Hakbang 6
Ipadamang Nauunawaan Mo ang Damdamin ng Iyong Anak
Bakit mahalaga ito? Gusto ng mga anak na malaman ng pinakaimportanteng mga tao sa kanilang buhay—ang kanilang mga magulang—ang kanilang nadarama. Kung palagi na lamang kokontrahin ng mga magulang ang kanilang mga anak kapag sinasabi ng mga ito ang kanilang nadarama, hindi na gaanong magkukuwento sa kanila ang mga bata at baka akalain pa ng mga ito na laging mali ang kanilang nadarama at iniisip.
Ang hamon: Karaniwan na sa mga bata na maging eksaherado sa kanilang iniisip at nadarama. Oo, may sinasabi ang mga bata na talaga namang nakayayamot sa mga magulang. Halimbawa, baka sabihin ng isang desperadong bata, “Ayoko nang mabuhay.” * Maaaring agad na isagot ng magulang, “Tumigil ka nga d’yan!” Maaaring isipin ng mga magulang na kung pakikinggan nila ang negatibong damdamin o isipan ng bata, para na rin nilang kinukunsinti ito.
Ang solusyon: Ikapit ang payo ng Bibliya na “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Pansinin na inunawa ng Diyos na Jehova ang negatibong damdamin ng marami sa kaniyang mga tapat na lingkod sa pamamagitan ng paglalagay ng mga ito sa Bibliya. (Genesis 27:46; Awit 73:12, 13) Halimbawa, nang si Job ay dumaranas ng matinding pagsubok, sinabi niyang gusto na niyang mamatay.—Job 14:13.
Maliwanag na kailangang ituwid ang ilang kaisipan ni Job. Subalit sa halip na kontrahin ang damdamin ni Job o pigilan siya sa pagsasalita, iginalang ni Jehova si Job sa pamamagitan ng matiyagang pakikinig sa kaniyang mga hinaing. Pagkatapos lamang nito saka siya may-kabaitang itinuwid ni Jehova. Ganito ang sabi ng isang Kristiyanong ama, “Yamang hinahayaan ni Jehova na sabihin ko sa kaniya sa panalangin ang aking mga hinaing, makatuwiran lamang na hayaan ko rin ang aking mga anak na sabihin sa akin ang kanilang positibo at negatibong damdamin.”
Sa susunod na matukso kang pagsabihan ang iyong anak na, “Tumigil ka nga d’yan” o “Huwag mo ngang isipin ’yan,” tandaan ang popular na tuntunin ni Jesus: “Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.” (Lucas 6:31) Halimbawa, sabihin nang pinagalitan ka sa iyong pinagtatrabahuhan o nabigo ka, maaaring dahil na rin sa iyong pagkukulang. Nabanggit mo ito sa iyong matalik na kaibigan, anupat sinasabing hindi mo na makayanan ang trabaho mo. Ano ang gusto mong sabihin sa iyo ng kaibigan mo? Gusto mo bang pagsabihan ka ng kaibigan mo na, “Huwag ka ngang ganiyan, tutal ikaw naman ang may kasalanan”? O mas gusto mong sabihin sa iyo ng kaibigan mo: “Naku, mahirap nga ’yan. Problema talaga ’yan”?
Malamang na tanggapin ng mga bata at ng matatanda ang payo kung nakikita nilang ang nagpapayo ay nakaiintindi sa kanila at sa kanilang problema. “Pinangyayari ng puso ng marunong na ang kaniyang bibig ay magpakita ng kaunawaan, at sa kaniyang mga labi ay nagdaragdag ito ng panghikayat,” ang sabi ng Salita ng Diyos.—Kawikaan 16:23.
Paano mo matitiyak na talagang tinatanggap ang lahat ng payo mo?
[Talababa]
^ par. 4 Huwag ipagwalang-bahala ang sinasabi ng iyong mga anak tungkol sa iniisip nilang pagpapakamatay.
[Blurb sa pahina 8]
“Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya.”—Kawikaan 18:13