Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtitina ng Tela—Noon at Ngayon

Pagtitina ng Tela—Noon at Ngayon

Pagtitina ng Tela​—Noon at Ngayon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

NAPANSIN mo ba ang epekto ng kulay sa ating damdamin? Hindi nga kataka-taka na sa buong kasaysayan, nagustuhan na ng mga tao na kulayan ang mga tela sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na pagtitina.

Kapag bumibili tayo ng damit at muwebles o ng materyales na gagamitin sa paggawa nito, hindi natin gustong mawala o kumupas ang mga kulay nito. Upang malaman kung anong proseso ang ginagamit para hindi kumupas ang mga tela at kung paano sumulong ang tradisyonal na pagtitina, pinuntahan namin ang SDC Colour Museum sa Bradford, sa hilaga ng Inglatera. * Nakita namin doon ang ilang di-pangkaraniwang kemikal na ginagamit na pantina sa loob ng maraming siglo.

Mga Tinang Ginamit Noon

Hanggang noong ikalawang bahagi ng ika-19 na siglo, ang lahat ng kemikal na ginagamit sa pagtitina ng mga tela ay nagmula sa likas na mga bagay gaya ng mga halaman, insekto, at kabibi. Halimbawa, ang halamang woad ay naglalabas ng asul na tina (1), dilaw na tina ang halamang weld (2), at pulang tina naman ang halamang madder. Ang itim na tina ay nagmumula sa punong logwood, at makukuha naman sa isang tulad-lumot na halaman na tinatawag na archil ang lilang tina. Ang kabibing murex ay naglalabas naman ng napakamahal na tina, na kilala bilang Tyrian purple o matingkad na kulay-ube (3). Ang tinang ito ay ginamit sa damit ng mga Romanong emperador.

Bago pa ang panahon ng mga Romanong emperador, ang mga prominente at mayayaman ay nagsusuot na ng mga damit na kinulayan ng tina na gawa sa likas na mga kemikal. (Esther 8:15) Halimbawa, ang pulang tina ay gawa sa kemikal mula sa babaing insekto na kermes (4). Lumilitaw na ito ang pinagmulan ng iskarlatang kokus na tina na ginamit sa mga telang nasa tabernakulo ng sinaunang Israel at sa kasuutan ng mataas na saserdote ng Israel.​—Exodo 28:5; 36:8.

Ang Proseso ng Pagtitina

Ipinakikita ng mga eksibit sa Colour Museum na karamihan sa mga proseso ng pagtitina ay masalimuot at hindi lamang basta paglulubog ng sinulid o tela sa tina. Kadalasan, kasama sa proseso ang paglalagay ng mordant, isang kemikal na ginagamit para kumapit ang tina sa tela. Sa pamamagitan nito, sinisipsip ng tela ang tina at hindi na ito kumukupas kahit mabasa. Maraming kemikal ang ginagamit na mordant at ang ilan ay delikadong gamitin.

Ang ilang proseso ng pagtitina ay naglalabas ng mabahong amoy. Ang isa sa mga ito ay ang mahaba at masalimuot na prosesong ginagamit noon sa paggawa ng Turkey red. Ang prosesong ito ay ginagamit sa koton at nagbibigay ng matingkad na pulang kulay, na hindi kumukupas kahit maarawan, labhan, o gamitan ng bleach. May pagkakataon na ang proseso ay dumaan sa 38 iba’t ibang yugto at inabot nang apat na buwan! Ang ilan sa pinakamagagandang telang nakadispley sa museo ay yaong ginamitan ng tina na Turkey red (5).

Ang Pasimula ng Sintetikong Tina

Ang unang tina na hindi mula sa likas na mga kemikal ay natuklasan ni William Henry Perkin noong 1856. Ipinaliliwanag ng isang eksibit kung paano nadiskubre ni Perkin ang mauve, isang tina na matingkad na kulay-ube. Sa dulo ng ika-19 na siglo, nakagawa ng maraming iba pang sintetikong tina na may matitingkad na kulay. Sa ngayon, mahigit sa 8,000 uri ng sintetikong tina ang ginagawa (6). Ang tanging tina na gawa sa likas na kemikal na ginagamit hanggang sa ngayon ay yaong gawa sa logwood at cochineal.

Ipinaliwanag ng Colour and Textiles Gallery ng Colour Museum ang pantanging mga prosesong ginagawa sa ngayon upang kulayan ang sintetikong mga tela, gaya ng rayon. Ang viscose rayon, ang pinakapopular na uri ng rayon sa ngayon, ay unang ginawa noong 1905 para ipagbili. Dahil magkahawig ang mga kemikal na bumubuo sa viscose rayon at sa koton, puwedeng gamitin sa mga telang ito ang karamihan sa mga tina noon. Pero kinailangang gumawa ng mga bagong tina para sa makabagong sintetikong mga tela gaya ng acetate rayon, polyester, naylon, at acrylic fiber.

Hamon sa Paggawa ng Tinang Hindi Kumukupas

Kapag bumibili tayo ng damit o tela, ayaw nating kumupas ang mga ito. Gayunman, marami ang kumukupas kapag ibinilad sa araw o paulit-ulit na nilabhan, lalo na kung ginamitan ito ng sabong panlaba. Kung minsan, kumukupas ang ilang tela dahil sa pawis o nagbabago ang kulay kapag nilabhan kasama ng iba pang mga damit. Ang pagkupas ng kulay sa paglalaba ay nakadepende sa lakas ng kapit ng tina sa tela. Ang paulit-ulit na paglalaba at ang epekto ng sabong pantanggal ng mantsa ay nagpapahina sa kapit ng tina sa tela, kung kaya kumukupas ito. Sinusubukan ng mga gumagawa ng tina ang kanilang mga produkto kung hindi ito gaanong kukupas kahit ibilad pa sa araw, labhan, gamitan ng sabon, at mapawisan.

Dahil sa paglilibot na ito, nagkainteres kaming alamin kung anong uri ng tela ang ginagamit sa aming mga damit. Pero higit pa riyan, marami kaming natutuhan hinggil sa kahanga-hangang mga prosesong ginagamit upang manatili ang kulay ng ating mga damit kahit paulit-ulit itong labhan.

[Talababa]

^ par. 4 Pinag-aaralan ng SDC​—Society of Dyers and Colourists​—ang siyensiya ng pagkukulay.

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Larawan 1-4: Courtesy of the Colour Museum, Bradford (www.colour-experience.org)

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Larawan 5: Courtesy of the Colour Museum, Bradford (www.colour-experience.org); Larawan 6: Clariant International Ltd., Switzerland