Determinadong Maging Mayaman—Kung Ano ang Posibleng Epekto Nito sa Iyo
Determinadong Maging Mayaman—Kung Ano ang Posibleng Epekto Nito sa Iyo
SA ISANG daigdig na may mahigit 850 milyong tao na walang makain, mahirap isipin na magdudulot ng problema ang pagkakaroon ng maraming pera. Pero napansin mo ba na ang tekstong sinipi sa naunang artikulo ay nagbabala, hindi laban sa pera o kayamanan, kundi sa halip ay sa pag-ibig sa pera at sa pagiging determinadong maging mayaman? Ano ang mangyayari kung wala nang pinangarap ang mga tao kundi magpayaman at makuha ang lahat ng mabibili ng pera? Tingnan muna natin ang epekto nito sa kanilang mga anak.
Epekto sa mga Anak
Tinataya na sa loob lamang ng isang taon, ang isang pangkaraniwang bata sa Amerika ay nakapanood na ng 40,000 patalastas sa telebisyon. Karagdagan pa, naririyan ang mga video game, makabagong mga music player, mga programa sa computer, at mamahaling damit na nakikita ng mga bata sa tindahan at sa bahay ng kanilang mga kaibigan, at pagkatapos ay gunigunihin kung gaano karaming bagay ang maaaring hingin ng mga bata sa kanilang mga magulang dahil dito. Ibinibigay naman ng ilang magulang ang lahat ng gusto ng kanilang mga anak. Bakit?
Palibhasa’y hindi nila naranasan ang gayong mga luho noong bata pa sila, nais ng ilang magulang na matiyak na lumaki ang kanilang mga anak nang hindi napagkakaitan. Ang iba namang magulang ay natatakot na kapag hindi nila pinagbigyan ang kanilang mga anak, baka hindi na sila mahalin ng mga ito. “Gusto nilang maging matalik na kaibigan
ng kanilang mga anak at maging masaya ang mga ito,” ang sabi ng isang kasamang tagapagtatag ng isang samahan ng mga magulang sa Boulder, Colorado, E.U.A. Umaasa naman ang ibang mga magulang na mapagtatakpan ng maraming regalo ang kanilang pagkukulang dahil sa kanilang pagiging subsob sa trabaho. Posible ring pagkatapos ng isang linggong nakakapagod na pagtatrabaho, hindi na nais ng mga magulang na makipagtalo pa kapag sinabi nilang “Hindi puwede.”Pero nakatutulong ba ang pagbibigay ng mga magulang ng lahat ng hinihiling ng kanilang mga anak, o nakasasama ito? Ipinakikita ng karanasan na sa halip na mahalin ang kanilang mga magulang, ang mga anak na laki sa layaw ay may tendensiyang maging walang utang na loob. Hindi man lamang nila pinahahalagahan ang mga regalong dati’y gustung-gusto nila. Ganito ang sinabi ng isang direktor sa paaralan: “Ayon sa aking karanasan, kapag agad na pinagbigyan ang ‘bili mo ako’ ng mga anak, ang mga bagay na pinakahihiling nila ay madalas na itinatapon na lamang pagkaraan nang dalawang linggo.”
Ano ang nangyayari sa mga batang laki sa layaw? Ayon sa magasing Newsweek, ipinakikita ng mga pag-aaral na sila’y nagiging mga adultong “mahirap tumanggap ng mga kabiguan sa buhay.” Palibhasa’y hindi nila natutuhang paghirapan ang isang bagay, ang ilan sa kanila ay hindi nagtatagumpay sa paaralan, sa trabaho, at sa pag-aasawa, at pagkatapos ay umaasa pa rin ng panustos sa kanilang mga magulang. Madali rin silang mabalisa at manlumo.
Kaya ang totoo, napagkakaitan ang mga batang laki sa layaw. Napagkakaitan sila ng kakayahang makita ang kanilang magagandang katangian at ng pagkakataong matutuhan at maunawaan ang kahalagahan ng trabaho at pagpapahalaga sa sarili. Nagbabala ang terapist na si Jessie O’Neill: “Kung hahayaan mo ang iyong mga anak na makuha nila ang lahat ng gusto nila kailanma’t gustuhin nila ito, gagawin mong miserable ang kanilang buhay kapag malaki na sila.”
Kumusta Naman ang mga Adulto?
Kung may asawa ka na, “gaanuman katagal ang inyong pagsasama o gaanuman karaming pera ang taglay ninyo, malamang na ang susunod ninyong pag-aawayan ay pera pa rin,” ang ulat ng babasahing Psychology Today. Sinabi rin nito na “ang tagumpay o kabiguan ng ugnayan ng mag-asawa ay nakadepende kung paano nila haharapin ang mga di-pagkakasunduan at kabiguan sa pananalapi.” Ang mag-asawa na masyadong nagbibigay ng importansiya sa pera at mga materyal na bagay ay malinaw na nagsasapanganib sa kanilang pagsasama. Sa katunayan, tinataya na may malaking papel sa 90 porsiyento ng mga kaso sa pagdidiborsiyo ang mga pag-aaway dahil sa pera.
Subalit kahit patuloy pa ring magsama ang
mag-asawa, maaaring maapektuhan ang kanilang pagsasama kung pangunahin nang nakatuon ang kanilang pansin sa pera at sa mga luhong naibibigay nito. Halimbawa, ang mag-asawang may utang ay maaaring maging mainisin at magagalitin, na nagsisisihan sa isa’t isa dahil sa kanilang problema sa pinansiyal. Sa ilang kaso naman, abalang-abala ang bawat isa sa kani-kanilang materyal na ari-arian anupat halos wala na silang panahon para sa isa’t isa. Ano ang nangyayari kapag ang isa ay bumili ng mamahaling bagay na lingid sa kaalaman ng kaniyang asawa? Magiging dahilan ito ng paglilihim, pag-uusig ng budhi, at pagsususpetsa—na siyang unti-unting sisira sa kanilang pagsasama.Literal na ipinagpalit ng ilang adulto, may asawa man o wala, ang kanilang buhay sa materyalismo. Sa Timog Aprika, ang ilan ay nagtangkang magpakamatay dahil sa kaigtingang dulot ng pagtulad sa materyalistikong paraan ng pamumuhay sa Kanluran. Sa Estados Unidos, pinatay ng isang lalaki ang kaniyang asawa, 12-anyos na anak, at ang kaniyang sarili, dahil marahil sa kaniyang mga problema sa pera.
Siyempre, maraming tao ang hindi naman namamatay dahil sa pagtataguyod ng kayamanan. Pero maaaring hindi na sila masiyahan sa buhay dahil masyado na silang abala sa pagkakamal ng kayamanan. Maaari ding maapektuhan ang kanilang buhay kung ang kaigtingan sa trabaho o problema sa pera ay nagiging sanhi ng sobrang pagkabalisa, di-pagkakatulog, madalas na pagsakit ng ulo, o ulser—mga problema sa kalusugan na nagpapaikli ng buhay. At kung matauhan man ang isa, baka huli na ang lahat. Baka hindi na nagtitiwala ang kaniyang asawa sa kaniya, naapektuhan na ang emosyon ng kaniyang mga anak, at baka may sakit na siya. Marahil ay puwede pa rin namang maayos ang ilang problema pero hindi na ito gayon kadali. ‘Pinagsasaksak nga ng gayong mga tao ang kanilang sarili ng maraming kirot.’—1 Timoteo 6:10.
Ano ba ang Gusto Mo?
Maraming tao ang nagnanais ng maligayang buhay pampamilya, magandang kalusugan, makabuluhang trabaho, at sapat na pera upang mabuhay nang maalwan. Upang makamit ang apat na ito, kailangang maging timbang. Pero kapag naging pangunahin sa isa ang pera, hindi na siya nagiging timbang. Upang maituwid ng maraming tao ang kanilang buhay, maaaring kailangan nilang kumuha ng trabahong mas mababa ang suweldo, mas maliit na bahay, mas murang sasakyan, o magbaba ng kanilang pamantayan ng pamumuhay. Gaano karami sa kanila ang handang isakripisyo ang kanilang mga luho para sa mas mahahalagang bagay? ‘Alam ko namang hindi ko kailangan ang mga bagay na ito,’ ang inamin ng isang babae, ‘pero napakahirap iwan ang mga ito!’ Ang iba naman ay gusto nang iwan ang kanilang luho, pero ayaw nilang sila ang mauna.
Kumusta ka naman? Kung nagawa mo nang maging timbang pagdating sa pera at mga materyal na bagay, dapat kang papurihan. Sa kabilang banda naman,
nagmamadali ka ba ngayon sa pagbabasa ng artikulong ito dahil marami ka pang pagkakaabalahan? Isa ka ba sa nagnanais na makapamuhay nang simple para sa iyong pisikal at emosyonal na kapakanan? Kung gayon, kumilos na kaagad bago pa sirain ng materyalismo ang iyong sambahayan. Ang kahon sa pahinang ito ay nagbibigay ng ilang mungkahi kung paano ito pasisimulan.Kapag naging timbang ang pananaw sa mga materyal na bagay, makikinabang ang bawat miyembro ng pamilya sa pisikal at emosyonal na paraan. Pero may isa pang isinasaalang-alang ang mga Kristiyano—hindi nila nais makahadlang ang mga materyal na bagay sa kanilang kaugnayan sa Diyos. Paano maaaring manganib ang espirituwal na kalusugan ng isa dahil sa materyalismo, at paano niya maiiwasan ito? Ipaliliwanag ito ng susunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 5]
Madalas na nagiging walang utang na loob ang mga batang laki sa layaw at madali nilang itinatapon ang pinakahihiling nilang mga gadyet
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Mamuhay Nang Timbang
Para gawing simple ang buhay, kailangan ng determinasyon at maingat na pagpaplano. Narito ang ilang mungkahi na nakatulong sa ilan.
◼ MAG-IMBENTARYO. Anu-ano ang hindi mo na kailangang bilhin? Anu-ano ang maaari mo nang alisin? Mga suskripsiyon ng magasin? Mga CD? Di-kinakailangang mga gamit sa sasakyan?
◼ SUBUKANG MAMUHAY NANG SIMPLE. Kung talagang nagdadalawang-isip ka sa pamumuhay nang simple, bakit hindi muna ito subukan sa loob ng anim na buwan o isang taon. Talaga nga kayang mas masaya ka noong nagsisikap kang magkaroon ng maraming pera at ari-arian?
◼ ISAMA ANG INYONG MGA ANAK SA PAG-UUSAP NINYO HINGGIL SA PAMUMUHAY NANG SIMPLE. Sa gayon, malamang na makipagtulungan sila at hindi ka mahihirapang tumanggi sa kanilang mga hihingin, kung kinakailangan mong gawin ito.
◼ BIGYAN NG TAKDANG PANGGASTOS ANG IYONG MGA ANAK. Mag-ipon man sila para bilhin ang isang bagay na gusto nila o hindi na lamang bilhin ito, matututo silang maghintay at magpahalaga sa mga bagay na taglay na nila. Matututo rin silang magpasiya.
◼ ALAMIN ANG MGA PARAAN PARA MAKAPAGTIPID. Mamili sa mga baratilyo. Magbadyet. Magsama-sama sa isang sasakyan (carpool). Magtipid sa paggamit ng mga kasangkapang de-kuryente o de-gas. Manghiram ng mga aklat sa halip na bumili nito.
◼ GAMITIN ANG PANAHON SA KAPAKI-PAKINABANG NA PARAAN. Tandaan, ang iyong tunguhin ay hindi lamang gawing simple ang iyong buhay kundi upang pag-ukulan ng pansin ang mas mahahalagang bagay, gaya ng iyong pamilya at mga kaibigan. Ginagawa mo ba ito?
[Larawan sa pahina 6]
Maaaring magdulot ng tensiyon sa pagsasama ng mag-asawa ang pagiging determinadong yumaman