Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Ko ba Kailangang Magbasa? (Mayo 2006) Ako ay 15 taóng gulang, at talagang nakatulong sa akin ang artikulong ito. Dinala ko sa paaralan ang magasin at napansin ito ng aking titser. Sa panahon ng klase, tinalakay niya ang tungkol sa mga kaugalian sa pagbabasa at ipinakita niya ang Gumising! sa aking mga kaklase. Sinabi niyang nasiyahan siya nang husto sa artikulo, at inirekomenda niya ito sa lahat ng naroroon.
D.A.C., Brazil
Noon, ang binabasa ko lamang sa magasin ay ang mga paksang gusto ko. Ngayon, talagang pinagsisikapan kong basahin ang bawat artikulo, kahit sa simula’y waring hindi ito kawili-wili para sa akin. Iyon pala ang mga artikulong magiging paborito ko. Maraming salamat.
E. G., Estados Unidos
Natuwa akong malaman na may mga kabataan ngayon na katulad ko. Nabautismuhan ako sa edad na 14 at ngayon ay 40 anyos na ako. Noong malapit na akong mabautismuhan, nakaugalian ko na ring bumasa araw-araw ng ilang pahina ng Ang Bantayan o Gumising! Sa palagay ko, dahil dito kung kaya nabasa ko ang lahat ng artikulo at napanatili ko ang aking espirituwalidad.
S. O., Hapon
Michael Servetus—Nag-iisa sa Paghahanap ng Katotohanan (Mayo 2006) Salamat sa bago at mahalagang impormasyong nakuha ko mula sa artikulo. Napasigla ako nang husto na patuloy na mangaral at ipagtanggol ang pangalan ni Jehova.
M. R., Brazil
Alam ng karamihan na isang prominenteng tao si Servetus sa larangan ng medisina. Pero isiniwalat sa artikulo ang iba pang kahanga-hangang katangian ng iskolar na ito, tulad ng kaniyang sinseridad at paghahanap sa katotohanan. Salamat sa paglalathala ninyo ng artikulong ito.
M. J., Espanya
Malaki ang Nagagawa ng Pakikinig sa Babala (Hunyo 2006) Napakasarap na maging bahagi ng maibiging organisasyon ni Jehova. Taos-puso kong pinasasalamatan ang lahat ng kapatid na tumulong sa pagkukumpuni ng aking bahay, na lubhang nasira ng Bagyong Katrina. Ang bahay na ito ngayon ay nagpapaalaala sa akin ng pag-ibig ng mga kapatid.
I. F., Estados Unidos
Seda—“Ang Reyna ng mga Hibla” (Hunyo 2006) Mula sa aking pagkabata, iniisip ko na kung paano ba ginagawa ang seda. Tuwang-tuwa ako nang makita ko ang artikulong ito sa Gumising! Talagang nasiyahan ako rito, at pinatindi nito ang paghanga ko sa mga nilalang ni Jehova.
A. C. L., Brazil
Pangunahing mga Babalang Tanda ng Malignant Melanoma (Hunyo 8, 2005) Dahil sa may-kulay na mga larawan na nasa artikulo, nasuri ko ang aking sarili at natuklasan ko ang isang kahina-hinalang itim na nunal na namamaga. Ito pala ay isang malignant melanoma. Mabuti na lamang, naalis kaagad ang melanoma sa pamamagitan ng operasyon bago pa ito lumala. Taos-puso akong nagpapasalamat kay Jehova para sa gayong praktikal na impormasyon.
K. N., Hapon