Hakbang 1
Humanap ng Mabuting Payo
Bakit mahalaga ito? Sa unang kalong pa lamang ng mga magulang sa kanilang kasisilang na sanggol, nakadarama agad sila ng magkahalong emosyon. “Tuwang-tuwa ako at mangha-mangha,” ang sabi ni Brett, isang ama na nakatira sa Britanya. “Pero nakadama rin ako ng napakalaking pananagutan at pakiramdam ko’y hindi pa ako handang maging ama.” Ganito naman ang sinabi ni Monica, isang inang nakatira sa Argentina: “Nangangamba akong baka hindi ko maibigay ang mga pangangailangan ng aking anak. Naiisip ko, ‘Mapalalaki ko kaya siyang isang responsableng adulto?’”
Naramdaman mo na rin ba ang tuwa at takot ng mga magulang na ito? Oo, ang pagpapalaki ng anak ay isa sa pinakamahirap na trabaho pero kasiya-siya naman, masakit sa ulo pero sulit naman. Gaya ng sinabi ng isang ama, “minsan mo lamang palalakihin ang iyong anak.” Yamang napakalaki ng papel na ginagampanan ng mga magulang sa kalusugan at kaligayahan ng kanilang mga anak, iisipin mong talagang kailangan mo ang mapagkakatiwalaang payo kung paano magiging isang mabuting magulang.
Ang hamon: Waring lahat naman ay may maipapayo tungkol sa pagpapalaki ng mga anak. Noon, ang bagong mga magulang ay umaasa sa halimbawa ng kanilang mga magulang o sa kanilang mga relihiyosong paniniwala. Pero sa ilang lupain, nasisira na ang ugnayan ng pamilya at nawawala na ang impluwensiya ng relihiyon. Dahil dito, maraming magulang ang humihingi ng payo sa propesyonal na mga tagapayo. Ang ilan sa sinasabi ng mga ekspertong ito ay salig sa magagandang simulain. May mga pagkakataon naman na ang payo ng mga ekspertong ito ay nagkakasalungatan at maaaring madaling lumipas.
Ang solusyon: Humingi ng payo sa Isa na nakaaalam ng lahat tungkol sa pagpapalaki ng mga anak—ang Maylalang ng tao, ang Diyos na Jehova. (Gawa 17:26-28) Ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay naglalaman ng tuwirang payo at praktikal na mga halimbawa na tutulong sa iyo upang maging mas mabuting magulang. “Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo,” ang pangako niya.—Awit 32:8.
Anong payo ang ibinibigay ng Diyos sa mga magulang na tutulong sa kanila upang makapagpalaki ng maliligayang anak?
[Blurb sa pahina 3]
“Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.”—Kawikaan 3:5