Ang Pangmalas ng Bibliya
Maaari Ka Bang Maging Masaya sa Iyong Pagsamba sa Diyos?
“NANINIWALA ako sa Diyos at mahal ko siya,” ang isinulat ng isang nag-aangking Kristiyano. “Pero . . . nababagot ako sa mga misa sa simbahan.” Ganiyan din ba ang nadarama mo? Ang totoo, dahil sa pagkabagot, kawalang-kasiyahan, at pagkadismaya, gumawa na lamang ang ilan ng sarili nilang paraan ng pagsamba sa Diyos.
Binanggit ng isang pahayagan kamakailan na marami sa ngayon ang gumagawa nito. Pero para sa mga gustong maging masaya sa pagsamba sa Diyos, hindi nagiging kalugud-lugod ang gayong paraan. Bakit? Dahil maaaring maulit lamang ang kabiguang nagtulak sa kanila na iwan ang kanilang relihiyon noong una.
Kaya ang tanong, Nakababagot ba ang pamumuhay kasuwato ng mga turo sa Bibliya? Hinding-hindi! Halimbawa, pansinin ang sinabi ng isang salmista sa Bibliya: “O halikayo at humiyaw tayo nang may kagalakan kay Jehova! . . . O pumarito kayo, sumamba tayo at yumukod; lumuhod tayo sa harap ni Jehova na ating Maylikha.”—Awit 95:1, 6.
Isa pang salmista sa Bibliya ang may-pagpapahalagang umawit kay Jehova: “Ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Sa Kasulatan, tinawag si Jehova na “maligayang Diyos,” at ang kaniyang mga mananamba ay laging masaya, noon at ngayon.—Awit 83:18; 1 Timoteo 1:11.
Saligan ng Kagalakan
Ang saligan ng tunay na kagalakan sa ating pagsamba ay ang pagkaalam ng mismong ginawa ni Jehova para maipakita sa atin ang kaniyang pag-ibig. Ano iyon? “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ang sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak [si Jesu-Kristo], upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
Kaya, gaya ng sinasabi ng Bibliya, kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:3, 4) Hindi ito basta pagkaalam lamang ng ilang talata sa Bibliya. Sa halip, kailangan nating “kunin ang diwa” ng binabasa natin, at kasali rito ang maingat at taimtim na pag-aaral. (Mateo 15:10) Ang pakinabang ay: “Masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.” Talaga ngang kawili-wili iyan!—Kawikaan 2:1-5.
Noong unang siglo, nadama ng mga taga-Berea, isang lunsod sa Macedonia, ang gayong kagalakan. Nang ituro ni apostol Pablo sa kanila ang salita ng Diyos, “tinanggap nila ang salita nang may Gawa 17:11.
buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.” Hindi sila magkakaroon ng gayong pananabik kung nakababagot ang kanilang pag-aaral ng Kasulatan.—Sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, yamang sila ay bubusugin.” (Mateo 5:6) Gaya ng mga taong gutom na gutom pero nagsimulang kumain nang regular, marami sa ngayon ang tuwang-tuwa dahil nasasapatan ang kanilang pagkagutom sa espirituwal. Kaya, gaya ng mga taga-Berea, “marami sa kanila ang naging mananampalataya.”—Gawa 17:12.
Isang Paraan ng Pamumuhay
Tinanggap ng mga tunay na mananamba noong unang siglo ang “Daan,” isang terminong ginamit sa Gawa 9:2 na tumutukoy sa bagong paraan ng pamumuhay ng mga sinaunang Kristiyano. Gayundin ang dapat gawin ng mga nagnanais na maging masaya sa kanilang pagsamba sa Diyos sa ngayon. Dapat na hayaan nilang maimpluwensiyahan ng mga katotohanan mula sa Bibliya ang kanilang pag-iisip at paggawi sa araw-araw.
Kaya hinimok ni apostol Pablo ang mga taga-Efeso: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi.” Ngunit higit pa ang kailangan, gaya ng patuloy na sinabi ni Pablo: “Magbihis [kayo] ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”—Efeso 4:22-24. *
Sa pagsunod natin sa payong iyan at paggawa ng pagbabago sa ating buhay ayon sa kalooban ng Diyos, magkakaroon tayo ng higit na dahilan para maging maligaya. Ano ang dahilang iyon? Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Colosas na kailangan nilang gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay “sa layuning lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos.” (Colosas 1:10) Ang pagkaalam na nalulugod ang tunay na Diyos sa ating paraan ng pamumuhay ay isa ngang dahilan upang magalak! Karagdagan pa, ginawang posible ng Diyos na mapalugdan siya “nang lubos.” Paano? Sa pamamagitan ng kapatawaran.
Lahat tayo ay nagkakasala; lahat tayo ay nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos. “Si Kristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan,” ang sabi ni Pablo, gaya ng nakaulat sa 1 Timoteo 1:15. Nang ihandog ni Jesus ang kaniyang buhay para sa atin, naging posible ang kapatawaran ng ating mga kasalanan. Sa gayon, nagiginhawahan ang isang tunay na mananamba dahil wala na siyang dalahin sa kaniyang dibdib na dulot ng pagkakasala. Maaari na siyang magkaroon ng malinis na budhi at magalak sa pagtitiwala na hangga’t marubdob niyang ginagawa ang kalooban ng Diyos, mapatatawad ang kaniyang mga kasalanan.
Higit Pang Dahilan Upang Magalak
Kapag ipinasiya ng isa na sambahin ang tunay na Diyos, hindi siya nag-iisa. Isinulat ni David, isang salmista sa Bibliya: “Ako ay nagsaya nang sabihin nila sa akin: ‘Pumaroon tayo sa bahay ni Jehova.’” (Awit 122:1) Oo, mapasisidhi ang ating kagalakan kung regular tayong makikisama sa iba pang tunay na mananamba.
Nang makadalo sa isang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova ang isang lalaki, sumulat siya: “Nasaksihan namin ang kanilang kabaitan at pagtutulungan, na nagpapahiwatig ng kanilang malapít na ‘pagsasamahan.’ Ang mahinhin at kagalang-galang na paggawi ng napakaraming kabataan ay talagang maipagmamalaki nila at ng kanilang mga magulang. Talagang nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ako ng gayong kasiya-siyang karanasan.”
Maaari ka ring maging masaya sa pagsamba kay Jehova gaya ni David noon. “Maglingkod kayo kay Jehova na may pagsasaya,” ang paghimok niya. “Lumapit kayo sa harap niya na may hiyaw ng kagalakan.” (Awit 100:2) Ang lahat ng naglilingkod sa tunay na Diyos nang may tamang motibo ay makaaasa na magiging masaya ang kanilang pagsamba.
[Talababa]
^ par. 14 Sa pagbabasa ng Efeso kabanata 4 at Colosas kabanata 3, higit mong mauunawaan ang nasasangkot sa pagbabagong ito ng personalidad.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Ano ang saligan ng tunay na pagsamba?—1 Timoteo 2:3-6.
◼ Paano nagdudulot sa atin ng kagalakan ang haing pantubos ni Kristo?—1 Timoteo 1:15.
◼ Paano makatutulong ang mga Kristiyanong pagpupulong para maging masaya ka sa iyong pagsamba?—Awit 100:1-5.
[Larawan sa pahina 10]
Nagdudulot ng kasiyahan ang pagsama sa iba sa pag-aaral ng Bibliya