Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Masisipag na Labandero ng Abidjan

Ang Masisipag na Labandero ng Abidjan

Ang Masisipag na Labandero ng Abidjan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CÔTE D’IVOIRE

SA AMING paglalakbay pakanluran mula sa Abidjan, Côte d’Ivoire, wiling-wili kami sa aming nakikita at naririnig sa abalang lunsod na ito ng Kanlurang Aprika, nang biglang matawag ang aming pansin ng isang napakagandang tanawin. Nakahanay sa napakalawak na damuhan ang libu-libong damit na may matitingkad na kulay. Paano kaya nagkaroon ng ganitong makulay na tanawin? Masayang ipinaliwanag sa amin ng mga kaibigan naming tagarito kung paano. Iyon pala ang trabaho ng mga fanico.

Ang fanico ay isang grupo ng masisipag na labandero. Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, daan-daang lalaki at ilang malalakas na babae ang kumikita sa manu-manong paglalaba ng damit sa Ilog Banco. Ang katawagang ito sa wikang Dyula, o Jula, ay galing sa pinagsamang salitang fani, na nangangahulugang “tela” o “damit,” at ko, na ang ibig sabihin naman ay “labhan.” Kaya ang salitang Dyula na fanico ay nangangahulugang “tagapaglaba ng damit.”

Ang Trabaho ng Labandero

Isang madaling-araw, pinuntahan namin ang mga fanico sa kanilang pinagtatrabahuhan upang alamin pa ang tungkol sa kanilang naiibang pinagkakakitaan. Napakabilis nilang kumilos! Nagtatrabaho na ang lahat. Ang medyo malabong tubig ng Ilog Banco ay nalalatagan ng malalaking gomang gulong na nilagyan ng mga bato. Sa bawat gulong, ang isang labanderong nakatayo sa ilog na hanggang hita o hanggang baywang ang tubig ay abala sa kaniyang pagsasabon, pagpalo, at pagkukusot ng mga damit.

Madaling-araw pa lamang, nagbabahay-bahay na ang labanderong fanico para kolektahin ang kaniyang mga lalabhan. Ang bahay ng ilan sa nagpapalaba sa kaniya ay tatlong kilometro ang layo mula sa labahan. Ang lahat ng damit ay isinasakay niya sa kariton at saka niya ito hihilahin o kaya naman, binubungkos niya ang mga ito at saka niya susunungin. Papunta na ngayon ang fanico sa Ilog Banco. Pagdating niya, pinaulanan siya ng pagbati sa iba’t ibang wika, dahil ang mga kapuwa niya fanico na nagtatrabaho rito ay galing sa iba’t ibang bahagi ng Aprika. Ang ilan sa kanila ay maraming taon nang nagtatrabaho sa lugar na ito, gaya ni Mr. Brama, isang maskuladong labandero na mahigit nang 60 ang edad. Tatlong araw lamang sa isang taon nababakante ang ilog na ito.

Napakabigat na trabaho pala ang aktuwal na paglalaba ng damit. Pinanood namin ang isang lalaki nang ibaba niya ang kaniyang labahin. Napakarami nito anupat matataranta rito ang isang karaniwang maybahay. Kinalag niya ang bungkos ng mga damit at isa-isa itong inilublob sa tubig. Sumunod, ang mga damit ay kinuskos niya ng isang malaking bareta ng sabong gawa sa langis ng palma at isa-isang pinalu-palo sa ibabaw ng bato. Kung minsan ay gumagamit siya ng iskoba para maalis ang makapit na mantsa. Magkano ba ang pagpapalaba ng damit? Mga 7 cent (U.S.) para sa isang kamiseta at marahil 14 na cent para sa isang kumot. Kaya para kumita, kailangang tumanggap ang mga fanico ng napakaraming labada.

Kapag nakita mo ang napakalaking bulto ng mga damit na nilalabhan nila, maitatanong mo sa iyong sarili, ‘Paano kaya nila natatandaan kung kani-kanino ang mga damit na iyon?’ Iniisip namin na baka ang sistema nila ay katulad ng sa isang grupo ng mga labandero sa India na gumagawa ng sarili nilang pagmamarka. Ang sistemang ginagamit ng mga fanico ay ibang-iba sa mga taga-India pero pareho naman itong mabisa.

Sinikap ng mahusay naming giya na ipaliwanag sa amin ang paraan ng mga fanico. Una sa lahat, habang kinokolekta ng labandero ang mga labahin, tinatantiya niya ang sukat ng katawan ng bawat miyembro ng pamilya para matandaan niya kung kani-kanino ang mga damit na lalabhan niya. Walang inilalagay na marka sa mga damit. Pagkatapos, ang bawat damit ng buong pamilya ay ibinubuhol niya sa pare-parehong bahagi nito​—halimbawa, ang kaliwang manggas, kanang manggas, kuwelyo, o paha. Kapag nilalabhan na niya ang mga ito, iniingatan niyang hindi magkahiwa-hiwalay ang mga damit ng isang pamilya. Parang nakakalito pa rin ito sa amin. Kaya tinanong namin ang isang fanico kung nawalan na siya ng damit na nilabhan o naisama niya ito sa iba. Maliwanag na nakita namin sa ekspresyon ng kaniyang mukha ang kaniyang iniisip, ‘Aba, hindi. Hinding-hindi nawawalan ng damit ang isang fanico!’

Puwede bang maglaba sa Ilog Banco ang kahit sino? Hindi puwede! May mahigpit na alituntuning dapat munang masunod. Bago maging fanico, tatlong buwan muna siyang sasanayin ng isang beteranong labandero. Pag-aaralan niyang mabuti ang paraan kung paano matatandaan ang mga damit. Kapag hindi siya nakapasa rito, hindi siya puwedeng tanggapin. Pero kapag mahusay ang bagong fanico, magbabayad muna siya ng kaunting halaga at saka siya bibigyan ng sarili niyang puwesto na may gulong na paglalabhan, na hindi puwedeng gamitin ng iba.

Sabong Gawa sa Langis ng Palma

Ang sabon ay mahalaga sa trabaho ng isang labandero. Kaya tinuturuan din ang mga baguhan sa tamang paggamit ng sabong gawa sa langis ng palma. Tatlong uri ng sabon ang ginagamit nila, na makikilala sa kulay. Ang puti at dilaw na sabon ay para sa mga damit na hindi gaanong marumi, at ang itim na sabon naman ay para sa napakaruruming damit. Matingkad ang kulay nito dahil sa langis ng palma, na siyang pangunahing sangkap na ginamit. Dahil di-kukulangin sa sampung bareta ng sabon araw-araw ang nagagamit ng bawat fanico, walang tigil ang mga tagagawa ng sabon sa pagsusuplay nito sa kanila.

Pumunta kami sa isang simpleng gawaan ng sabon sa burol na malapit sa labahan. Ang negosyong ito ng paggawa ng sabon ay nagsisimula nang alas seis ng umaga. Ang mga babaing tagagawa ng sabon ay nakabili na sa palengke ng mga sangkap na gagamitin​—namuong langis ng palma, potassium hydroxide, asin, katas ng guyabano, langis ng niyog, at langis ng kakaw, na pawang hindi panganib sa kalikasan. Pinakukuluan nila ang pinagsama-samang sangkap na ito sa isang napakalaking dram na nakasalang sa apoy. Matapos pakuluan nang halos anim na oras, isinasalin nila ito sa mga liyanera para patigasin. Makalipas ang ilang oras hinihiwa nila ang sabon nang bare-bareta.

Pagkatapos, habang sunong ang isang palangganang punô ng mga bareta ng sabon, bumababa na sa burol ang tagagawa ng sabon para dalhin sa mga fanico. Paano kaya niya ito maiaabot sa mga labanderong abalang-abala sa paglalaba sa ilog? Lumulusong lamang siya sa ilog na hanggang baywang ang tubig dala ang palangganang may mga sabon, ipinaaanod niya ito, at kumukuha na lamang dito ang sinumang nangangailangan.

Sa Pagtatapos ng Maghapon

Kapag tapos nang maglaba ang isang fanico, pupunta na siya sa kalapit na burol at saka niya ihihilera ang bagong-labang mga damit sa damuhan o isasampay ang mga ito sa kanilang ginawang sampayan. Napakagandang tingnan nito sa malayo, na siyang tumawag ng aming pansin kanina. Ito na rin ang oras ng pamamahinga ng masisipag na labandero. Bago dumilim, kapag tuyo nang lahat ang damit, maingat niyang tinitiklop ang bawat piraso, at hinahagod ng plantsang de-uling ang ilang damit. Sa pagtatapos ng maghapon, ibinubungkos na niya ang lahat ng malinis at bagong-plantsang mga damit at inihahatid na ang mga ito sa mga may-ari.

Nang una naming makita ang hile-hilerang nakabilad na mga damit, hindi namin akalain na ganoon kalaking trabaho pala ang pinagdaanan nito. Kaya tuwang-tuwa kami nang mapuntahan namin ang mga fanico ng Abidjan, dahil lalo naming naunawaan at napahalagahan ang trabaho ng lahat ng labandero at labandera sa buong daigdig.

[Mapa sa pahina 10]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

CÔTE D’IVOIRE

[Larawan sa pahina 12]

Isang tagagawa ng sabon na nagtitinda ng mga bareta ng sabon

[Picture Credit Line sa pahina 10]

PhotriMicroStock™/C. Cecil