Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makipagkilala sa mga Taga-East Timor

Makipagkilala sa mga Taga-East Timor

Makipagkilala sa mga Taga-East Timor

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

ANG East Timor, o Timor-Leste, ay isang maliit na bansa sa silangang bahagi ng isla ng Timor. Ang salitang Malay na pinagkunan ng salitang “Timor” at ang salitang Portuges na Leste ay parehong nangangahulugang “silangan.” East Timor ang karaniwang tawag ng mga nagsasalita ng Ingles sa bansang ito. Angkop ang pangalang ito sapagkat ang isla ay nasa silanganing hangganan ng arkipelago ng Indonesia.

Mga 14,800 kilometro kuwadrado ang lawak ng East Timor, kaya mas malaki ito nang kaunti sa estado ng Connecticut, E.U.A., o wala pa sa kalahati ng Netherlands. Bagaman maliit lamang ang islang ito, ang katangian ng likas na kapaligiran nito ay kombinasyon niyaong sa Asia at Australia. Ang isla ay may makapal na tropikal na kagubatan at tigang na mga damuhan at taniman ng eukalipto. Ang buhay-iláng ay kombinasyon din ng mga uri na makikita sa Australia at Asia. Halimbawa, makikita mo roon ang mga marsupial at mga ibon ng Australia at ang mga unggoy at tropikal na mga saltwater crocodile ng Asia. Kumusta naman ang mga tao sa East Timor? Gusto mo ba silang makilala?

Alaala ng Pananakop

Malamang na noong mga 1514 unang dumating sa East Timor ang mga manggagalugad na Portuges. Nang panahong iyon, nababalutan ng malawak na kagubatan ng punong apalit ang dalisdis ng mga burol. Malakas pagkakitaan ang apalit, kaya ipinasiya ng mga Portuges na magtayo rito ng gayong negosyo. Naging interesado rin sa lugar na ito ang Simbahang Katoliko at nais nilang magpadala ng mga misyonero para kumbertihin ang mga katutubo. Dahil sa dalawang bagay na ito, sinakop ng mga Portuges ang isla noong 1556.

Pero ang East Timor ay nanatiling nakabukod na himpilan na hindi kinokontrol ng mga Portuges. Nang agawin ng mga Olandes ang pamamahala sa kanluraning bahagi ng isla noong 1656, umurong ang mga Portuges sa silangan ng isla. Nang dakong huli, tuluyan nang umalis dito ang mga Portuges noong 1975 makalipas ang mahigit 400 taóng pananakop.

Nang taon ding iyon, sumiklab ang digmaang sibil. Nang sumunod na 24 na taon, tinatayang 200,000 taga-East Timor​—mga sangkatlo ng populasyon​—ang nasawi sa labanan. Apektado ang buong bansa ng sunud-sunod na karahasan noong 1999, anupat nawasak ang 85 porsiyento ng kabahayan at ang karamihan ng mga imprastraktura. Daan-daang libo ang nagsilikas sa kabundukan. Namagitan nang bandang huli ang United Nations para patigilin ang malaking kaguluhan at patatagin ang bansa.

Mula noon, nagtulung-tulong ang mga taga-Timor para makabangong muli. Noong Mayo 2002, ang East Timor, o Democratic Republic of Timor-Leste, ay opisyal na kinilala bilang bagong estado.

Sentro ng Iba’t Ibang Kultura

Dahil sa matagal nang kalakalan, pandarayuhan ng mga taga-Asia at mga Australasian, at pananakop ng Europa, naghalu-halo ang magagandang kultura at wika sa East Timor. Bagaman Portuges pa rin ang wikang ginagamit sa negosyo at sa pamahalaan, 80 porsiyento ng populasyon ang marunong ng opisyal na lingua franca na tinatawag na Tetum, na marami ring hiram na salitang Portuges. May maliliit na etnikong grupo rin sa bansa na nagsasalita ng di-kukulangin sa 22 iba pang wika.

Sa mga probinsiya, may mahalagang papel pa rin ang tradisyonal na mga hari sa buhay ng mga tao. Sila ang nag-oorganisa at nangangasiwa sa mga seremonya, pamamahagi ng mga lupa, at iba pang tradisyonal na mga bagay, samantalang isang inihalal na pinuno ng tribo ang nangangasiwa sa administrasyong sibil.

Ang relihiyon dito ay kombinasyon ng tradisyonal na animismo at Katolisismong dala ng mga banyaga. Nakaiimpluwensiya sa araw-araw nilang pamumuhay ang pagsamba sa mga ninuno, pangkukulam, at espiritismo. Ang mga regular na nagsisimba ay karaniwan nang kumokonsulta sa matan do’ok, o doktor-kulam, para magpahula, magpagamot, o maitaboy ang masasamang espiritu.

Mausisa at Mapagpatuloy na mga Tao

Ang mga taga-East Timor ay likas na masayahin, mausisa, at mapagpatuloy. “Mahilig kaming mag-aral, makipagkuwentuhan, at makihalubilo, kahit na sa mga estranghero,” ang sabi ni Presidente Kay Rala Xanana Gusmão.

Kapag naimbitahang maghapunan kasama ng isang pamilyang taga-Timor, ang bisita ay karaniwan nang kumakaing kasabay ng ama ng tahanan. Ang asawa naman nito at mga anak ang magsisilbi ng pagkain at saka kakain pagkatapos nila. Isang kagandahang-asal na kaunti munang pagkain ang kunin. Pagkatapos, maaaring humingi ang bisita ng karagdagang pagkain para maipakita ang pagpapahalaga sa nagluto.

Kanin, mais, o kamoteng-kahoy, na may kasamang gulay ang karaniwang pagkain ng mga taga-Timor. Espesyal na putahe ng mga taga-Timor ang saboko, sardinas na nilagyan ng katas ng sampalok at mga pampalasa at binalot sa dahon ng palma. Napakamahal ng karne rito.

Maingay sa Dami ng mga Bata

Napakaraming kabataan sa East Timor. Halos kalahati ng populasyon ay mga bata, at maraming pamilya ang may 10 hanggang 12 anak.

Kapag pumapasok sa eskuwela, karaniwan nang magkakahawak-kamay ang mga bata​—lalaki sa lalaki at babae sa babae​—na nagtatawanan at nagkakantahan. Sa paaralan, hindi lamang sila tinuturuan ng akademikong mga asignatura kundi sinasanay rin silang mamuhay at gumawi nang wasto.

Hindi naglalarong mag-isa o tahimik ang isang batang taga-Timor​—kasali ang lahat sa saya! Paborito nilang laro ang dudu karreta. Ang rim ng gulong ng bisikleta ang kunwaring sasakyan. Nagtatakbuhan at nagtatawanan ang mga bata habang pinagugulong nila ang rim sa lansangan, gamit ang patpat bilang pantulak at panggiya.

Pero hindi naman puro laro ang ginagawa ng mga batang taga-Timor. Halimbawa, maaaring atasan silang maggiling ng mais, gamit ang isang mabigat na bara ng bakal. Sa kabila nito, masaya sila’t nakangiti habang nagtatrabaho, na waring walang kamalay-malay na nakatira sila sa isa sa sampung pinakamahihirap na bansa sa buong daigdig.

Mga Hapdi Nang Isilang ang Bansa

Nahihirapang makaraos sa buhay ang mga taga-Timor dahil sa matinding karukhaan. Pinagkakasiya ng 40 porsiyento ng populasyon ang kita na wala pang $1.50 sa isang araw​—ang pinakamaliit na halagang sasapat sa kinakailangang pagkain at mga pangangailangan sa bahay. Mahinang klase ang mga imprastraktura. Ganito ang isinasaad sa isang ulat ng pamahalaan: “Sa buong bansa, tatlo sa apat katao ang nabubuhay sa lugar na walang kuryente, tatlo sa lima katao ang walang ligtas na sanitasyon at limampung porsiyento ng mga tao ang walang malinis na tubig na maiinom.”

Laganap ang sakit dahil dito. Hanggang 50 taon lamang ang inaasahang haba ng buhay ng mga mamamayan dahil sa malnutrisyon, malarya, tuberkulosis, at iba pang sakit. Mga 1 sa 10 bata ang namamatay bago umabot nang limang taóng gulang. Noong 2004, wala pang 50 doktor ang nag-aasikaso sa humigit-kumulang 800,000 mamamayan.

Maraming bansa ang nakikipagtulungan ngayon sa United Nations para suportahan ang mga taga-Timor na makabangong muli. May pag-asa ring makaahon sa hirap ang bansa dahil sa saganang deposito ng langis at gas sa Dagat Timor. Gayunman, ang pinakamahalagang yaman ng East Timor ay ang mga mamamayan nito na matibay ang loob at mapagpakumbaba. Ganito ang sinabi sa Gumising! ng isang babaing taga-Timor: “Mahirap nga kami, pero hindi naman kami miserable!”

“Mabuting Balita Tungkol sa Bagay na Mas Mabuti”

Nitong nakalipas na mga taon, inihahatid ng mga Saksi ni Jehova sa mga taga-East Timor ang “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.” (Isaias 52:7; Roma 10:14, 15) Noong 2005, ang nag-iisang kongregasyon ng mga Saksi sa bansang iyon ay gumugol nang halos 30,000 oras sa pagbabalita sa iba tungkol sa magandang pangako ng Bibliya na malapit nang maging paraiso ang lupa.​—Awit 37:10, 11; 2 Pedro 3:13.

Nakalaya sa pagkaalipin sa espiritismo ang ilan sa mga mamamayan nang matutuhan nila ang katotohanan sa Bibliya. Halimbawa, si Jacob, ama ng limang anak, ay nasangkot nang husto sa tradisyonal na espiritistikong gawain. Regular siyang naghahandog ng mga haing hayop para sa espiritu ng mga patay. Pabigat ito sa badyet ng pamilya. Ang isang haing manok ay nagkakahalaga ng halos maghapong kita, samantalang ang espesyal na haing kambing o baboy ay katumbas ng maraming linggong suweldo.

Nang maglaon, nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang asawa ni Jacob na si Fransiska. Ipinakita niya kay Jacob ang mga teksto sa Bibliya na nagpapatunay na walang malay ang mga patay at hindi nila kayang saktan ang mga buhay. (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4) Naniwala sila sa sinasabi ng Bibliya at huminto sa paghahandog sa mga espiritu. Sa galit, itinakwil sila ng kanilang mga kamag-anak at sinabing papatayin sila ng mapaghiganting mga espiritu. Gayunman, nanindigan sina Jacob at Fransiska, na sinasabi: “Ipagsasanggalang tayo ni Jehova.”

Samantala, nakipag-aral na rin ng Bibliya si Jacob at dumalo sa Kristiyanong mga pulong kasama ng kaniyang pamilya. Dahil dito, gumawa siya ng iba pang pagbabago sa kaniyang buhay. Bagaman isang kaha ng sigarilyo ang nauubos niya araw-araw sa loob ng maraming taon, nagawa niyang tumigil sa paninigarilyo. Nag-aral din siyang bumasa at sumulat. Tumigil na rin si Fransiska sa paggamit ng nganga. Nang dakong huli, noong 2005, nabautismuhan sina Jacob at Fransiska bilang mga Saksi ni Jehova. Sa ngayon, matalino nilang ginagamit ang kanilang pera sa pagpapaaral sa kanilang mga anak at sa mga gastusin sa pagpapagamot.

Oo, gaya ng inihula ni Jesus, ang mabuting balita hinggil sa Kaharian ng Diyos ay ipinangangaral sa “pinakamalayong bahagi ng lupa,” maging sa mausisa, mapagpatuloy, at bukas-palad na mga mamamayan ng maliit na bansang East Timor.​—Gawa 1:8; Mateo 24:14.

[Kahon/Larawan sa pahina 17]

“Nagdadala ng Sinulid at Bobina”

Maririnig noon sa mga taga-Timor ang pananalitang “nagdadala ng sinulid at bobina” para ianunsiyo ang pagsilang sa isang sanggol na babae. Inilalarawan nito ang tradisyonal na gawain ng mga babaing taga-Timor bilang manghahabi ng tais, mahahabang telang pandekorasyon. Ginagamit ang tais sa paggawa ng magarbong damit na panseremonya, kumot, at mga ipinamamana sa pamilya. Tinuturuan ng mga lola ang mga kabataang babae na magtanim, mag-ani, mag-ikid, magtina, at maghabi ng bulak para gawing maganda at makulay na mga disenyo. Inaabot nang isang taon o higit pa para makabuo ng isang tais, depende sa disenyo nito. Bawat rehiyon ay may kani-kaniyang tradisyonal na mga disenyo, kaya isang tingin pa lamang ng eksperto, alam na niya kung saan ginawa ang tais.

[Mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PAPUA NEW GUINEA

INDONESIA

EAST TIMOR

AUSTRALIA

[Larawan sa pahina 15]

Tradisyonal na kubo

[Larawan sa pahina 16]

“Dudu karreta”​—paboritong laro ng mga bata

[Larawan sa pahina 16, 17]

Si Jacob at ang kaniyang pamilya