Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Ko Iniwan ang Sirkus

Kung Bakit Ko Iniwan ang Sirkus

Kung Bakit Ko Iniwan ang Sirkus

Ayon sa salaysay ni Marcelo Neím

ISINILANG ako sa Montevideo, Uruguay. Bagaman may-takot sa Diyos ang aking mga magulang, wala naman silang kinauugnayang relihiyon. Namatay si Inay sa isang aksidente noong mga apat na taóng gulang ako, at lumaki ako sa aming mga kamag-anak na nagturo sa akin ng magagandang simulain sa buhay. Nang 20 anyos na ako, ipinasiya kong puntahan ang iba’t ibang bansa at alamin ang kani-kanilang kultura.

Sa Colombia, nagtrabaho ako sa mga sirkus bilang isang katulong. Napansin kong tuwang-tuwa ang mga nagtatanghal kapag nagpapalakpakan ang mga nanonood, at gusto kong maging katulad nila. Kaya nagsanay akong magbalanse sa bisikleta, hanggang sa magawa ko na ito gamit ang bisikletang 12 sentimetro ang haba​—isa sa pinakamaliit sa buong daigdig. Kasinlaki lamang ito ng aking palad. Naging popular ako sa halos buong Timog Amerika. Sa edad na 25, pumunta ako sa Mexico at nagtrabaho sa mga sirkus.

Biglang Nagbago ang Aking Buhay

Napamahal na sa akin ang sirkus. Marami akong nararating na lugar, nakakatulog sa pinakamagagandang otel, at nakakakain sa mga mamahaling restawran. Pero parang may kulang pa rin sa aking buhay, at wala akong tinatanaw na pag-asa sa hinaharap. Isang hapon, nagbago ang aking buhay. Ibinigay sa akin ng tagapagpakilala sa sirkus ang isang aklat na natanggap niya, na pinamagatang Apocalipsis​—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! * Pagkatapos ng palabas, binasa ko ito hanggang madaling-araw. Bagaman hindi ko ito masyadong maintindihan, nagustuhan ko naman ang paliwanag tungkol sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop at sa patutot na binabanggit sa Apocalipsis. (Apocalipsis 17:3–18:8) Pagkatapos, habang nililinis ko ang treyler na nabili ko, nakita ko ang isa pang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa* na inilathala rin ng mga tagapaglathala ng Apocalipsis. Mas madali itong maintindihan, at naisip ko agad na dapat na akong mangaral. Kaya ibinahagi ko agad sa sinumang makausap ko ang aking natututuhan.

Sa paglipas ng panahon, naisip kong dapat na akong makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova. Ang numero ng telepono ng babaing Saksi na nag-iwan ng aklat sa aking kaibigan ay nasa aklat na Apocalipsis Kasukdulan Nito. Kaya tinawagan ko ang Saksi, at inanyayahan ako ng tatay niya sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na gaganapin sa Tijuana, Mexico. Napahanga ako sa pag-ibig na nakita ko roon at nakumbinsi akong ito na ang tunay na relihiyon. Kahit saan kami magtanghal, dumadalo ako sa Kingdom Hall at kumukuha ng mga literatura upang ipamahagi sa iba sa di-pormal na paraan.

May isang bagay na nangyari na lalong nakakumbinsi sa akin na tama ang aking ginagawa. Inanyayahan ako ng mga Saksi na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo at ipinaliwanag nila sa akin na napakahalagang daluhan ito ng mga Kristiyano. Pero unang gabi ito ng pagtatanghal ng isang bagong palabas ng sirkus, at naisip kong imposibleng makadalo ako roon. Buong-kataimtiman akong nanalangin kay Jehova, at nangyari nga ang isang bagay na hindi ko inaasahan. Dalawang oras bago ang palabas, biglang nawalan ng kuryente! Kaya nakadalo ako sa Memoryal at pagkatapos ay bumalik ako para magtanghal. Para bang sinagot ni Jehova ang aking panalangin.

Minsan, namimigay ako noon ng mga tract habang nakapila sa isang bangko. Nakita ako ng isang elder na Kristiyano at pinuri ako sa aking sigasig. Pinasigla niya akong mangaral sa isang organisadong paraan, sa pangangasiwa ng kongregasyon. May-kabaitan niyang ipinaliwanag sa akin na kailangan ko munang gumawa ng mga pagbabago sa aking buhay. Nang pinag-iisipan ko nang gumawa ng mga pagbabago, saka naman ako inalok ng isang napakagandang trabaho sa isang sirkus sa Estados Unidos. Nahati ang kalooban ko. Gustung-gusto kong makarating sa Estados Unidos, pero kung tatanggapin ko ito, hindi ko alam kung maipagpapatuloy ko pa ang mga pagbabagong nasimulan ko na. Ito ang unang pagsubok sa akin, at ayokong biguin si Jehova. Hindi makapaniwala ang aking mga kasamahan nang iwan ko ang sirkus. Pagkatapos, umugnay ako sa isang kongregasyon, nagpagupit ng buhok, at gumawa ng iba pang mga pagbabago sa aking buhay upang makapaglingkod kay Jehova.

Isang Kasiya-siyang Buhay na Walang Pinagsisisihan

Noong 1997 bago ako bautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova, dumating ang ikalawang pagsubok​—isa na namang pagkakataon upang makarating sa Estados Unidos, at ngayon ay para naman magtanghal sa isang popular na programa sa telebisyon sa Miami. Sagot nila ang lahat ng gastos. Pero gusto ko nang magpabautismo at tuparin ang aking pag-aalay kay Jehova. Kaya tinanggihan ko ang alok, na labis na ikinagulat ng mga kinatawan ng programa.

May ilang nagtatanong sa akin kung pinagsisisihan ko ang pag-alis sa sirkus. Sinabi kong hinding-hindi ko ipagpapalit sa aking dating buhay ang pakikipagkaibigan at pag-ibig ni Jehova. Bagaman wala ang mga palakpak, kabantugan, o kariwasaan sa aking bagong karera bilang buong-panahong ministrong Kristiyano, nagkaroon naman ng kabuluhan ang aking buhay. Tuwang-tuwa ako sa napakagandang pag-asang mabuhay sa paraisong lupa at salubungin si Inay kapag binuhay na siyang muli.​—Juan 5:28, 29.

[Talababa]

^ par. 6 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.