Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gabay na Higit Pa sa Likas na Talino

Gabay na Higit Pa sa Likas na Talino

Gabay na Higit Pa sa Likas na Talino

“Kung ang moralidad ng isang tao ay basta pagpili lamang ng gusto niya nang walang mga prinsipyong magsasabi kung tama o mali iyon, tiyak na pupunan ng batas ang kawalang iyon ng moral na patnubay.”​—DR. DANIEL CALLAHAN.

NAKALULUNGKOT na nagkakatotoo na ang pangamba ni Callahan. Dahil lumalaganap ang kawalan ng pamantayang moral sa maraming bahagi ng daigdig, napipilitan ang mga pamahalaan na magpasa ng maraming batas na susugpo sa krimen. Sa kauna-unahang Mother’s Summit sa Nigeria, sinabi ng presidente ng Nigeria na labis siyang nababagabag sa kinabukasan ng kanilang bansa. Hindi pulitika o karalitaan ang tinutukoy niya, kundi “isang mas malalang problema”​—ang “malawakang pagguho ng . . . saligang mga pamantayan sa loob ng pamilya, sa trabaho, sa pamayanan at sa buong bansa.”

Ayon sa isang surbey sa 1,736 na ina sa Britanya, “nagkakawatak-watak ang pamilya dahil sa pagbulusok ng mga pamantayang moral at pagdami ng nagsosolong mga magulang.” Bumubulusok din ang moralidad ng Tsina. Nakikipagtalik ang mga Tsino sa mas murang edad at sa mas maraming kapareha kaysa dati, ang ulat ng magasing Time. “Buhay ko ‘to, at gagawin ko kung ano ang gusto ko,” ang sabi ng isang kabataang babae sa Tsina na nagmalaking mahigit 100 na ang kaniyang nakatalik.

Bumababa rin ang moralidad ng mga nasa awtoridad. “Hindi na tinitingala ng mga tao ang kanilang mga lider bilang huwaran sa moralidad,” ang sabi ni Javed Akbar ng pahayagang Toronto Star sa Canada. Ang mga pulitiko, presidente ng mga korporasyon, at maging mga lider ng relihiyon ay “waring walang matatag na paninindigang moral,” ang sabi niya.

Bakit Gumuguho ang Moral?

Maraming dahilan ang pagguho nito. Ang isa ay ang pagrerebelde ng marami laban sa tradisyonal na mga pamantayan. Halimbawa, sa isang surbey sa gawing Timog ng Estados Unidos, karamihan sa mga estudyante sa kolehiyo na tinanong ay nagsabi na “ang tama at mali ay nakadepende sa personal na opinyon ng isa.”

May iba pang dahilang binanggit ang komentarista sa pulitika na si Zbigniew Brzezinski. Isinulat niya na “ang pokus [ng lipunan ngayon] ay masapatan agad ang pagnanasa ng bawat tao, sa isang daigdig na ang motibong nananaig sa bawat indibiduwal at sa karamihan ay ang pagpapalugod sa sarili.” Waring kaakit-akit nga para sa ilan ang makapili ng sariling moralidad, kasakiman, at pagpapalugod sa sarili, pero nakapagdudulot ba ito ng tunay na kaligayahan, pagkakontento, at mas matitibay na relasyon?

“Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 11:19) Mas maligaya at mas panatag ba ang mga tao dahil sa pagguho ng pamantayang moral? Pag-isipan ang ilang resulta nito: lumalaganap na kawalan ng pagtitiwala at kapanatagan, nasirang mga ugnayan, mga batang lumalaki nang walang ama o ina, pangglobong epidemya ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik, di-inaasahang pagbubuntis, pagkalulong sa droga, at karahasan. Maliwanag na walang naidulot na kasiyahan at tagumpay ang mga bagay na ito, kundi pighati at kabiguan.​—Galacia 6:7, 8.

Ganito ring mga problema ang nakita ng propeta ng Diyos na si Jeremias noong panahon niya at inudyukan siya ng banal na espiritu na sabihin: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Oo, hindi tayo nilikha ng Diyos na maging hiwalay sa kaniya at magsarili sa pagpili ng tama at mali. Ang waring mabuti sa tingin natin ay maaaring makasama pala sa atin. “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito,” ang sabi ng Bibliya sa Kawikaan 14:12.

Ang Ating Kalaban!

Ano ang isang dahilan kung bakit natin kailangan ng patnubay hinggil sa tama at mali? Sapagkat puwede tayong malinlang ng ating puso. “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?” ang sabi ng Bibliya sa Jeremias 17:9. Magtitiwala ka ba sa isa na kilala mong mapandaya at mapanganib? Siyempre, hindi! Pero ang bawat isa sa atin ay may pusong maaaring maging mapandaya at mapanganib. Kaya naman prangkahan at maibigin ang babala na ibinibigay ng Diyos: “Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal, ngunit siyang lumalakad na may karunungan ang makatatakas.”​—Kawikaan 28:26.

Iyan ang susi: Sa halip na magtiwala sa ating sariling di-sakdal na kakayahan, kailangan nating mamuhay ayon sa makadiyos na karunungan at sa gayon ay makaiwas sa maraming patibong. Bukod dito, madaling makakakuha ng karunungan ang lahat ng taimtim na nagnanais magkaroon nito. “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta.”​—Santiago 1:5.

Magtiwala sa Diyos “Nang Iyong Buong Puso”

Ganito inilarawan ng Bibliya ang ating Maylalang: “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:4) Oo, si Jehova ay tulad ng isang napakalaking bato. Lubos siyang maaasahan para sa tamang moral at espirituwal na patnubay, magbago man ang daigdig sa palibot natin. Sinasabi ng Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”

Kung gayon, may hihigit pa ba sa gabay ng ating Maylalang, na biláng maging ang “mismong mga buhok ng [ating] ulo”? (Mateo 10:30) Bukod diyan, isa siyang tunay na kaibigan; at dahil mahal na mahal niya tayo, lagi niyang sinasabi sa atin ang totoo​—mahirap man itong tanggapin.​—Awit 141:5; Kawikaan 27:6.

Pansinin din na hindi tayo pinipilit ni Jehova na sumunod sa kaniyang gabay. Sa halip, hinihimok niya tayo salig sa pag-ibig. “Ako, si Jehova, . . . ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.” (Isaias 48:17, 18) Hindi ka ba mapapalapít sa Diyos na gaya niya? Karagdagan pa, ipinaaalam niya sa atin ang kaniyang karunungan sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang Salita, ang Banal na Bibliya, ang pinakamalawak na naipamahaging aklat sa buong daigdig!​—2 Timoteo 3:16.

Gawing Tanglaw sa Daan ang Salita ng Diyos

Tungkol sa Banal na Kasulatan, sumulat ang salmista: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105) Nakikita natin ang panganib sa malapit sa tulong ng lampara sa ating paa, at nakikita naman natin ang daan sa malayo sa tulong ng liwanag sa ating landas. Sa ibang salita, naiingatan tayong ligtas ng Salita ng Diyos dahil tinutulungan tayo nito na gumawa ng matalinong pasiya hinggil sa tama at mali sa lahat ng bagay​—yaong nakaaapekto sa atin sa ngayon at makaiimpluwensiya sa atin sa hinaharap.

Isaalang-alang ang Sermon sa Bundok. Sa maikling pahayag na iyon, na nakaulat sa Mateo kabanata 5 hanggang 7, nagsalita si Jesu-Kristo tungkol sa kaligayahan, pag-ibig, poot, awa, moralidad, panalangin, paghahabol sa kayamanan, at maraming iba pang paksa na napapanahon pa rin sa ngayon gaya noon. Punung-puno ng karunungan ang kaniyang mga sinabi anupat “lubhang namangha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo.” (Mateo 7:28) Bakit hindi ka maglaan ng panahon para mabasa mo mismo ang sermong iyon? Malamang na mamangha ka rin.

“Patuloy na Humingi” ng Tulong sa Diyos

Totoo namang hindi laging madaling gawin ang tama sa paningin ng Diyos. Sa katunayan, inihahalintulad ng Bibliya sa isang digmaan ang ating pakikipagbuno sa kasalanan. (Roma 7:21-24) Pero sa tulong ng Diyos, makapananaig tayo sa digmaang iyon. “Patuloy na humingi,” ang sabi ni Jesus, “at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong . . . Sapagkat bawat isa na humihingi ay tumatanggap, at bawat isa na naghahanap ay nakasusumpong.” (Lucas 11:9, 10) Oo, hindi bibiguin ni Jehova ang sinumang taimtim na nagsisikap lumakad sa makipot na daang patungo sa buhay na walang hanggan.​—Mateo 7:13, 14.

Pansinin ang halimbawa ni Frank na sugapa sa sigarilyo noong makipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nang mabasa niya sa Bibliya ang 2 Corinto 7:1 at maunawaan na “karungisan ng laman” sa paningin ng Diyos ang kaniyang bisyo, ipinasiya ni Frank na huminto na sa paninigarilyo. Pero hindi madaling gawin iyon. May pagkakataon pa ngang napagapang siya para maghanap ng mahihithit na upos ng sigarilyo!

Dahil napahiya si Frank sa kaniyang iginawi, natauhan siya at natanto niyang talagang alipin na siya ng sigarilyo. (Roma 6:16) Kaya marubdob siyang nanalangin para humingi ng tulong, sinamantala niya ang mabuting pakikipagsamahan sa kongregasyon ng Kristiyanong mga Saksi ni Jehova, at napagtagumpayan niya ang kaniyang bisyo.​—Hebreo 10:24, 25.

Sapatan ang Iyong Espirituwal na Pangangailangan

Isa lamang ang karanasan ni Frank sa maraming karanasan na nagpapakitang nakahihigit ang moral at espirituwal na patnubay ng Bibliya at mas nakagaganyak ang ibinibigay nitong dahilan para sumunod sa gabay nito. Hindi nga nakapagtataka nang sabihin ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”​—Mateo 4:4.

Kung isasapuso natin ang mahalagang katotohanan mula sa Diyos, makikinabang tayo sa mental, emosyonal, espirituwal, at pisikal na paraan. Sinasabi ng Awit 19:7, 8: “Ang kautusan ni Jehova ay sakdal, na nagpapanauli [o, bumubuhay] ng kaluluwa. . . . Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid, na nagpapasaya ng puso; ang utos ni Jehova ay malinis, na nagpapaningning ng mga mata [dahil sa pag-asa at maliwanag na pagkaunawa sa layunin ng Diyos].”

Sa pamamagitan ng Bibliya, hindi lamang tayo tinutulungan ni Jehova na itama ang kompas ng ating moralidad at magkaroon ng pinakamagandang buhay na posible sa ngayon. Ipinaalam din niya sa atin ang mangyayari sa hinaharap. (Isaias 42:9) Gaya ng tatalakayin sa susunod na artikulo, may magandang kinabukasan ang lahat ng nagpapaakay sa gabay ng Diyos.

[Kahon/Larawan sa pahina 4, 5]

Ang “Kompas” ng Iyong Moralidad

May mahalagang kaloob ang mga tao​—ang budhi. Kaya naman halos magkakapareho ang mga pamantayan ng paggawi ng mga tao mula sa lahat ng bansa at tribo na nabuhay sa iba’t ibang panahon. (Roma 2:14, 15) Pero nagkakamali rin ang budhi; naiimpluwensiyahan ito ng maling relihiyosong paniniwala, pilosopiya ng tao, maling akala, at maling pagnanasa. (Jeremias 17:9; Colosas 2:8) Kung paanong dapat itama ng isang piloto ang kaniyang instrumento sa nabigasyon, dapat din nating suriin at, kung kinakailangan, itama ang ating moral at espirituwal na kompas ayon sa matuwid na mga pamantayan ng “ating Tagapagbigay-batas,” ang Diyos na Jehova. (Isaias 33:22) Di-tulad ng mga pamantayan ng tao sa paggawi na pabagu-bago sa paglipas ng mga henerasyon, ang sakdal na mga pamantayan ng Diyos ay hindi nagbabago at nananatili magpakailanman. “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago,” ang sabi niya.​—Malakias 3:6.

[Kahon sa pahina 7]

Gabay sa Tagumpay at Kaligayahan

PARA LUMIGAYA

“Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”​—MATEO 5:3.

“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—GAWA 20:35.

“Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”​—LUCAS 11:28.

PARA PAGKATIWALAAN

“Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.”​—EFESO 4:25.

“Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa.”​—EFESO 4:28.

“Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa.”​—HEBREO 13:4.

PARA MAGING MATIBAY ANG UGNAYAN

“Lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”​—MATEO 7:12.

“Ibigin [ng asawang lalaki] ang [kaniyang] asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; . . . ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”​—EFESO 5:33.

“Patuloy ninyong . . . lubusang patawarin ang isa’t isa.”​—COLOSAS 3:13.

PARA MAIWASAN AT MAAYOS ANG DI-PAGKAKAUNAWAAN

“Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.”​—ROMA 12:17.

“Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. . . . Hindi ito nagbibilang ng pinsala.”​—1 CORINTO 13:4, 5.

“Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit.”​—EFESO 4:26.