jehova. Ipinaalam ko sa madla ang pasiyang ito noong Nobyembre 19, 1950, nang mabautismuhan kaming magkapatid. Tuwang-tuwa kami na nang dakong huli ay naging mga Saksi rin ang aming apat pang mga kapatid na babae at ang aming mahal na mga magulang.

Anong Karera ang Dapat Kong Piliin?

Noong nakikipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi, gumaganda na ang aking karera sa sining. Nang magtapos ako sa paaralan sa sining, nagtrabaho ako bilang assistant ng isang propesor ng eskultura. Pagkatapos, gaya ng binanggit sa pasimula, nanalo sa isang pambansang paligsahan ang aking ideya para sa monumentong nagpaparangal sa mga namatay noong Digmaang Pandaigdig II. Iminungkahi ko na tawagin itong “Ang Landas na Walang Balikan,” na nagpapakitang nagbago na ang aking saloobin hinggil sa digmaan. (Isaias 2:4; Mateo 26:52) Nang iharap sa madla ang estatuwa, na may taas na limang metro, hindi ako pumunta sa seremonya dahil ito ay makabayan at hindi kasuwato ng aking mga paniniwalang salig sa Bibliya.

Habang nakikilala ako sa larangan ng sining, marami ang nag-aalok sa akin ng magagandang trabaho. Pero sinuri ko ang aking mga priyoridad. Bagaman mahal ko ang aking trabaho, mas matimbang sa akin ang pagtulong sa iba sa espirituwal na paraan. Kaya noong 1953, nagsimula akong maglingkod bilang payunir, na siyang tawag sa buong-panahong mga ebanghelisador ng mga Saksi ni Jehova.

Kung minsan, may nagsasabi sa akin na sinasayang ko lamang ang aking kakayahan. Pero napag-isip-isip kong hindi magtatagal ang mga nagawa ko bilang eskultor. Maging ang mga monumentong gawa sa granito ay madudurog lamang sa kalaunan. Subalit bilang payunir, magagamit ko ang malaking bahagi ng aking panahon sa pagtulong sa iba upang makamit ang buhay na walang hanggan! (Juan 17:3) Pero hindi ko naman kinalimutan ang pagiging eskultor. Paminsan-minsan, gumagawa pa rin ako ng maliliit na pigurin bilang libangan at ipinagbibili ko ang mga ito upang suportahan ang aking sarili.

Paglipat sa Probinsiya

Noong 1957, pagkatapos ng apat na taóng pagpapayunir sa Helsinki, inanyayahan ako ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Finland na maglingkod sa Jalasjärvi, isang bayan sa rehiyon ng Timugang Ostrobothnia. Makakasama ko roon si Anja Keto, na mas bata sa akin nang 17 taon. Bagaman hindi ko kilala si Anja, malugod kong tinanggap ang atas at sumama ako sa kaniya. Kaming dalawa lamang ang Saksi sa lugar na iyon noon, kaya halos palagi kaming magkasama sa ministeryo. Di-nagtagal, naging matalik kaming magkaibigan.

Ang paglipat sa Jalasjärvi ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng simpleng buhay na siyang dati kong buhay bago ako naging bahagi ng pangkat ng mga dalubsining sa kabisera 20 taon na ang nakalilipas. Matindi ang taglamig sa Jalasjärvi, at may mga panahong kailangan naming lumusong sa niyebe na umaabot hanggang balakang namin. Maliit lamang at napakasimple ng aming bahay. Umiigib kami ng tubig sa kalapit na bukal, at kung minsan, ang tubig na dinala namin sa loob ng bahay ay nagiging yelo kinagabihan. Pero hindi kami nagkulang sa aming mga pangangailangan. (1 Timoteo 6:8) Masaya kami at palaging abala.

Abala sa Kasiya-siyang Gawain

Noong pasimula, waring hindi matagumpay ang aming pagsisikap dahil hindi pabor sa amin ang mga tagaroon. Upang maunawaan nila ang aming gawain, ipinalabas namin ang mga pelikulang ginawa ng mga Saksi ni Jehova, gaya ng The New World Society in Action at The Happiness of the New World Society. Dahil dito, naging pamilyar sila sa aming gawain at organisasyon, at natulungan silang makita ang positibong mga epekto ng aming gawain sa mga tao sa buong daigdig. Marami ang nakapanood ng mga palabas na ito.

Minsan, ipinalabas ni Eero Muurainen, isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, ang pelikulang The New World Society in Action sa isang bulwagan sa komunidad. Punung-puno ng tao ang lugar anupat halos wala akong mapuwestuhan kahit sa kasuluk-sulukan ng bulwagan. Kinailangan kong sumandal sa pader at isang paa ko lamang ang nakatapak sa sahig dahil wala nang lugar para sa isa ko pang paa. Nang matapos ang pelikula, marami ang lumapit sa amin at humiling na dalawin namin sila.

Gumamit din kami ng malaking tape recorder upang patugtugin ang mga pahayag sa Bibliya sa mga bahay sa bukid. Minsan, napagkasunduan naming patugtugin ang isang pahayag sa ganap na 7:00 n.g. sa bahay ng isang pamilya, at inanyayahan namin ang buong bayan na pumunta roon. Noong araw na iyon, maagang-maaga pa ay namisikleta na kami upang mangaral sa isang nayon mga 25 kilometro ang layo, na iniisip na may panahon pa kaming mangaral at makauwi bago gumabi. Pero nang umalis kami sa nayon, puro putik na ang daan dahil sa ulan.

Nang dakong huli, punung-puno na ng putik ang aming mga bisikleta anupat kinailangan naming buhatin ang mga ito pauwi. Dahil dito, gabing-gabi na nang makaalis kami sa bahay papunta sa isinaayos naming pagtitipon. Dinala namin ang mabigat na tape recorder at dumating kami nang 10:00 n.g. Akala talaga namin ay wala na kaming daratnan. Pero nagulat kami nang makita namin ang bahay na punung-puno ng mga taganayon na naghihintay sa amin! Pagkatapos ng pahayag, nagkaroon ng masiglang talakayan. Bagaman madaling-araw na kaming nakauwi at pagod na pagod, masayang-masaya naman kami!

Napakalayo ng pagitan ng mga nayon, kaya tinulungan kami ng mga Saksi sa lugar na iyon na bumili ng kotse​—isang lumang sasakyan na gawa sa Russia. Naging mas maalwan ang aming pangangaral. Nang maglaon, naging kilala ito dahil noong dumalaw sa rehiyon ang obispo ng diyosesis, sinabihan niya ang mga parokyano na huwag kaming tanggapin sa kani-kanilang bahay. Binanggit niya ang dalawang babaing may asul na kotse. Nagkaroon agad ng epekto sa mga tao ang babala. Gusto nilang malaman kung sino ang dalawang babaing ito at kung bakit napakapanganib nila! Dahil sa kanilang pagkamausisa, dumami ang nais makipag-usap sa amin hinggil sa Bibliya at naging positibo ang resulta nito. Talagang totoo ang sinabi ni Isaias: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.”​—Isaias 54:17.

Nang maglaon, nagbunga rin ang aming gawain. Nagsimula kaming magdaos ng lingguhang mga pagpupulong kasama ang isang maliit na grupo ng mga interesado. Lumaki ang aming grupo, at noong 1962, nabuo ang isang kongregasyon na may 18 Saksi, na ang karamihan ay mga babae. Pagkalipas ng dalawang taon, inilipat kami ni Anja sa bayan ng Ylistaro, sa rehiyon ding iyon.

Isang Kapaligirang Nagbibigay ng Inspirasyon

Nasiyahan kami sa ganda at mapayapang kapaligiran ng aming bagong atas, pero mas natuwa kami sa mga tao. Sa pangkalahatan, sila ay mapagpatuloy at palakaibigan. Totoo, marami ang napakarelihiyoso at labis na makabayan, at kung minsan ay pagalit nila kaming itinataboy; pero may mga nagpakita rin ng matinding paggalang sa Bibliya. Maraming beses na kapag inilalabas namin ang Bibliya, humihinto ang mga babae sa kanilang gawaing-bahay para makinig at inaalis ng mga lalaki ang kanilang mga sombrero​—na bihirang-bihira nilang alisin sa kanilang ulo. Kung minsan, kapag nagdaraos kami ng pag-aaral sa Bibliya, ang buong pamilya, at maging ang mga kapitbahay, ay sumasali sa pag-aaral.

Nagsilbing inspirasyon ko sa aking gawang-sining ang taimtim at tapat na mga taong nakakausap ko sa aking paglilingkod. Kapag may panahon ako, kumukuha ako ng luwad at gumagawa ako ng mga eskultura. Yamang noon pa ma’y nawiwili na ako sa magaganda at katawa-tawang mga katangian ng tao, halos lahat ng estatuwang ginawa ko ay mga tao. Marami sa mga ito ay mga babaing nagtatrabaho sa bahay. Sinabi ng isang artikulo sa isang magasin na kapag tinitingnan ng isa ang aking mga pigurin, siya ay “nakadarama ng kapayapaan ng isip at kapanatagan, narerelaks at natatawa.” Sinabi rin ng artikulo na nagawa ko ang mga ito “dahil sa pag-ibig [ko] sa tao at dahil sa [aking] kakayahan sa sining.” Pero tiniyak ko na hindi ako nagpapakaabala sa sining. Nanghawakan akong mahigpit sa aking pasiya na maglingkod kay Jehova nang buong panahon.

Noong 1973, inalok akong gumawa ng isang eskultura na hinding-hindi ko matanggihan. Hinilingan akong gumawa ng isang malaking eskulturang gawa sa luwad na ilalagay sa bagong lobby ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Vantaa, Finland. Ilalarawan nito ang sinasabi sa Awit 96:11-13. Tuwang-tuwa ako na magamit ang aking kakayahan sa pagpuri kay Jehova!

Yamang gumawa lamang ako ng mga pigurin pangunahin na bilang libangan noong nagpapayunir ako, nagulat ako na noong huling bahagi ng dekada ng 1970, binigyan ako ng pensiyon bilang isang dalubsining. Siyempre, nagpapasalamat ako sa pinansiyal na tulong na iyon, pero naisip ko, ‘Ito lamang pala ang matatanggap ko kung sakaling iniukol ko ang aking buhay sa sining. Kaunting pera lamang para sa aking pagtanda.’ Kayliit nga nito kung ihahambing sa gantimpalang buhay na walang hanggan!​—1 Timoteo 6:12.

Balik sa Lunsod

Noong 1974, nagkaroon ng malaking pagbabago sa aming buhay at ministeryo. Inatasan kaming maglingkod sa Turku, isang malaking lunsod. Noong panahong iyon, maraming bagong apartment ang itinatayo, at kinailangan ang karagdagang mga mamamahayag ng Kaharian dahil sa pagdami ng tao. Noong una, hindi kami gaanong natuwa sa aming bagong atas sa lunsod. Tila mas mahirap mangaral sa mga tagalunsod, dahil marami sa kanila ang walang interes sa katotohanan. Pero unti-unti, nasanay na rin kami sa bagong teritoryong iyon, at marami kaming nasumpungang nagpapahalaga sa mga katotohanan sa Bibliya.

Sa loob ng maraming taon, nagkapribilehiyo kami ni Anja na tulungan ang mahigit 40 katao na mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova. Kaylaking kagalakan ang naidudulot sa aming puso ng mga espirituwal na anak na ito! (3 Juan 4) Nitong nakalipas na mga taon, humina ang aking pangangatawan, pero lalo kong nadama ang pag-alalay ni Jehova, ang pag-ibig ng kongregasyon, at ang “tulong na nagpapalakas” mula sa aking minamahal na kasama sa pagpapayunir, si Anja. (Colosas 4:11; Awit 55:22) Nang makilala ko si Anja halos 50 taon na ang nakalilipas, hindi namin akalain na ang aming pagtatambal bilang payunir ay tatagal nang habang buhay.

Binanggit ng isang popular na kasabihan, “Maikli ang buhay pero walang hanggan ang sining.” Subalit hindi iyan ang prinsipyo ko sa buhay. Sumasang-ayon ako sa mga salita ni apostol Pablo sa 2 Corinto 4:18: “Ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di-nakikita ay walang hanggan.” Ang lahat ng kasiyahang natamasa ko bilang dalubsining​—“ang mga bagay na nakikita”​—ay pansamantala lamang. Hinding-hindi maihahambing ang mga ito sa kagalakang natamo ko sa paglilingkod kay Jehova, at hindi nito kayang magbigay ng buhay na walang hanggan. Laking pasasalamat ko na iniukol ko ang aking buhay sa “mga bagay na di-nakikita,” mga bagay na mas nagtatagal kaysa sa sining!

[Larawan sa pahina 19]

Habang inuukit ko ang granitong monumento

[Larawan sa pahina 21]

Kasama si Anja (kaliwa), noong 1957

[Larawan sa pahina 22]

Kasama si Anja (kanan) ngayon