Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Itim na Swan” sa mga Kanal ng Venice

“Itim na Swan” sa mga Kanal ng Venice

“Itim na Swan” sa mga Kanal ng Venice

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA

MARAHAN itong umuusad sa kanal, na napalilibutan ng mamasa-masang pader, mga bintanang istilong arabesko, mga balkonaheng punô ng mga bulaklak, at dumaraan sa ilalim ng paarkong mga tulay na bato. Kulay itim ito, elegante, at walang kaingay-ingay. Sa malayo, mukha itong itim na swan. Gawa sa kahoy ang pinakakatawan nito at gawa naman sa metal ang pinakaleeg nito, kaya hindi ito malambot at wala ring balahibo. Pero umuusad ito sa mga kanal ng Venice, sa Italya, na kasingganda ng kahanga-hangang ibong ito. Isa itong gondola, na ayon sa ilan ay ang pinakasikat na bangka sa daigdig. Ano ang pinagmulan nito? Bakit napakapopular nito? Bakit ito natatangi sa iba pang mga bangka?

Ang Pinagmulan Nito

Mahirap tukuyin kung kailan eksaktong nagkaroon ng gondola, bagaman naniniwala ang ilan na ito’y noong ika-11 siglo C.E. Unang naipinta ang gondola noong papatapos na ang ika-15 siglo. Gayunman, nakilala lamang ito at sumikat noong ika-17 at ika-18 siglo dahil sa naiibang anyo nito kung ikukumpara sa lahat ng iba pang bangka. Dati nang lapad ang pinakasahig ng gondola, pero nang panahong iyon naging pahaba ang hugis ng bangka at nagkaroon ng bakal na proa.

Mahirap ding tukuyin kung saan nakuha ang pangalang gondola. Sinasabi ng ilan na ang salitang “gondola” ay nagmula sa salitang Latin na cymbula, ang tawag sa isang maliit na bangka, o mula sa conchula, iba pang tawag sa concha, na nangangahulugang “kabibi.”

Karaniwang Makikita sa Venice

Ang matitiyak natin ay ang koneksiyon ng bangkang ito at ng Venice. Sa katunayan, marahil ang gondola ang pinakaimportanteng simbolo ng lunsod. Halos lahat yata ng larawan ng Venice ay may gondola.

May iba pang koneksiyon ang bangkang ito at ang Venice. Ang pamamangka sa mga kanal sakay ng gondola “ay talaga namang kakaibang paraan para tuklasin ang Venice,” ang sabi ni Roberto, isang bangkero na naghahatid sa mga turista sa kanilang pamamasyal. “Hindi lamang karaniwang mga tanawin ang makikita mo, magagalugad mo rin ang kaloob-looban ng Venice.” Sinabi ng tanyag na manunulat ng Alemanya na si Johann Wolfgang von Goethe na kapag sakay siya ng bangkang ito, pakiramdam niya’y siya “ang Panginoon ng Dagat Adriatico, gaya rin ng mararamdaman ng sinumang taga-Venice sa sandaling sumandig na siya sa kaniyang gondola.” Ganito ang sinabi ni Roberto: “Ang napakabagal na usad ng gondola ay bagay na bagay sa buhay sa Venice. Habang nakaupo ka sa malambot na kutson, pakiramdam mo’y hawak mo ang panahon.”

Kakaibang mga Katangian ng Gondola

Kung pagmamasdan mo ang gondola, baka pagtakhan mo kung bakit deretso ang usad nito, samantalang iisa lamang naman ang sagwan nito na nakapirme sa gawing kanan ng bangka. Kung tutuusin, baka kikiling lamang ang bangka sa isang panig at magpapaikut-ikot kung palaging sa kanan ang pagsasagwan​—pero hindi gayon ang nangyayari. Bakit? Isinulat ni Gilberto Penzo, isang eksperto sa makasaysayang mga bangka: “Kung gagamit tayo ng metapora at ihahambing ang istraktura ng bangka sa katawan ng tao kung saan ang kilya ay kumakatawan sa gulugod at ang balangkas naman ay sa mga tadyang, masasabi nating may malalang scoliosis ang gondola.” Sa ibang salita, ang pinakakatawan nito ay hindi proporsiyon​—mas makitid nang 24 na sentimetro ang kanang bahagi nito. Kaya kapag nasa tubig, nakalubog nang bahagya ang kanang bahagi nito. Dahil nakapuwesto ang bangkero sa halos gawing kaliwa at dahil sa puwersa ng bawat pagsagwan, akmang-akma ang iregular na disenyo ng gondola para dumeretso ang usad nito.

Ang isa pang natatanging bahagi ng “swan” na ito ay ang leeg, o proa nito. Bukod sa bakal na popa, ito lamang ang tanging bahagi ng bangka na gawa sa metal. Ang proa ay “talagang kapansin-pansin at naiiba,” ang isinulat ng awtor na si Gianfranco Munerotto, “anupat hindi ito malilimutan ng sinumang makakita nito.” Noon, ang bakal na proa ay pambalanse sa bigat ng bangkero na nagsasagwan sa popa, pero pandekorasyon na lamang ito ngayon. Ayon sa tradisyon, ang disenyo ng proa ay kumakatawan sa anim na sestieri, o pamayanan, na bumubuo sa lunsod ng Venice, samantalang ang maliit na usli sa likod ng pinakaleeg nito ay kumakatawan naman sa isang isla sa Venice na tinatawag na Giudecca. Ang hugis-S na kurba ng proa ay sinasabing kumakatawan sa hugis ng Grand Canal sa Venice.

Ang isa pang kakaibang katangian ng gondola ay ang itim na “mga balahibo” nito. Napakaraming iba’t ibang paliwanag kung bakit itim ang mga bangkang ito. Ayon sa isang paliwanag, noong ika-16 at ika-17 siglo, naging sobra-sobra ang dekorasyon, masyadong makulay, at maluho ang mga gondola, kaya para pasimplehin ang mga ito, napilitan ang Senado ng Venice na pagmultahin ang mga may-ari ng napakagarbong mga gondola. Pero mas gusto ng ilan na magmulta sa halip na alisin ang kanilang mga dekorasyon. Kaya ipinag-utos ng mahistrado na pinturahan ng itim ang lahat ng gondola. Ayon sa isa pang paliwanag, ang itim ay naging sagisag ng pagluluksa para sa libu-libong namatay sa Black Death. Sinasabi naman ng iba na itim ang mga gondola para palitawin ang napakaputing kutis ng mga babaing maharlika ng Venice. Pero simple lamang talaga ang paliwanag. Sa simula pa lamang, itim na ang kulay nito dahil sa alkitran na ginamit para huwag pasukin ng tubig ang mga gondola.

Matapos mamangka sa kalmadong tubig sakay ng itim na swan, nagbalik ka na sa daungan. Habang sinusundan mo ng tanaw ang papalayong gondola, marahil pumasok sa isip mo kung ikikiling ba ng swan ang mahabang leeg nito at aayusin ang nagulo nitong mga balahibo.

[Larawan sa pahina 24]

Hindi proporsiyon ang balangkas ng “gondola”

[Larawan sa pahina 24, 25]

Naiibang proa

[Larawan sa pahina 25]

Si Roberto, isang bangkero sa mga kanal ng Venice

[Picture Credit Line sa pahina 25]

© Medioimages