Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ Sa nakalipas na dekada, mga 40 milyong magsasakang Tsino ang nawalan ng lupain dahil sa mabilis na urbanisasyon.—CHINA DAILY, TSINA.
◼ Sa buong daigdig noong 2005, may 28 malalaking digmaan at 11 iba pang maliliit na labanan.—VITAL SIGNS 2006-2007, WORLDWATCH INSTITUTE.
◼ Isang pangkat mula sa Tokyo Institute of Technology ang matagumpay na nakapagpalipad ng isang napakagaang eroplano na may piloto at may timbang na wala pang 55 kilo at pinaaandar lamang ng mga batiryang ginagamit sa bahay. Ang eroplano ay nakalipad sa taas na 391 metro sa loob ng 59 na segundo.—MAINICHI DAILY NEWS, HAPON.
◼ Sa mga Olandes na 12 hanggang 20 taóng gulang, na gumagamit ng Internet at nagpupunta sa tinatawag na mga “profile site” gamit ang isang webcam, “40 porsiyento sa mga lalaki at 57 porsiyento sa mga babae ang iniulat na hinihilingang maghubad o gumawa ng kahalayan sa harap ng webcam.”—RUTGERS NISSO GROEP, NETHERLANDS.
Maaari Ka Bang Maging Sugapa sa mga Video Game?
“Ang nangyayari sa utak ng mga taong sobrang maglaro ng mga computer game ay katulad ng sa mga alkoholiko o sugapa sa marihuwana.” Ganiyan ang sinabi ng sikologong si Ralf Thalemann, ang lider ng isang grupong nagsasaliksik hinggil sa pagkasugapa sa Charité University Hospital, Berlin, sa Alemanya. Ipinapalagay na naglalabas ng maraming dopamine ang utak kapag ang isa ay sobrang maglaro ng mga computer game, na siyang sanhi ng “pagiging sugapa” niya rito sa bandang huli. Ipinahihiwatig ng isang surbey na maaaring nararanasan ito ng mahigit 10 porsiyento ng mga naglalaro ng mga video game.
Madalas na “Di-panatag at Problemado” ang Mayayaman
“Di-panatag at problemado ang mga milyunaryo,” ang sabi ng pahayagang China Daily ng Beijing. Isang surbey ang isinagawa sa mga indibiduwal mula sa Silangang Tsina at Timog Tsina na sa katamtaman ay may kayamanang umaabot ng 2.2 bilyong yuan ($275 milyon). Natuklasan ng mga mananaliksik na sumuri sa “saloobin [ng mayayaman] hinggil sa relihiyon, pag-aasawa, buhay, karera at pera,” na “iniibig at kasabay nito ay kinapopootan ng karamihan sa mga milyunaryo ang pera.” Sinabi ng ilang tumugon sa surbey na bagaman nakamit nila ang mataas na kalagayan sa lipunan at ang tagumpay, “pagkadismaya pa rin ang pangunahing naidulot sa kanila ng pera.”
Pagbubukid—Nakabubuti sa mga May Sakit sa Isip
Mahigit 100 eksperto mula sa 14 na bansa ang nagtipon kamakailan sa Stavanger, Norway, upang malaman ang tungkol sa Green Care, isang konsepto ng pinagsamang pagbubukid, pagtuturo, at pangangalaga sa kalusugan. Ayon sa isang istasyon ng radyo at telebisyon na NRK, ang ilan na matagal nang may sakit sa isip ay hindi na kailangang iospital nang magsimula silang magbukid. “Nakabubuti [ito] sa isip at katawan.” Ang mga magbubukid sa mahigit 600 tradisyonal na bukid sa Norway ay nakikipagtulungan sa Green Care, at dahil dito, nadaragdagan ang kanilang kita.
Isang Pakinabang sa mga Tore ng Simbahan
“Ang mga simbahan sa New England [sa Estados Unidos] ay nakakita ng solusyon sa lumiliit nilang badyet: pinaupahan nila ang kapansin-pansing mga tore ng kanilang simbahan sa mga kompanya ng mga cell phone na nangangailangan ng lugar para sa kanilang mga cell site,” ang sabi ng magasing Newsweek. Sa mga kabahayan, limitado ang mga lugar na puwedeng paglagyan ng mga cell site, at ayaw ng mga residente na makakita ng nakabalandrang mga antena sa kanilang pamayanan. Kaya naman itinago ng mga kompanya ng mga cell phone ang kanilang mga antena sa mga tore ng simbahan. Ganito ang sinabi ng isang presidente ng kompanyang pinagkukunan ng payo ng mga simbahan: “Tatlong kompanya na ng mga cell phone ngayon ang gumagamit sa unang simbahan na pinaglagyan namin ng antena, at kumikita ang simbahan ng $74,000 taun-taon mula sa upa sa lugar na wala naman talagang gumagamit.”