Kasaganaan—Para Kanino?
Kasaganaan—Para Kanino?
NABUBUHAY tayo sa isang masaganang daigdig. Nahihirapan ka bang paniwalaan iyan? Ang totoo, halos wala nang paglagyan ng kanilang pera ang ilang bansa. Tinataya na ang pangkabuuang produktong pandaigdig noong 2005, ang kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo sa taóng iyon, ay umabot nang mahigit $60 trilyon. Kung ipamamahagi ang halaga ng napakalaking produksiyong iyon sa lahat ng tao sa buong daigdig, tatanggap ng mga $9,000 ang bawat nabubuhay na indibiduwal. At tumataas pa ang halagang iyan.
Pero kakatwa ang sinasabing kasaganaang iyan ng daigdig. Ayon sa kamakailang publikasyon ng United Nations, ang kayamanan ng tatlong pinakamayayamang tao sa daigdig ay mas malaki pa kaysa sa pinagsama-samang pangkabuuang produktong panloob ng 48 pinakamahihirap na bansa. At sinasabi ng UN Development Programme na 2.5 bilyon katao ang nagpupursiging makaraos sa kakarampot na kita. Milyun-milyon ang walang sapat na pagkain at wala ring makuhang malinis na tubig na maiinom.
Sa Estados Unidos, pinag-aaralang mabuti ng mga sosyologo ang isang grupo na tinawag nilang “halos maghikahos.” Napakalaki ng posibilidad na maging dukha ang mga ito. Mahigit 50 milyong nakatira roon ang nasadlak sa gayong kalagayan bagaman napakayaman ng bansang iyon.
Kung tutuusin, napakaraming salapi ang pumapasok sa ingatang-yaman ng pamahalaan at mga bangko sa buong daigdig, pero bakit miserable pa rin ang kalagayan ng milyun-milyong mahihirap? Bakit halos hindi mapakinabangan ng napakaraming tao ang lumalaking kayamanan ng daigdig?
[Blurb sa pahina 3]
Mas marami pa ang kayamanan ng tatlong pinakamayayamang tao sa buong daigdig kaysa sa pinagsama-samang kayamanan ng 48 pinakamahihirap na bansa
[Larawan sa pahina 2, 3]
Ang mga batang nagtatrabaho sa pagawaang ito ng laryo ay kumikita sa isang araw ng mga $0.50 (humigit-kumulang 25 piso sa kasalukuyang halaga)
[Credit Line]
© Fernando Moleres/Panos Pictures
[Picture Credit Line sa pahina 3]
© Giacomo Pirozzi/Panos Pictures