Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kamangha-manghang Likas na Talino

Ang Kamangha-manghang Likas na Talino

Ang Kamangha-manghang Likas na Talino

“Pandarayuhan marahil ang pinakakagila-gilalas na pangyayari sa kalikasan.”​—COLLINS ATLAS OF BIRD MIGRATION.

NOONG Disyembre 9, 1967, isang piloto ng pampasaherong eroplano ang nakakita ng langkay ng mga 30 whooper swan na lumilipad patungong Ireland sa kahanga-hangang taas na 8,200 metro. Bakit napakataas ng lipad ng mga ito kung saan may napakalamig na temperaturang umaabot nang -40 digri Celsius? Hindi lamang iniiwasan ng mga ito ang tuluy-tuloy na bugso ng hangin na may kasamang niyebe, sumasabay rin sila sa hihip ng hangin na nagpapabilis sa kanilang paglipad nang hanggang 200 kilometro bawat oras. Tinatayang pitong oras lamang nilipad ng mga ibong ito ang 1,300-kilometrong distansiya mula Iceland hanggang Ireland.

Ang kampeon sa pandarayuhan​—ang arctic tern​—ay nangingitlog at nagpaparami sa hilaga ng Arctic Circle pero lumilipat sa Antarctic kapag taglamig na sa hilagang hemisperyo. Sa isang taon, nakapaglalakbay ang maliit na ibong-dagat na ito nang 40,000 hanggang 50,000 kilometro​—katumbas ng pag-ikot sa buong mundo!

Ang mga white stork ay nagpaparami sa Hilagang Europa ngunit kapag taglamig doon, lumilipat ang mga ito sa Timog Aprika, anupat nakapaglalakbay nang balikan na may kabuuang distansiya na 24,000 kilometro. Libu-libong ganitong mga ibon ang dumaraan sa Israel kapag taglagas gayundin kapag tagsibol ayon sa talaorasan na ginagamit noong panahon ng Bibliya.​—Jeremias 8:7.

Sino ang naglagay sa kanila ng likas na kakayahang ito? Mga 3,500 taon na ang nakalilipas, ganito ang itinanong ng Diyos sa matuwid na lalaking si Job: “Dahil ba sa iyong pagkaunawa kung kaya ang halkon ay pumapaimbulog, kung kaya iniuunat nito ang kaniyang mga pakpak sa hanging timugan? O dahil ba sa iyong utos kaya lumilipad nang paitaas ang agila at kaya gumagawa ito ng kaniyang pugad sa kaitaasan?” Sa sagot ni Job, tama lamang na purihin niya ang Diyos dahil sa kamangha-manghang kakayahan ng mga ibon at iba pang hayop.​—Job 39:26, 27; 42:2.

Higit Pa sa Likas na Talino

Hindi likas na talino ang pangunahing gumagabay sa tao​—ang obra maestra ng paglalang ng Diyos. Sa halip, may kalayaan tayong magpasiya, may budhi tayo, at marunong tayong umibig. (Genesis 1:27; 1 Juan 4:8) Dahil sa lahat ng kaloob na ito, nakagagawa tayo ng tama at mabubuting pasiya na nagpapakita kung minsan ng pambihirang pag-ibig at pagsasakripisyo.

Siyempre pa, ang ugali at paggawi ng isa ay pangunahin nang nakadepende sa mga pamantayang moral at relihiyosong paniniwala na itinuro, o hindi naituro, sa kaniya mula sa pagkasanggol. Kaya naman, iba-iba ang pananaw ng mga tao sa kung ano ang tama o mali, katanggap-tanggap o hindi. Bilang resulta, nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan, di-pagpaparaya, at pagkakapootan pa nga, lalo na kapag nananaig ang impluwensiya ng kultura, nasyonalismo, at relihiyon.

Napakaganda sana ng daigdig kung ang buong sangkatauhan ay sumusunod sa iisang kalipunan ng mga pamantayan na kaayon ng moral at espirituwal na katotohanan sa Bibliya, kung paanong sinusunod natin ang iisang kalipunan ng pisikal na mga batas na umuugit sa uniberso! Pero mayroon bang sinuman na may kakayahan at kaalaman upang magtakda ng iisang pamantayan para sa lahat? At kung mayroon man, magtatakda ba siya o nakapagtakda na siya? Sasagutin ang mga tanong na ito sa susunod na mga artikulo.