Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagbaba ng Moral sa Buong Daigdig

Pagbaba ng Moral sa Buong Daigdig

Pagbaba ng Moral sa Buong Daigdig

“KABI-KABILA ang pandaraya,” ang sabi ni David Callahan, na sumulat ng bagong aklat na The Cheating Culture. Bukod sa iba pang uri ng pandaraya sa Estados Unidos, binanggit niya “ang pandaraya ng mga estudyante sa haiskul at kolehiyo,” “pamimirata” ng mga musika at pelikula, “pagnanakaw sa panahon ng trabaho,” “malawakang katiwalian sa larangan ng panggagamot,” at paggamit ng steroids sa isport. Bilang konklusyon, sinabi niya: “Idagdag pa ang lahat ng uri ng paggawing labag sa batas at etika, masasabing napakapalasak na nga ng krisis sa moral.”

Sinabi ng The New York Times na ang Bagyong Katrina na sumalanta sa Estados Unidos noong Agosto 2005 ay “nagdulot ng pinakamalalang halimbawa ng pandaraya, maiitim na pakana at nakagugulantang na mga katiwalian sa gobyerno na naganap sa modernong kasaysayan.” Isang senador sa Estados Unidos ang nag-ulat: “Ang tahasang pandaraya, garapal na mga pakana, paglustay ng salapi​—talagang nakapaninikip ito ng dibdib.”

May mababait na tao pa rin naman sa ngayon. (Gawa 27:3; 28:2) Subalit madalas nating naririnig: “Paano naman ako? Meron ba ako diyan?” Waring halos lahat ay may saloobing, ako muna.

Noon, sinasabing ang mahalay at walang-pakundangang paggawi ay isa sa naging dahilan ng pagbagsak ng mga sibilisasyon na gaya ng Imperyo ng Roma. Ang mga nagaganap kaya ngayon ay pasimula lamang ng isang mas kahindik-hindik na mangyayari sa hinaharap? Ang apat na sulok ba ng daigdig ay apektado na ngayon ng “paglago ng katampalasanan,” na inihula ng Bibliya na magiging tanda ng katapusan ng buong sistemang ito ng mga bagay?​—Mateo 24:3-8, 12-14; 2 Timoteo 3:1-5.

Pagbaba ng Moral sa Buong Daigdig

Ang Africa News ng Hunyo 22, 2006, na nag-uulat tungkol sa isang “pag-aaral hinggil sa seksuwal na pang-aabuso at pornograpya” sa lugar ng mahihirap sa Uganda, ay nagsabing “dahil sa kapabayaan ng mga magulang, lumaganap tuloy ang prostitusyon at pang-aabuso sa droga sa lugar na iyon.” Iniulat ng pahayagan: “Sinabi ni Mr. Dhabangi Salongo, ang nangangasiwa sa Child and Family Protection Unit sa himpilan ng pulis sa Kawempe, na lumaki nang husto ang bilang ng pang-aabuso sa mga bata at ng karahasan sa tahanan.”

Ayon sa isang doktor sa India, “nawawalan na ng halaga ang pamana ng kultura sa lipunan.” Isang direktor sa pelikula roon ang nagsabi na “ang paglaganap ng droga at seksuwal na imoralidad ay isa pang palatandaan na papalubog na rin ang India sa lusak na kinasadlakan ng ‘Kanluraning Daigdig.’”

Sinabi ni Hu Peicheng, kalihim-panlahat ng China Sexology Association sa Beijing: “Noong panahon namin, alam namin kung ano ang tama at mali. Ngayon, puwede na nating gawin ang lahat ng gusto natin.” Ganito naman ang sabi ng isang artikulo sa magasing China Today: “Tanggap na ng lipunan ang pangangaliwa sa asawa.”

“Halos lahat ay payag nang maghubad at maglantad ng katawan para kumita,” ang sabi kamakailan ng Yorkshire Post ng Inglatera. “Nitong nakalipas na henerasyon, galit na galit dito ang mga tao. Ngayon, kabi-kabila na ang iba’t ibang mahahalay na larawan at ang pornograpya . . . ay naging bahagi na ng lipunan.” Dagdag pa ng pahayagan: “Ang mga babasahin at pelikulang dati’y para lamang sa mga 18-anyos pataas ay karaniwan na ngayong pinanonood ng buong pamilya at, ayon sa mga kampanya laban sa pornograpya, madalas na mga bata ang target nito.”

Ang The New York Times Magazine ay nagsabi: ‘Normal na lamang sa ilang kabataan na pagkuwentuhan ang mga karanasan nila sa pakikipagtalik, na para bang nag-uusap lamang sila tungkol sa kakainin nila sa kapiterya.’ Isang magasing nagbibigay ng patnubay sa mga magulang na may mga anak na 8 hanggang 12 taóng gulang (Tween News) ay nagsabi: “Sa sulat-kamay ng isang batang babae, isang mensaheng kumukurot sa puso ang sinabi niya: ‘Pinipilit po ako ng Mommy ko na makipag-date at makipagtalik sa mga lalaki. Ako po’y 12 taóng gulang lamang . . . tulungan n’yo po ako!’”

Ibang-iba na talaga ang panahon! Sinabi ng Toronto Star ng Canada na hindi pa natatagalan, “ang ideya pa lamang ng pakikipagrelasyon sa mga bakla o mga tomboy ay kasuklam-suklam na.” Gayunman, sinabi ni Barbara Freemen, guro sa kasaysayang panlipunan sa Carleton University, Ottawa: “Ganito ang sinasabi ngayon ng mga tao, ‘Buhay ko ito. Ayokong may nakikialam sa akin.’”

Maliwanag, sa nakalipas na ilang dekada, mabilis na bumaba ang moral sa maraming lugar sa daigdig. Bakit kaya nagkaganito? Ano ang masasabi mo tungkol dito? At ano ang ipinahihiwatig nito na mangyayari sa hinaharap?