Hakbang 4
Magtakda ng Malilinaw na Tuntunin at Agad Itong Ipatupad
Bakit mahalaga ito? “Ang totoo,” sabi ni Ronald Simons, isang sosyologo sa University of Georgia, “mas mapapabuti ang mga bata kung may malilinaw na tuntunin at katapat na parusa. Kung wala ito, ang mga bata ay nagiging makasarili, sakim, at bugnutin—at idinaramay pa nila ang iba.” Simple lamang ang sinabi ng Salita ng Diyos: “Ang nagmamahal sa anak ay masikap na nagtutuwid dito.”—Kawikaan 13:24, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ang hamon: Ang pagtatakda at pagpapatupad ng makatuwirang mga tuntunin sa paggawi ng iyong mga anak ay nangangailangan ng panahon, sikap, at tiyaga. At waring likas na sa mga bata na subukan kung hanggang saan nila puwedeng labagin ang mga tuntuning ito. Maganda ang sinabi nina Mike at Sonia, may dalawang anak, tungkol sa hamong ito. “Ang mga bata ay may sariling pag-iisip at kagustuhan at likas na hilig na magkasala,” ang sabi nila. Mahal na mahal ng mga magulang na ito ang kanilang dalawang anak. Pero inamin nila, “Kung minsan, ang mga bata ay nagiging matigas ang ulo at makasarili.”
Ang solusyon: Tularan ang pakikitungo ni Jehova sa bansang Israel. Ang isang paraan ng pagpapakita ng pag-ibig niya sa kaniyang bayan ay ang pagtatakda ng malilinaw na kautusan na inaasahan niyang susundin nila. (Exodo 20:2-17) Inisa-isa niya ang ibubunga ng paglabag sa mga kautusang ito.—Exodo 22:1-9.
Kung gayon, bakit hindi isulat ang mga tuntunin, na sa palagay mo’y dapat sundin ng iyong mga anak. Iminumungkahi ng ilang magulang na gumawa lamang ng ilang tuntunin, marahil ay mga lima lamang. Ang isang maikling talaan ng pinag-isipang mga tuntunin ay mas madaling ipatupad at mas malamang na matandaan. Sa tapat ng bawat tuntunin, isulat ang parusa kapag nilabag ito. Tiyaking makatuwiran ang mga parusa at na talagang gagawin mo ito. Regular na repasuhin ang mga tuntunin para eksaktong malaman ng lahat—pati na ng mga magulang—ang inaasahan sa kanila.
Kapag may lumabag sa tuntunin, ilapat agad ang disiplina, pero gawin ito nang mahinahon, matatag, at di-pabagu-bago. Tandaan: Kapag galit ka, magpalamig ka muna ng ulo bago magdisiplina. (Kawikaan 29:22) Pero huwag mo itong ipagpaliban. Huwag mong pagaanin ang parusa. Kapag ginawa mo ito, iisipin ng iyong anak na hindi ka naman pala seryoso sa iyong mga tuntunin. Katulad ito ng sinabi ng Bibliya: “Dahil ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi kaagad inilalapat, kung kaya ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubusang nakatalaga sa mga iyon upang gumawa ng masama.”—Eclesiastes 8:11.
Paano mo pa magagamit ang iyong awtoridad sa paraang makikinabang ang iyong mga anak?
[Blurb sa pahina 6]
“Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.”—Mateo 5:37