Hayaan Mong Diyos ang Gumabay sa Iyo sa “Tunay na Buhay”
Hayaan Mong Diyos ang Gumabay sa Iyo sa “Tunay na Buhay”
KAILANGANG mapagkakatiwalaan ang isang gabay. Kumbinsido ang mga nakakakilala kay Jehova, ang Awtor ng Bibliya, na siya ang pinakamaaasahang persona sa lahat. Siya ay “hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2; 2 Timoteo 3:16) Si Josue, isang lalaking may takot sa Diyos at umakay sa Israel sa Lupang Pangako, ay nagpatotoo mismo na mapagkakatiwalaan si Jehova. Sinabi niya sa bayan: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.”—Josue 23:14.
Mula noong panahon ni Josue, marami pang ibang hula sa Bibliya ang natupad. Dahil sa walang-mintis na rekord na ito, tumitibay ang ating pananampalataya sa mga hulang hindi pa natutupad. Marami sa mga ito ay may kinalaman sa layunin ng Diyos para sa lupa at sa masunuring sangkatauhan.
Makikinabang Ka ba Kung Diyos ang Gagabay sa Iyo?
Nais ni Jehova, ang sakdal na halimbawa ng pag-ibig, na lumigaya tayo ngayon at magpakailanman. (Juan 17:3; 1 Juan 4:8) Oo, nais ng Diyos na maranasan natin ang “tunay na buhay”—buhay na walang hanggan. (1 Timoteo 6:12, 19) Kaya naman, maligayang sinusunod ng mahigit anim na milyong Saksi ni Jehova ang utos ng Diyos na ipaabot ang ‘mabuting balita ng kaharian’ sa kanilang kapuwa. (Mateo 24:14) Ginagawa nila ito ngayon sa 235 lupain—sa halos lahat ng bansa sa lupa!
Ang Kaharian ng Diyos ay isang makalangit na pamahalaan na pinamumunuan ni Jesu-Kristo. (Daniel 7:13, 14; Apocalipsis 11:15) Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, pupuksain ang lahat ng balakyot, o masasama—ang mga tumatangging magpasakop sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. (Awit 37:10; 92:7) Pagkatapos nito, ang buong lupa ay “tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:9.
Isipin na lamang ang kapayapaan at pagkakaisang mamamayani kapag lahat ng tao sa lupa ay sumamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan” at buong-pusong nagpasakop sa kaniyang maibiging patnubay at sakdal na mga pamantayan! (Juan 4:24) Sa wakas, mararanasan ng mga tao ang “tunay na buhay” na ipinangako ng Diyos!
Subalit gaya ng inihula, kakaunti lamang ang magpapaakay sa Diyos at mabubuhay nang walang hanggan. (Mateo 7:13, 14) Gusto mo bang maging isa sa kanila? Kung oo, malugod kang inaanyayahan ng mga Saksi ni Jehova na mag-aral ng Bibliya at magpaakay sa payo ng Diyos. Kung gagawin mo ito, ‘matitikman’ mo mismo kung gaano talaga kabuti si Jehova. (Awit 34:8) Kung paanong likas na talino ang gabay ng mga ibon para makarating sa kanilang destinasyon, gagabayan ni Jehova ang mga tapat sa kaniya para mabuhay sa Paraiso.—Lucas 23:43.
[Larawan sa pahina 8, 9]
“Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.”—MATEO 5:5
“Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—AWIT 37:11
“Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan.”—APOCALIPSIS 21:3, 4
“Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”—KAWIKAAN 2:21, 22