Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Napakaraming Dukha sa Isang Napakayamang Daigdig?

Bakit Napakaraming Dukha sa Isang Napakayamang Daigdig?

Bakit Napakaraming Dukha sa Isang Napakayamang Daigdig?

“LAGI ninyong kasama ang mga dukha,” ang sabi ni Jesu-Kristo noong unang siglo C.E. (Mateo 26:11) Panahon pa ni Jesus ay napakarami nang naghihikahos. Subalit bakit problema pa rin ng napakaraming tao ang karalitaan sa isang napakayamang daigdig?

Naniniwala ang ilan na naghihirap ang mga tao dahil na rin sa mali nilang mga pasiya. Maaaring totoo iyan sa ilang kalagayan. Kapag ang mga tao ay nagpakasasa sa alak, droga, at sugal, maaaring madali nilang maiwala ang kanilang mga ari-arian. Pero hindi lahat ng dukha ay naghihirap dahil sa kanilang maling mga pagpapasiya.

Marami ang nawalan ng trabaho dahil sa mga pagbabago sa industriya. Naubos ang pinag-ipunan ng maraming nagtatrabaho dahil sa biglang pagtaas ng gastos sa pagpapagamot. At sa milyun-milyong naghihikahos sa papaunlad na mga bansa, marami ang naghihirap bagaman hindi nila kasalanan. Ang sanhi ng karukhaan ay kadalasan nang hindi kayang kontrolin ng bawat indibiduwal, gaya ng makikita sa sumusunod na halimbawa.

Aral Mula sa Kasaysayan

Noong unang mga taon ng dekada ng 1930, problema ng buong daigdig ang pagbagsak ng ekonomiya na tinawag nang maglaon na Great Depression. Sa isang bansa, milyun-milyon ang nawalan ng trabaho at libu-libong pamilya ang nawalan ng tirahan. Subalit samantalang marami ang nagugutom, napakarami namang gatas ang itinapon ng mga magbubukid at sapilitang ipinapatay ng mga opisyal ng gobyerno sa mga magbubukid ang milyun-milyong alagang hayop sa bukid.

Bakit sinayang ang lahat ng ito? Kalakaran na sa ekonomiya na magtakda ng tubo sa ibinebentang mga produkto mula sa bukid at iba pang mga paninda. Napakahalaga ng gatas, karne, at butil sa mahihirap. Pero kung hindi mapagkakakitaan ang mga panindang ito, itinuturing itong walang kuwenta kaya itinatapon.

Nagkagulo sa maraming lunsod dahil walang makain. Ang ilang mamamayan ay nangholdap may maipambili lamang ng pagkain para sa kanilang pamilya. Ang ilan ay namatay sa gutom. Ang mga pangyayaring iyan ay naganap sa Estados Unidos. Noong kasisimula pa lamang ng Great Depression, ang mga taong may pinakamababang kita ay hindi natulungan ng makapangyarihang sistema sa pananalapi ng bansang iyon. Sa halip na sapatan ang pangangailangan ng lahat ng mamamayan sa pagkain, tirahan, at trabaho, ang mga pangangailangang iyon ay isinaisantabi ng sistema sa ekonomiya at mas inuna pa ang kumita ng pera.

Mga Kalagayan sa Ngayon

Nakaahon na mula sa Great Depression ang ekonomiya ng daigdig, at waring mas mayaman at mas matatag ang kabuhayan ng maraming tao ngayon kaysa dati. Subalit sa kabila ng kasaganaan, walang masyadong magawa ang mahihirap para makaangat sa kahirapan. Napakaraming ulat hinggil sa taggutom at karalitaan sa papaunlad na mga bansa anupat nagsawa na ang mga tao na basahin ang mga ito. Gayunman, kapag halos mamatay na sa gutom ang mga lumikas dahil sa digmaan, kapag nabubulok lamang ang mga suplay ng pagkain dahil sa makasariling patakaran ng mga pulitiko, at kapag tumataas nang husto ang halaga ng mga pangangailangan sa buhay dahil sa kalagayan sa merkado anupat hindi na ito kayang bilhin ng mahihirap, katunayan ito na hindi kayang tulungan ng sistemang ito ang naghihikahos na mga mamamayan. Kinakaligtaan ng sistema sa pandaigdig na ekonomiya ang milyun-milyong naghihikahos.

Ang totoo, wala pang sistema sa ekonomiya na itinatag ng tao ang nakasapat sa materyal na mga pangangailangan ng lahat ng tao. Mga 30 siglo na ang nakararaan, ganito ang sinabi ng isang mahusay na tagapagmasid: “Ako ay nagbalik upang makita ko ang lahat ng paniniil na ginagawa sa ilalim ng araw, at, narito! ang mga luha niyaong mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng kanilang mga maniniil ay may kapangyarihan, anupat wala silang mang-aaliw.” (Eclesiastes 4:1) Sa panahong ito ng kasaganaan, namamayani pa rin ang di-patas na kalakaran sa ekonomiya.

Milyun-milyon sa ngayon ang hindi makaahon sa kumunoy ng karalitaan. Pero natutuhan ng maraming tao na harapin nang matagumpay ang kanilang mga problema sa kabuhayan. Umaasa rin sila sa isang mas maalwang buhay sa hinaharap.

[Kahon sa pahina 5]

Pakikipagpunyaging Mabuhay

Sa kaniyang aklat na The Working Poor​—Invisible in America, binibigyan tayo ni David K. Shipler, isang awtor at peryodista, ng ideya hinggil sa kalagayan ng ilan sa Estados Unidos na nanganganib maghikahos: “Ang sira-sirang apartment ay maaaring magpalalâ ng hika ng isang bata, na hahantong sa pagsugod sa ospital, na lilikha ng bayarin na hindi kayang bayaran, na sisira sa magandang rekord sa pag-utang, kaya tataas nang husto ang interes sa inutang na sasakyan, na mauuwi sa pagbili ng wala-sa-kundisyon at segunda-manong sasakyan, kaya ang ina ay mahuhuli sa pagpasok sa trabaho, na pipigil naman sa kaniyang promosyon at pagkakataong kumita nang mas malaki, kaya hindi na siya makaaalis sa sira-sirang apartment.” Ang batang iyon at ang kaniyang ina ay nabubuhay na kabuntot ang kapahamakan, bagaman nakatira sila sa pinakamayamang bansa sa daigdig.

[Kahon sa pahina 6]

Sapat Na ba ang Mabubuting Intensiyon?

Noong Nobyembre 1993, sa isang gusali ng pamahalaan sa Washington, D.C., sinisikap lutasin ng isang grupo ng mga opisyal ang isang mabigat na problema. Nais ng mga opisyal na iyon na gamitin ang milyun-milyon nilang pondo para tulungan ang mga walang tahanan sa Estados Unidos. Habang nag-uusap-usap sila, nagdatingan sa hintuan ng bus na nasa kabilang kalye ang mga pulis, bombero, at mga kawani ng ospital. Binubuhat ng mga tauhan ng ambulansiya ang bangkay ng isang babaing walang tahanan. Namatay siya sa harap mismo ng Department of Housing and Urban Development (HUD) ng Estados Unidos, ang ahensiya ng pamahalaan na may pananagutang tumulong sa mga walang tahanan.

Pagkaraan nito, kinapanayam ng isang reporter ng The New York Times ang isang tauhan ng HUD, na nagkomento hinggil sa dami ng mga boluntaryo at mga sasakyang naroon sa lugar na kinamatayan ng babae: “Kakatwang makita kung gaano karami ang tumutulong sa mga tao kapag namatay sila, pero wala ni isa mang tumutulong sa kanila habang sila’y nabubuhay.”

[Larawan sa pahina 4, 5]

Isang nandayuhang ina kasama ang kaniyang tatlong anak nang panahon ng Great Depression noong dekada ng 1930

[Credit Line]

Dorothea Lange, FSA Collection, Library of Congress

[Larawan sa pahina 6, 7]

Sa mga pagawaang tulad nito, $14 sa isang buwan ang katamtamang kita ng mga manggagawa at maaari silang sapilitang pagtrabahuhin nang 70 oras sa isang linggo

[Credit Line]

© Fernando Moleres/Panos Pictures