Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Balahibo—Kamangha-manghang Disenyo

Balahibo—Kamangha-manghang Disenyo

Balahibo​—Kamangha-manghang Disenyo

IKINAMPAY ng isang sea gull ang kaniyang mga pakpak at pumaimbulog sa himpapawid. Walang kahirap-hirap itong umiikut-ikot habang lumilipad. Palibhasa’y walang gaanong pagbabago ang mga anggulo ng pakpak at buntot nito samantalang lumilipad, halos hindi ito gumagalaw sa hangin. Paano nakalilipad ang ibong ito nang walang kahirap-hirap? May mahalagang papel ang mga balahibo nito.

Mga ibon lamang ang tanging hayop sa ngayon na tinutubuan ng mga balahibo na ginagamit sa paglipad. May iba’t ibang uri ng balahibo ang karamihan sa mga ibon. Ang pinakamadaling makita ay ang susun-suson at makinis na pang-ibabaw na mga balahibo (contour feather), kasali rito ang mga balahibo sa pakpak at buntot, na napakahalaga para makalipad ang ibon. Marahil wala pang 1,000 ang pang-ibabaw na balahibo ng mga hummingbird, samantalang mahigit naman sa 25,000 yaong sa swan.

Kamangha-mangha ang disenyo ng balahibo. Ang gitnang tagdan, na tinatawag na rachis, ay makunat at napakatibay. Nakausli mula rito ang mga hanay ng kawing-kawing na mga hibla (barb) na siyang bumubuo sa palapad at makinis na bahagi ng balahibo. Dikit-dikit ang mga hiblang ito dahil sa daan-daang pagkaliliit na barbule, na nakakawing sa iba pang katabing mga barbule, anupat tila isang uri ng zipper. Kapag nakakalas ang kawing ng mga barbule, maiaayos ito ng ibon gamit ang kaniyang tuka. Magagawa mo rin ito kung hahagurin mo ng iyong daliri ang balahibo ng ibon.

Di-pantay ang hugis ng balahibo ng ibon sa pakpak na ginagamit sa paglipad​—mas makitid ang isang panig ng balahibo nito kung ihahambing sa kabila. Dahil sa disenyong ito na karaniwang ginagamit sa mga pakpak ng eroplano, ang bawat isa sa mga balahibong ito sa paglipad ay gumaganang tila maliit na pakpak mismo. Gayundin, kung titingnan mong mabuti ang isang malaking balahibo sa pakpak ng isang ibon, mapapansin mong may pahabang uka ang ilalim ng pinakatagdan nito. Nakatutulong ang simpleng disenyong ito upang hindi masira kaagad ang tagdan kahit na mabaluktot at mapilipit ito.

Maraming Papel ang mga Balahibo

Sa pang-ibabaw na mga balahibo ng maraming ibon ay may nakasingit na mahahaba at maninipis na balahibo na tinatawag na filoplume, pati na mga powder feather. Sinasabing dahil sa mga sensor sa pinakapuno ng mga filoplume, nararamdaman ng ibon ang hangin na tumatama sa mga balahibo nito at maaari pa nga nitong malaman kung gaano siya dapat kabilis lumipad. Ang mga hibla ng mga powder feather​—ang tanging mga balahibong hindi tumitigil sa pagtubo at hindi nalalagas nang tuluyan​—ay nagiging pinong pulbos na sinasabing nakatutulong para hindi tagusin ng tubig ang balahibo ng ibon.

Ang mga balahibo ay proteksiyon din ng mga ibon sa init, lamig, at sa liwanag na ultraviolet. Halimbawa, ang uri ng bibi na sumisisid sa dagat ay nakatatagal sa napakalamig na hangin sa karagatan. Paano? Sa ilalim ng kanilang napakatibay na pang-ibabaw na mga balahibo ay may makapal na suson ng malambot na mga balahibo, na tinatawag na down feather, na kulang-kulang dalawang sentimetro ang kapal at bumabalot sa halos buong katawan ng ibon. Napakahusay na proteksiyon ito sa init at lamig anupat wala pang naiimbentong sintetikong materyal na kasinggaling nito.

Sa katagalan, nalalagas ang lumang mga balahibo ng ibon at napapalitan ng panibago. Karaniwan na, ang mga balahibo ng ibon sa pakpak at buntot ay hindi nalalagas nang sabay-sabay, kaya hindi nila naiwawala ang kanilang kakayahang lumipad.

“Napakahusay ng Disenyo”

Kailangan ang napakaingat na pagdidisenyo, inhinyeriya, at kadalubhasaan upang makabuo ng mga eroplanong ligtas na sakyan. Ano naman ang masasabi hinggil sa mga ibon at balahibo? Dahil walang makukuhang ebidensiya buhat sa mga fosil, may mainitang pagtatalo ang mga ebolusyonista hinggil sa pinagmulan ng balahibo. Nangingibabaw sa kanilang debate ang “panatikong sigasig,” “maaanghang na pang-iinsulto,” at “dogmatikong opinyon ng mga paleontologo,” ang sabi ng magasing Science News. Ganito ang inamin ng isang biyologo na dalubhasa sa paksang ebolusyon at siyang nag-organisa sa simposyum hinggil sa ebolusyon ng balahibo: “Hindi ko akalain na may paksa sa siyensiya na pupukaw ng gayon kasamang asal at kapait na damdamin.” Kung talaga ngang resulta ng ebolusyon ang balahibo, bakit gayon na lamang katindi ang pagtatalo hinggil sa paksang ito?

“Napakahusay ng disenyo ng mga balahibo​—iyan ang problema,” ang sabi ng Manual of Ornithology​—Avian Structure and Function ng Yale University. Wala nang kailangan pang pasulungin sa disenyo ng balahibo. Sa katunayan, “ang pinakamatandang fosil na natuklasan ay mukha talagang makabago anupat wala itong pagkakaiba sa balahibo ng mga ibong nabubuhay sa ngayon.” * Gayunman, itinuturo ng teoriya ng ebolusyon na ang mga balahibo ay resulta ng unti-unti at sunud-sunod na pagbabago sa balat ng isang sinaunang hayop. Bukod diyan, “dapat na habang nagbabago ang balahibo ay pabuti nang pabuti ang disenyo nito sa bawat yugto ng ebolusyon,” ang sabi ng Manual.

Sa madaling salita, ayon sa teoriya ng ebolusyon, hindi maaaring mabuo ang kahit isang balahibo maliban na lamang kung ang bawat yugto ng sunud-sunod, nagkataon, at namamanang mga pagbabago sa disenyo ng balahibo ay nakatulong para lalong lumaki ang tsansa ng hayop na manatiling buháy. Kahit ang marami sa mga ebolusyonista ay hindi makapaniwala na lumitaw sa gayong paraan ang gayon kasalimuot na balahibo na napakahusay ng pagkakadisenyo.

Bukod diyan, kung talagang unti-unting nabuo ang balahibo sa loob ng mahabang yugto ng panahon, may makukuha sanang mga fosil ng mga balahibo na hindi pa lubusang nadebelop. Subalit walang anumang natuklasang ganitong fosil, kundi mga labí lamang ng nadebelop nang mga balahibo. Ayon sa Manual, yamang napakakomplikado ng balahibo, hindi ito kayang ipaliwanag ng teoriya ng ebolusyon.

Hindi Lamang Balahibo ang Kailangan sa Paglipad

Ang napakahusay na disenyo ng balahibo ay isa lamang sa mga problema ng mga ebolusyonista, sapagkat halos lahat ng bahagi ng katawan ng ibon ay dinisenyo para makalipad ito. Halimbawa, ang mga ibon ay may magaan at hungkag na mga buto, pati na napakapambihirang sistema sa palahingahan at mga kalamnan para sa pagkampay at pagkontrol sa mga pakpak nito. May ilang kalamnan pa nga ito para makontrol ang posisyon ng bawat balahibo nito. At may mga nerbiyo ito na nag-uugnay sa bawat kalamnan at sa maliit subalit kamangha-manghang utak ng ibon, na nakaprogramang kumontrol sa lahat ng sistemang ito nang eksakto, sabay-sabay, at awtomatiko. Oo, hindi lamang ang mga balahibo kundi ang lahat ng napakasalimuot na sistemang ito ang kinakailangan para sa paglipad.

Tandaan din na bawat ibon ay nagmula sa isang napakaliit na selula na may kumpletong instruksiyon kung paano ito lálakí at kung ano ang magiging likas na paggawi nito, upang balang-araw ay makalipad ito. Lahat ba ng bagay na ito ay resulta ng sunud-sunod na pangyayaring nagkataon lamang? O hindi kaya ang pinakasimpleng paliwanag ang pinakamakatuwiran at naaayon sa siyensiya​—na ang mga ibon at ang kanilang balahibo ay maliwanag na katibayan na mayroong isang napakatalinong Maylikha? Kitang-kita ang ebidensiya.​—Roma 1:20.

[Talababa]

^ par. 12 Ang fosil na balahibo ay nagmula sa archaeopteryx, isang naglaho nang nilalang na tinutukoy kung minsan bilang “nawawalang kawing” na nag-uugnay sa mga ibon sa ngayon at sa uring pinagmulan nito. Gayunman, ito ay hindi na kinikilala ng karamihan sa mga paleontologo bilang ninuno ng mga ibon na nabubuhay sa ngayon.

[Kahon/Larawan sa pahina 24]

PEKENG “EBIDENSIYA”

Ang ilang “ebidensiya” mula sa natuklasang fosil, na ipinangangalandakan noon bilang patotoo na nagmula sa ibang nilalang ang mga ibon, ay matagal nang napatunayang peke. Halimbawa, noong 1999, itinampok sa isang artikulo sa magasing National Geographic ang tungkol sa fosil ng isang mabalahibong hayop na may buntot na gaya niyaong sa dinosauro. Sinabi ng magasin na ang hayop na ito ang “tunay na nawawalang kawing sa masalimuot na prosesong nag-uugnay sa mga dinosauro at mga ibon.” Gayunman, ang fosil ay napatunayang peke sapagkat pinagsamang fosil ito ng dalawang magkaibang uri ng hayop. Sa katunayan, kailanman ay wala pang nasumpungang gayong “nawawalang kawing.”

[Credit Line]

O. Louis Mazzatenta/National Geographic Image Collection

[Kahon sa pahina 25]

SA MATA NG IBON

Namamangha ang mga tao sa matingkad at kadalasa’y makislap na mga kulay ng balahibo. Subalit para sa ibang ibon, maaaring higit pang kaakit-akit ang mga balahibo. Ang ilang ibon ay may apat na uri ng cone cell sa kanilang mata na nakakakilala ng kulay, samantalang tatlo lamang yaong sa tao. Dahil sa ikaapat na selulang ito sa mata, nakikita ng mga ibon ang liwanag na ultraviolet, na hindi naman nakikita ng mga tao. May ilang uri ng ibon na ang babae’t lalaki ay pareho lamang sa tingin ng tao, subalit ang repleksiyon ng liwanag na ultraviolet sa balahibo ng lalaking ibon ay naiiba kaysa yaong sa mga babae. Nakikita ng mga ibon ang kaibahan, at maaaring nakatutulong ito para makahanap sila ng magiging kapareha.

[Dayagram sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Hibla (Barb)

Barbule

Tagdan (rachis)

[Larawan sa pahina 24]

Pang-ibabaw na mga balahibo

[Larawan sa pahina 24]

“Filoplume”

[Larawan sa pahina 25]

“Powder feather”

[Larawan sa pahina 25]

“Down feather”

[Larawan sa pahina 24, 25]

Ibong “gannet”