Ang Pag-ibig Ko sa Musika, Buhay, at Bibliya
Ang Pag-ibig Ko sa Musika, Buhay, at Bibliya
Ayon sa salaysay ni Boris N. Gulashevsky
Gunigunihin ang isang lalaking bulag na mga 65 anyos na at dalawang beses nang inatake sa puso. Umiiyak siya habang nagpapasalamat sa Diyos dahil nagkaroon siya ng pagkakataong makilala Siya. Iyan ang kalagayan ko 11 taon pa lamang ang nakalilipas.
ISINILANG ako noong 1930 sa Tsibulev, isang nayon sa distrito ng Cherkassy, sa Ukraine. Noong 1937, sa panahon ng paniniil ni Stalin, inaresto ang aking ama at hinatulan bilang “kaaway ng Estado.” Pinalayas kami sa aming apartment, at iniwasan ng karamihan sa aming mga kakilala. Di-nagtagal, inaresto rin ang marami sa kanila. Panahon iyon ng laganap na pagsususpetsa, pagtataksil, at takot.
Dalawang buwan matapos arestuhin ang aking ama, isinilang ang aking kapatid na babae, si Lena. Pinalipas namin nina Inay, Lena, at Kuya Nikolai ang taglamig sa isang maliit na kuwartong walang bintana ni kalan. Pagkatapos nito, lumipat kami sa bahay ng aking lolo. Kami ni Kuya Nikolai noon ang nag-aasikaso at nagkukumpuni sa bahay, at nagsisibak ng kahoy na panggatong. Mahilig akong gumawa ng mga bagay-bagay. Gumawa ako ng mga sapatos at nagkarpintero. Mahilig din ako sa musika, kaya gumawa ako ng sarili kong balalaika (isang instrumentong parang gitara) mula sa isang piraso ng plywood at pinag-aralan kong tugtugin iyon. Nang maglaon, natuto rin akong tumugtog ng gitara at mandolin.
Noong bata pa ako, nabinyagan ako sa Simbahang Katoliko. Pero dahil hindi ko maintindihan ang mga turo at kaugalian ng simbahan, naging makatuwiran sa akin ang ateismo. Pagkalipas ng Digmaang Pandaigdig II, sumapi ako sa Komsomol (isang organisasyon ng mga kabataang
Komunista), at kapag may pagkakataon, nakikipagdebate ako sa mga naniniwala sa Diyos, at pinipilit kong patunayan na walang Diyos.Nang Mabulag Ako
Pagkatapos lusubin ng Alemanya ang Unyong Sobyet noong 1941, ilang ulit na nagkaroon ng labanan sa aming nayon noong ikalawang digmaang pandaigdig. Noong Marso 16, 1944, nabulag ako dahil sa isang pambobomba. Nasiraan ako ng loob, nawalan ng pag-asa, at nakadama ng kirot sa katawan.
Nang umusad na sa kanluran ang labanan at napilitang umatras ang mga Aleman, nagsimula akong maglakad-lakad sa hardin at makinig sa huni ng mga ibon. Dahil naaawa sa akin si Inay, binibigyan niya ako ng alak, at inaanyayahan ako ng mga tagaroon sa kanilang mga handaan, kung saan tumutugtog ako para sa kanila. Nanigarilyo ako at nilunod ko sa alak ang aking kalungkutan. Di-nagtagal, napag-isip-isip kong hindi nito malulutas ang aking problema.
Nalaman ng aking tiyahin, na isang guro, ang tungkol sa mga paaralan para sa mga bulag at kinumbinsi niya si Inay na pag-aralin ako sa isa sa mga ito. Noong 1946, buong-pananabik akong nag-aral sa lunsod na kilala ngayon bilang Kam’yanets’-Podil’s’kyy. Natuto akong magbasa at magmakinilya ng Braille. Ipinagpatuloy ko rin ang pag-aaral ng musika, at gumugol ako ng maraming oras sa pagpapakadalubhasa sa pagtugtog ng concertina (isang maliit na instrumentong kahawig ng akordiyon). Napansin ng katulong na prinsipal ang aking mga pagsisikap kaya ipinahiram niya sa akin ang kaniyang akordiyon. Natuto rin akong tumugtog ng piyano.
Sarili Kong Tahanan
Noong 1948, pinakasalan ko ang isa sa mga guro sa paaralan, na tumulong sa aking pag-aaral. Namatay ang kaniyang asawa noong digmaan at naiwan sa kaniya ang dalawang anak na babae. Nang makatapos ako sa pag-aaral, lumipat ako sa kaniyang bahay. Ginawa ko ang lahat para maging mabuting asawa at ama, at naghanapbuhay ako sa pamamagitan ng pagtugtog. Pagkatapos, noong 1952, nagkaroon kami ng anak na lalaki.
Nagpatayo ako ng bahay para sa aking pamilya. Umupa ako ng mga tao upang gawin ang pundasyon at mga pader ng bahay, pero ako mismo ang gumawa ng maraming iba pang trabaho. Kahit bulag ako, nakatulong naman sa akin ang imahinasyon at pandamdam. Hinahawakan ko ang isang piraso ng kahoy, sinasalat ito, at inilalarawan ito sa aking isipan. Pagkatapos, makagagawa na ako mula roon ng mga bagay-bagay, pati na ng mga kasangkapang kahoy. Ang mga kasangkapang bakal naman ay binibili ko sa isang pagawaan. Nakagawa ako ng kalang yari sa ladrilyo, mga muwebles, at iba pang bagay.
Orkestra ng mga Pipa
Tumanggap pa ako ng higit na pagsasanay at naging isang propesyonal na manunugtog. Pagkatapos magpakadalubhasa sa pagtugtog ng iba’t ibang instrumento, natutuhan kong tumugtog ng pipa. Minsan, may kinumpuni akong maliit na pipa na yari sa kawayan. Nang maglaon, natuto na akong gumawa ng sarili kong mga pipa. Para sa
mga eksperto noong panahong iyon, imposibleng makagawa ng mga pipa na may mababang tono, yamang magiging napakahina ng tunog nito dahil sa laki ng pipa. Kaya walang orkestra ng mga pipa noon.Pero nakagawa ako ng pipa na may espesyal na aparatong makapagpapalakas ng tunog nito. Kaya maaari nang makagawa ng mga pipa na makatutugtog ng mga notang napakababa ng tono pero malakas pa rin ang tunog. Sa kalaunan, nakagawa ako ng iba’t ibang set, o uri, ng mga pipa na sabay-sabay na makatutugtog ng mga kombinasyon ng mga nota.
Nakapagsaayos na ako noon ng mga orkestra ng tradisyonal na mga instrumento. Ang isa sa aking mga orkestra ay binubuo ng mga bulag na manunugtog. Pagkatapos, noong 1960, bumuo ako ng orkestra ng mga pipa. Nag-iisa ito noon sa Unyong Sobyet at marahil sa buong mundo.
Mga Natuklasan at Pag-aalinlangan
Noong 1960, ipinakumpuni ko ang ilan sa aking mga instrumento sa isang eksperto, at ipinakipag-usap niya sa akin ang tungkol sa relihiyon. Gaya ng dati, nakipagdebate ako sa kaniya, at iginiit na walang Diyos. Iminungkahi niyang makinig na lamang ako sa mga babasahin niya mula sa Bibliya. Yamang hindi pa ako nakababasa ng Bibliya, pumayag ako.
Naantig ako sa kuwento tungkol kay Jacob na masikap na nagtrabaho para paglaanan ang kaniyang pamilya. Napaiyak naman ako nang marinig ko ang kuwento hinggil kay Jose na ibinenta ng kaniyang mga kapatid para maging alipin at ang dinanas niyang mga pagsubok, gayundin kung paano niya pinatawad ang kaniyang mga kapatid nang maglaon. (Genesis, kabanata 37, 39-45) Gustung-gusto ko rin ang Gintong Aral na nagsasabing pakitunguhan natin ang iba sa paraang nais nating pakitunguhan tayo. (Mateo 7:12) Sa gayon, nagkaroon ako ng kabatiran hinggil sa Bibliya at nagustuhan ko ito.
Kasama ng kaibigan kong tagakumpuni, nagsimula akong sumama sa mga Baptist at binigyan nila ako ng “Bagong Tipan” sa Braille, na sinimulan kong basahing mabuti. Pero napansin ko ang mga pagkakasalungatan ng sinasabi nito at ng turo ng mga Baptist. Halimbawa, sinasabi sa Bibliya na ang Diyos at si Jesus ay dalawang magkaibang persona at ang Diyos ay mas dakila kaysa kay Jesus. (Mateo 3:16,17; Juan 14:28; Gawa 2:32) Pero iginigiit ng mga Baptist na ang Diyos at si Jesus ay magkapantay, at bahagi ng Trinidad. Maraming ulit kong binasa ang aking “Bagong Tipan,” anupat literal na sinasalat ang bawat salita, at natiyak kong wala nga sa Bibliya ang kanilang turo.
Sa salin ng kopya namin ng Bibliya, ginamit ang salitang “impiyerno.” Sinikap kong ilarawan sa isipan ang impiyerno ayon sa turo ng mga Baptist—isang lugar ng walang-hanggang maapoy na pagpapahirap. Kinilabutan ako! Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay pag-ibig, at hindi ko maubos-maisip na maaatim niyang gumawa ng gayong lugar. (1 Juan 4:8) Lumipas ang panahon, at lalong tumindi ang pag-aalinlangan ko tungkol sa impiyerno at sa iba pang turo ng mga Baptist.
Malalaking Pagbabago
Pagsapit ng 1968, mayroon na ring sariling pamilya ang mga anak na babae ng aking asawa. Nang panahong iyon, hindi na kami magkasundo ng aking asawa. Kapag naaalaala ko iyon, nagsisisi ako dahil hindi sapat ang ipinakita naming pag-ibig at pagtitiis sa isa’t isa. Nagdiborsiyo kami, at ang aking dalawang sumunod na pag-aasawa ay nauwi rin sa diborsiyo.
Noong 1981, umalis ako sa Kam’yanets’-Podil’s’kyy, na naging tirahan ko sa loob ng 35 taon, at lumipat ako sa Yoshkar-Ola, mga 600 kilometro sa silangan ng Moscow. Doon ko ipinagpatuloy ang aking gawain. Isa sa aking mga orkestra ay binubuo ng 45 miyembro na tumutugtog ng iba’t ibang uri ng pipa—mula sa 20 sentimetrong mataas-na-tonong pipa na may diyametro na isang sentimetro hanggang sa mahigit na 3 metrong haba na doble bajo na 20 sentimetro ang diyametro. Isinasahimpapawid sa mga radyo at telebisyon ang aming mga konsiyerto at tumutugtog kami sa iba’t ibang lugar sa buong bansa.
Sa isang paligsahan ng mga grupo ng manunugtog mula sa buong Unyong Sobyet noong 1986, nakatanggap ako ng sertipiko at medalya dahil sa nagawa kong pagpapasulong sa sining ng pagtugtog ng mga pipa. Makalipas ang ilang taon, ginawa ang isang dokumentaryong pelikula na pinamagatang Solo for Pipe, or the Fairy Tale of a Musician. Iniulat ng pahayagang Mariiskaya Pravda: “Nakatanggap ng pantanging sertipiko si Boris Nikolaievich Gulashevsky, na itinampok sa pelikulang ito, bilang ang tagapagpasimula ng orkestra ng mga pipa na nag-iisa sa buong Russia.”
Paghahanap sa Katotohanan
Nang lumipat ako sa Yoshkar-Ola, nagparehistro ako upang magamit ang sistema ng isang aklatan, na may napakaraming materyal para sa mga bulag. Naging pamilyar ako sa mga turo ng Katoliko, Pentecostal, at Metodista. Nagsimba rin ako sa Simbahang Ortodokso. Nagulat ako nang matuklasan kong ang itinuturo nila ay katulad din ng mga narinig ko sa Simbahang Baptist, na alam kong hindi naman salig sa Bibliya.
Isang paring Ortodokso, si Alexander Men, ang sumulat na ang Diyos ay may personal na pangalan—Yahweh. Sinabi rin niya na dalisay noon ang pagsamba ng mga Judio, pero nang maglaon ay nadumhan ito ng mga paganong turo at ng idolatriya. Humanga ako sa mga akda niya at pinasigla nito ang aking hangarin na hanapin ang katotohanan.
Mas Matinding Determinasyon
Sa isa sa aking mga orkestra, may isang manunugtog na Liza ang pangalan. Napakalabo ng kaniyang paningin anupat maituturing na siyang bulag. Nagpakasal kami noong 1990, at nagkainteres din siya sa espirituwal na mga bagay. Nang taon ding iyon, dinalaw ko si Inay na naninirahan kasama ng kapatid kong si Lena, sa Baranovichi, Belarus. Dahil sa kahilingan ng aking ina, nagsimba ako sa Simbahang Katoliko, at tumanggap ng Komunyon. Panahon noon ng pagbabago sa Unyong Sobyet, at ang kalakhang bahagi ng sermon ng pari ay tungkol sa pagbabago sa pulitika. Muli, natiyak kong hindi ito ang relihiyong kailangan ko.
Noong 1994, dalawang beses akong inatake sa puso at naging malubha ang kalagayan ko. Nang taon ding iyon, namatay ang aking ina. Sa kabila ng lahat, patuloy pa rin ako sa pagbabasa ng Bibliya. Nabasa ko na ang “Bagong Tipan” nang 25 ulit, at mula noo’y hindi na ako nagbilang pa. Pero patuloy ko itong binasa at lalong dumami ang aking mga tanong. Naging maliwanag sa akin na hindi ko mauunawaan ang katotohanang nasa Bibliya sa sariling pagsisikap ko lamang.
Liwanag ng Kaunawaan
Noong 1996, kumatok ang mga Saksi ni Jehova sa aming pintuan sa Yoshkar-Ola. Pinaghinalaan ko sila dahil ayon sa mga pahayagan, sila ay mapanganib na sekta. Pero naisip ko, ‘Anong pinsala naman kaya ang magagawa nila sa akin?’ Una kong tinanong ang tungkol sa pangmalas nila sa Trinidad. Sinabi nila na ang salitang iyon ay wala sa Bibliya, ni ang konsepto nito. Natuwa ako dahil gayundin ang naging konklusyon ko.
Tuwang-tuwa ako nang mabasa ko ang Exodo 6:3 mula sa Rusong Bibliya na inaprubahan ng sinodo, kung saan nakasulat ang pangalan ng Diyos, Jehova. Hindi ako makapaniwala sa panlilinlang na ginawa ng mga relihiyon anupat itinago nila ang pangalang ito sa mga tao. At hinangaan ko ang mga Saksi dahil taglay nila ang pangalan ng Maylalang at inihahayag ito sa iba!—Isaias 43:10.
Pinaulanan ko ng mga tanong ang mga Saksi. Halimbawa: “Bakit may impiyerno sa Bibliya? Bakit sinasabi sa popular na Rusong Bibliyang inaprubahan ng sinodo na masusunog ang lupa?” Napakarami kong tanong, pero nang masagot ang mga iyon mula sa Bibliya, napagtanto kong natagpuan ko na ang relihiyong matagal ko nang hinahanap. Lumuluha akong lumuhod at nagpasalamat sa Diyos.
Di-nagtagal, isinama ako ng mga Saksi sa kanilang mga pagpupulong, at humanga ako sa kanilang matamang pakikinig at sa naririnig kong kaluskos ng mga pahina ng Bibliya habang nagpapahayag ang tagapagsalita. Kapag may binanggit na teksto sa Bibliya ang tagapagsalita, tinitingnan nila iyon sa kanilang sariling kopya ng Bibliya. Ngayon ko lang iyon naranasan. Sa pulong na iyon, inawit ng mga Saksi ang isang awiting salig sa Isaias 35:5 na nagsisimula sa mga salitang: “Pag ang bulag nakakita.”
Nasiyahan ako sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi nang hanggang apat na beses sa isang linggo. Di-nagtagal, natutunan ko kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang mga problema at digmaan, at kung paano niya lulunasan ang pagdurusang idinulot ng mga ito. Lalo na akong naantig nang malaman ko ang maibiging pangako ng Diyos tungkol sa kaniyang Kaharian, na siyang gagamitin niya upang tuparin ang kaniyang layunin Genesis 1:28; Isaias 65:17-25; Apocalipsis 21:1-5) Naging lalong maliwanag sa akin ang mga katotohanang nasa Bibliya, at noong Nobyembre 16, 1997, nabautismuhan ako bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos.
na mabuhay magpakailanman sa paraiso sa lupa ang masunuring mga tao. (Magkasama sa Paglilingkod sa Diyos
Di-nagtagal pagkatapos ng aking bautismo, nag-aral din ng Bibliya si Liza. Bagaman naparalisa siya, mabilis ang kaniyang pagsulong at nabautismuhan siya noong 1998. Kinailangan siyang buhatin papunta sa pagbabautismuhan, pero determinado siyang maglingkod sa Diyos nang buong kaluluwa. Umupa kami ng terapist para magmasahe kay Liza, at nag-ehersisyo rin siya. Sa kalaunan, gumaling ang kaniyang paralisis. Ngayon, hindi lamang siya dumadalo sa lahat ng pagpupulong kundi nakikibahagi rin siya sa pangangaral sa bahay-bahay, kahit sa malalayong teritoryo.
Tuwing nangangaral ako, nananalangin ako para sa lakas ng loob. Pagkatapos manalangin, kinukuha ko ang aking tungkod, lalabas ng bahay, at maglalakad sa kalsadang kabisado ko patungo sa sakayan ng trolleybus. Kapag nararamdaman kong may papalapit sa akin, sinisimulan kong ipakipag-usap ang Bibliya. Kapag sumasakay sa trolleybus, nauupo ako sa bandang gitna, at nakikipag-usap sa mga tao tungkol sa Bibliya, at namamahagi ng mga literatura. Kung may interesado, tinatanong ko ang numero ng kanilang telepono at ibinibigay ko rin naman ang aking numero.
Kamakailan, nagkaroon ako ng pagkakataon na makausap ang isang guro sa musika sa isang pasilidad para sa mga nagpapaterapi at nagpapagamot. Namangha siya sa karunungang nasa Bibliya. Pag-uwi niya sa kanila, nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sa pasilidad ding iyon, nakausap ko ang direktor ng isang lokal na pabrika, na may bulag na anak. Ibinahagi ko sa kaniya ang aking pag-asa, at naging interesado siya at nagpasalamat sa narinig niyang katotohanan mula sa Bibliya.
Mula nang mabautismuhan ako, natulungan ko ang walong tao na maging tagapaghayag din ng Kaharian, at nakapagdaos din ako ng pag-aaral sa Bibliya sa maraming iba pa. Kaming mag-asawa ay patuloy na sinusuportahan ni Jehova sa pamamagitan ng aming Kristiyanong mga kapatid. Binabasahan nila kami, at tinatalakay naming magkakasama ang salig-Bibliyang mga publikasyon. Inirerekord din nila para sa amin ang mga pahayag sa kongregasyon at sa kombensiyon. Nakatulong ang lahat ng ito upang maikintal sa aming puso at maibahagi sa iba ang katotohanan mula sa Bibliya. Kaya naging “tulong na nagpapalakas” sa amin ang kongregasyon.—Colosas 4:11.
Iniukol ko ang maraming taon ng aking buhay sa musika, at ngayo’y masaya akong umaawit ng mga awiting pang-Kaharian. Kabisado ko ang halos lahat ng awitin sa aklat-awitan na Umawit ng mga Papuri kay Jehova sa wikang Ruso. Naniniwala ako na natagpuan ako ni Jehova sa napakasamang sanlibutang ito at tinulungan niya akong makalabas sa espirituwal na kadiliman. Kaya kumbinsido ako na darating ang panahon na palalayain din niya ako mula sa aking literal na kadiliman.
[Larawan sa pahina 19]
Tumutugtog ng mababang-tonong pipa na “C-major”
[Larawan sa pahina 20]
Tumutugtog ng akordiyon, 1960
[Larawan sa pahina 20, 21]
Isang orkestra ng mga pipa
[Larawan sa pahina 23]
Kasama si Liza ngayon