Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Masama sa Lihim na Pakikipag-date?
Nagkaproblema si Jessica. * Nagsimula ang lahat nang magkagusto sa kaniya ang kaklase niyang si Jeremy. “Napakaguwapo niya,” ang sabi ni Jessica, “at sinabi ng mga kaibigan ko na siya ang pinakadisenteng lalaking makikilala ko. Marami ang may gusto sa kaniya, pero hindi siya interesado sa kanila. Ako lang ang gusto niya.”
Di-nagtagal, niyaya ni Jeremy si Jessica na mag-date. Sinabi ni Jessica: “Ipinaliwanag ko sa kaniya na bilang Saksi ni Jehova, hindi ako papayagang makipag-date sa hindi ko kapananampalataya. Pero may naisip si Jeremy. ‘Bakit pa natin ipaaalam ito sa mga magulang mo?,’ ang sabi niya.”
KUNG ganito ang mungkahi ng iyong nagugustuhan, ano ang gagawin mo? Baka magulat kang malaman na noong una, pumayag si Jessica sa plano ni Jeremy. “Kumbinsido ako noon na kapag nakipag-date ako sa kaniya, matutulungan ko siyang mahalin si Jehova,” ang sabi niya. Ano ang nangyari? Malalaman natin mamaya. Tingnan muna natin kung paano maaaring mahulog sa bitag ng lihim na pakikipag-date kahit ang isang huwarang Kristiyanong kabataan gaya ni Jessica nang hindi niya namamalayan.
Kung Bakit Nila Ito Ginagawa
Ang ilang kabataan ay nakikipag-date sa murang edad. “May nakikita akong mga batang edad 10 o 11 na may mga kasintahan na!” ang sabi ni Susan, na taga-Britanya. Bakit ba gustung-gusto nilang makipag-date? Kadalasan nang dahil ito sa likas na pagkaakit sa di-kasekso at panggigipit ng kasamahan. “Dumaranas ng pagbabago ang iyong katawan at lahat naman sa paaralan ay
nakikipag-date,” ang sabi ni Lois, na taga-Australia.Pero bakit ang ilan ay lihim na nakikipag-date? “Marahil ay natatakot sila sa sasabihin ng kanilang mga magulang,” ang sabi ni Jeffrey, na taga-Britanya. Ganiyan din ang palagay ni David, na taga-Timog Aprika. “Alam nilang hindi sila papayagan ng kanilang mga magulang,” ang sabi niya, “kaya hindi nila ito ipinaaalam.” May isa pang binanggit na posibilidad si Jane na taga-Australia. “Ang lihim na pakikipag-date ay isang paraan ng pagrerebelde,” ang sabi niya. “Kung sa pakiramdam mo’y tinatrato kang parang bata, gagawin mo na lamang ang gusto mo nang hindi ipinaaalam sa iyong mga magulang. Madali itong ilihim.”
Siyempre pa, inuutusan ka ng Bibliya na sumunod sa iyong mga magulang. (Efeso 6:1) At kung tutol ang iyong mga magulang sa pakikipag-date mo, tiyak na may mabuti silang dahilan. Halimbawa, kung mga Saksi ni Jehova sila, nais ng mga magulang mo na makipag-date ka sa kapananampalataya mo lamang—at iyon ay kung pareho na kayong nasa kalagayan para mag-asawa. * Subalit huwag kang magugulat kung naiisip mo:
◼ Napag-iiwanan ako dahil nakikipag-date ang lahat maliban sa akin.
◼ Nagkakagusto ako sa hindi ko kapananampalataya.
◼ Gusto kong makipag-date sa isang kapuwa Kristiyano, kahit napakabata ko pa para mag-asawa.
Malamang na alam mo na kung ano ang sasabihin ng mga magulang mo hinggil sa mga pananalitang ito. At sa kaibuturan ng iyong puso, alam mong tama sila. Gayunpaman, baka nadarama mo rin ang nadarama ni Manami, na taga-Hapon, na nagsabi: “Napakatindi ng panggigipit na makipag-date anupat kung minsan ay nag-aalinlangan ako sa aking paninindigan. Para sa mga kabataan sa ngayon, imposibleng hindi makipag-date.” Ang ilan na nasa gayong situwasyon ay nakipag-date na at itinago ito sa kanilang mga magulang. Paano?
“Sinabihan Kaming Ilihim Ito”
Ang mismong pananalitang “lihim na pakikipag-date” ay nagpapahiwatig na ng panlilinlang. Inililihim ng iba ang kanilang pakikipag-date sa pamamagitan ng kanilang pag-uusap pangunahin na sa telepono o sa Internet. Magkaibigan lamang sila kapag may ibang kaharap, pero iba naman ang sinasabi ng kanilang mga e-mail, text message, at usapan sa telepono.
Binanggit ni Caleb, na taga-Nigeria, ang isa pang tusong taktika. “Ang ilang kabataan na lihim na nakikipag-date ay gumagamit ng mga salita at bansag na sila-sila lamang na magkakaibigan ang nagkakaintindihan,” ang sabi niya. Ang isa pang paraan ay nag-oorganisa sila ng mga grupo, pero nagpapare-pareha sila sa dakong huli. Ganito ang sinabi ni James, na taga-Britanya: “Minsan, niyaya kaming magkita-kita sa isang lugar, subalit natuklasan namin na pakana lamang pala iyon para magkasama ang dalawang nasa grupo. Sinabihan kaming ilihim ito.”
Gaya ng sinabi ni James, madalas na ginagawa ang lihim na pakikipag-date sa tulong ng mga kaibigan. “Sa paanuman, may isang nakaaalam nito pero ayaw niyang magsalita dahil nangako siyang hindi niya ito ipagsasabi,” ang sabi ni Carol, na taga-Scotland.
Madalas na nasasangkot ang tuwirang pagsisinungaling. “Inililihim ng marami ang kanilang pakikipag-date sa pamamagitan ng pagsisinungaling sa kanilang mga magulang hinggil sa kanilang pupuntahan,” ang sabi ni Beth, na taga-Canada. Inamin ni Misaki, na taga-Hapon, na ginawa rin niya ito. “Kailangan kong maging magaling sa pag-iimbento ng mga kuwento,” ang sabi niya. “Nag-iingat akong huwag magsinungaling sa ibang bagay maliban sa aking pakikipag-date para hindi mawala ang tiwala ng aking mga magulang.”
Mga Panganib ng Lihim na Pakikipag-date
Kung natutukso kang makipag-date nang lihim—o kung ginagawa mo na ito—dapat mong isaalang-alang ang sumusunod.
◼ Saan kaya hahantong ang aking panlilinlang? Plano mo na ba siyang pakasalan? “Ang pakikipag-date nang walang intensiyong magpakasal ay gaya ng pag-aalok ng isang bagay na hindi mo naman ibibigay,” ang sabi ni Evan, na taga-Estados Unidos. Ganito ang sinabi ng Kawikaan 13:12: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” Talaga bang gusto mong saktan ang minamahal mo?
◼ Ano ang nadarama ng Diyos na Jehova sa ginagawa ko? Sinasabi ng Bibliya na “ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Kaya kung pinagtatakpan mo ang iyong pakikipag-date—o ang pakikipag-date ng isang kaibigan—alam na ito ni Jehova. At kung may nasasangkot na panlilinlang, dapat kang mabahala. Ayaw na ayaw ng Diyos na Jehova ng pagsisinungaling. Sa katunayan, sinasabi sa Bibliya na ang “bulaang dila” ang isa sa mga pangunahing bagay na kinapopootan niya.—Kawikaan 6:16-19.
Ang totoo, kung lihim kang nakikipag-date, nawawala sa iyo ang proteksiyong maidudulot ng hayagang pakikipagkasintahan. Hindi nga kataka-taka na ang ilang lihim na nakikipag-date ay nakagagawa ng imoralidad. Binanggit ni Jane, na taga-Australia, ang tungkol sa kaibigan niyang nakikipag-date nang lihim sa paaralan at nagkaroon ng dobleng pamumuhay. “Buntis na siya nang matuklasan ng kaniyang tatay na may kasintahan siya,” ang sabi ni Jane.
Tiyak na makabubuting sabihin mo sa iyong mga magulang o sa isang may-gulang na Kristiyanong adulto ang anumang lihim na pakikipag-ugnayan mo. At kung may kaibigan kang nakikipag-date nang lihim, huwag makisama sa kaniyang kasalanan sa pamamagitan ng pagtatakip sa kaniyang ginagawa. (1 Timoteo 5:22) Paano kung mapahamak ang iyong kaibigan? Hindi ba’t may kasalanan ka rin? Sabihin nating may kaibigan ka na may diyabetis at lihim na kumakain ng matatamis. Paano kung matuklasan mo ito, pero nakiusap ang iyong kaibigan na huwag itong sabihin sa iba? Ano ang mas mahalaga sa iyo—pagtakpan ang iyong kaibigan o gumawa ng hakbang na makapagliligtas sa kaniyang buhay?
Totoo rin ito sa isang kaibigan na lihim na nakikipag-date. Huwag mong alalahanin na baka tuluyan nang masira ang inyong pagkakaibigan! Kung talagang tunay siyang kaibigan, darating ang panahon na maiisip din niyang para sa kaniyang kabutihan ang ginawa mo.—Kawikaan 27:6.
“Alam Ko Na ang Dapat Kong Gawin”
Si Jessica, na binanggit sa pasimula, ay nagbago ng isip hinggil sa lihim na pakikipag-date nang mabalitaan niya ang nangyari sa isa pang Kristiyanong lihim ding nakikipag-date. “Nang mabalitaan kong nakipaghiwalay siya,” ang sabi ni Jessica, “alam ko na ang dapat kong gawin.” Madali
bang makipaghiwalay? Hindi! “Ang lalaking iyon ang talagang nagpatibok ng puso ko,” ang sabi ni Jessica. “Ilang linggo rin akong umiyak.”Subalit may iba pang iniisip si Jessica—na mahal niya si Jehova at bagaman nalihis siya ng landas, talagang gusto niyang gawin kung ano ang tama. Nang maglaon, lumipas din ang kirot na nadarama niya. “Ngayon,” ang sabi ni Jessica, “lalong tumibay ang aking kaugnayan kay Jehova. Lubos akong nagpapasalamat na binibigyan niya tayo ng patnubay na kailangan natin sa tamang panahon!”
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
^ par. 9 Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Kailan Ako Puwede Nang Makipag-date?” na nasa aming isyu ng Enero 2007.
PAG-ISIPAN
◼ Balikan ang tatlong situwasyon na inilimbag sa makakapal na titik sa pahina 27. Alin sa mga ito, kung mayroon man, ang nadarama mo kung minsan?
◼ Paano mo haharapin ang situwasyon nang hindi nakikipag-date nang lihim?
[Kahon sa pahina 28]
Paglilihim o Pananahimik?
Hindi lahat ng paglilihim na may kaugnayan sa pakikipag-date ay nagsasangkot ng panlilinlang. Ipagpalagay nang nasa hustong gulang na ang isang lalaki at babae para mag-asawa at gusto nilang makilala pang higit ang isa’t isa pero ayaw muna nilang malaman ito ng iba. Marahil, gaya ng sinabi ni Thomas, “ayaw nilang kinukulit sila ng mga tanong na gaya ng, ‘Kailan ba kayo ikakasal?’”
Talaga namang walang maidudulot na mabuti ang ganitong panggigipit mula sa iba. (Awit ni Solomon 2:7) Kaya sa pasimula ng kanilang ugnayan, minamabuti ng ilang magkasintahan na manahimik muna—subalit iniiwasan nilang sila lamang ang magkasama. (Kawikaan 10:19) “Nagbibigay ito sa kanila ng panahong magpasiya kung sila na nga ba,” ang sabi ng 20-taóng-gulang na si Anna. “Kung sila na nga, saka nila ipaaalam ito sa iba.”
Gayunpaman, hindi rin naman tamang ilihim ang inyong ugnayan sa mga dapat makaalam nito, gaya ng iyong magulang o ng magulang ng ka-date mo. Kung hindi mo masabi sa iba ang iyong pakikipag-date, dapat mong tanungin ang iyong sarili kung bakit. Katulad ka ba ni Jessica na binanggit sa pasimula ng artikulong ito? Sinasabi ba ng iyong kalooban na may katuwiran ang iyong mga magulang na tumutol sa iyong pakikipag-date?
[Kahon sa pahina 29]
MENSAHE SA MGA MAGULANG
Pagkatapos basahin ang naunang artikulo, baka itanong mo, ‘Magagawa kaya ng aking anak na makipag-date nang lihim?’ Pansinin ang sinabi ng ilang kabataan sa Gumising! kung bakit ang ilan ay natutuksong makipag-date nang lihim, at pagkatapos ay pag-isipan ang kasunod na mga tanong.
◼ “May mga kabataan na hindi nakadarama ng suporta sa kanilang tahanan, kaya sumasandig sila sa kanilang kasintahan.”—Wendy.
Bilang magulang, paano mo matitiyak na nasasapatan ang emosyonal na pangangailangan ng iyong mga anak? May magagawa ka ba para mapasulong ito? Kung oo, anu-ano ang mga ito?
◼ “Noong 14 anyos ako, isang estudyante ang gustong maging boyfriend ko. Pumayag naman ako. Inisip kong masarap siguro ang pakiramdam kapag may lalaking nakaakbay sa akin.”—Diane.
Kung anak mo si Diane, paano mo haharapin ang situwasyon?
◼ “Madaling makipag-date nang lihim dahil sa mga cellphone. Walang kamalay-malay ang mga magulang sa nangyayari!”—Annette.
Anu-ano ang magagawa mo para masubaybayan ang iyong mga anak sa paggamit nila ng cellphone?
◼ “Mas madaling makipag-date nang lihim kapag hindi gaanong sinusubaybayan ng mga magulang ang ginagawa ng kanilang mga anak at kung sino ang kasama ng mga ito.”—Thomas.
May mga paraan ba para magkaroon ka ng mas malaking bahagi sa buhay ng iyong anak na tin-edyer pero binibigyan pa rin siya ng sapat na kalayaan?
◼ “Madalas na wala sa bahay ang mga magulang kapag naroroon ang kanilang mga anak. O masyado silang nagtitiwala sa pagpapahintulot sa kanilang mga anak na pumunta sa kung saan-saan kasama ng iba.”—Nicholas.
Isipin kung sino ang pinakamadalas na kasama ng iyong anak. Talaga bang alam mo kung ano ang ginagawa nila kapag magkasama sila?
◼ “Maaaring makipag-date nang lihim ang isang kabataan kapag napakaistrikto ng kaniyang mga magulang.”—Paul.
Paano mo ‘maipakikita ang iyong pagkamakatuwiran’ nang hindi ikinokompromiso ang mga utos at simulain ng Bibliya?—Filipos 4:5.
◼ “Noong unang mga taon ng aking pagiging tin-edyer, mababa ang tingin ko sa aking sarili at kulang ako sa pansin. Nakipag-e-mail ako sa isang lalaki sa kalapit na kongregasyon at nahulog ang loob ko sa kaniya. Ipinadama niyang mahalaga ako.”—Linda.
May maiisip ka bang mas magagandang paraan para masapatan ang pangangailangan ni Linda na natugunan sana sa tahanan?
Bakit hindi ipakipag-usap ang artikulong ito at ang pahinang ito sa iyong anak? Ang pinakamabisang panlaban sa paglilihim ay ang taos-puso at tapatang pag-uusap. Kailangan ng panahon at pagtitiyaga upang maunawaan ang pangangailangan ng isang kabataan, pero sulit naman ito.—Kawikaan 20:5.