Pananghaliang Uod
Pananghaliang Uod
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ZAMBIA
AYAW ng ilang tao na kumain ng uod. Pero marami-rami rin naman ang may gusto nito. Paboritong pagkain sa ilang bahagi ng Aprika ang uod ng emperor moth, o Imbrasia belina. Kilalang-kilala roon ang nilalang na ito bilang uod na mopane, na isinunod sa pangalan ng puno na paborito nitong tirhan, ang punong mopane. Pinananabikan ng mga taga-probinsiya ang panahon ng pag-aani ng kumikislut-kislot at masustansiyang kukuting ito. “Napakayaman nito sa protina,” ang sabi ni Keith Leggett, ng Kalahari Conservation Society. May mahalagang papel din ang mga uod sa ekolohiya ng tigang at di-mabungang mga kaparangan.
Sa pagdaan ng ulan sa timog Aprika pagpasok ng Nobyembre, buháy na buháy muli ang lupain. Ang dating milyun-milyong pupa ay pagkagagandang paruparo na ngayon. Sa loob lamang ng ilang linggo, ang kanilang maliliit na itlog ay nagiging mga larva at sa kalaunan ay nagiging parang mga longganisa na makulay at mapintog.
Sa mga lugar kung saan ang pangunahing pagkain ay mayaman sa starch gaya ng kamoteng-kahoy at mais, mainam na suplemento sa pagkain ang mga uod. Maraming tao ang ayaw kumain ng uod, pero dahil sa taglay nitong mahigit 60 porsiyentong protina, mahalagang paninda ang mga ito lalo na sa mga lugar kung saan mahal o bihira ang de-kalidad na protina. Ang isang serving ng nakakaing uod ay kasinsustansiya ng isang serving ng karne o isda, anupat nakapaglalaan ng mga tatlong-kapat ng kinakailangang protina, bitamina, at mineral ng mga adulto sa araw-araw. Oo, masustansiya ang maliliit na nilalang na ito!
Tiyak na palaisipan sa mga kumakain ng uod kung bakit ang mga taong nabubuhay sa pagsasaka ay gumagamit ng mahal na mga kemikal para sugpuin ang masustansiyang mga insektong ito. Kinakain ng milyun-milyong nilalang na ito ang mga dahon na napakasama ng lasa at kung minsan ay nakalalason pa nga. At lahat ng ito ay nagagawa nila kahit walang mahal na mga makinarya sa pagsasaka at gastos sa mga beterinaryo! Walang kahirap-hirap ang pag-aani ng napakahalagang mga uod na ito dahil kamay lamang ang kailangan mong gamitin.
Malaking tulong ang mga uod na mopane para tumaba ang lupa at maging balanse ang ekolohiya ng mga kaparangan. Bagaman napakalakas kumain at napakalaki ng mga elepante sa Aprika, walang sinabi ang mga ito sa kakayahan ng sistema ng panunaw ng isang hamak na uod na mopane. Sa loob lamang ng anim na linggo, mga sampung beses na mas maraming pananim ang nakakain ng mga uod kaysa sa mga elepante na kasama nilang nanginginain, at halos apat na beses na mas marami ang idinudumi ng mga ito. Hindi kataka-takang lumaki ang mga ito nang 4,000 ulit! Kaya ang walang-habas na pag-aani ng mga uod ay may malaking epekto sa katabaan ng lupa at maging sa mga hayop at pananim.
Paano inaani ang mga uod na ito? Dalawang beses sa isang taon inaani ang mga uod na mopane. Tuwing tag-ulan, nagsasama-sama ang mga kababaihan sa probinsiya para sa unang pag-aani. Sa loob ng ilang linggo, iniipon nila ang mga uod, at saka nila ito aalisan ng bituka, pakukuluan, at ibibilad. Gayunman, kailangang maging maingat sa pag-aani at paghahanda ng ilang uri ng nakakaing uod. Kailangang alisin ang pananggalang na mga balahibo o sungot ng ilang uri ng uod. Kailangan ding maging maingat sa paglilinis nito dahil ang ilang uri ng uod ay kumakain ng mga halamang nakalalason sa tao. Pagkatapos dumaan sa proseso, ang pinatuyong mga uod ay maaari nang kainin na parang sitsaron, bagaman mas madalas itong isinasangkap sa nilaga o iginigisa sa sibuyas at kamatis.
Ngayong nalaman mong puwedeng kainin ang uod, baka matakam kang kumain nito o baka naman bumaligtad ang sikmura mo. Baka ayawan mo ang kakaibang pagkaing ito. Pero tandaan mo, napakayaman nito sa protina at pinagkakakitaan ito ng maraming pamilya sa Aprika.
[Larawan sa pahina 26]
Mahalagang paninda ang uod na “mopane” dahil mayaman ito sa protina
[Larawan sa pahina 27]
Sa loob lamang ng anim na linggo, lumalaki nang 4,000 ulit ang uod na “mopane”