Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Sapat Na ba ang Basta “Maging Mabuti”?

Sapat Na ba ang Basta “Maging Mabuti”?

“NAMUMUHAY ako sa pinakamabuting paraang kaya ko at sinisikap kong maging mabuting tao,” ang sabi ng isang kabataang babae na nagngangalang Allison. Tulad niya, marami ang naniniwala na ang gayong pamumuhay lamang ang tanging hinihiling ng Diyos.

Sigurado naman ang ilan na kahit nakagawa sila ng mabigat na kasalanan, walang anuman ito sa Diyos basta’t namumuhay sila sa pangkalahatan sa disenteng paraan. Naniniwala sila na mas nais ng Diyos na magpatawad kaysa sa humatol.

Sabihin pa, iba-iba ang opinyon ng mga tao sa ibig sabihin ng “maging mabuti.” Pero ano ba ang sinasabi ng Bibliya? Ano ang dapat nating gawin upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos? Ano ba talaga ang itinuturing ng Diyos na mabuting tao?

Tanggapin ang Gabay ng Maylalang

Bilang Maylalang, ang Diyos na Jehova ang may karapatang magtakda sa atin ng pamantayang moral. (Apocalipsis 4:11) Sa Bibliya, naglaan ang Diyos ng mga kautusan at simulain na magiging gabay natin sa ating paggawi at pagsamba. Ganito ang sinabi ng Diyos sa kaniyang bayan: “Sundin ninyo ang aking tinig, at gawin ninyo ang mga bagay ayon sa lahat ng iniuutos ko sa inyo; at kayo ay tiyak na magiging aking bayan at ako ang magiging inyong Diyos.”​—Jeremias 11:4.

Kaya upang “maging mabuti” tayo sa pangmalas ng Diyos, kailangang matutuhan natin ang kaniyang mga pamantayan at iayon dito ang ating buhay. Ipagpalagay na gusto mong makipagkaibigan sa isang tao. Siyempre, aalamin mo kung ano ang gusto niyang pakikitungo mo sa kaniya, at pagkatapos ay gagawin mo ang nakalulugod sa kaniya. Ipinakikita ng Bibliya na tulad ng patriyarkang si Abraham, maaari tayong maging kaibigan ni Jehova​—samakatuwid nga, isa na kinalulugdan niya. (Santiago 2:23) Karagdagan pa, yamang mas mataas ang mga pamantayan ng Diyos, hindi natin maaasahan na babaguhin niya ang mga ito para lamang pagbigyan ang gusto nating pamantayan.​—Isaias 55:8, 9.

Ang Kahalagahan ng Pagsunod

Talaga kayang magagalit sa atin ang Diyos kung babale-walain natin ang kaniyang “maliliit” na utos? Maaaring mangatuwiran ang ilan na hindi naman mahalaga ang pagsunod sa ilang “maliliit” na utos. Gayunman, walang batas na ginawa ang Diyos na maituturing na di-mahalaga. Pansinin na sa 1 Juan 5:3, wala namang binabanggit ang Bibliya na may mga utos na mas mahalaga kaysa sa iba nang sabihin nito: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos.” Kapag ginagawa natin ang ating buong makakaya upang sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos, pinatutunayan natin ang ating walang pag-iimbot na pag-ibig sa kaniya.​—Mateo 22:37.

Hindi perpeksiyonista si Jehova. Kung talagang pinagsisisihan natin ang ating mga pagkakamali at gagawin natin ang ating makakaya upang huwag nang maulit ang mga ito, handa niya tayong patawarin. (Awit 103:12-14; Gawa 3:19) Pero maaari ba nating sadyaing labagin ang ilang kautusan, at isiping mapagtatakpan naman ito ng pagsunod natin sa iba pang mga utos? Ipinakikita ng isang halimbawa sa Bibliya na hindi natin ito maaaring gawin.

Pinili lamang ni Haring Saul ng Israel kung anong utos ng Diyos ang susundin niya. Nang makipagdigma siya sa mga Amalekita, inutusan siya na wala siyang dapat itirang hayupan. Dapat niyang ‘patayin ang mga ito.’ Bagaman sinunod niya ang ibang utos, sumuway si Saul at itinira ang “pinakamainam ng kawan at ng bakahan.” Bakit? Dahil pinag-interesan ni Saul at ng bayan ang mga ito.​—1 Samuel 15:2-9.

Nang tanungin ni propeta Samuel si Saul kung bakit hindi nito sinunod ang utos ng Diyos, nangatuwiran si Saul at sinabing sumunod naman siya. Binanggit niya ang mabubuting bagay na ginawa niya at ng bayan, kasama na ang mga handog na inihain nila sa Diyos. Tinanong siya ni Samuel: “Mayroon bang gayon kalaking kaluguran si Jehova sa mga handog na sinusunog at mga hain na gaya ng sa pagsunod sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain, ang pagbibigay-pansin kaysa sa taba ng mga barakong tupa.” (1 Samuel 15:17-22) Kaya hindi natin maaaring pagtakpan ang pagsuway sa Diyos sa ilang bagay sa pamamagitan ng paghahandog ng hain o paggawa ng ibang bagay na mabuti.

Mga Pamantayan ng Diyos​—Patotoo ng Kaniyang Pag-ibig

Yamang maibigin si Jehova, hindi niya tayo hinayaang mangapa kung paano siya palulugdan. Sa Bibliya, nagbigay siya ng maliwanag na pamantayang moral, at sa diwa ay sinasabi niya: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.” (Isaias 30:21) Kapag sinusunod natin ang kaniyang tagubilin, hindi na tayo kailangang mag-apuhap sa nagkakasalungatang mga opinyon ng mga tao hinggil sa moralidad, na humahantong sa kabiguan at kawalang-katiyakan. At makatitiyak tayo na ang patnubay ng Diyos ay laging para sa ating kapakanan, na ‘nagtuturo sa atin upang makinabang tayo.’​—Isaias 48:17, 18.

Ano ang panganib kapag tayo ang nagpasiya kung ano ang maituturing na “mabuti”? Nagmana tayong lahat ng hilig na maging makasarili. Maaari tayong linlangin ng ating puso. (Jeremias 17:9) Baka madali nating ituring na di-gaanong mahalaga ang mga kahilingan ng Diyos na para sa atin ay mahirap o mahigpit.

Halimbawa, maaaring ipasiya ng isang babae’t lalaki na di-kasal na magtalik dahil iniisip nilang wala namang ibang nasasangkot at na sa pagitan lamang nilang dalawa ito. Maaaring alam nilang labag ito sa pamantayan ng Bibliya, ngunit baka sabihin nila na hangga’t “wala namang nasasaktan” malamang na hindi tututol ang Diyos. Dahil sa kanilang pagnanasa, maaaring hindi nila makita ang bigat ng kanilang kasalanan at ang kahihinatnan ng ginawa nila. Nagbababala ang Bibliya: “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.”​—Kawikaan 14:12.

Makikita sa lahat ng kautusan ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa mga tao at ang pagnanais niyang makaiwas tayo sa pagdurusa. Hindi naging mas maligaya at mas matagumpay ang mga tao dahil sa paglihis sa mga pamantayan ng Diyos hinggil sa seksuwal na moralidad at iba pang paggawi. Para sa marami, naging komplikado pa nga ang kanilang buhay. Sa kabilang panig, ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay tumutulong sa ating pagsisikap na maging mabuting tao at hindi masaktan ang ating sarili at ang iba.​—Awit 19:7-11.

Kung taimtim ka sa iyong pagnanais na maging mabuting tao sa paningin ng Diyos, gawin mo ang iyong buong makakaya upang sundin ang kaniyang patnubay. Mararanasan mo mismo na ang “mga utos [ni Jehova] ay hindi pabigat.”​—1 Juan 5:3.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

◼ Bakit natin dapat tanggapin ang patnubay ng ating Maylalang?​—Apocalipsis 4:11.

◼ Dapat ba nating sundin ang lahat ng utos ng Diyos?​—1 Juan 5:3.

◼ Bakit hindi matalino na tayo ang pumili ng ating sariling pamantayang moral?​—Kawikaan 14:12; Jeremias 17:9.

[Larawan sa pahina 21]

Ang pananaw mo ba sa moralidad ay gaya ng sa Diyos?