Polen—Alabok ng Buhay
Polen—Alabok ng Buhay
KAPAG tagsibol na, naglipana na ang mga bubuyog at ang hangin naman ay punô na ng polen. Para sa mga may alerdyi, ang polen ay parang sumpa sa halip na biyaya. Pero bago natin sabihing peste ang polen, tandaan natin ang papel na ginagampanan ng kakaibang alabok na ito. Magugulat tayo marahil kapag nalaman nating malaking tulong pala ito sa ating buhay.
Ano ba talaga ang polen? Ganito ang paliwanag ng The World Book Encyclopedia: “Ang polen ay binubuo ng pagkaliliit na butil na lumalabas sa sangkap na panlalaki ng mga halamang namumulaklak at namumunga ng kono.” Sa madaling salita, ang mga halaman ay gumagawa ng polen para makagawa ng panibagong halaman. Gaya ng alam natin, sa mga tao, dapat pertilisahin ng semilya ng lalaki ang itlog ng babae para magkaanak. Gayundin naman, ang *
sangkap na pambabae ng isang bulaklak (ang pistil) ay nangangailangan ng polen mula sa sangkap na panlalaki (ang istamen) upang gawin itong pertilisado at mamunga.Napakaliit ng butil ng polen anupat hindi natin halos makikita ang mga ito kung hindi gagamitan ng mikroskopyo. Sa katunayan, makikita mula sa mikroskopyo ang pagkakaiba ng mga ito sa sukat at hugis depende sa uri ng halamang pinagkunan sa mga ito. Yamang hindi agad nabubulok ang polen, napag-aaralan ng mga siyentipiko ang iba’t ibang disenyo ng butil ng polen na nahuhukay nila at mahalaga ito. Dahil dito, nakikilala nila ang mga halamang itinanim ng mga tao noong nakalipas na mga siglo. Mas mahalaga, sa pamamagitan ng natatanging disenyo ng bawat uri ng polen, nakikilala ng mga bulaklak ang polen na kauri nila.
Kung Paano Naililipat ang Polen
Maraming halaman ang umaasa sa hangin upang mailipat ang kanilang polen kapag lumabas na ito sa catkin o kono dahil sa hihip ng hangin. Naililipat din ng tubig ang polen ng ilang halamang nabubuhay roon. Dahil hindi sigurado ang polinisasyon sa pamamagitan ng hangin, ang mga punungkahoy at halamang nakadepende sa pamamaraang ito ay naglalabas ng pagkarami-raming polen. * Sa dami ng polen na lumalabas, hirap na hirap tuloy ang mga taong may alerdyi.
Bagaman malaki ang naitutulong ng hangin para madalhan ng polen ang maraming uri ng punungkahoy at mga damo, ang mga namumulaklak na halamang hiwa-hiwalay kung tumubo ay nangangailangan ng mas mahusay na sistema. Paano kaya naililipat ang polen mula sa gayong mga halaman tungo sa katulad na mga halamang tumutubo nang kilu-kilometro ang layo? Sa pamamagitan ng maaasahang paghahatid ng mga bayakan, ibon, at insekto! Pero siyempre, hindi nila basta ginagawa ito nang walang pakinabang.
Ang mga bulaklak na ito ay may nektar—isang masarap na pagkaing gustung-gusto ng mga tagapagdala ng polen. Habang pilit na sinisipsip ang nektar, nagdidikitan naman ang polen sa katawan ng mga ito. Sa paghanap ng iba pang nektar, naililipat nito ang polen sa susunod na bulaklak.
Ang mga insekto ang pinakamadalas gumawa ng polinisasyon, lalo na sa mga lupaing katamtaman ang klima. Di-mabilang na bulaklak ang dinadapuan nila araw-araw para sa nektar at polen. * Ganito ang paliwanag ni Propesor May Berenbaum: “Malamang na ang pinakaimportanteng tulong ng mga insekto sa kalusugan ng tao na hindi gaanong napapansin ay ang polinisasyon.” Ang mga punungkahoy ay karaniwan nang namumulaklak at namumunga dahil sa polinisasyon mula sa ibang punungkahoy. Kaya nakita mo na kung gaano kahalaga sa ating kalusugan ang paglilipat ng polen.
Kung Paano Inaakit ang mga Tagapaghatid ng Polen
Kailangang akitin ng mga bulaklak ang tagapagdala ng polen at pakanin ito. Paano ito nagagawa ng mga bulaklak? Pinaglalaanan nito ng masarap na pahingahan sa silong ng araw ang mga tagapagdala ng polen. Ipinagmamalaki nila ang kanilang nektar at polen sa tulong ng ganda at amoy nila. Gayundin, maraming bulaklak ang nagbibigay ng direksiyon sa pamamagitan ng makukulay na tuldok at mga guhit nito. Dahil dito, natutulungan ang mga tagapagdala ng polen kung saan nila matatagpuan ang nektar.
Iba’t ibang pang-aakit ang ginagawa ng iba’t ibang bulaklak. May mga amoy-bulok para akitin ang mga langaw. May mga nanlilinlang para makatiyak na malalagyan sila ng polen. Halimbawa, ang mga orkidya na mukhang bubuyog ay dinadapuan ng mga bubuyog na gustong magparami sa pag-aakalang mga bubuyog din ang mga ito. May mga bulaklak naman na nanghuhuli ng mga insekto at pinakakawalan lamang ang mga ito kapag nalagyan na sila ng polen. “Sa larangan ng pagpapatubo ng halaman, wala nang hihigit pa sa husay, pagkaeksakto o talino ng pagtiyak na nalalagyan ng polen ang mga bulaklak,” isinulat ng botanikong si Malcolm Wilkins.
Kung hindi ginawang kaakit-akit ng Maylalang ang mga bulaklak para magkaroon ng polinisasyon sa halaman, milyun-milyong halaman ang hindi na makapagpaparami. Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa naging resulta ng kahanga-hangang polinisasyon: “Kumuha kayo ng aral mula sa mga liryo sa parang, kung paano sila tumutubo; hindi sila nagpapagal, ni nag-iikid man; ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nagayakan na gaya ng isa sa mga ito.”—Mateo 6:25, 28, 29.
Dahil sa polinisasyon, ang mga halaman ay lumalago at namumunga ng mga pagkaing kailangan natin. Oo, maaaring nahihirapan ang ilan dahil sa polen, pero tayong lahat ay dapat magpasalamat sa masisipag na tagapagdala ng polen na namumudmod ng alabok na ito ng buhay. Nakadepende nang malaki ang tagumpay ng pag-aani sa kahanga-hangang likas na prosesong ito na nagpapatunay sa kamangha-manghang gawa ng ating Maylalang.
[Mga talababa]
^ par. 3 Ang pertilisasyon ay maaaring sa pamamagitan ng polinisasyon mula sa ibang halaman o polinisasyon sa sarili nito. Gayunman, dahil sa polinisasyon mula sa ibang halaman, nagiging sari-sari ang halaman at kung gayon ay mas malulusog at matitibay.
^ par. 6 Halimbawa, ang isang catkin lamang ng punong birch ay naglalabas na ng mahigit limang milyong butil ng polen, at ang isang karaniwang punong birch ay may libu-libong catkin.
^ par. 9 Sa isang kilo ng pulut-pukyutan, mga sampung milyong ulit na nagpapabalik-balik ang mga pukyutan sa bawat bulaklak.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 16, 17]
Tagapagdala ng Polen
LANGAW AT UWANG
Sila ang ilan sa mga nakakaligtaang bayani ng polinisasyon. Kung mahilig ka sa tsokolate, magpasalamat ka sa maliit na langaw na gumagawa ng mahalagang trabahong ito ng polinisasyon sa mga bulaklak ng punong kakaw.
BAYAKAN AT POSSUM
Marami sa pinakamariringal na punungkahoy sa mundo, gaya ng kapok at baobab, ang nakadepende sa mga bayakan para sa polinisasyon. May ilang bayakan na hindi lamang sumisipsip ng nektar kundi kumakain din ng bunga at ikinakalat ang mga buto nito, anupat doble ang serbisyo nila. Sa Australia, ang maliliit na marsupial na kilala bilang mga possum ay pumupunta sa mga bulaklak para sumipsip ng nektar. Habang naroroon sila, inililipat ng mabalahibong katawan nila ang polen sa mga bulaklak.
PARUPARO
Halos puro nektar lamang ang kinakain ng kaakit-akit na mga insektong ito at nakukuha nila ang mga polen habang nagpapalipat-lipat sa mga bulaklak. May ilang magagandang orkidya na umaasa lamang sa mga paruparo para sa matagumpay na polinisasyon.
SUNBIRD AT HUMMINGBIRD
Ang makukulay na ibong ito ay malimit na nagpapalipat-lipat sa mga bulaklak at sinisipsip ang nektar ng mga ito. Dumidikit ang polen sa mga balahibo sa noo at dibdib ng mga ibong ito.
BUBUYOG AT PUTAKTI
Agad dumirikit ang polen sa mabalahibong katawan ng bubuyog gaya rin ng pagdikit ng alabok sa salamin sa mata, kung kaya napakahusay na tagapagdala ng polen ang mga bubuyog. Ang isang bumblebee lamang ay nakapagdadala na ng hanggang 15,000 butil ng polen. Dahil sa pagpasok ng mga bumblebee mula sa Inglatera noong ika-19 na siglo, malagung-malago na ngayon ang taniman ng halamang clover sa New Zealand, na siyang pangunahing kinakain ng mga alagang hayop doon.
Sa buong mundo, ang pukyutan ang pinakaimportanteng tagapagdala ng polen. Karaniwan nang dumadapo ito sa isang uri lamang ng bulaklak na tumutubo nang marami sa tabi ng bahay-pukyutan nito. Tinatantiya ng entomologong si Christopher O’Toole na “hanggang 30 porsiyento ng lahat ng pagkain ng tao ay tuwiran o di-tuwirang nakadepende sa polinisasyon ng mga bubuyog.” Kailangan ang mga bubuyog sa polinisasyon ng almendras, mansanas, plum, cherry, at kiwi. Binabayaran ng mga magsasaka ang mga tagapag-alaga ng mga pukyutan para sa serbisyo ng bawat bahay-pukyutan.
[Larawan sa pahina 18]
Mga orkidya na mukhang bubuyog