Paboritong Prutas ng mga Tagagawa ng Pabango
Paboritong Prutas ng mga Tagagawa ng Pabango
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
NAPAKATAGAL nang ginagamit ang mga pabango. Noong panahon ng Bibliya, ang mga pabango ay inilalagay sa bahay, damit, kama, at katawan ng sinumang makabibili nito. Kabilang sa mga sangkap ng pabango ang aloe, langis ng balsamo, kanela, at iba pang espesya.—Kawikaan 7:17; Awit ni Solomon 4:10, 14.
Ang mga esensiya mula sa halaman ay pangunahing sangkap pa rin ng pabango. Pumunta kami sa Calabria, dulong bahagi ng timugang peninsula ng Italya, upang makita kung saan ginagawa ang isa sa mga esensiyang ito. Marahil ay hindi mo kilala ang bergamot, pero ang samyo ng prutas na ito ay bahagi ng mga sangkatlo ng ipinagbibiling mga pabangong pambabae at kalahati naman ng mga cologne na panlalaki. Hayaan mong ipakilala namin sa iyo ang bergamot.
Ang punong bergamot ay isang uri ng luntiang sitrus. Namumulaklak ito kung tagsibol, at ang makikinis at madidilaw na bunga nito—kasinlaki ng kahel—ay nahihinog sa dulo ng taglagas o pasimula ng taglamig. Itinuturing ng maraming eksperto na ang bergamot ay galing sa dalawang halamang di-magkauri at isang misteryo ang pinagmulan nito. Hindi kusang tumutubo ang mga punong bergamot, at hindi rin ito sumisibol mula sa buto. Para makapagparami nito, pinuputol ng mga tagapagtanim ang mga usbong mula sa punong bergamot at saka inihuhugpong sa mga sanga ng kauri nitong halaman, gaya ng dayap o dalandan.
Para sa mga tagagawa ng pabango, ang mga bunga ng bergamot ay may kakaibang mga katangian. Ipinaliliwanag ng isang aklat sa paksang ito na ang esensiyang nakukuha rito ay may pambihirang kakayahang “humalo sa iba’t ibang aroma, makagawa ng sariling halimuyak, at maglabas ng isang natatanging samyo.” *
Pagtatanim sa Calabria
Mababasa sa mga aklat ng kasaysayan na ang mga bergamot ay tumutubo sa Calabria noon pang unang mga taon ng ika-18 siglo at ipinagbibili ito sa mga naglalakbay. Pero nang mauso at maging mabili ang cologne, ginawa nang negosyo ang pagtatanim ng bergamot. Noong 1704, gumawa si Gian Paolo Feminis, isang Italyanong nandayuhan sa Alemanya, ng isang mumurahing pabango na tinawag niyang Aqua admirabilis, o “kahanga-hangang tubig.” Ang pangunahing sangkap nito ay bergamot. Nakilala ang pabango bilang eau de Cologne, “Cologne water,” o basta cologne, na isinunod sa pangalan ng lunsod kung saan ito ginawa.
Ang unang taniman ng bergamot ay sa Reggio noong mga 1750, at dahil napakalaki ng kinita sa pagtitinda ng esensiya nito, pinalawak pa ang taniman. Kailangan ng mga punong ito ang banayad na klima at dapat na nakaharap ito sa timog para makaiwas sa malamig na hanging amihan, pero ayaw nito ng malalakas na hangin, biglang pagbabago
ng temperatura, at nagtatagal na halumigmig. Ang tamang-tamang klima ay nasa isang makitid na lupain, 5 kilometro ang luwang at 150 kilometro ang haba, na malapit sa dulong timog ng dalampasigan ng pangunahing bahagi ng Italya. Bagaman sinubukang magtanim ng bergamot sa ibang lugar, sa lalawigan pa rin ng Reggio nanggagaling ang malaking bahagi ng produksiyon nito sa buong daigdig. Ang isa pang pangunahing mapagkukunan nito ay ang bansang Côte d’Ivoire, sa Aprika.Ang esensiya ng bergamot—maberdeng-dilaw na likido—ay galing sa balat ng prutas. Ganito ang tradisyonal na paraan ng pagkuha sa langis na ito: hinahati nila ang prutas, kinukuha ang laman, at pinipiga ang balat para lumabas ang esensiya at pinatutulo ito sa mga espongha. Sa 91 kilo ng bergamot, wala pang kalahating kilo ng esensiya ang nakukuha. Sa ngayon, halos lahat ng esensiya ay kinukuha gamit ang mga aparato, na may matatalas na roler para kayurin ang balat ng prutas.
Di-gaanong Kilala Pero Maraming Pinaggagamitan
Ang prutas na ito ay maaaring di-gaanong kilala sa labas ng Calabria, pero, ang sabi nga ng isang reperensiya, “para sa mga eksperto, ginto ang bergamot.” Ang malaprutas na samyo nito ay hindi lamang maaamoy sa mga pabango kundi sa mga produkto ring gaya ng sabon, deodorant, toothpaste, at cream. Bilang pampalasa, ginagamit din ang bergamot sa sorbetes, tsa, kendi, at inumin. Dahil mabilis itong magpaitim, isinangkap ito sa mga produktong pampaitim ng balat. Yamang nagagamit itong antiseptiko at pamatay ng baktirya, naging mahalaga ito sa industriya ng gamot bilang pandisimpekta sa pag-oopera, optalmolohiya, at dermatolohiya. Dahil mabisa itong pampalapot, isinangkap din ito sa mga gamot na pampaampat ng pagdurugo at sa mga gamot sa pagtatae.
Natuklasan ng mga eksperto ang mga 350 sangkap ng esensiya ng bergamot, na siyang dahilan ng pambihirang halimuyak nito at iba pang maraming katangian. Lahat ng ito sa isang prutas lamang!
Malamang na hindi kilala ng mga manunulat ng Bibliya ang bergamot. Pero sinumang magkaroon ng interes sa mga katangian ng prutas na ito at sa karunungan ng Maylalang nito ay tiyak na magkakaroon ng dahilan upang sabihin din ang mga salita ng salmista: “Purihin ninyo si Jehova . . . , kayong mga namumungang punungkahoy.”—Awit 148:1, 9.
[Talababa]
^ par. 6 Kung may mga taong alerdyik sa mga polen ng damo o bulaklak, may mga alerdyik din sa pabango. Hindi nag-iindorso ng anumang partikular na produkto ang Gumising!
[Larawan sa pahina 25]
Kinukuha ang esensiya ng “bergamot” sa pamamagitan ng pagkayod sa balat ng buong prutas
[Credit Line]
© Danilo Donadoni/Marka/age fotostock