Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Ehipto Tungo sa mga Lunsod sa Buong Daigdig

Mula sa Ehipto Tungo sa mga Lunsod sa Buong Daigdig

Mula sa Ehipto Tungo sa mga Lunsod sa Buong Daigdig

MULA SA MGA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA

“SILA ay ‘naglakbay’ palabas sa kanilang pinagmulan,” ang sabi ng magasing Archeo ng Italya, “anupat naging aktuwal na mga sagisag ng dakilang sibilisasyong gumawa sa mga ito.” Malaon nang inilabas sa Ehipto ang karamihan sa mga ito at dinala sa mga lugar na gaya ng Istanbul, London, Paris, Roma, at New York. Napapansin marahil ng mga namamasyal sa Roma na ang karamihan sa mga kilalang liwasan ng lunsod ay nagagayakan nito. Ano ang mga ito? Mga obelisko!

Ang obelisko ay isang haliging bato na patulis, may apat na kanto, at ang pinakatuktok nito ay hugis piramide. Ang pinakamatandang obelisko ay mga 4,000 taon nang nakatayo. Maging ang pinakahuling itinayo ay mga 2,000 taon na.

Ang isang obelisko, karaniwang gawa sa pulang granito, ay isang napakalaking bloke ng bato na tinibag ng sinaunang mga Ehipsiyo at itinayo sa harap ng mga libingan at mga templo. Ang ilan ay napakatataas. Ang pinakamataas na nakatayo pa hanggang ngayon sa isang liwasan sa Roma ay umaabot nang 32 metro at mga 455 tonelada ang timbang. Karamihan sa mga ito ay nagagayakan ng sinaunang paraan ng pagsulat ng mga Ehipsiyo.

Ang layunin ng monumento ay upang parangalan ang diyos-araw na si Ra. Itinayo ang mga ito upang pasalamatan siya sa di-umano’y ibinibigay niyang proteksiyon at tagumpay para sa mga pinuno ng Ehipto at upang makahiling sa kaniya ng pabor. Sinasabing ginaya sa piramide ang hugis nito. Inilalarawan ng mga ito ang sinag ng araw na tumatagos sa lupa upang magbigay ng init at liwanag.

Bukod diyan, ginamit din ang mga obelisko upang parangalan ang mga Paraon. Ipinakikilala ng mga inskripsiyon nito ang iba’t ibang pinuno ng Ehipto bilang “mahal ni Ra” o “kasingganda . . . ni Atum,” na diyos ng araw kapag lumulubog ito. Ganito ang mababasa sa isang obelisko tungkol sa kahusayan ng isang paraon sa pakikipagdigma: “Ang kapangyarihan niya ay katulad ng kay Monthu [diyos ng digmaan], ang torong yumuyurak sa mga banyagang lupain at pumapatay sa mga rebelde.”

Ang unang obelisko ay itinayo sa Ehipto sa lunsod ng Junu (ang On sa Bibliya), na sinasabing nangangahulugang “Lunsod ng Haligi,” na marahil ay tumutukoy sa mga obelisko mismo. Ang Junu ay tinawag ng mga Griego na Heliopolis, nangangahulugang “Lunsod ng Araw,” yamang ito ang pinakasentro ng pagsamba sa araw ng mga Ehipsiyo. Ang pangalang Griego na Heliopolis ay may kaugnayan sa pangalang Hebreo na Bet-semes, na nangangahulugang “Bahay ng Araw.”

Ang makahulang aklat ng Bibliya na Jeremias ay bumabanggit sa pagkadurog ng “mga haligi ng Bet-semes, na nasa lupain ng Ehipto.” Posibleng tumutukoy ito sa mga obelisko ng Heliopolis. Hinatulan ng Diyos ang idolatrosong pagsamba na inilalarawan ng mga ito.​—Jeremias 43:10-13.

Pagtitibag at Paglilipat

Makikita sa pinakamalaki sa mga monumentong ito kung paano ginagawa ang mga obelisko. Naroroon pa rin ito sa lugar mismo ng pinagtitibagan malapit sa Aswân, Ehipto. Matapos pumili ng isang malaking bato at pantayin ito, hinukay ng mga manggagawa ang palibot ng gagawing obelisko. Hinukay nila ang ilalim nito at siningitan ng mga biga, hanggang sa lubusan na itong umangat. Ang napakalaking batong ito na may timbang na 1,170 tonelada​—mas mabigat sa anumang bloke ng batong tinibag ng sinaunang mga Ehipsiyo​—ay ibababa sana noon sa Nilo at isasakay sa gabara patungo sa destinasyon nito.

Gaya ng nangyari, pinabayaan na ang obeliskong Aswân nang mapansin ng mga manggagawa na may lamat ito at hindi na puwedeng ayusin. Kung natapos ito, aabot sana ito sa taas na 42 metro, at ang pinakapaanan naman nito ay 4 metro por 4 metro. Wala pa ring nakaaalam kung paano naitayo ang mga obelisko.

Mula Ehipto Patungong Roma

Noong 30 B.C.E., naging lalawigan ng Roma ang Ehipto. Gustung-gusto ng mga emperador ng Roma na magayakan ang kanilang kabisera ng mga bantog na monumento, kaya naman umabot hanggang 50 obelisko ang inilipat sa Roma. Upang madala ito, kinailangang gumawa ng napakalalaking barko para dito. Kahit nailipat na sa Roma ang mga obelisko, may malapit na kaugnayan pa rin ito sa pagsamba sa araw.

Nang bumagsak ang Imperyo ng Roma, dinambong ito ng mga kalaban. Karamihan sa mga obelisko ay natumba at nalimutan na. Gayunman, nagkainteres ang mga papa na muling ipatayo ang mga obelisko na kinuha mula sa mga guho ng sinaunang lunsod. Sinabi ng Simbahang Katoliko Romano na ang mga obelisko ay “inialay ng isang haring Ehipsiyo sa Araw” at na ito’y “nagbibigay ng walang-kabuluhang parangal sa mga paganong templo.”

Nang muling itayo ang unang mga obelisko noong naghahari si Pope Sixtus V (1585-90), hinaluan ito ng pagpapalayas sa masasamang espiritu at pagbebendisyon, pati na ng pagwiwisik ng agua bendita at pagsusunog ng insenso. “Luminis ka [mula sa masamang espiritu],” ang paawit na sigaw ng isang obispo sa harap ng obeliskong Batikano, “upang mapasan mo ang banal na Krus at maging dalisay mula sa lahat ng karumihan ng paganismo at sa lahat ng kasamaan.”

Kaya habang pinagmamasdan ng isang turista ang mga obeliskong nakatayo sa Roma sa ngayon, malamang na iniisip niya ang pambihirang talino na ginamit upang makuha, madala, at maitayo ang mga ito. Nagtataka rin siya marahil kung bakit iginagayak sa lunsod ng mga papa ang mga monumentong ginagamit sa pagsamba sa araw​—talaga ngang kakaibang kombinasyon!

[Larawan sa pahina 15]

Luxor, Ehipto

[Larawan sa pahina 15]

Roma

[Larawan sa pahina 15]

New York

[Larawan sa pahina 15]

Paris